Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Ted Failon (DZMM – Failon Ngayon)


TED:  Sec. Harry, good morning, sir.

SEC. ROQUE:  Hello. Magandang umaga Manong Ted; at magandang umaga sa mga nanunuod at nakikinig sa atin ngayon.

TED:  Sec. Harry, doon po sa sinasabi po ninyo ano na  iyong lupon na makikipagpulong sa mga—ano  ho ito, Simbahang Katolika lang o sa lahat po ng sekta?

SEC. ROQUE:  Well, ngayon po ang uunahin po ata ay Simbahang Katolika at saka ang PCEC, kasi dalawa sila na talagang nagsalita ‘no. Pero itong initiative po ng pagkakaroon ng dialogue, lilinawin ko lang po, ito ay nasimulan na bago pa pumutok itong mga sinabi ni Presidente tungkol sa Panginoon.

Ito po in fact ay siguro mga two weeks ago, ito po ay nagmula doon sa mga patayan ng mga pari. At ang nais talaga ng Palasyo na magkaroon ng mas malakas na kaugnayan sa Simbahang Katolika, para malaman kung ano talaga ang kinakailangan pagdating sa seguridad ng ating mga kaparian ano. So, iyon po iyong nag-hudyat para magkaroon ng ganitong dayalogo.

Pero dahil nga po sa mga pangyayari, eh siguro po mas matindi iyong pangangailangan na magkaroon ng komunikasyon sa panig po ng Simbahan at ng Palasyo dahil pareho naman pong naninilbihan iyan sa lipunan natin.

TED:  Ano ang purpose po ng dayalogo, Sec, basically?

SEC. ROQUE:  Well, marami po ano. Gaya ng sinabi ko ang nag-hudyat talaga rito iyong series of patayan laban sa mga kaparian, nais nating malaman kung ano ba talaga ang motibasyon kung bakit napapatay ang mga pari; ano ang kinakailangang gawing mga hakbang para bigyan ng proteksiyon ang ating mga kaparian. Iyan po ang pinagmulan nung initiative—

TED:  Kaya nga po, opo.

SEC. ROQUE:  Pero ngayon po, mukhang mas malawak na ‘no. Nais nating magkaroon ng dayalogo sa panig ng Simbahan at ng gobyerno, kasi nga ang sinasabi ko naman, nagsalita ang Presidente, totoo po iyan laban sa Simbahang Katolika. Pero sa nakalipas na dalawang taon naman, napakadami ring maaanghang na mga mensahe ng Simbahan laban sa ating Presidente.

So, ang sabi ko nga, wag namang balat-sibuyas. At hindi naman pupuwede Simbahang Katolika lang ang magbabato ng kritisismo sa ating Presidente; at kapag ang Presidente nagbato ng kritisismo, eh parang hindi matanggap. Kasi, isa-isahin n’yo po, iyong mga pastoral letters; isa-isahin n’yo po ang mga deklarasyon ng mga namumunong mga Bishops laban kay Presidente.

Ang katotohanan po kasi, sa mula’t-mula ayaw ng Simbahang Katolika kay Presidente dahil meron silang pinanigang kandidato at hindi nila matanggap na hindi talaga nanalo iyong kandidato nila, so hindi po siya tinantanan.

Pero ngayon po matapos ang dalawang taon na nagsalita siya, parang ang hirap tanggapin. Pero sa akin po iyan po iyan ay kaparte, kabahagi ng diskurso at itong dayalogo nga pong ito ay para magbigay ng hindi naman po mas malinaw na relasyon, kung hindi pagkikilala na pareho nga pong may obligasyon sa taumbayan ang Simbahan at ang gobyerno. Tingnan natin kung saan puwedeng magtulungan iyong dalawang institusyon at tingnan natin kung paano maresolba iyong mga hindi pagkakasundo.

TED:  Kasi po ano, pag pinag-usapan nating dayalogo, eh basically nga po, para iyan magkasundo, magka-ayos sa ano man pong hindi po magkakaunawaan. So, kung atin din po namang huhugutin po iyong pinanggalingan po ng Pangulo at saka nung kabilang banda, ang lahat ng ito naman ay freedom of expression – karapatan mong maghayag niyan.

So dito ho sa—sino ho ba ang kakausap po sa Simbahang Katolika? Para bang—ang akin kasi dito, naghayag po ang ating Pangulo ng mga salita na nakasakit sa damdamin po ng ilang mga Katoliko. Ang akin pong iniisip, ano ba talaga ang pupuntahan po ng usapan na ito – ceasefire sa pahayag?

Papaano kaya ito? Kasi hindi ba ang Pangulo, kapag nauwi siya roon sa punto ng meron siyang naalala, talagang sasabihin niya nararamdaman niya, ang damdamin niya, eh ganoon po ang ating Pangulo eh.

Ang Simbahang Katolika naman, meron lang… may ganito pong balita, sila po ay naghahayag ng kanila pong damdamin din at sinasabi na ito na kanila pong damdamin. Papaano kaya, how do you reconcile that, Attorney?

SEC. ROQUE:  Well, talaga pong meron silang mga kaniya-kanyang damdamin. At gaya ng sinasabi ko sa nakalipas na dalawang taon – tapatan lang – pareho po sila na ayaw sa isa’t-isa. Tanggapin po natin ang Simbahang Katolika, ayaw kay Presidente Duterte, ‘wag na tayong makipag-plastic; kung gusto nilang ibalik iyong kanilang kandidato ay ibabalik nila ano. Pero iyon nga po eh, may apat na taon pa, ano ang gagawin. Puwede naman pong continuous ang labanan kung gusto; pero ayaw naman ni Presidente rin iyan.

Ang sa kaniya, nasabi ko ang gusto kong sabihin, walang pupuwedeng pumigil sa akin sa aking paninindigan, gaya ng hindi ko naman pinipigil ang kahit sinong maniwala sa doktrina ng Simbahan. Pero tingnan natin kung paano nga tayo pupuwedeng magkaroon ng working relationships man lang kung hindi palagi na lang tayong naggiyerahan.

Alam mo nakakapagtataka nga po, kasi itong Presidente natin ngayon, pagdating doon sa mga issues na traditionally eh nagiging dahilan na hindi magkasundo ang gobyerno eh wala pong mga ganiyang balakin eh.

Unang-una, ang Presidente tutol din sa same sex marriage. Pangalawa, ang Presidente tutol din sa absolute divorce. So, dapat nga magkasundo, magkaroon ng mas malapit na relasyon itong dalawang institusyon na ito, dahil sa tingin ko, ngayon lang talaga nagkaroon ng pagkakataon na maraming issues na hindi pinagkakasunduan ang Presidente at ang Simbahang Katolika.

Pero iyon nga po, iyan ang dahilan kung bakit magkakaroon ng dayalogo – ano ang puwedeng mapagkasunduan, hindi pa po alam. Kasi ito po ay open, frank, candid discussion kung may pagkakasunduan, pagkasunduan, kung wala, wala, pero buksan natin ang proseso ng dayalogo

FAILON:  Alright. Maliban po sa Simbahang Katolika Secretary, mayroon pong isang grupo eh… nawala lang po sa akin ditong—kasi—

SEC. ROQUE:  PCEC po, PCEC…

FAILON:  Parang medyo hindi ako pamilyar sa grupo, opo. Very strongly worded ha… Philippine Council of Evangelical Churches… opo.

SEC. ROQUE:  Churches… Well sinabihan po ako ni Usec. Abella na mayroon nga daw pong inisyal na pag-uusap mamayang alas dos. Ang problema ko naman ay mayroon na akong schedule ng alas dos, pero siguro po hahayaan ko na sila Usec. Abella at saka si Boy Saycon na tumuloy doon sa PCEC, dito daw yata sa Greenhills area ‘no.

Pero nakapagtataka nga po na nagsalita rin ang PCEC, kasi I would think na iyong sinabi ni Presidente—alam ninyo hindi naman siya unang-una nagsabi niyan eh. Kung titingnan ninyo iyong ating kasaysayan, kaya po nagkaroon ng reformist movement, kaya nagkaroon ng mga Protestant Churches – eh iyong disagreement with basic doctrines. Eh iyong konteksto naman na sinabi ni Presidente hindi po literal iyon eh, ang kontekstong sinabi niya iyong interpretasyon na binibigay doon sa traditional na kuwento ng creation na talaga namang tinatanggap ng karamihan dahil ito ay isang isyu ng pananampalataya; hindi naman kinakailangan maging irasyonal ang pananampalataya.

Pero, may mga iba rin na nagsasabi na dapat huwag literal at iba iyong paningin nila doon sa konteksto ng original sin. Pero ano na po iyan, na usaping theology na iyan. Pero iyon po, makikipagdayalogo rin po tayo sa PCEC dahil tama po kayo, maanghang ang kanilang inisyung statement. Ang initial observation ko ay parang they didn’t get the message, na ang sinasabi ni Presidente was really contrary to a specific doctrine of the Roman Catholic Church. At kung mas malawakan po ang tingin, parang iyong mga Protestante mas maintindihan iyong disagreement doon sa dogma attached to, iyong sa story ng creation.

FAILON:  Opo. Sir can I just clarify, mukhang iyong… mas ano, iyon pong—mas matindi po na pahayag ‘no, ay Evangelical Christians Intercessors for the Philippines ‘no. Tama ba Franco sa ating—kagabi po sa TV Patrol, iyong kanilang statement nga… sabi ko sa lahat ng grupo, mukhang ito iyong napakatindi po ng ano ‘no, ng—binasa po kagabi iyan eh, na statement nila – ang lupit.

Ito ho bang ganito po katindi na mga reaksiyon, ano ho ang effect nito sa ating Presidente? Sabi po, “The President has crossed the line, ultimate sin only Satan can do…” mga ganoon po ang statement eh. So sabi ko aba sobrang ano nito, talagang kumbaga sa nasaktan – nasaktan. Ano ho ang damdamin dito ho ng Pangulo sa ganito pong uri po ng reaksiyon?

SEC. ROQUE:  Tatapatin ko po kayo, paulit-ulit sinasabi ng Presidente iyan, “Murahin ninyo ako nang murahin, basta kayo ay Pilipino tatanggapin ko iyan, dahil ako ay pinapasuweldo ng sambayanang Pilipino.” Ang totoo naman po niyan, wala nang… wala nang hindi naibato kay Presidente – lahat na ng puwedeng ibato, binato na nila at tinatanggap niya iyan in stride. At tinatanggap niya iyan na bilang paninindigan niya na importante iyong kalayaan ng malayang pananalita ‘no.

So wala pong puwedeng magreklamo na kahit sino sinusupil ni Presidente, dahil hinahayaan niya iyan. Naku, iba sigurong tao mayroon nang ginawa iyan sa mga binabato nila kay Presidente. Pero lahat po puwedeng sabihin, dahil after all nagsalita rin ang Presidente, in-expect niya na sasagutin din siya ng tao – ganiyan po talaga ang anyo ng demokrasya at ganiyan po talaga importansiya ng pananalita.

FAILON:  Opo. So kailan po kaya sir, kailan po kaya ang pulong na ito magsisimula and then the chance of all of these ano ho, itong mga leader po ng mga simbahang ito ay makaharap mismo ang Pangulo?

SEC. ROQUE:  Well, we’re working on that po ‘no. At sabi ko nga ngayong hapon pa lang eh mayroon nang simulang paunang pagpupulong ‘no. I will try po na ibago iyong schedule ko para makahabol man lang ako, pero biglaan po kasi itong petsang ito. Kakadating ko lang po kasama ni Presidente from Zamboanga. We arrived at 1:30 in the morning, kaya nagulat po ako doon sa mensahe na mayroon nang 1:30 rin this afternoon ‘no.

Pero sa amin po ay sisimulan na ito at uulitin ko po, maraming mga issue na dapat magkaroon ng kooperasyon ng estado at ng simbahan. At siguro po ang unahin natin iyong issue nga ng mga patayan, iyong issue ng…

FAILON:  Opo, opo… Last point po Sec., iyon daw pong Philippines for Jesus Movement is demanding public apology from the President. Ano ho kaya ito – ang take po ninyo?

SEC. ROQUE:  I don’t think anyone can demand anything from anyone – not because he is President, pero ang sabi nga niya, “Sumagot kayo kung gusto ninyong sumagot ‘no,” ganiyan po ang anyo ng malayang pananalita.

FAILON:  Alright. Kayo ho ba—on a personal note po Secretary, kayo ho ba ay ano, Katoliko o ano po kayo?

SEC. ROQUE:  Ay, I’m a Christian po… at saradong Kristiyano po.

FAILON:  Opo. Sarado ano, talagang hindi na magbubukas iyan ha? [laughs]

SEC. ROQUE:  Hindi po, ako po ay talagang naniniwala sa Panginoon. Pero ang sa akin po ay kaniya-kaniyang paninindigan iyan, at tanggapin natin na hindi natin maaalis – ang pananampalataya ay hindi pupuwedeng kuwestiyunin kahit na sino.

FAILON:  Opo, at saka iyan po ay isang bagay nga po… ako po, that I don’t want to thread into a debate ‘no, kapag pinag-usapan natin ang relihiyon at interpretasyon po sa Biblia – iyan ang isang bagay na iniiwasan ko… sa kahit na kanino kong kaibigan at pinag-usapan, naku po! Oo, ayoko na ho ano. Basta, igalang po natin po ang ating paniniwala sa ating—kaniya-kaniya po tayo. Salamat po, Secretary.

SEC. ROQUE:  Salamat po, Manong Ted.

FAILON:  Opo. Mabuhay, thank you

###

SOURCE: PCOO – NIB (News and Information Bureau)

Resource