Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Mike Enriquez – Saksi sa Dobol BB/DZBB

ENRIQUEZ: Secretary, good morning. Long time no see, long time no hear. Si Mike ito.

SEC ROQUE: Oo. Magandang umaga, Kuya Mike, at magandang umaga Pilipinas.

ENRIQUEZ: Opo, kumusta puso ninyo?

SEC ROQUE: Okay naman po. Sana pareho tayo, okay. [laughs]

ENRIQUEZ: Kita n’yo naman. Ano ang reaksiyon dito sa panukala ni Senator Villanueva? Secretary, go ahead.

SEC ROQUE: Well, unang-una, parang imposibleng mangyari po iyon kasi iba po ang brand na tinurok kay Presidente, iba ang brand na tinurok kay Vice President.

Ang problema, itong si Vice President AstraZeneca, eh matagal po iyong second dose niya eh. Kasi iyong aking Tiya po na senior citizen tinurukan ng bago pa mag-Mayo, eh Hunyo pa ang kanyang pangalawang pagturok no. Parang kung hindi ako nagkakamali parang 12 weeks yata in between, three months. Samantalang si President will have his second dose within one month na pagturok niya. So impossible po, kasi hindi nga parehong vaccine ang kanilang kinuha.

Pangalawa, kung ang problema po ay iyong vaccine confidence at saka iyong hindi pagpipili ng brand, tingin ko naman pupuwede naman pong pareho ang Presidente at ang Bise Presidente ay magsalita at magpadala ng parehong mensahe na lahat po iyang mga bakuna ay pare-pareho, maski hindi sila po nagpapabakuna po ng sabay. Na lahat po iyan dumaan sa masusing pag-aaral, napatunayang ligtas at epektibo, hindi lang po sa Pilipinas kung hindi sa abroad na rin, iyong napakadaming mga bansa na nag-approve na ng mga bakuna at ginagamit natin at kasama na po diyan iyong WHO na mayroon pong tinatawag na Emergency Use Listing kung saan lahat halos ng mga bakuna na ginagamit natin ay magiging kabahagi na o magiging kabahagi ng EUL ng ating WHO.

ENRIQUEZ: Opo. Iyong infomercial na pinapanukala – hindi pa po natin alam kung papaano nila gagawin kung matutuloy – pero hindi po sila mag-i-endorso ng kahit anumang tatak o brand—

SEC ROQUE: Hindi po dapat.

ENRIQUEZ: Ang iendorso nila, ang gagawin nila, hihikayatin nila lahat ng Pilipino na magpabakuna at huwag nang mamili. Hindi nila sasabihin, “Uy, dito kayo sa ganitong tatak o sa ganoong tatak,” wala pong banggitan ng brand o pangalan ng bakuna, Attorney.

SEC ROQUE: Tama po iyan. In fact, si Presidente po nag-isyu ng direktiba sa DOH na huwag ng ianunsiyo kung anong brand ang gagamitin sa pagbabakuna para nga maiwasan iyong mga super spreader events na nangyayari, dahil alam mo naman state side talaga ang gusto ng ating mga kababayan.

Pero bukod pa doon ay importante rin na—ang sabi ni Presidente, iyang COVAX na iyan ay para sa mahirap, so ipagpaumanhin na po ng middle class at ng ating mga mamamayan, pero talagang nasa COVAX requirement po iyan na gagamitin iyong mga dinonate na COVAX na mga bakuna para sa mga mahihirap matapos po ang medical frontliners at saka mga senior citizens at mayroong comorbidities.

ENRIQUEZ: Kaya, Secretary, iyong sinasabi ninyong mahihirap mangyayari iyan, nasa isang infomercial si Presidente at Bise Presidente mahirap mangyari iyan kahit na wala silang iendorsong tatak ha, hindi pa rin puwede?

SEC ROQUE: Tama po iyan. Well, kaya nga po iyang ma-develop iyong vaccine confidence, na hindi na sila nagpapabakuna ng sabay, dahil ang katotohanan, limitado talaga. Naku, magagalit po ang COVAX kapag iyan ay ibinigay natin hindi sa mga mahihirap at sa mga frontliners.

Kaya ang direktiba ng Presidente, dalhin na sa mga barangay iyang mga Pfizer na iyan na walang anunsiyo dahil otherwise baka hindi natin makumpleto iyong ibibigay ng COVAX kung hindi tayo susunod.

ENRIQUEZ: Kasi marami po ang nagsasabi, dumadami ngayon ang mga nagsasabi, pati na po mga taga-gobyerno eh, ang kulang daw po ay tamang impormasyon kaya iyong mga tao namimili. Kung tama lang at sapat iyong impormasyon, hindi tayo magkakaproblema ng ganiyan, Secretary?

SEC ROQUE: Well, lahat po ay ginagawa natin para nga sabihin na pantay-pantay po iyong mga bakuna na iyan at nagagalak naman po ako na ngayong malawak na iyong paggamit sa brand ng Sinovac ay marami na rin pong clinical studies na ginagawa at lalung-lalo na diyan sa Indonesia na napatunayan na talagang epektibo po ang Sinovac. Kung hindi ako nagkakamali iyong pag-aaral sa Indonesia na malawakan na ginamit ng Sinovac ay lumalabas na kapareho lang ng efficacy rate ang Sinovac ng kahit anong western brand, parang nasa 91 plus pa sila. At iyan naman po ay binibigyang dissemination din natin ‘no na ngayong marami ng gumagamit ng mga iba’t ibang brands ay lumalabas po halos pare-pareho naman po ang efficacy nilang lahat.

ENRIQUEZ: Okay. So inuulit po natin iyong sinabi ninyo sa bungad nitong panayam na ito, Secretary, na imposibleng mangyari iyan na magsama si Presidente at Bise President sa iisang, ika nga, ay infomercial para hikayatin ang mga Pilipino na magpabakuna, Secretary?

SEC ROQUE: Well, impossible po na sabay silang magpabakuna, kasi ibang brand po sila—

ENRIQUEZ: Hindi ang tanong po namin, iyong mungkahi ni Senator Joel Villanueva na pagsamahin ang dalawang iyan sa isang infomercial na mananawagan at manghihikayat sa mga Pilipinong magpabakuna, anumang klase ng bakuna, kung anuman ang nandoon. Dahil impossible namang magkaroon ng bakuna na hindi aprubado ng gobyerno na hindi ligtas. Ang laking tulong niyan eh ‘pag iyong dalawang—

SEC ROQUE: Pasensiya na po kayo ha, ang briefer po na binigay sa akin eh sabay daw sila magbabakuna, eh impossible nga po iyong sabay sila.

ENRIQUEZ: Hindi po iyon. Sabay silang lalabas sa isang infomercial, hindi naman kailangan i-shoot ika nga, gawin ninyo sa ibang lugar hindi ba, dahil sa teknolohiya. Tulad ngayon nag-uusap tayo, nasa ibang lugar kayo, nasa ibang lugar kami, nandito kami sa studio hindi ba.

Puwede silang gumawa ng isang infomercial na hindi sila magkaharap na ang lalamanin po ganito, halimbawa, si Harry Roque at si Mike Enriquez, “Hoy, mga Pilipino, magpabakuna na kayo. Huwag na kayong choosy, lahat iyan ligtas. Tayo na, bakuna na!”

SEC ROQUE: Tayo kasi, Mike, madali iyan eh dahil pareho kasi tayong may comorbidities, ‘Kami may comorbidities!’ [laughs] ‘Suwerte kayo, wala kayong comorbidities. Kaya kayo, habang wala kayong comorbidities, magpabakuna na kayo.’ [laughs]

ENRIQUEZ: Huwag na ninyong isali si Roque at saka si Mike Enriquez, saling pusa lang iyan.

Hindi po iyong briefer, kung anuman iyong ibinigay sa inyo. Ang tinutukoy po namin, uulitin po namin, iyong rekomendasyon ni Senador Joel Villanueva na pagsanibin, pagsalihin sa isang infomercial ang Presidente at Bise Presidente at sabihing, ‘oh, tingnan ninyo kami bakunado na kami pareho, ligtas, walang problema iyan.’

Mas makakatulong pa nga kung sabihin nilang, ‘magkaiba kami ng bakuna, pero kita ninyo, magpabakuna na kayo, huwag na kayong pipili ng bakuna,’ sabay nilang sasabihin iyon sa isang infomercial. So, sinasabi ninyo hindi mangyayari iyon, Secretary?

SEC ROQUE: Well, kasi po hindi ko naririnig kay Vice President Leni iyan, ang narinig ko lang po kay Presidente.

Kasi ang alam ko po sa mga unang panahon eh kinukuwestyun pa nga ni VP Leni iyong paggamit ng Chinese vaccine. So parang I cannot see na i-endorso niya pare-pareho. Sana po, kung masasabi niya iyan, eh matuloy iyon, pero alam po ninyo ginawa talagang pulitika pati itong bakuna. Kaya nga po sinabi nila itong Chinese ginagamit natin kapalit ng WPS, naalala ninyo iyong panahon na iyon, na sinasabi inferior daw ang Chinese, eh hindi naman po totoo, dahil napapatunayan na ngayon sa mga pag-aaral na kapareho lang ng efficacy rate. Eh isipin naman ninyo bilyun-bilyon iyong mga Tsino, eh kung hindi epektibo iyong kanilang bakuna eh di dapat kuta ngayon sila ng COVID. Eh mukhang nalulutas na iyong problema.

So sa atin po, sana po masabi mismo ni Vice President iyon, simulan po natin doon at kung masasabi niya na pantay-pantay talaga lahat ng bakuna at isasantabi niya iyong pulitika, eh pag-aaralan natin iyan, bakit naman hindi. Pero ang tanong: masasabi ba iyon?

ENRIQUEZ: So sinasabi ninyo, pag-aaralan lang kung sasabihin iyan—ganito po ang mangyayari sasabihin po namin, Secretary. Ang tawag nito sa wikang English, sa mga inglesero at inglesera disclosure, pagkatapos po ninyo eh makakapanayam na po namin, nagkumpirma na po si Atty. Barry Gutierrez, tagapagsalita po naman ni Vice Presidente Robredo. Titignan natin kung ano ang isasagot niya doon sa tinatanong namin: Kaya ba o hindi noong inyong mga amo na magsanib sila sa isang infomercial para hikayatin ang mga Pilipino na magpabakuna at huwag ng mamili ng bakuna? Halimbawa, kung sabihin ni Barry Gutierrez ‘payag kami,’ sabi ninyo hindi pa rin puwedeng mangyari iyon ha?

SEC ROQUE: Well, kasi po tandang-tanda ko po. Isa sa mga nagsabi na kinakailangan may freedom of choice ay si VP Leni, kasi lumang isyu na po ito. Maalala mo mayroon pang isang celebrity na nasabi eh bakit mo sasabihing hindi puwedeng pumili ‘no. Eh ako naman sinasabi ko lang naman iyong katotohanan. So talaga pong hinaluan ng pulitika ito at nandito na tayo sa punto na kinakailangang magpakatotoo at mabuti na lang po, one thing going for us is itong mga Chinese brands na ito ay nagiging kabahagi rin ng WHO Emergency Use List na nagpapatunay na pantay-pantay talaga silang lahat.

ENRIQUEZ: Oh, sige po malinaw, Secretary. Sige po, salamat sa pagsagot sa tanong ha.

SEC ROQUE: Maraming salamat po.

ENRIQUEZ: Ang puso, puso. Magandang umaga. Salamat po, Secretary.

SEC ROQUE: [Laughs] Magandang umaga, Kuya Mike.

##


News and Information Bureau-Data Processing Center