Interview

Interview With Presidential Spokesperson Harry Roque by Doris Bigornia & Zandro Ochona (Suhestiyon, Reaksiyon, Opinyon – DZMM)


DORIS: Hi sir, magandang gabi po.

SEC. ROQUE: Magandang gabi. Mabuhay ang Mutya ng Bayan. Magandang gabi po, at magandang gabi Alvin.

DORIS: Hindi po si Alvin ang kasama natin; si Alvin po ay nagliliwaliw. Si Zandro Ochona po ang ating ka-partner ngayon, sir.

SEC. ROQUE: Ay sabi ko nga eh… Ang sabi ko, bakit nagmukhang Zandro si Alvin.

ZANDRO: [Laughs]

DORIS: Sir… Secretary Roque, ako ba ay puwedeng pumunta ngayon, pagkatapos na pagkatapos nitong programang ito, pupunta ako ng Ayala, Alabang – ang dami kong nakikitang nakatiwangwang doon eh. So puwede ko bang mag-occupy, Ayala, Alabang ako? Eh bakit iyong Kadamay po pinapayagan ninyo?

SEC. ROQUE: Well puwede kayong pumunta roon, pero hindi mapapasa-inyo iyon. At ang katotohanan Doray, nakausap ko si Presidente tungkol sa bagay na ito habang nagpipirmahan noong Memorandum of Agreement sa panig ng gobyerno at ng mga state universities para doon sa libreng tuition at miscellaneous; at ang sabi ni Presidente, hindi na po tayo papayag diyan. Minsan pumayag siya sa Kadamay, kasi nga sabi niya eh naroroon na sila at saka anyway, iyong mga tinake-over ng Kadamay eh gusto niya mas malalaking unit para sa Kapulisan at Kasundaluhan.

Pero pinagbigyan na silang minsan, hindi naman po pupuwede na palaging ganiyan na lang dahil hindi lang naman mga miyembro ng Kadamay ang mamamayan ng Pilipinas. Iyan po ay para sa Kapulisan at Kasundaluhan, at ang sabi ng Presidente hindi na po pupuwede na palibhasa, sinalakay ng grupong ‘yan eh mapapasa-kanila na.

DORIS: Oo. Naaalala ko Atty. Roque ano, nang minsan na-interview ko, pagkatapos na pagkatapos na nag-occupy itong mga Kadamay doon sa Pandi, Bulacan at sinabi nga ni Pangulong Duterte, “Sige hayaan ninyo na, mga PNP at militar… bibigyan ko na lang kayo ng mas maganda, mas malaki, mas malapit pa sa Maynila.”

Okay. Tinanong ko siya, “Ah Mr. President, papaano kung maulit po ulit ito?” Ang sagot niya sa akin noon, tandang-tanda ko Atty. Harry Roque sabi niya, “Ah hindi na, sasalubungin na sila ng mga RPG,” sabi niyang ganiyan.

SEC. ROQUE: Well iyan po ang paninindigan ngayon ng Presidente, kinakailangan makinabang naman ang iba, hindi lang iyong mga taga-Kadamay. Pero alam mo talaga, noong minsan sila ay napagbigyan, eh hindi naman ibig sabihin isasantabi mo na iyong mga legal na proseso na sasalakayin mo na lang, sa iyo na iyan. Eh parang law of the jungle po iyan, hindi naman pupuwede ang ganiyan. Talagang nagmabuting-loob lang si Presidente dahil ayaw na niyang magkagulo doon sa Bulacan noong pagkakataon na iyon. Pero minsang napagbigyan, tama na po iyon, hindi na po mauulit iyan.

ZANDRO: Iyon na nga Attorney, gaano ba kadalas ang minsan? [Laughs]

DORIS: Naku oo, parang pelikula lang ito…

ZANDRO: Paano ho ba hindi na ito ulit mauulit?

SEC. ROQUE: Well Zandro, gaano kadalas ang minsan – once. Sa makalawang beses tangkain nila, eh talagang sasalubungin na po sila ng kamay ng batas.

DORIS: So, ano po ang marching orders ng Pangulo sa ating mga law enforcement agencies?

SEC. ROQUE: Well kinakailangan po, ipatupad ang batas. Wala po tayong ganiyang batas na kung sino ang sumalakay, sa kanila na iyong propiyedad – hindi po. So kung iyan po ay nakalaan sa Kapulisan at Kasundaluhan, tatawagin ng President ang Kapulisan at Kasundaluhan para po maharang itong iligal na pag-occupy at pag-angkin ng Kadamay dito naman sa San Mateo.

ZANDRO: Sir, sabi nagkaroon na ng bantay iyong mga ibang housing projects. Ngayon ba magtatalaga tayo ng mga pulis doon para bantayan iyong lugar?

SEC. ROQUE: Well tingin ko po mayroon naman talagang mga bantay diyan, kaya nga iyong sa TV Patrol ang narinig ko, eh iyong mga bantay nga diyan hindi nakakakuha ng mga tahanan, tapos kayo pa ang bigla na lang papasok.

DORIS: Tama, oo…

SEC. ROQUE: So bakit pa—anong tingin nila sa kanilang mga sarili at mayroon silang mga opisyal na mga karapatan na para kumuha lang kapag sinalakay nila. Hindi po tama iyan, at minsan lang po, tama na silang napagbigyan; hindi na po nila masasabi na hindi napagbigyan ng Presidente. Maninindigan na po tayo ngayon kung ano ang nakasaad sa batas.

DORIS: So moving forward Secretary Roque, ano po ba talaga ang ginagawa na – kasi nabuyangyang na sa atin iyong problema nitong mga urban – anong tawag sa kanila? Ah… iyong settlers, okay—informal settlers. At ang sinasabi nila, “Matagal na kaming nag-a-apply eh. Tapos kung mayroon man kayong resettlement area binigay sa amin, kalunus-lunos ang aming kondisyon doon. Tapos kapag kami ay nagpupunta sa NHA, ang daming rekwisito na hindi namin talaga mami-meet. So papaano ang gagawin namin?” Kaya ang kanilang depensa… what ba talaga Mr. President, what ang dapat naming gawin? At sa part po ng gobyerno, mayroon na po ba kayong kongkreto talagang plano kung ano talaga ang gagawin?

SEC. ROQUE: Well malinaw naman po ang ating istratehiya, kinikilala natin ang pabahay bilang isang karapatang pantao; mayroon tayong mga ahensiya na ngayon po ay baka mapasailalim sa isang departamento na lamang, dahil iyong pagbuo po ng Department of Housing ay isang administration bill din. Ang ninanais po natin, isang one-stop-shop para doon sa pagtugon sa mga pangangailangan natin sa pabahay.

Ang istratehiya po ay bigyan natin sila ng financing, lalo na iyong mga mahihirap, kaya po tayo mayroong mga socialized housing finance corporation. At kaya po mayroon nga tayong PAGIBIG rin ‘no na nagpapautang para sa socialized housing, iyong mga hanggang 250 thousand na halos napakababa naman ng interes diyan. In other words, hindi naman po nagkukulang ang gobyerno. Kaya nga lang po, hindi naman pupuwede na palibhasa naiinip sila, eh kukunin na nilang batas sa kanilang mga kamay; hayaan po nating umusad ang mga programa ng gobyerno.

Ako po, noong ako po ay Kongresista pa, naalala ko po itong kauna-unahang taon ko sa Kongreso, eh pinadoble ko po iyong budget ng Socialized Housing Mortgage Corporation dahil naniniwala po ako na iyong karamihan ng housing project, lalung-lalo na doon sa community mortgage program kung saan iyong mga informal settlers ay nabibigyan ng pagkakataon na bilhin iyong kanilang lupang tinitirikan, eh kinakailangan ng mas malaking suporta sa gobyerno – at nakuha naman po natin iyong mas malaking budget para doon sa korporasyon na iyon.

Iyong matagal na pong hinihingi ng mga taga-Muntinlupa diyan sa may riles, naibigay sa kanila ang titulo. Noong Congressman po ako, naibigay naman iyong titulo, wala na nga lang pong seremonyas na nangyari, pero siguro po itong taon na ito gagawin na iyan. So ibig sabihin po, hindi natutulog sa kangkungan – eh tingnan ninyo nga iyong mga nawalan ng tahanan sa Marawi, halos dalawang libo na iyong mga temporary shelters na naibigay sa kanila. Kaya lang matindi ang pangangailangan, hinay-hinay lang po at hindi naman pupuwede na sabay-sabay iyan.

Pero kinikilala po ng gobyerno na isa sa istratehiya para tayo po ay umunlad ay iyong paggastos ng kaban ng taumbayan sa housing, dahil kapag nagpatayo ka naman ng housing, eh iyan po ay kaparte rin ng Build, Build, Build – may mga trabahong nagbubunga dahil sa mga proyektong housing at, at the same time, ito naman talaga ang obligasyon ng gobyerno, na gawin ang lahat ng hakbang para mabigyan ng pabahay ang kaniyang mga mamamayan.

ZANDRO: Pero Attorney, bakit kasi talaga ito nakatiwangwang? Iyon iyong tanong, kasi kung sa punto de vista naman nitong mga Kadamay, “Eh nakatiwangwang lang ito eh, bakit hindi namin tirahan? Kami, wala kaming bahay.”

SEC. ROQUE: Well alam ninyo po ang mangyayari siguro, iyong mga nakatiwangwang, kung hindi gagamitin talaga ng intended beneficiaries – mga Kapulisan at mga Kasundaluhan – eh kinakailangan hintayin ang desisyon ng National Housing Corporation—ng National Housing Authority kung puwede nang ibigay sa ibang mga mamamayan natin sa pamamagitan ng socialized housing program. At gaya ng sinabi ko, ang PAGIBIG alone, may 500 billion iyan na puwedeng i-finance iyan, dahil alam ko ‘yang mga pabahay ng mga iyan, eh mga 250 thousand naman iyan. So kung gugustuhin po, kakayanin, pero hintayin natin ang desisyon ng National Housing Authority at huwag nang sila magdesisyon para sa gobyerno – hindi naman tama iyon.

DORIS: Oo. Pero hindi kaya nagtatampo na itong mga pulis at mga Kasundaluhan na parang, “Bakit ba, bakit ba… ano bang ginawa namin sa inyo? Kami nga ay nagsesebisyo din naman, Bakit parang free for all iyong ipinapangako sa amin ng gobyerno, na amin ito pagdating ng araw eh.”

SEC. ROQUE: Oo nga. Well siguro, ang punto de vista rin eh… dahil nadoble na ang suweldo ng mga Kapulisan, baka puwede nang mas maganda ang kanilang pabahay [laughs]…

DORIS: Oo. Baka puwede na silang magplano na, “Ah, bibilhin ko na itong ganitong klaseng furniture dito; pagandahin ko na itong…” Hindi pa naman masyado sa Forbes [laughs]…

SEC. ROQUE: Pero hindi ko po talaga alam ang kuwento diyan, pagdating diyan sa Rizal, kung ano talaga nangyari diyan. Pero ang punto po dahil tinayo na iyan, ginagamit ang pera ng gobyerno, eh hintayin natin kung ano ang desisyon – huwag nananalakay lang at nagdedeklara na sa kanila na iyon, dahil parang wala naman tayong sistema ng batas kung ganiyan ang papatuparin nating polisiya.

DORIS: So in short, hindi na natutuwa ang Presidente sa inyo – iyon iyon.

SEC. ROQUE: Ah hindi na po, nakasimangot na po siya kanina. Sabi niya, “Hindi ah, hindi, hindi…”

DORIS: [Laughs] Buti hindi nanuntok ng pader.

SEC. ROQUE: Ah hindi naman po, ano lang iyon, pagdating sa korapsyon [laughs].

DORIS: Okay [laughs]. Mayroon pinapatanong dito iyong aming mga EP, ano po. Kailan po huli daw napag-usapan sa Cabinet meeting iyong issue ng Kadamay, since March of last year, at ano iyong huling pinag-usapan? Ano—doon na—kanila na talaga iyon? Stay put na sa kanila iyon, ganoon ba iyon sir?

SEC. ROQUE: Well, hindi pa po napag-usapan muli iyan mula noong ako ay sumali sa Gabinete. Pero naalala ko ang desisyon nga, hayaan na iyan, na kumbaga ay naging mapagka-intindi na ang Pangulo noong minsan na nangyari, baka talagang hirap na hirap sila at kinakailangan. At talaga namang nagdesisyon na ang Presidente na mas maganda ang gusto niyang ibigay doon sa mga Kapulisan. Pero hindi na po iyan mauulit. Iyon nga lang, noong mga panahon na iyon, iyong mga nagsasabi kapag papayag, eh di uulitin muli ‘yan ng Kadamay – ito nga nangyari nga.

Pero ang pagkakaiba niyan, eh huwag ninyo namang hamunin ang ating Presidente. Siyempre po, eh nauubos din ang pasensiya ng ating Presidente at intindihin din nila na hindi lang sila ang mamamayan na dapat bigyan ng katuparan na magkaroon ng karapatan sa pabahay.

ZANDRO: Pero Attorney, nakamusta na ba natin iyong lagay noong mga unang batch, batch 1 ng Kadamay [laughs] kung kamusta na po sila at kung sila ba eh nandoon pa rin o kung ano na iyong ginawa nila doon sa pabahay?

DORIS: Pinarenta ba nila iyong binigay na bahay sa kanila?

SEC. ROQUE: Well ako po, ako ay nakasalalay lang ako sa mga balita ng TV Patrol. Noong minsan eh mayroon kayong report na nagbebentahan nga ng bahay pa diyan na hindi naman dapat, kasi hindi naman nila binayaran eh, tapos ngayon ibebenta nila—

DORIS: Oo, kumita pa…

SEC. ROQUE: So, kumita pa. So—pero tingin ko po sa pangyayaring ito, eh tatawagan din natin si NHA Manager at tatanungin nga natin kung ano pa iyong—number one, kung ilan pa talaga iyong mga nakatiwangwang na proyekto na pabahay na hindi pa naibibigay sa mga beneficiaries; at kung pupuwedeng maibigay na nga iyan sa mga qualified beneficiaries – kung hindi doon sa orihinal na intended.

DORIS: Alright. So isa na lang ang aking katanungan Partner, with your indulgence eh ito, bago natin bitawan si Secretary Roque. Ang katanungan ko lang sir ay personal. Kamusta ka na po sir, iyong totoo?

SEC. ROQUE: Well siyempre po, nagpapapayat…

DORIS: [Laughs]….

SEC. ROQUE: Napakahirap po. Mabuti naman po, pero sa totoo lang ho, hindi ko akalain ganitong katindi ang trabaho sa Palasyo, at talaga pong parang bakasyon iyong naging trabaho ko bilang Kongresista kung maikukumpara mo dito sa pagiging miyembro ng Gabinete ni Presidente.

DORIS: May higing ba ng pagsisisi iyan, Sec.?

SEC. ROQUE: Ah wala naman po, dahil ako naman po ay… kumbaga, iba talaga ang nasa Executive – never a dull moment at saka resulta naman kaagad. Hindi gaya po doon sa Kongreso na talagang medyo matagal ang proseso, maraming salitaan na hindi mo naman nakikita iyong resulta kaagad-agad. So iba po talaga Ehekutibo, pero talagang matindi po ang trabaho rito. Sabi ko nga, kung kailan pa ako tumanda, saka ako ganitong katinding magtrabaho. Pero sa akin naman po ay, para sa bayan naman iyan – so maligaya pa rin.

DORIS: Ito, mala-Boy Abunda question: Tatakbo o lalakad? [Laughs]

SEC. ROQUE: [Laughs] Nagdarasal po! Dahil alam ninyo naman tayo eh, hindi naman tayo anak-mayaman. Hindi ko alam kung saan kukunin ang pangampanya diyan. Naisin man natin eh wala naman tayong pangtakbo, anong mangyayari diyan. Pero sa ngayon po, nagdadasal lang at bahala po ang Panginoon dahil sinasabi ko nga noong aktibista ako, hindi ko akalain maging Congressman ako. Noong Congressman ako, hindi ko akalain magiging miyembro ako ng Gabinete. So, bahala na po ang Panginoon diyan.

DORIS: Alright… unless ikaw, mayroon ka pang Boy Abuda question, Zandro?

ZANDRO: Wala, wala na… So aabangan ko ba kayo, sir?

DORIS: Oo, sa Senado itong si Zandro eh, magkikita kayo doon.

ZANDRO: Iko-cover ko ba kayo anytime soon?

SEC. ROQUE: [Laughs] Maki-kamusta tayo… kamusta kay Leila [laughs]. Kamusta si Leila.

DORIS: [Laughs] Okay. Maraming, maraming salamat po sir. Thank you very much.

SEC. ROQUE: Maraming salamat po. Magandang gabi po.

DORIS: Okay, iyan po ang ating Presidential Spokesperson na si Atty. Harry Roque.

###

Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)

Resource