JUNRY HIDALGO: Good morning po sa inyo, Secretary Harry Roque, si Junry Hidalgo po ito at Neil Badion.
Q: Magandang umaga po.
SEC. ROQUE: Ay oo magandang umaga po sa inyo at magandang umaga po sa mga nanonood at nakikinig ngayong Linggong umaga.
Q: Secretary kayo ba ay nasaan ngayon? Kasi noong isang araw na-monitor ko parang nasa Albay kayo?
SEC. ROQUE: Opo nag-press briefing po tayo sa Albay at naging pagkakataon naman po iyon para linawin iyong kay Secretary Solidum kung ano talaga ang nangyayari doon sa ‘pag-aalburuto ng Mayon. So, pero nakabalik na po tayo mula noong press briefing sa Albay.
Q: Iyon, opo. Matanong ko lamang kayo. Ano po ba iyong pananaw ninyo dito iyong binabanggit na zero budget statement ni Speaker Alvarez sa mga LGUs na hindi susuporta sa federalism?
SEC. ROQUE: Well alam ninyo po iyong pagrerebisa ng Saligang batas, iyan po ay katungkulan ng Kongreso ngayong nagbotohan na sila na gagawin nila ito sa pamamagitan ng constituent assembly. So ang Malacañang naman po, hindi nanghihimasok sa prosesong iyan dahil alam naman natin mayroon pong tinatawag na separation of powers sa panig ng Kongreso at ng Ehekutibo, ng Malacañang.
Q: Pero po kayo ay naging Congressman din Secretary. Technically po puwede ho bang banggitin iyon na makakakuha ng zero budget ang LGU?
SEC. ROQUE: Well, napakahirap pong magkomento kasi hindi na ako kongresista. So ang aking posisyon na lang po diyan ay usaping Kongreso po iyan at iiwan namin sa mga liderato ng Kongreso iyan. At ang Kongreso naman po ay dalawang kapulungan, hindi naman po pupuwede na iisang kapulungan lamang ang magdedesisyon diyan dahil iyong proseso ng budget making, iyong pagpapasa ng batas ay kinakailangan po nagkakasundo ang Kongreso at saka ang Senado.
Q: Medyo stretch ko po iyong tanong ko pa. Kung sinabi ng Speaker Alvarez na zero budget sa mga LGU na hindi susuporta sa federalism. Naisabatas na po iyong GAA for 2018. So may budget na po sila. Siguro kung mangyayari po iyan, ito’y sapantaha ko lamang, iyon ay panukala at puwedeng kung magkakatotoo man ay sa susunod na taon sapagka’t may budget na ngayon ang gobyerno?
SEC. ROQUE: Tama po kayo diyan, kung ano man ang mga paplanuhin ng ating mga Kongresista, iyan po ay para sa budget ng 2019. Pero mayroon din po tayong mga umiiral na batas, iyong batas na nagsasabi na ang IRA po ay automatically dispersed at nagkaroon na po ng desisyon diyan ang Korte Suprema doon sa kaso ng Pimentel versus national treasurer.
JUNRY: Hindi ho kaya ano, papaano ko ba ito itatanong sa inyo? Ito ho bang statement na ito ng Speaker Alvarez ay ganito ho ba ang ano, kumbaga ay nanggaling kaya ito kay Presidente Duterte o opinyon lamang ni Speaker?
SEC. ROQUE: Well kaya nga po sinabi ko na hindi kami nanghihimasok sa gawain ng Kongreso dahil hindi po kami nanghihimasok, iyon naman po ay deklarasyon ni Speaker Alvarez, nirerespeto po namin iyan.
JUNRY: At malamang ho solong statement niya ito?
SEC. ROQUE: Opo.
NEIL: Bale ganito po, iyon pong sinasabing zero budget, alam naman po natin ‘pag-zero budget mahihirapang gumalaw.
JUNRY: At saka nakakagulat.
NEIL: Nakakagulat po iyon, iyong zero budget. Pero katulad nga po ng binanggit ninyo po kung ano man po iyong mga nangyayari sa gobyerno, binabanggit po ng Malacañang na wala kaming ano diyan, hands off kami diyan, wala kaming pakialam. Katulad ng nangyari sa Rappler, wala kaming pakialam. Dito sa zero budget wala kaming pakialam.
Q: ‘Pag ho ba nagkaroon ng ganoon ng zero budget. Ano hong gagawin naman ng posisyon po ninyo na alam ninyo naman pong mahihirapan kung zero budget maraming maapektuhan ‘pag natuloy po iyon ano po ang gagawin ninyo po?
SEC. ROQUE: Well sa amin po mahirap matuloy iyan kasi nga para magka-zero budget dapat sumangguni ang Senado at ang Karama De Representante. Ang posisyon po ng Presidente nais niya magkaroon ng Charter change para sa pederalismo pero nais po namin ang proseso ay dahil mayroon tayong mga mamamayan na alam ang mga issue kung bakit kinakailangan magbago tayo ng sistema ng gobyerno at kaya nga po ngayon tinatawagan namin ang lahat ng ating, hindi lang sangay ng gobyerno kung hindi na rin ang ating media na makipag kapit-bisig upang dalhin sa taong bayan iyong mga isyu na dapat nilang malaman tungkol sa usaping pederalismo.
Ang nais po ng Presidente ay ang isang plebisito na ang mga tao ay informed kung ano talaga ang mga isyu na kinakailangang malaman nila pagdating dito sa charter change tungo po sa pederalismo. Ayaw po ng Presidente na sunod-sunuran at ignorante ang taong bayan sa mga isyu tungkol sa pederalismo.
JUNRY: Secretary tutal naman, budget ang pinag-uusapan natin sa US po ay ano, may breaking news. Ano po ang reaksiyon ng Malacañang doon sa shut down po ng US government?
SEC. ROQUE: Well siyempre po problema ng mga Amerikano iyan. Pero iyan po ang ‘pagkakaiba ng ating Saligang Batas sa Saligang Batas ng Amerika. Hindi po mangyayari iyang shut down sa atin dahil kapag hindi po nakagawa ng batas ang Kongreso sa pantaunang budget nare-reenact po iyong budget noong nakalipas na taon.
So wala pong posibilidad na sa Pilipinas magkaroon ng shut down. Pero importante po iyan kasi nalalaman natin na talaga namang nanghihimasok din talaga ang Amerika sa mga isyu dito sa Asia-Pacific, nagpapadala sila ng mga navy nila dito sa West Philippine Sea at siyempre dahil shut down na ngayon iyan ay wala na silang pondo para magpatuloy iyong mga gawain pati ng kanilang mga navy dito sa lugar ng Pilipinas.
JUNRY: Dapat ho ba itong ikabahala ng mga kababayan natin sa US? May mga posible hong mga ahensya diyan na nagbibigay ng serbisyo po sa mga kababayan natin?
SEC. ROQUE: Well iyan naman po talaga ay problemang Amerikano. So iyong mga Filipino na madadawit sa isyu na ito, naku po ang masasabi lang natin ay narito po ang Pilipinas handa natin silang tanggapin kung talagang magkakaroon sila ng matinding problema diyan sa Amerika.
JUNRY: Secretary iyong binabanggit mong maapektuhan iyong operasyon. Itong mga barko ng US sa mga lugar dito sa Asya. Ang itatanong ko naman po sa inyo ay ano iyong tungkol sa West Philippine Sea sa headline po ng isang diyaryo ngayon ay kumbaga shoo, binugaw parang sa—
NEIL: Binugaw tama, parang sa langaw, ‘shu-shu.’
JUNRY: Ipinalayo iyong mga barko ng US, ang nagbungaw ay China. Ano ho ang mababanggit ninyo dito Secretary, ito ba ay dapat ikabahala?
SEC. ROQUE: Well gaya po ng sinabi po ni Secretary Lorenzana, problema po ng Amerika iyan, dahil tayo naman iba ang ating taktika sa pakikipagsama natin sa Tsina.
JUNRY: China—
SEC. ROQUE: Hindi na tayo binubugaw ngayon dahil tayo ay nakipagkaibigan. Ang ating mga mangingisda ay nakakapaghanap buhay na diyan sa borough. So sa atin talaga problema po iyan ng Amerika dahil dumating na po tayo sa punto na mayroon na tayong indipendyenteng panlabas na relasyon, external foreign policy, at ang problema po ng Amerika ngayon eh hindi na problema ng Pilipinas.
NEIL: Secretary, papaano po iyong sa mga rallies na kung saan ay pinapahayag noong mga nagra-rally iyong tungkol sa kanilang mga karapatan. Ano ho bang masasabi ninyo po diyan? Iyan ho ba ay hindi ho ba sila basta-basta pipigilan kapag may mga kailangan silang banggitin laban sa gobyerno, tuloy-tuloy pa rin ho ba? Kasi alam naman po natin na maraming medyo hindi sang-ayon sa ibang mga ginagawang paraan ng ating gobyerno. Pero alam naman ho natin na tayo ay isang democratic country. Iyan po ba ay pagbibigyan pa rin kahit ano pong mangyari?
JUNRY: Partikular po Secretary iyong media rallies, Secretary?
SEC. ROQUE: Well nakita ninyo naman po iyong kanilang Black Friday protest, wala naman pong nanghimasok, wala naman pong pumigil sa kanilang ‘pag-eksersisyo ng karapatan ng malayang pananalita at pag peaceful assembly, so ganiyan naman po si Presidente Duterte .
Sinasabi nila sinusupil ang malayang pamamahayag, iyong mga sinusulat sa mga diyaryo ngayon at mga binabanggit sa radyo at saka iyong mga pagkakataon na lahat ng ere binibigay nila sa mga nagsasabing binabatikos ang karapatan ng malayang pamamahayag tapos pagdating sa gobyerno dalawang minuto lang ang ibinibigay. Lahat po iyan nangyayari na patunay na mayroong malayang pamamahayag.
Kung wala pong malayang pamamahayag pupuwede ba iyon na ang mga istasyon ng radyo ay dalawang minuto lang ang ibibigay sa Malacañang para magbigay ng kanilang posisyon, samantalang 57 minutes iyong mga ibinigay nila sa nga bumabatikos sa gobyerno.
So hindi po totoo na sinusupil ang mga karapatan, the fact na naririnig natin ang mga pagbato nila sa gobyerno, nasusulat nila ang lahat ng mga binabato nila sa gobyerno. Patunay na ang kalayaan po hindi sinusupil at nagsisinungaling, lalo na iyong mga mamamahayag ng nasa pagpa-fund raising sa mga pamamaraan na labag sa Saligang batas, na ginagamit ang press freedom dahil gusto nilang magpatuloy sa fund raising maski sinabi na na mali ito at hindi sang-ayon sa Saligang batas.
JUNRY: At kami naman po ay nagpapasalamat sapagka’t napakasipag ninyo pong magpaliwanag sa mga isyu. Kanina nga ho ay medyo limited time pero kung kayo po ay nakatugon sa tawag namin Secretary. Salamat po.
SEC. ROQUE: Well alam ninyo po basta bibigyan ng pagkakataon, kami naman po ay sasagot. Ang mahirap lang po talaga minsan ay talagang hindi binibigyan ng pagkakataon, kaya nagpapasalamat naman po ako at nabigyan kami ng ganitong pagkakataon ngayon.
JUNRY: Minsan ho kasi may problema din sa mga Telcos eh.
SEC. ROQUE: Ay oho matagal na po. At talagang palpak po talaga iyang Telcos na iyan kaya nga magpapapasok na ng third Telco po.
JUNRY: Ano pong update na doon, naalala ko lang iyon mga Telcos na iyan. Ano pong update na doon, Secretary? Puwede ninyong ibahagi sa amin?
SEC. ROQUE: Tuloy naman po ang pagpasok ng third telecom company dahil nakita ninyo naman talaga ang problema natin kayo pong mga nasa radyo, alam ninyo po iyan mas madalas na napuputol ang inyong mga phone patch interview
JUNRY: Ay, sinabi ninyo… Oho.
SEC. ROQUE: So kayo po’y patunay din doon sa kahalagahan na magkaroon ng third telecoms. At ang Presidente naman po pinagbigyan na iyong duopoly, sinabihan na mag-buti kayo, eh hindi po sila nakinig. So ngayon po, pagbibigyan naman natin ang third telco dahil kinakailangang bigyan ng serbisyo ang publiko.
NEIL: Opo. Secretary iyon pong sa telco na ‘yan, ilan na ho ba? Kasi ang binanggit dati apat ho ‘ata iyon, may Japan, may Korea
JUNRY: Taiwan, China…
NEIL:Sila pa rin ho ba ang parang nagbibigay ng interes para makapasok as third telco company po?
SEC. ROQUE: Ang alam ko lang po talaga, in-offer ng Presidente sa Premiere ng China ang third telecom. Tinanggap po ito sa pamamagitan ng pagno-nominate ng China Telecoms. Ang pangatlo po ay isang kumpanya na galing sa Tsina.
JUNRY: Oho. Marami hong natuwa diyan sa announcement ng Malacañang. Pero kung sa simpleng tao ho na nakikinig sa atin ngayon, iyong talagang interesado sa issue na ito, by the year ho ba ‘yan ay mayroon nang third telco, at kumbaga ay gumagana na, Secretary?
SEC. ROQUE: ‘Yan po ay pangako ng Presidente, na hindi po matatapos
JUNRY: Within the year…
SEC. ROQUE: —ang taon na ito na wala tayong third telco. Gaya ng pangako ni Presidente na magkakaroon na tayo mas mabilis at mas murang internet dahil patuloy na po iyong tinatawag nating Luzon Backbone Project, na kung saan na magkaroon na tayo ng bagong fiber optic connection sa buong Pilipinas muli, at ito po’y magiging kaparte na noong National Broadband Network.
JUNRY: Oo. Incidentally Secretary noong isang linggo, after noong issue ng Rappler, mayroon namang 30 local radio stations sa Davao
NEIL: Mga kuwarenta iyon, oo…
JUNRY: —iyong pinasara. Anong mababanggit ninyo ho rito, Secretary?
SEC. ROQUE: Well unang-una po, ‘yan po ay usapin naman ng National Telecommunication Commission, NTC. At alam ninyo naman po talaga na dahil ang estado ay may soberenya sa ere, nagkaroon na ng desisyon doon sa Tans vs NTC, ang ating Korte Suprema na talagang mas malakas ang regulasyon ng ating estado pagdating sa mga broadcast. So ang sa akin po, ang mga dahilan naman mga teknikal na mga definition ‘yan at karamihan po nitong mga isasarang radio station ay doon po sa siyudad mismo ng ating Presidente.
JUNRY: Oo nga ho…
SEC. ROQUE: Sa tingin ko po, wala namang magrereklamo ng panunupil ng malayang pamamahayag diyan dahil matagal na silang nakipagsama, nakikipagsama doon sa ating Presidente diyan sa siyudad ng Davao. At alam na ng mga taga-Davao na sa tagal ni Presidente sa katungkulan, alam na niya na dapat talagang pakisamahan ang media. Dahil wala namang pulitiko na tatagal sa posisyon nang walang mabuting samahan din sa media, dahil paano pa siya nagpaparating ng mga mensahe sa publiko kundi sa media rin.
JUNRY: Oho. Kasi ho parang nagkakasunud-sunod, parang bang kawing-kawing. Rappler, tapos itong 30 radio stations sa Davao. Parang..
SEC. ROQUE: Well iyon nga po, may mga tao kasi na ‘di umano nasa gitna o nasa forefront ng pagpapalawak o pagpapahatid ng katotohanan sa publiko. Pero ‘pag mayroon silang interes na kuwarta, ginagamit iyong karapatan ng pamamahayag para i-disguise iyong totoo nilang motibo’t agenda.
Iyang usaping Rappler pong ‘yan, usaping kuwarta. Kayo pong mga mamamayan, lahat kayo suporta sa kanila, lahat naman kayong mga mamamayan hindi kasing taas ang suweldo ng mga taga-Rappler. Mataas po ang suweldo nila, kasi nga nag-fund raising sila sa mga dayuhan. At nagsabi ang SEC na mali iyong pamamaraan ng fund raising nila, ay iyon nga, nagsisigaw ng panunupil daw ng karapatan nila.
Ang tanong ko, kung totoong mayroong panunupil, napatigil na ba sila sa kanilang trabaho bilang mga peryodista? The worst that can happen kung ito ay ma-sustain ng Court of Appeals, kinakailangan mawala ang Rappler Inc., mawala ang Rappler Holdings. Pero si Maria Ressa, si Pia Rañada, pupuwede pa ring magtrabaho bilang peryodista, dahil dito naman sa Pilipinas, pati iyong mga foreign correspondent ay may kalayaan nang malayang pamamahayag.
Ang bawal lamang, magkaroon ng korporasyon na napa-fund raising sa pamamaraan na mali at hindi sang-ayon sa ating Saligang Batas. Wala pong problema mag-fund raising. Wala pong problema na nagpapasasa sa pera. Pero gawin po ninyo ‘yan sa isang paraan na sang-ayon sa ating Saligang Batas.
NEIL: Opo. Secretary napag-usapan natin ang komunikasyon, iyong mga telco, pagkatapos itong mga ilang media, katulad ng Rappler at iyong ilang mga local radio station na nagkaroon ng problema.
JUNRY: Sa Davao.
NEIL:Kamusta naman ho, anong maibibigay ninyong reaksiyon sa transportasyon? Ito pong MRT araw-araw, palaging may nire-report dito sa DZMM, sa radyo, iyong may mga technical problem, aberya pa rin. Ito ho ba, darating ho ba ang panahon na ang bawat Pilipino, iyong bawat sumasakay sa MRT eh wala na silang mararanasan na ganiyan? Alam naman ho natin kung ano iyong plano ng gobyerno para sa ikatitiwasay, iyong ikagaganda ng buhay ng ating mga kababayan. Pero parang araw-araw, mayroon pa rin pong aberya sa MRT, at ganoon din minsan sa LRT po.
SEC. ROQUE: Lilinawin ko lang po, ang problema talaga MRT dito sa EDSA. Halos wala naman pong problema doon sa ilang mga linya natin, iyong iba pang linya natin. Mayroon pa po tayong apat na linya ng tren na wala namang problema, dito lang po talaga sa EDSA ang problema natin. At bagama’t hindi naghuhugas-kamay ang administrasyon, totoo naman pong ang naging problema diyan ay bunga noong pagpapalit ng services provider. Sumitomo ang may teknolohiya diyan, pinalitan noong nakalipas na administrasyon, ng isang kumpanya na wala palang karanasan, walang ekspiryensa, walang track record at napakalaki ng binayad.
So ngayon nga lang po natin napawalang-bisa ‘yang kontratang ‘yan, dahil alam natin na ‘yan po ay inimical doon sa interes ng ating mga mananakay. So siyempre po, hindi naman po overnight ‘yan. So nangako po si Secretary Tugade, matapos ng Mahal na Araw, tapos na rin ang ating paghihinagpis at makakakita na tayo ng pagbuti diyan sa MRT along EDSA.
JUNRY:Sana nga. Pero Secretary, ‘di ba noong sumakay ka, ano, talagang napakabilis, ano? Kung ikaw ay mag-e-MRT compared na ikaw ay magbu-bus sa EDSA, talagang mabilis iyong ano, iyong MRT, kaya talagang dapat mapahusay ‘yan.
SEC. ROQUE: Alam mo hanggang ngayon po nag-e-MRT ako ‘pag ako’y nale-late. Noong ako po’y Kongresista at saka propesor sa UP galing sa airport, chances are, talaga pong mag-e-MRT ako dahil mayroon namang service bus galing sa airport na dadalhin ka doon sa MRT station. At talaga pong walang katumbas, wala namang tatalo sa bilis nag magsisimula ka doon sa may Pasay, na bababa ako sa Quezon Boulevard kung papunta ako ng Kongreso,ng UP, mga 25 minutes lang po ‘yan. Samantalang ‘pag magko-kotse kayo, mahigit isang oras ‘yan kapag rush hour. So wala po talagang alternatibo sa tren, pagdating sa mabilis at komportableng biyahe ng ating mga mananakay, kaya naman po binibigyan ‘yan ng atensiyon at ng prayoridad ng ating administrasyon.
JUNRY: Oho. Noong isang araw po ay nag-refund na ang Sanofi ng 1.2 billion pesos. Pero ang inyong position po sa Malacañang, Secretary, is full refund. So papaano ho ito ano, papaano na ho ito, iyon ho ang stand ninyo, puwede pa rin bang igiit ng Malacañang iyon? Full refund?
SEC. ROQUE: Pupuwede pa po. Pero sa amin po, hindi kami magrereklamo na naibalik ang mahigit sa isang bilyon na pera ng taumbayan, at para doon sa hindi nagamit na mga vaccine. Pero pagkatapos po ng imbestigasyon at na-establish na mayroon talagang mga impormasyon na sinupil itong Sanofi, na naging dahilan na nagkaroon ng aberya sa ating mga kabataan, hindi lang po full refund ang kukunin natin, pati danyos na rin po.
Pero ‘yan naman po ay kapag natapos na ang imbestigasyon ng NBI, ng DOJ at ng Senado, dahil hindi naman tayo pupuwedeng umakto sa base lamang ng sabi-sabi, lalo na noong mga taong hindi naman mga eksperto.
JUNRY: Oo. Well okay.
NEIL: Well, Secretary ito lang – iyong sinasabi naman ng PNP na pagbabalik ng Oplan Tokhang, ang mga tao aybaka…
JUNRY: Magulat…
NEIL: Magulat na naman at matakot. Ano hong posisyon ng Malacañang tungkol po diyan sa pagbabalik ng Oplan Tokhang-Reloaded?
JUNRY: Oo. Anong magiging mensahe ninyo ho diyan sa Oplan Tokhang, 2.0 ba iyon?
SEC. ROQUE: Ang pagkakaiba po ay, ang PDEA po na mayroong mas malawakang karanasan at kakayahan, sila po ngayon ang mayroong overall control and supervision dito sa war on drugs. So lahat po ng gagawin ng Kapulisan, kinakailangan in close coordination po with PDEA. At ang talagang nais nating mangyari, ang ating objective, ang ating goal, eh mapatuloy na mapanalo itong war against drugs, na babawasan talaga ang collateral damage hangga’t maaari.
JUNRY: Oho… Well okay, maraming salamat po sa oras ninyo ho Secretary Harry Roque.
NEIL: Thank you po. Happy Sunday po.
SEC. ROQUE: Maraming salamat po. Happy Sunday. Magandang umaga po.
JUNRY: Happy Sunday po. Si Kalihim Harry Roque…
###
Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau)