Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Weng Dela Fuente (Radyo Pilipinas – Tutok Erwin Tulfo Live)


WENG:  Diretso na ho tayo naman kay Presidential Spokesperson, Secretary Harry Roque. Secretary, magandang umaga sa inyo.

SEC. ROQUE:  Magandang umaga po, at sa lahat ng nakikinig sa atin magandang umaga po.

WENG:  Opo, salamat ho nang marami. Eh medyo naguguluhan yata ang Palasyo sa mga inirereklamo ho ng labor groups ho ngayon na parang hindi ho sila na-satisfy daw ho Secretary, doon ho sa naging pagpirma ng EO ng Pangulo ho kahapon.

SEC. ROQUE:  Eh alam mo naman, tradisyon na naman talaga kapag May 1 eh mayroon talagang pagsulong sa pagkilos ng mga organized labor groups. Pero talaga namang kahit anong lalamanin ng EO ay talagang babatikusin nila iyan, dahil hanggang ngayon hindi pa nga namin nilalabas yung laman ng EO eh binabatikos na nila. Para silang mayroon silang crystal ball na nababasa nila kung ano nakasulat doon, pero ang katunayan po diyan, kahit ano siguro iyan eh talagang mapupulaan iyan.

Pero ang katunayan po, ito’y katuparan ng pangako ng Presidente na tapusin ang endo/555. Ang pangako po niya tapusin ang endo; hindi po niya pinangako na tapusin ang lahat ng kontraktuwalisasyon, maski balikan ninyo po lahat ng kaniyang mga speech at mga sinabi noong eleksiyon. At hindi lang naman siya ang nangako niyan, lahat ng mga presidentiables. So makikita ninyo po dito sa EO na ito, eh lahat po ng kontraktuwalisasyon na lalabag sa karapatan ng security of tenure, ay ipinagbabawal. At kapag nahuli po sila na ganiyan nga, na nagka-kabo ay iyong direct employer po ang tatratuhin ng gobyerno bilang employer noong ating manggagawa.

WENG:  Uhum. So Secretary ibig sabihin iyon hong naipahayag kahapon ng Pangulo, that somehow ay parang kinukumpleto na niya iyong naipangako niya noong eleksiyon pa, na talagang ito, this is it; this is the—my answer to the call to stop the abuse sa ating mga workers – ang pending EO.

SEC. ROQUE:  Opo, at katunayan wala naman ibang presidenteng gumawa ng ganiyan na tinatapos na ang endo/555. So, tanging si Presidente Duterte nga lang. Kaya lang ang nais nila kasi, palawakin pa iyong pinagbabawal na contractualization. Sabi ng Presidente, “Kung gusto ninyo ng ganiyan, eh hindi ko katungkulan iyan. Iyong Kongreso ang gagawa niyan,” ‘no. At ang Kamara naman, isa ako doon sa primary authors, kasi bago ako lumipat sa Malacañang naipasa na iyan; eh iyong security of tenure bill ‘no. So talagang iyan po nagpapalawak ng kahit papaano, eh mukhang nahihirapan naman ipasa ngayon sa Senado dahil tumututol iyong mga employers group, sa lakas ng kapit doon.

So sa akin po, ay ganiyan talaga ang demokrasya kaya po dalawa ang ating kapulungan ng Kongreso at ganiyan po ang sabi ng Saligang Batas; ang Presidente ang trabaho niya, ipatupad ang batas; ang Kongreso ang trabaho, gumawa ng polisiya.

WENG:  Opo. Ito ho bang pagpirma ng Pangulo doon ho sa EO, is the Palace expecting kahit papaano, mayroon hong resistance ito sa side ng mga employers naman?

SEC. ROQUE:  Mayroon po. Nagrereklamo rin sila, kasi may kapangyarihan din ang Secretary of Labor hindi lang na ipatupad [unclear], at puwede rin siyang magsabi kung ano iyong mga arrangements na sa tingin niya ay bawal na kontraktuwalisasyon. So, parang binigyan din ng kapangyarihan ang ating Secretary of Labor na mag-interpret ng batas. So iyong kuwestiyon ng marami, iyong mga restaurant na mayroong mga manpower agencies, na malaki rin ang kapital, na mayroon namang security of tenure doon ang mga manggagawa, eh kung gugustuhin ng Secretary of Labor at kung may basehan, eh talagang pupuwede pa rin niyang sabihin na iyan ay sakop pa rin ng ipinagbabawal.

WENG:  Opo. Secretary iyon hong naging—isa rin iyong sub-contracting at saka iyong illegal contracting, kayo sa Kongreso, baka mas puwede ninyo hong ma-define iyan para doon sa mga nakikinig ho sa atin. Kasi baka hanggang ngayon, hindi nila naintindihan iyon; iyong iba walang kontrata, basta through agency. Ito ba, magpapatigil ba ho ito sa mga agency na mag-supply pa ng workers?

SEC. ROQUE:  Well, hindi po lahat ng agency kasi pinagbabawal na. Iyong mga agency na nagbabayad nang tama, nagbibigay ng SSS, nagbibigay ng PAGIBIG at hindi nagsisisante kada limang buwan, iyong tinatawag nating 555, iyan po ay legal. Ang pinagbabawal ngayon iyong bago mag-abot ng anim na buwan ay tatanggalin para hindi maging regular, hindi nagbabayad nang tama, hindi nagbibigay ng SSS, hindi nagbibigay ng PAGIBIG, hindi nagbibigay ng PhilHealth, iyan po ang ipinagbabawal.

WENG:  Okay. So at least ha, para lang maliwanagan lahat. Pero iyong mga security guard Secretary, iyan ay i-regular ho dapat iyang mga iyan ng agency?

SEC. ROQUE:  Dapat regular po sila sa agency, iyan nga po ang pinagbabatayan ng order natin. Dapat iyan, regular na empleyado sila sa agency na mayroong security of tenure, at dapat lahat ng benepisyo na sabi ng batas eh dapat ibigay sa manggagawa, ibinibigay nila dapat.

WENG:  Iyong mga taxi drivers ho, sa inyong palagay, sila ho ba ay makaka-benefit ho rito?

SEC. ROQUE:  Well isa pa iyang usapan kasi, iyong mga boundary-boundary. So alam mo kasi itong mga rules naman natin ng labor, hindi po ‘yan mag-a-apply, kung hindi ako nagkakamali, kung under… parang under 10, under 20 ‘no. So depende rin sa laki, ng ilan ang empleyado mo. Siyempre iyong mga kasambahay, hindi rin sakop. So may mga nakasaad naman sa batas talaga na exclusion.

WENG:  Okay. Well Secretary, well hopefully ay… kayo pala ay pupunta ng Kuwait itong Monday? Kasama ho kayo?

SEC. ROQUE:  Opo, kasama po tayo ni Secretary Bello.

WENG:  Ah, okay. So, ano ho puwedeng asahan ng taumbayan diyan between us and Kuwait? Mukhang everything is—

SEC. ROQUE:  Actually Weng nagulat ako’t alam mo, kasi hindi ko pa isinapubliko ‘yan. First time na isinapubliko natin. Ang inaasahan naman natin po siyempre, makakatulong tayo sa pag-normalize ng ating pagsasama, at inaasahan pa rin natin ay iyong MOA na mapipirmahan nang tayo po ay makabalik na sa normal na relasyon diyan sa ating kaibigan na Kuwait.

WENG:  Alright. Secretary Harry Roque, sir thank you sa naibigay ninyong panahon ngayong umaga dito po sa Tutok Erwin Tulfo Live sa Radyo Pilipinas.

SEC. ROQUE:  Maraming salamat, Weng.

###

SOURCE: PCOO – NIB (News and Information Bureau)

Resource