Interview

Interview with PCOO Secretary Martin Andanar by Jorge Bandola and Willie Delgado/Straight to the Point/DZXL-RMN

FQ:  Good morning, Secretary Martin.

SEC. ANDANAR:  Magandang umaga Jorge and Willie.

Q:  Secretary long time, no see.

SEC. ANDANAR:  Ang aga na rin ng ating interview, high tech. Akalain mo pati kayong dalawa magkahiwalay kayo; si Willie…nasaan ka ba, Mother Ignacia ka ata eh?

Q:  Dati iyon.

SEC. ANDANAR:  Ako naman ay nandito ngayon sa Guadalupe.

Q:  Secretary, ano ba iyong bagong kampanya ng Vaccine Czar, iyong ‘Explain Explain Explain.’ Kasama ba ang PCOO sa kampanyang ito?

SEC. ANDANAR:  Opo. Ang PCOO ay kasama sa kampanya ng Philippine Information Agency bilang mother unit ng PIA. So, ito pong ‘Explain Explain Explain’ nabanggit nga ni Secretary Carlito Galvez ay siya ang magpapaliwanag sa publiko sa vaccine roadmap ng ating bansa.  Kaya noong nakaraang linggo tayo ay nag-kickoff, kick start dito sa Cebu. Kasama rin natin ang Mandaue City and then afterwards tayo ay nagtungo sa Siquijor at nagkaroon din tayo ng pagpapaliwanag sa mga kababayan natin, sa mga LGUs. And then afterwards, tayo ay nagtungo sa Dumaguete para kausapin ang mga leaders natin sa Dumaguete at dito din sa Negros Oriental.

Q:  Ano po ang layunin nito di ba sabi nga po ng Pulse Asia 47% ang ayaw magtiwala eh; paano natin mababago iyong paniniwalang iyan?

SEC. ANDANAR:  Iyan, tumpak ang tanong mo, Jorge, talagang kailangan natin mabaligtad iyong 40 porsyento na iyon. Sapagkat ayon kay Presidente ay kailangan talagang mabakunahan ang ating mga kababayan para tayo ay magkaroon ng isang lipunan na puwede ng ulit mangarap, puwedeng makipag-compete sa ibang ekonomiya at pangatlo, eh para din mare-focus natin iyong ating mga plano.

Sabi nga ni Presidente to make the lives of every Filipino comfortable. So, kailangan iyong kalusugan, kailangang maging competitive iyong ating mga kababayan at number three, kailangan ay makabalik tayo doon sa plano ng ating national government. Para mas maginhawa ang buhay ng bawat Pilipino.

Ngayon, malaking challenge iyong baligtarin mo iyong sentiment na 47% plus. Kaya ang PCOO kasama ang PIA, nandiyan ang guidance ng ating National Task Force, Secretary  Carlito Galvez, DOH, DSWD. Lahat ng mga ahensiya ng gobyerno ay katuwang natin sa pagde-disseminate ng mga balita patungkol dito sa vaccine.

Kailangan kasi malaman Jorge at Willie ng mga kababayan natin ang bawat stage ng plano ni Secretary Galvez, eh hindi naman tayo lalabas lang doon, bibili ng vaccine, hindi na iyon. Because this vaccination program is the largest vaccination program that government will undertake; not only the Philippines, but in the entire world, ito na iyong pinakamalaki.

Q:  May epekto ba iyong sinasabi na bigay bawi ng Pangulo. Dahil alam naman natin na wala pa man iyong vaccine, pero nagsabi ang Pangulo ako ang unang-unang papabakuna, pero eventually binawi niya eh. May factor ba ito, Secretary?

SEC. ANDANAR:  Well, alam mo ang tinitingnan ko na lang kasi dito Willie ay ang third week or fourth week of February. Now, titingnan natin, kasi kung makikita natin na ang ibang mga bansa, iyong kanilang mga Pangulo ang unang nagpapabakuna halimbawa na lang sa America, si President Joe Biden, sa Indonesia si President Joko Widodo.

So tingnan natin kung ano ang magiging pasya ni Presidente, dahil third week or fourth week of February ay babakunahan na ang ating mga kababayan, unang-una, iyong mga frontliners, mga 2 million vaccines iyan. So, we will see kung sino ang unang babakunahan sa dalawang milyon na iyon.         

Q:  Actually Secretary, iyon nga rin po sana ang panawagan namin dito na magpakita muna, halimbawa, unang magpabakuna lang, first five lang naman – Secretary Duque, Secretary  Galvez, ang Pangulo kung gusto ho niya, si Secretary Roque, si Senator Bong Go, ganoon. Para lang mauna at magkaroon ng tiwala iyong taumbayan. Ito po iyong pinakamalaking information campaign na pupuwedeng gawin, hindi po ba?

Q:    Saka hindi natin puwedeng pasubalian.

SEC. ANDANAR:  Tama, tama.

Q:  Hindi kasi natin puwedeng pasubalian, iyong personality nitong mga taong ito di ba na hindi man sila magsalita, parang kumpas lang susunod ang tao sa kanila eh.

SEC. ANDANAR:  Well, ako willing din ako sumama doon sa una, dahil para naman kada labas natin, nangangampanya tayo para sa bakuna ay mayroon tayong maitatawag na walking the talk, di ba. So, ako no problem kung tayo ay tatanungin ng DOH, no problem.

Kahapon kasama ko si NBI Director Distor, sabi niya siya din ay willing din siyang magpabakuna sampo ng kanyang  mga deputies doon, para maipakita sa  buong ahensiya at sa buong Pilipinas na pati ang National Bureau of Investigation ay hindi natatakot. Ganoon din ang ating mga kasamahan sa PCOO, mga Undersecretary, siguro kailangan din nilang magpabakuna kaagad para makita ng ating mga kababayan as communicators na iyong mga nagsasalita, iyong mga ambassador ika nga, iyong mga nagpo-promote ika nga ay sila ay nagbabakuna rin, makikita mo sa litrato, pati kayong dalawa, Jorge at Willie, dalawang frontliner kayo at kayo naman ay napapanuod araw-araw di ba.

Q:  Puwede, puwede.

SEC. ANDANAR:  Baka gusto ninyong mag-volunteer.

Q:  Puwede po, ire-report muna namin kayo.

Q:  Teka Secretary, may request dito iyong mga angels namin sa news room saka sa digital, kung magpapabakuna ka raw, baka daw pupuwedeng live na ipakita?

SEC. ANDANAR:  Ay puwede naman!

Q:  Pero sa puwet ang saksak? [laughs]

SEC. ANDANAR:  [laughs] Papayag ako niyan Willie, payag ako niyan, basta magpapabakuna ka rin, pero sa harapan. [laughs]

Q:  [laughs] Teka, teka, kayo lang ang pinag-uusapan dito ha. [laughs]

SEC. ANDANAR:  [laughs] Hindi mo ma-imagine, hindi pa nga tapos eh. Sa harapan ng dibdib! iyong sa iyo, sa likod ko, dito sa balikat di ba, di pa tapos eh, kayo naman nag-iisip kayo.

Q:  Kaya, talagang dapat hindi ka nawawala sa paningin namin.

Q:  Kapag nakakausap ka namin nabubuhay kami, basta kausap ka namin.

Q:  Isama natin sa vaccination priority list na iyan si Jayson ha. Pero, Secretary, ano ba ang ini-expect ninyo? Hindi pa man dumarating ang bakuna, parang Dengvaxia na ang tingin nila eh, sa Sinovac? Ano ba ang ini-expect ninyo, papaano ninyo babaliin iyong ganoong pananaw?

SEC. ANDANAR:  Alam mo, iyan ay naiintindihan natin. Dahil nagkaroon nga tayo ng Dengvaxia problem. Pero ganoon pa man, nakita naman siguro ng mga kababayan natin na buong mundo ay nagdusa, nagsakripisyo dahil dito sa pandemya na ito – buong 2020 hanggang ngayon. Marami sa atin ang namatayan ng kamag-anak – ako, namatay iyong aking uncle na dating pulis, kapatid ng tatay ko dahil din sa COVID-19 – marami sa atin ang naka-experience niyan. At nakita naman natin ang epekto nito sa ating pang-araw-araw na pamumuhay, ating ekonomiya, talagang nabago.  So,  at the end of the day, alam ko rin na ang Pilipino ay talagang mag-iisip iyan ng husto, titingnan niya ang kaniyang—siyempre hindi ka naman papayag na kung ano lang ang papasok sa katawan mo, puwera na lang kay Pareng Jorge na kung anu-ano iniinum. Di ba importante na malaman mo kung ano ang nakakapasok sa katawan mo?

Q:  Bago itong COVID-19, nagkaroon kayo ng malawakang kampanya diyan sa PCOO against fake news.  Ngayon may mga kumakalat na naman eh, di ba, na katulad nito, wala pang ano, nagkalat iyong kung anu-anong klaseng mga video, iyong mga vlog, nagpapakita diumano ng mga negative effect noong bakuna. Paano ninyo sasabayan ngayon itong ganito?

SEC. ANDANAR:  Alam mo itong fake news na kumakalat, mga kuwestiyon tungkol sa presyo ng ganitong gamot o presyo niyan. Unang-una, gusto kong sabihin sa mga kababayan natin na wala pong pinapaboran ang gobyerno na mga pharmaceutical companies, kung ano ang pinakamaganda, doon tayo. Kaya nga doon sa mangyayaring pagbakuna sa ating mga kababayan or doon sa tinatawag na iyong authorization na ibibigay ng FDA – menu – iba’t ibang klaseng gamot ang nandoon. Pipili ka kung ano ang gusto mong iturok sa iyo, number one.

Number two, sabi ko na nga iyong presyo, walang presyong mahal, mas mahal, 600, 2,000 etcetera, puro mga fake news. Pangatlo tayo ay umiikot pa rin sa buong Pilipinas at sa ating online at ating hina-highlight iyong ating dismiss disinformation campaign. Iyan ay sa lahat ng Philippine information Agency, sa lahat ng PCOO media agencies ginagamit natin iyan pati sa Laging Handa na pinapalabas din ninyo dito sa inyong himpilan. At kailangan tandaan natin na iyong mga fake news din na iyon, hindi lang naman iyon galing sa pulitika eh, hindi lang naman iyon sa mga kalaban sa pulitika, etcetera. Nandiyan din iyong mga bangayan ng iba’t ibang mga doktor, mga pharma, di ba, iyon iyon eh! Sila-sila din ang nagbabangayan eh.  Eh, hindi natin maalis iyon.

Q:  Sila-sila nagsisiraan ‘no.

SEC. ANDANAR:  Siyempre, at the end of the day negosyo iyan, di ba, nagnenegosyo iyong mga iyan, eh kung ano ang pinakamabisa. Halimbawa sabihin nila, uy dito tayo sa Sinovac, dahil sila ni President Joko Widodo at mga Indonesian nagpa-vaccinate ng Sinovac at ito daw ang bagay sa atin. Sasabihin naman ng tsismis, iyong news o fake news – hindi, iyong Sinovac na iyan napakamahal niyan eh; tapos sasabihin naman ng iba, hindi, okay iyan kasi kung naging mabisa iyan sa mga Indonesian na halos magkaparehas iyong ating lahi, ano, ang ating mga genetic components ay parehas dahil mga Malay din ang mga iyan at ang kanilang temperature sa kanilang lugar doon, ang kanilang temperatura ay tropical din parang Pilipinas ay mas magiging mabisa iyan sa Pilipinas. So may mga ganiyan, babawi naman iyong isang balita na ay hindi puwede mas maganda iyong Pfizer, mas maganda iyong Moderna, etcetera.

Q:  Ang Dubai nga mainit, Sinovac eh.

Q:  Ang buong UAE. Actually, nasa milyon ang kanilang ano. Maliban dito sa mga fake news na ito, Secretary..?

SEC. ANDANAR:  Saka mayroon ding nagsasabi, ‘eh bakit iyong Indonesia iyong nauna, hindi Pilipinas?’ Eh kasi iyong Indonesia ang naging trial country ng Sinovac, kaya sila iyong inuna. Eh kung tayo ang naging trial country, eh malamang tayo ang inuna, eh hindi naman tayo eh.

Q:  Ayon… So malinaw kung bakit nauna ang Indonesia kumpara sa atin. Kasi kinu-compare nila mas maganda kahit papaano ang ekonomiya ng Pilipinas sa Indonesia, bakit mas una silang nakabili at nakapagpa-deliver ng bakuna.

SEC. ANDANAR:  Eh, willing sila na mauna. Di ba walang pinagkaiba iyan sa inyong dalawa. Kung gusto ninyong mauna, mauna din ang buong DZXL. Kung gusto ninyong maging huli, eh siguro mga 2022 pa kayo.

Q:  Hindi, isabay mo na lang kami.

Q:  Basta lagi mong tatandaan kahit saan dumating, bata mo kami, Secretary.

SEC. ANDANAR: Tayo magkakasama-sama naman tayo, eh sabay-sabay tayong magpabakuna, lahat ng media sabay-sabay tayo.

Q:  Speaking of media, mayroon ba kayong programa na iyong mga media frontliners eh isama rin sa listahan?

SEC. ANDANAR:  Mayroon. Kasi, alam mo sa Cebu halimbawa, ang ating cabinet officer for Regional Development and Security, si Secretary Mike Dino. So sabi ko kay Secretary Mike, isama mo sa frontliners  iyong media, kasi may Presidential Task Force on Media Security, eh kasama iyon ng security, iyong security from sickness. Sabi ko kailangan eh, at saka frontliner iyan, kahit na anong mangyari ang media ay araw-araw nandiyan nagbabalita at kailangan ng mga kababayan natin ang mayroong nagsasalita, mayroong nagsasabi sa kanila kung ano ang dapat gawin. Ganoon din sa akin sa Region X. Dahil ako naman ang CORDS, ganoon din ang aking kampanya doon, ganoon din sa Metro Manila na isama ang mga media sa frontliners sa mga babakunahan.

Q:  EH di mabuti iyan may kasamang media. Media kayo di ba?

SEC. ANDANAR:  Ilalabas ngayon iyong mga malalaking ID ng media, di ba.

Q: Hindi, pang-buffet lang iyon, pangpila ng pagkain lang iyon, Secretary. Oh media ito, media ito mauna. Pangpila lang ng pagkain iyon.

SEC. ANDANAR:  Sasabihin na naman ng International Press Center, ni Director Gigi Agtay, ano naman ang ipinagkakalat mo, sir. Tingnan mo humingi na naman ng ID. Wala hong ID para pagpabakuna, walang ID. Ang ipakita ninyo, iyong company ID!

Q:  Secretary, maraming-maraming salamat.

SEC. ANDANAR:  Okay na, wala na tayong mapag-usapan eh. Sige na.

Q:  Kakamot-kamot na naman ng ulo noong newsroom dito, puro tawa iyong naririnig kapag tayo ang nag-uusap.

SEC. ANDANAR:  Magkape tayo diyan sa building ni Willie sa Rockwell. Balita ko may building ka na raw sa Rockwell.

Q:  Mayroon, malapit lang dito. Thank you, Sec.

SEC. ANDANAR:  Okay.

##

Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)