TED: Salamat sa panahon, Attorney. Actually po binalikan ko iyong November 23 speech ng ating Pangulo concerning ERC ‘no. Iyong kanyang panawagan dati na mag-resign na kayo diyan, iyong mga commissioners. Ngayon po, ito ho may panibago na namang suspension order sa ERC Commissioners.
SEC. ROQUE: Opo, opo.
TED: Ang kaisipan po ni Atty. ‘JJ’ Justiniano, sabi niya dapat ito ay immediately executory. So, Atty. Harry, kasi po—again ano po, atin nga pong napakinggan dati ang ating Pangulo, sinasabi niya itong mga taga-ERC, si Salazar po nawala na, iyong apat diyan pinagre-resign niya. Hindi po naipatupad iyong unang one year suspension; ngayon may panibago na naman, eh wala pa ho namang TRO eh, papaano ho kaya ito, Attorney?
SEC. ROQUE: Well, alam n’yo po malinaw nga ang sinabi ni Presidente diyan – nasa Kamara pa ako. Narinig na natin ang posisyon ng Presidente na dapat talagang matagal na silang nagbitiw. Pero talagang mga parang kapit sa ewan ko ba… sa kapangyarihan ano. Pero ang mabuting balita, Manong Ted, iyong dalawa diyan ang termino nila eh matatapos na itong buwan ng Hulyo.
Sa totoo lang po noong nagkaroon ng isang taon na suspension iyan, eh meron na pong apat na dapat na ipapalit in an acting capacity. Iyan po ang katotohanan, bagama’t hindi ko nana isinapubliko, kasi nga po lumabas naman iyong TRO ng Court of Appeals ‘no. Pero matagal na pong handa sanang mag-appoint ng acting commissioners para hindi naman ma-paralyze iyang ERC na iyan.
Pero ngayong meron na naman pong suspension, tama po si Atty. Justiniano, iyan po ay immediately executory. Pero tingnan po natin kung ano naman ang gagawin ng Court of Appeals ‘no, kasi nakatali naman ang kamay ng ating Presidente dahil ang Hudikatura iyan po ay independiyenteng sangay ng ating gobyerno.
Pero mabuting balita po sa publiko na talagang naniniwala na kinakailangang palitan iyang mga ERC, iyong dalawa pong iyan, tapos na ang termino sa Hulyo. Kaya nga po hindi ko maintidihan kung bakit pa sila kakapit diyan sa kanilang katungkulan eh ilang tulog lang naman wala na sila ‘no.
At sigurado po ako ngayon na mabilis ang magiging appointment ng kapalit nila, dahil gaya ng sinabi ko, iyong dati nga po handa na si Presidente magtalaga ng apat na bago.
TED: Opo, iyon pong dalawa, sino ho iyon, Attorney?
SEC. ROQUE: Hindi ko po masigurado, pero may dalawa diyan na matatapos na ang termino sa Hulyo. So sa akin, hindi ko maintindihan, bakit pa sila nag-Court of Appeals, halos tapos na nga ang Hunyo ano. So, ang pinag-uusapan dito dalawa, tatlong linggo ‘no. So ano pa ang makukuha nila diyan, ‘no. Ewan ko lang kung meron talaga silang inaantay diyan. Pero Hulyo po tapos na at mabilis na mabilis po ang pagtatalaga diyan ng Presidente. Dahil alam ko po, meron nang napili.
TED: Opo, pero Attorney, mabanggit ko lang ito ha. Kasi po iyong kung matatapos, kung finished term ho iyong commissioner diyan eh, aba ang kanilang matatanggap na pension habangbuhay ay katumbas ng pension ng Associate Justice ha. Habangbuhay ha! Hangga’t nabubuhay ka, so kung ika’y wala pang singkuwenta aba eh hanggang buhay ka, meron kang tatanggapin na pension katumbas ng Associate Justice po ng Kataas-taasang Hukuman.
SEC. ROQUE: Pero wag po nating kalimutan na tuloy pa rin iyong kaso nila. Bagama’t makakakuha sila ng TRO at kapag nagkaroon ng desisyon naman ang Sandiganbayan na talagang sila ay may batas na nilabag, eh kasama po diyan iyong disqualification at saka iyong forfeiture of all retirement benefit. So umasa po tayo may katarungan sa huli.
TED: Oh, sige po. Atty. Harry, salamat sa panahon. Attorney, mabuhay po kayo. Thank you.
SEC. ROQUE: Maraming salamat. Magandang umaga po.
###
SOURCE: PCOO – NIB (News and Information Bureau)