VIC: Alright, anyway ito na. Alamin na natin kay Secretary Harry Roque, kapamilyang Harry Roque. Secretary, magandang hapon po.
SEC. ROQUE: Yes, magandang hapon Vic at magandang hapon sa lahat ng nakikinig at saka nanonood sa atin ngayon.
VIC: Definite na iyon, babawiin natin iyong lagda natin sa Rome Statute?
SEC. ROQUE: Eh mukhang definite po ‘yan ‘no. Nakakuha ako ng mensahe na—kaninang alas tres ng umaga na talagang tuluyan na tayo po ay aalis ng International Criminal Court.
VIC: Oo. Dahil… unang-una palagay ko, talagang hindi nagustuhan ng Pangulo iyong… hindi ba, iyong akusa tapos hatol kaagad eh. Hindi ba, parang pusoy kaagad kumbaga hindi ba? Hindi na ho parang… iyon nga, iyong presumption of innocence binabasa ko rito, wala na ho bang ganoon? Naging bias ho ba?
SEC. ROQUE: Well ang nangyari po kasi, tayo naman po ay naging miyembro ng ICC base doon sa prinsipyo na hindi naman Court Of First Instance ang ICC. Pupuwede lang gumalaw ang ICC kapag iyong mga lokal na hukuman natin ay iyong unwilling or unable. Iyong unwilling—iyong unable muna, hindi gumagana ang mga hukuman, iyong mga bansa gaya ng Somalia, ng Sudan ‘no, na dahil sa giyera walang hukuman na gumagana; o ‘di naman kaya iyong unwilling. Iyong unwilling is iyong, hindi pupuwedeng makasuhan ang kahit sino.
Sa atin naman, bagaman at mayroon tayong impunity, alam naman natin na iyong impunity, habang nasa kapangyarihan lang si President at alam nga natin dalawa nang presidenteng nakulong matapos ang kanilang termino. So mayroon pa nga tayong batas na lokal, iyon ang tinatawag na IHL law na pinaparusahan din iyong mga krimen na nasa hurisdiksiyon ng ICC.
So iyon po ang malabo, bakit nagkaroon ng preliminary examination bagama’t ito’y hindi pa pormal na proseso, eh alam na alam naman nila may hukuman tayo at saka mayroong mga kasong gumagalaw ngayon sa mga lokal na hukuman natin. Ang Ombudsman nag-iimbestiga dito sa mga diumano extralegal killings, may mga writ of amparo na na-issue ang ating hukuman – diyan sa Payatas – may mga extralegal killings ‘no.
So malinaw na itong pagsimula lang ng tinatawag na preliminary examination na ito, bagama’t hindi pa pormal na proseso, ito’y napaka-politikal na proseso na parang ito’y kumikiling doon sa mga kalaban ng ating Presidente, dahil dapat ‘yan binasura, hindi na pinansin. Marami naman kasing mga reklamo na hindi pinapansin, for instance, maraming nagdemanda laban kay Santo Papa, o hindi naman pinapansin ‘yan ng International Criminal Court bagama’t member ang Italy at saka ang Vatican.
So siguro, iyon ang talagang naging dahilan kung bakit nagdesisyon ang Presidente na umalis na sa ICC. At nabanggit din niya noong Lunes na ito kasing ICC, karamihan ng miyembro nito mga European – ang Amerika hindi member, ang Russia hindi member, China hindi member ‘no. So ito’y predominantly Europeans, at ang sabi nga ng Presidente para bagang, ito iyong hangover ng mga colonial powers na nais pa nilang ipagpatuloy iyong kanilang colonial na pananakop ng mga bansa gaya ng Pilipinas ‘no. So ‘yan iyong mga kadahilanan, iyan iyong isang sentimiyento na narinig ko sa bibig mismo ng Presidente natin noong Lunes.
VIC: Uhum… Eh dito ho sa atin eh, kahit maya’t maya mag-file ka ng demanda, tatanggapin ng korte. Ibig sabihin, functional ang mga korte natin at wala muna silang karapatan na pakialaman iyong mga kasong iyon dahil sandali lang, it’s also one way na parang ino-over ano nila ang ano… pina-power play nila ang mga korte rito, binabale-wala nila.
SEC. ROQUE: Tama po, at saka insulto iyon na para tayong Sudan at Somalia. Kita mo naman iyong may mga kaso sa ICC – mga Libya, mga Afghanistan – hindi naman ganoon ang ating sistemang legal ‘no, oo.
VIC: Yeah. At saka iyong mga genocide – iyon ibang klase talaga iyon – iyon yata iyong papipilahin mo, ima-mass grave mo ang mga daang libong katao, parang iyon ang talagang dapat nilang asikasuhin, iyong mga ganoong kaso!
SEC. ROQUE: Tama po. At ang kinakaso nila sa atin, iyong crimes against humanity. Pero ang crimes against humanity, iyong murder na tinatawag diyan dapat illegal iyong pagpatay. Eh sa atin naman, iyong mga… sabihin na nating mga napatay sa drug war, hindi ‘yan iligal – iyan po ay kasapi sa isang valid and legitimate police action. At kanina nga kausap ko si General Albayalde, sabi niya sa 4,000 na patayan ay 2,000 na ang documented nila; at lahat, isa-isa ‘yan ini-imbestigahan. Hindi ka kasi pupuwedeng magsampa ng kaso ng crimes against humanity kung mayroong mga imbestigasyon na nangyayari na sa mga lokal na hukuman. At malinaw naman po, nandiyan iyong mga imbestigasyon na ‘yan.
VIC: Oo, at saka may papel eh… may after operations report, may mga newscast, may nakikita tayong… may labanan eh. Hindi naman ‘yan iyong kahit sino na lang papatayin mo – it’s not like that. I mean you know, we have papers and it is being investigated. Let’s face it, siguro mayroong mga lumampas sa hurisdiksiyon na mga pulis, pero iniimbestigahan po ito.
SEC. ROQUE: Tama po. At kaya nga po masakit na bakit ninyo kami tina-target kung hindi lang talagang colonial kayo at nais nilang impluwensiyahan ang atin ngang politika dito sa ating bayan.
VIC: Bakit tayo tina-target, Secretary? Sa tingin ninyo, ano mayroon?
SEC. ROQUE: Well ang sabi ni Presidente, kasi nga hindi nila matanggap itong bagong pagkakaibigan natin dito sa ating mga karatig-bansa sa Asya. At ang nais pa rin nila, sunud-sunuran tayo sa kanilang mga puti.
VIC: Ah, eh hindi na ho yata puwede iyon. Maski tayong dalawa, hindi ho tayo papayag na sunud-sunuran tayo sa kanila. Because you know—
SEC. ROQUE: Ah hindi po. Kaya nga po ito na naging desisyon ‘no. Alam mo malungkot diyan, ang Pilipinas ang tanging kaalyado ng ICC dito sa Asya.
VIC: Kaya nga eh…
SEC. ROQUE: Tayo naman ang pinaka-aktibo umengganyo doon sa mga karatig-bansa natin maging miyembro ng ICC. So ngayong tayo’y aalis na, wala nang matitira diyan. Alam mo tingin ko, ceasing na itong ICC dahil kapag nagsalita pa ang Presidente at sabihin niya na ito’y isang colonial na institusyon, talagang iyong mga nais pang sumapi, hindi na sasapi talaga ‘no. Sa Southeast Asia, dadalawa lang ang matitirang miyembro ‘no – Timor L’este at saka Cambodia ‘no. Iyong mga bansang Indonesia, Thailand na matagal nating hinihikayat na sumali sa ICC, hinding-hindi na sasali. At sa Africa, tatlong bansa na rin ang nagpahiwatig na sila’y aalis na rin ng ICC ‘no.
Tingin ko, this is the beginning of the end of the ICC, and the prosecutor has only herself to blame, kasi hindi niya sinunod iyong tratado mismo na ang dapat lang niyang imbestigahan iyong mga bansa na walang gumaganang hukuman, puwes, talagang hindi na lang nila pananagutin ang mga nagkakasala.
VIC: Doon sa mga nagtitinda sa carinderia Secretary, very briefly, ano ba ang Rome Statute?
SEC. ROQUE: Eh ‘yan po iyong bumubuo ng International Criminal Court. ‘Yan po’y binuo para iyong gagawa ng pinaka-karumal-dumal na krimen gaya noong ginawa ng mga Nazi sa Europa ay mapaparusahan ‘no. Pero ang sabi ng buong daigdig, eh papayag lang kami na gumana itong hukuman na ito dahil kami naman ay mayroong soberenya, may mga hukuman kami; papayag lang kami sa ICC kung imposibleng magkaroon ng katarungan kung saan may mga lokal na mga hukuman.
VIC: Oo, alright, alright. Well said. So, when will this be formalized? Kailan po ipo-formalize natin ‘to, iyong request na bawiin na iyong lagda natin?
SEC. ROQUE: Eh talaga pong tinalaga na ng ating Presidente ang Executive Secretary na simulan na ang proseso, bagama’t isang taon po iyong proseso ng pag-aalis diyan sa hukuman na ‘yan.
VIC: Alright. Secretary, maraming salamat po sa inyo. Well said, thank you so much sir.
SEC. ROQUE: Magandang hapon po at maraming salamat po.
###
Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau)