Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Erwin Tulfo – Tutok Erwin Tulfo/PTV

TULFO: Magandang umaga po, Secretary Roque, sir.

SEC. ROQUE: Magandang umaga, Pareng Erwin. Dadagdagan ko lang iyong sinabi ni Chairman Abalos: Ang lugaw ay essential po, kasama na iyong tokwa at baboy. Essential din po iyong tokwa-baboy.

TULFO: Sir, iyong mga sahog, Secretary, tulad ng mga sibuyas, vetsin, kamatis, pupuwede rin po ba iyon, kasi baka hulihin, sir?

SEC. ROQUE: Hindi po, basta pagkain po essential po iyan.

TULFO: All right. Pangalawa pong katanungan, Mr. Secretary. Kinakabahan ang mga kababayan natin, baka maulit daw iyong first distribution ng SAP at saka second, nagkakalituhan. Papaano daw po ba ito mangyayari? Ano raw po ba ang susundin – DSWD, LGU at kailan daw po ibaba iyong mga ayuda na ito? Kailan daw nila matatanggap, Mr. Secretary?

SEC. ROQUE: Well, unang-una, talagang tayo po iyong nag-move na kinakailangan talagang bigyan ng palugit na isang linggo para makapaghanda ang tao bago mag-ECQ. At para makapaghanda rin ang gobyerno sa pagbibigay ng ayuda. Ang naibigay nating assurance ay lalabas at lalabas ang ayuda dahil ang sabi ni Presidente, huwag na kayong mag-lockdown kung hindi tayo makakapagbigay ng ayuda at alam na nga natin ang halaga ng ayuda, isang libo kada tao, hanggang apat na libo kada pamilya. Pero ngayong araw po sa ating press briefing, eh mayroon po tayong mga additional na pag-aanunsiyo, pero hintayin na lang po natin dahil mga 1 hour and 30 minutes na lang po ang aking press briefing.

TULFO: Iyong public transport natin, Secretary, tuluy-tuloy o mababawasan po itong mga jeepney, mga ika nga public transport buses?

SEC. ROQUE: Ang naging pahayag ngayon ng DOTr ay kapareho lang po, nasa 50%. Pero hindi ko po alam kung magbabago pa ito dahil itong isang linggong palugit nga po ay para rin sa gobyerno na magkakaroon ng desisyon. Alam ko naman po na kinakailangan na ng transportasyon, dahil nga po magbabakuna lalung-lalo na dito sa Metro Manila. Pero alam din natin na kapag nanatili ang transportasyon, marami ring lalabas. Bagama’t kinakailangan nating isipin din iyong mga manggagawa doon sa mga industriyang mananatiling bukas. So, hintayin na lang natin kung magbabago po ito, mayroon pa po tayong mga ilang araw bago mag-ECQ.

TULFO: Sir, mayroong kumakalat sa social media iyong litrato, doon daw sa Cebu ito, mga sasakyan nakapila, tapos may mga oxygen tanks sa labas. Medyo it causing a little bit of panic sa ilang mga kababayan natin, para daw nasa India o para daw nasa Indonesia. Totoo po ba ito? Ito po ba ay pinaimbestigahan na ninyo?

SEC. ROQUE: Well, nakita ko rin po iyan, iyong mga larawang iyan at bagama’t hindi ako nagdududa na mayroong pila doon sa paboritong ospital ng mga Cebuano, eh marami naman pong ibang hospital sa Cebu. At nasusubaybayan naman po natin ang datos, hindi pa po kritikal ang ating healthcare utilization rate. So kaya nga po, mayroon po silang, ang tawag po yata nila sa Cebu is One Emergency Center – hindi One Hospital Command. So, makipag-ugnayan lang po sa One Emergency Center na alam nila kung saang hospital sila pupunta. Iyong larawan na kumakalat po kasi, iyan talaga iyong kumbaga kinikilala na pangunahing hospital doon sa Cebu at lahat ng tao gusto doon pumunta. Pero napakadami pa pong hospital ng Cebu city, hindi pa po nagkukulang talaga. So pumunta lang po tayo doon sa hospital na mayroon pang mga kama.

TULFO: Finally, Mr. Secretary, naku, na-bash na naman kayo; paborito kayong i-bash. Iyong sinabi raw ninyo, ayuda ipangutang muna ninyo. Totoo po ba iyon?

SEC. ROQUE: Hindi ko po sinabi iyon, ang sinabi ko po is kaya nga kinakailangang magkaroon ng palugit na isang linggo kasi iyong mga wala talaga, isang kahig, isang tuka, hindi naman pupuwedeng mawala kaagad ‘no. Pero para nga mabigyan din po ang gobyerno ng pagkakataon na, ayusin ang ayuda. Kasi ang nangyayari, tingnan po ninyo iyong sa Cagayan De Oro at Iloilo City, parang pangatlong linggo na bago lumabas iyong ayuda. Eh kung ikaw ay isang kahig, isang tuka, eh ano ang gagawin mo at saka kahit papaano ay hindi mo pupuwedeng biglain iyong taumbayan kasi kung nasunod iyong suhestiyon ng ilan na biglaan na ECQ, eh paano nga iyong isang kahig, isang tuka? Iyon ang konteksto na sinabi ko na at least kung hindi lalabas ang ayuda, mabigyan ng pagkakataon.

TULFO: Gumawa ng paraan.

SEC. ROQUE: Gumawa ng paraan ang ating mga isang kahig, isang tuka.

TULFO: So, iyon iyong konteksto na medyo na misquote kayo.

SEC. ROQUE: Hindi marami lang po talagang mga kalaban ang gobyerno na kahit papaano ay talagang binabaluktot ang lahat. Eh hindi naman po sila nagiging epektibo, kasi ang Pangulo po nananatiling mataas ang kanyang trust at saka satisfaction ratings.

TULFO: Secretary Harry Roque, Presidential Spokesperson/IATF Spokesperson. Sir, maraming salamat po. Ingat po kayo lagi.

SEC. ROQUE: Maraming salamat po at magandang umaga po.

##


News and Information Bureau-Data Processing Center