Interview

Interview with Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar, with Phivolcs Director, Undersecretary Renato Solidum, Jr. by PCOO Assistant Secretary Kris Ablan, Cabinet Report sa Teleradyo, Radyo Pilipinas


ASEC. ABLAN: Usec. Solidum, kasama po natin on the line ngayon ang akong Boss, si Secretary Martin Andanar na kakagaling lang po ng ating programang Duterte Legacy sa PICC – Magandang gabi po, Secretary Martin.

 

SEC. ANDANAR: Magandang gabi Kris at Usec. Solidum. Magandang gabi sa lahat ng nakikinig po sa atin.  

 

ASEC. ABLAN: Earlier Sec. Martin, we interviewed Secretary Duque and just before you went on line I just asked Usec. Solidum po ano po ‘yung updates sa Taal Volcano. Do you have any question Sec. Martin for Usec. Solidum?

 

SEC. ANDANAR: No, I’m just listening sa mga explanation ni Usec. Solidum dahil dati pa man eh… mga bagito pa lang ako sa media eh ‘Solidum’ na ‘yan, talagang inaasahan na ng lahat ‘yan. Kaya Usec., talagang wala kayong pahinga, wala kayong tigil kasi hindi natin alam kung itong bulkan ay talagang mag-a-Alert Level 5.

 

USEC. SOLIDUM: Tama kayo Sec. Martin ano. Sa ngayon hindi natin tinataas iyong Alert Level 5 kasi itong alertong ‘to ay patungkol sa pangyayari na mismo noong delikadong pagsabog. So habang wala tayong nakikitang ganoon, hindi natin itataas.

 

Siyempre ang susunod na katanungan ay kung wala nang gagawin ang bulkan o mukhang humuhupa, magbababa din tayo ng alerto. Pero kailangan nating masigurado na ‘pag nagbaba tayo naintindihan ng lahat na minsan ang mga pagsabog ng Taal ay tumitigil at sa mga susunod na linggo o buwan ay tumutuloy ulit. Kaya nga ang ibig sabihin, pagdating sa isang aktibong volcano, mga kababayan natin sa paligid nito ay handang mag-evacuate from time to time.

 

Ito po ay hindi maiiwasan lalung-lalo na ang kabayanan ng mga bayan sa Batangas ay napakalapit sa Taal Volcano at marami nang nakaraang pagsabog na matagal ang ginagawa. At kaya iyong tanong ni Asec. Kris kanina, minsan buwan daw umaabot at talagang nangyayari iyon, na patigil-tigil ang pagsabog niya at nagtatagal talaga ng mga ilang buwan.

 

SEC. ANDANAR: Hindi ko sigurado kung natanong na ito ni Kris sa’yo Usec. Iyong sa akin ay—kasi, yesterday nabalita nga na humaba iyong shoreline tapos mayroong parte na nawala iyong tubig tapos umangat iyong lupa. Ang tanong ko, itong activity ba sa Taal Volcano ay nagresulta ba ito ng pagbago ng topography o iyong area ng bulkan? Number one po ‘yan, number two: Kung sakaling talagang sumabog ito, iyong mga isda doon o lahat ba noong—iyong ecosystem doon sa Taal Lake ay mababago or posible bang mamatay lahat ng isda?

 

 

USEC. SOLIDUM: Okay. Sa unang katanungan, may pagbabago na sa topograpiya ng iba’t ibang lugar sa volcano island; siyempre doon sa main crater nawala na po ‘yung tubig at natabunan ng mga bato at buhangin. Doon naman sa unahan niya, nagkaroon ng crack na doon mayroong paglabas din ng pagsabog. Sa paligid napansin na—nabanggit na rin ni Sec. Martin na bumaba ang lebel ng Taal Lake at ito’y sanhi ng pag-angat ng lupa sa ibang bahagi at pagbagsak sa iba na parang na-stretch ngayon iyong buong lapad ng Taal Lake kaya nagkakaroon ng pagbaba ng tubig at pagbibitak; at dahil dito, magkakaroon ng seryosong pagpaplano ang mga bayan na maraming bitak.

 

At ito pong bitak kasi, nakita na rin natin ito nangyari noong 1911 na isang malaking pagsabog at 1949, isa ring major eruption na senyales o napansin, na nakita bago sumabog nang malakas. So parang may parallelism ba iyong mga nakita at ang tanong nga eh posible bang ganoon din ang mangyari sa kasalukuyang eruption ng Taal. Nandiyan iyong possibility ‘no, pero napapansin din natin ang mga ito ay dulot noong pag-akyat ng magma at definitely ‘pag may pag-akyat ng magma, sana ay mag-freeze na lang ito at hindi na tumuloy. Pero parang nakaumang na baril sa ating ulo ‘yan na at some point, sa susunod na mga taon lulusot at aakyat sa taas at sasabog.

 

So importante na pag-isipan ng mga bayan ng Batangas kung anong gagawin, pero doon po sa meeting natin with the President sa Batangas ay na-approve na dapat iyong Taal Volcano main island o crater at iyong isla ay walang tao. Ngayon ‘pag sumabog nang malakas at kahalintulad ito noong mga naunang major eruption ay sira po ang ecosystem sa isla at marami pong mamamatay na mga isda diyan sa lake lalung-lalo na kung ito ay mababagsakan ng mga abo at bato – so, iyon po.

 

Pero maliban diyan, kung talagang umabot ang mga deposito sa mainland, maraming mga lugar ang masisira. A bit of history, noong prior to 1754, ang sentro ng Taal, sentro ng Lipa at sentro ng Tanauan ay dating nasa lawa. At iyong Pansipit River na outlet ng Lake papuntang Balayan Bay ay napapasukan pa ng mga barko ng Espanyol. Pero noong sumabog at maraming tabon, natabunan ang mga simbahan, ang mga bahay pati iyong Pansipit River ay natabunan, wala nang puwedeng makadaan na mga barko; masyadong mababaw. At iyong mga town ng Taal, Lipa at Tanauan ay lumipat sa kasalukuyang posisyon. Kasi nag-relocate sila, na-devastate. So maraming puwedeng mangyari kapag nagkaroon talaga ng malakas na pagsabog, maraming mababago.

 

SEC. ANDANAR: So even iyong Tawilis na—‘di ba ito lang iyong—

 

USEC. SOLIDUM: Saka Maliputo. Tawilis at Maliputo, ito ‘yung mga dating sa dagat eh na-trap diyan sa loob.

 

SEC. ANDANAR: Oo. Pero iyong Tawilis natin diyan Usec., ito lang iyong nag-iisang freshwater ‘di ba?

 

USEC. SOLIDUM: Yes. Kasi noong na-trap, natabunan iyong Pansipit River, hindi na makalabas sa Taal Lake. Dati sa dagat ‘yan. So ‘yun nga po ‘no, may epekto iyon sa ating mga biodiversity. 

 

SEC. ANDANAR: Okay. Kris may tanong ka, Kris?

 

ASEC. ABLAN: Yes Sec. Martin, madami tayong tanong para kay Usec. Solidum pero kailangan po natin mag-break. So babalik po tayo pagkatapos ng ilang paalala, kasama po si Sec. Martin Andanar dito po sa Cabinet Report sa Teleradyo.

 

[PROGRAM CUT DUE TO LIVE COVERAGE OF PRESIDENTIAL SPEECH]

 

###

Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)

Resource