Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Audrey Gorriceta – PTV Balita Ngayon/PTV 4

GORRICETA: Secretary Harry Roque, magandang umaga.

SEC. ROQUE: Iyan, magandang umaga po muli. Unang balita po natin ngayon ay dumating po ang dalawanlibong baboy galing po sa South Cotabato at ito po ngayon ay nasa Vitas, Tondo. Ito po ay ipararating sa iba’t-ibang mga palengke dito sa Metro Manila at kabahagi po ito ng ating mga hakbang na ginagawa para maibsan nga po iyong kakulangan ng baboy dito sa Metro Manila nang sa ganoon ay bumaba po ang presyo ng baboy, at least umabot doon sa price cap na sinet po ng ating gobyerno.

Ang pangalawang balita po natin ay napirmahan na po bilang isang batas ng Presidente ang RA 11523 o mas kilala bilang Financial Institution Strategic Transfer or FIST Act. Napapanahon na po ang pagpasa ng FIST Law lalo na sa ngayon na tayo po ay nasa panahon ng pandemya at nagpapasalamat po kami sa Kongreso sa pagsasabatas ng RA 11523 na sinertify urgent po ng ating Presidente. Pinapalakas nito ang ating financial sector na kinakailangan sa muling pagbangon ng ating ekonomiya.

Kinikilala ng estado ang mahalagang papel po ng mga bangko at financial institutions as mobilizers of savings and investments and in providing the needed financial system liquidity to keep the economy afloat. Dahil dito kinakailangan na ang mga bangko at iba pang financial institutions na ma-maintain ang kanilang financial health. Kasama nito ang pag-address ng non-performing asset problems of the financial sector; paghikayat ng private sector investments sa mga non-performing assets; pagtanggal ng mga hadlang or barriers sa pagkuha or acquisition ng non-performing assets; pagtulong sa rehabilitasyon ng naghihirapang negosyo or distressed businesses; pag-improve sa liquidity ng financial system.

Nananatili ang ating layunin na ang pagbangon ng ekonomiya sa pamamagitan ng pagpapatupad ng fiscal at economic reforms at kasama ng rollout ng ating mass vaccination program, ay sabay-sabay tayong gagaling at aahon mula po sa COVID-19.

Ang pangatlong punto po, Senator Lacson, hindi lang po binasa ng ating Presidente ang Saligang Batas. Abogado pa po siya, pumasa po siya ng bar kung saan isa po sa tinanong o subject area para sa examination ay ang Constitution Law. Wala pong kaduda-duda na ang Chief Executive o ang Pangulo ang chief architect po ng ating foreign policy. Iyan po ay hindi nakasaad sa ating Saligang Batas, pero iyan po talaga ay naging desisyon na ng napakadaming desisyon ng ating Korte Supreme, kasama na po iyong mga kaso ng Pimentel versus Executive Secretary at iyong Bayan versus Zamora at iyong Salonga versus Executive Secretary to name a few.

Now, pagdating naman po doon sa tratado tama po kayo, nakasaad po sa Saligang Batas na ang mga tratado kinakailangan ng concurrence ng Senado. Pero ang tratado po ay isang instrumento lamang para sa foreign policy. At ito pong concurrence ng Senado ay kinakailangan dahil iyong akto ng concurrence ay ang siyang dahilan kung bakit nagiging batas po ang isang tratado. Now, ang VFA po ay hindi tratado, iyan po ay naging desisyon na ng ating Korte Suprema sa Bayan versus Zamora at saka sa kaso ng Salonga versus Executive Secretary.

Ito po ay pagpapatupad lamang ng isang tratado at ang tratado na pinapatupad ng VFA ay ang Mutual Defense Treaty. Tama po kayo na mayroon pong nakabinbin na kaso ngayon sa ating Korte Suprema na ang isyu ay kung kinakailangang mag-concur ang Senado sa pag-alis natin doon sa Visiting Forces Agreement. Pero bagama’t wala pa pong desisyon, wala naman pong Temporary Restraining Order na naisyu ang ating Korte Suprema na dahilan para ang Presidente ay pupuwede pong bumitaw sa VFA kahit kailan po.

Sana po naging malinaw ang aking eksplanasyon. Binasa po ang Constitution, binasa po ng ating Presidente iyong ating Saligang Batas at napasa po niya ang bar exam, kung saan tinanong po ang Saligang Batas, bilang isang area of examination. Iyon lang po at magandang umaga po sa inyong lahat.

GORRICETA: Secretary Harry Roque, ngayon po ay Ash Wednesday, ano po ang paalala ng Malacañang sa ating mga kababayan?

SEC. ROQUE: Well, kinakailangan po, ipagpapatuloy po natin iyong pag-iingat natin. Bagama’t hinayaan po, pinapayagan natin hanggang 50% capacity ang ating mga simbahan, bagama’t GCQ ay ang ating panawagan po, panawagan ng ating Pangulo ay ipagpatuloy po natin ang ating mask, hugas at iwas.

GORRICETA: Doon po sa may isyu ng pagdating dito ng dalawang libong baboy, dito sa may Metro Manila. Mayroon pa po bang ibang pamamaraan o hakbang ang national government para mapanatili ang supply ng baboy dito sa NCR?

SEC. ROQUE: Well, patuloy naman po ang pag-aangkat natin ng baboy sa mga lugar na walang ASF dito sa Luzon at pati na rin po sa mga lugar diyan po sa Visayas at sa Mindanao. At kung hindi pa nga ito sapat ay handa naman tayong mag-angkat ng baboy galing po sa abroad. At sa tingin ko naman ito naman po ay panadaliang lamang, dahil ang katotohanan po eh nasalanta talaga, naubos ang supply ng baboy lalung-lalo na dito sa Luzon dahil nga po diyan sa ASF.

GORRICETA: Secretary, kahapon sa isang pahayag ay sinabi po ni Vice Presidente Leni Robredo bilang reaksiyon, na hindi daw po si Pangulong Rodrigo Duterte ang magdedesisyon kung siya ay angkop bilang Presidente. Ano po ba ang masasabi ng Malacañang dito?

SEC. ROQUE: Tama po iyan, iyan ay desisyon ng taumbayan. Pero kabahagi po ng taumbayan ay ang Presidente na siya ay boboto rin at dahil siya ay naging Presidente alam niya iyong mga kakayahan na kinakailangan para maging isang Presidente at ang kaniyang naging assessment na suma total, hindi po angkop na maging Presidente ang ating Bise Presidente.

GORRICETA: Secretary, katanungan po from Joseph Morong: May update na daw po ba from Pfizer kung darating sa buwan ng Marso?

SEC. ROQUE: Wala pa po tayong naririnig na balita, Joseph, dahil iyan po ay ipadadala sa pamamagitan ng eroplano, ang inaasahan natin ay ang magbibigay ng notisiya ang Pfizer sa atin kung naisakay na iyang shipment na iyan sa eroplano galing po sa Brussels papunta ng Pilipinas.

GORRICETA: Okay. Isa pa pong katanungan mula kay Joseph Morong: What do you think of the possibility of declaring under the new normal?

SEC. ROQUE: Well, iyan naman po ay napag-usapan na talaga ng ating IATF at ang inaantay lang po natin ay iyong mga do’s and don’ts. Hayaan po ninyo sa susunod na IATF ay bubuksan ko po ulit itong usapin na ito, dahil tayo po talaga ay nag-move na magdeklara na tayo ng new normal doon sa mga lugar na wala na pong transmission ang COVID-19. Mayroon naman po tayong mga lugar na natigil na po ang transmission ng COVID-19.

GORRICETA: Okay, isa pa pong katanungan: May mga naka-quarantine na nagbabayad umano ng facility sa Ilocos Norte pero hindi daw maganda ang serbisyo. Paid quarantine, what are we going to do with it?

SEC. ROQUE: Well, ang pagkakaintindi ko po, karamihan ng mga quarantine facilities na kinuha natin ay iyong mga hotel na hindi na rin talaga tumatanggap ng bisita dahil wala naman tayong mga turista na dumarating. So, ipinagbigay-alam lang po ninyo kung ano iyong mga conditions na pinuprotesta ninyo at dahil nagbabayad naman kayo, siyempre pupuwede kayong pumila nang mas magandang quarantine facility. I am sure po mayroon po tayong mga selection na pagpipilian lalung-lalo na kung tayo naman po ay magbabayad para sa ating quarantine.

GORRICETA: Okay, maraming-maraming salamat po sa lahat ng impormasyon na ibinahagi ninyo sa aming umaga. Nakapanayam po natin si Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque.

SEC. ROQUE: Maraming salamat po at magandang umaga po.

##

Source: PCOO-PND (Presidential News Desk)