NOLI: Secretary, good morning.
SEC. ROQUE: Yes, magandang umaga Kabayan at lahat ng nanunuod at nakikinig, magandang umaga po.
NOLI: Bakit daw hindi natuloy iyong lakad po ng Department of Labor at saka Department of Foreign Affairs sa Kuwait? Naghihintay po kasi iyong mga kababayan natin doon.
SEC. ROQUE: Okay. Kasi po nanggaling na po doon sa Kuwait si Secretary Abdullah Mamao na Presidential Adviser on OFW Concern. So ang nangyari po, may mga mabuting balita naman si Secretary Mamao, bagama’t hindi na muna natin i-a-anunsyo iyan hanggang hindi actually mangyari iyong mga mabuting mga balitang iyan.
So ang nangyari po—mamaya ko po sana sa press briefing sasabihin pa ito ‘no. Pero ang nangyari po, itinalaga na lang ni Presidente si Secretary Mamao na bilang Special Envoy to Kuwait. At ang bilin po ni Presidente, babalik si Secretary Mamao sa Kuwait sa lalong mabilis na panahon. Mag-i-stay siya sa Kuwait hanggang hindi nakakauwi sa Pilipinas ang lahat na dapat makauwi.
NOLI: Talagang tututukan na niya.
SEC. ROQUE: Opo, opo. So pero meron naman daw pong mga breakthrough at bukod pa po doon eh, iyon nga po inaasahan na sana po ay magpatuloy na nga iyong pagiging normal ng ating pagsasama bilang dalawang bansa. Pero iyan po ang naging desisyon kahapon ni Presidente, italaga si Secretary Mamao bilang Special Envoy to Kuwait.
NOLI: Okay. So, umaasa po tayo magiging positive ang resulta kung saka-sakali, Secretary?
SEC. ROQUE: Opo, opo. At kakabalik lang naman po ni Secretary Mamao, pero ang sabi ni Presidente bumalik ka hanggang makauwi ang lahat ng dapat makauwi.
NOLI: Oho. Isa pang isyu po itong tungkol sa PhilHealth. Ang binabanggit ninyo eh ini-imbestigahan nga iyong OIC President ng PhilHealth at saka iyong mga ginastos niya; pero nag-react din po ang Philippine Hospitals Association of the Philippines ay bilyon pala po ang inaabot na utang sa mga hospital na hindi nababayaran ng PhilHealth. Kaya sila ay sumisigaw na at nagpapatulong sa Malacañang.
SEC. ROQUE: Well, noong minsan kasi naimbestigahan na ng Office of the President itong PhilHealth ‘no. At ang masasabi ko lang po ngayon ng pumutok po ito – lalung-lalo na lumabas iyong balita na hindi lamang doon sa kanyang mga biyahe, iyong—OIC pala po ito ‘no.
NOLI: OIC pa lang.
SEC. ROQUE: Oo. At lumabas pa iyong mga bilyung-bilyong pagkakalugi ng PhilHealth. Eh ito naman po ay iimbestigahan din ng ating Palasyo at kaunting panahon lang po. Kasi ito namang mga balita po ay kakaputok lang po.
NOLI: Oho, pero itong sa PhilHealth na utang sa mga ospital, karamihan sa outside Metro Manila, eh taon na raw po ang binibilang. Natatandaan ko, noon pa sila nagrereklamo, eh nakikiusap sila na ipararating na nila sa Malacañang. So uunahan ko na ho sila na iparating ho sa inyo ang problema ng mga ospital na ito na aba eh malalaki ho ang utang. Merong umaabot ng 24 million pesos sa isang ospital lamang.
SEC. ROQUE: Oo. Ang alam ko po eh noong dati, meron ng isang taong natalaga na pag-aralan itong nangyayari sa PhilHealth. So tatanungin ko po iyong taong iyon kung meron siyang mga bagong hakbang na gagawin.
NOLI: Isa pa pong mga lumalabas sa mga news item – pero hindi po namin ma-i-announce – sa ibang istasyon ng radyo, sa mga dot com na mga pahayagan ano po, na tinanggal na raw po si Secretary Wanda Teo ng Department of Tourism ng Malacañang… ni Presidente, kagabi lang?
SEC. ROQUE: Wala pa po akong kumpirmasyon at wala po akong impormasyon. Nag attend po kahapon is Secretary Wanda Teo ng Cabinet meeting. Bagama’t ng matapos po ang Cabinet meeting ay kapansin-pansin po na nag one-on-one silang dalawa ni Presidente.
NOLI: Kasi ang lumabas po, eh ang parang dateline ay 2 o’clock in the morning. Siguro after ng Cabinet meeting.
SEC. ROQUE: Wala po akong ganyang impormasyon, kasi siyempre hindi naman po pupuwedeng manghimasok sa naging pribadong usapan noong dalawa. At iyon lang po ang masasabi ko, nagkaroon ng medyo matagal din silang pribado. Kasi sa totoo lang po, ayaw ko sanang umalis ng Palasyo, may itatanong ako kay Presidente, pero medyo matagal po iyong usapan nila. So umalis na po ako. Dahil hindi ko na po naantay.
NOLI: Anyway, so mabuti po aming tinawagan muna kayo, dahil hindi nga ho namin mai-announce, dahil nga gusto namin ay kumpirmado ano po.
SEC. ROQUE: Oo. Nakaalis na po ako, bagama’t—Kabayan ang totoo niyan eh, matapos akong makaalis ng Palasyo, eh pinababalik po ako at bumalik ako pero hindi na ako umabot at nakauwi na nga raw po sa Bahay Pangarap si Presidente. So hindi ko po alam kung ano ang dahilan bakit ako pinabalik. So mamaya ko pa lang malalaman kung bakit ako gustong pabilikin.
NOLI: Malalaman na lang mamaya.
SEC. ROQUE: Opo.
NOLI: Thank you po Secretary and good morning.
SEC. ROQUE: Maraming salamat po. Magandang umaga po.
###
SOURCE: PCOO – NIB (News and Information Bureau)