Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Weng dela Peña (Tutok Erwin Tulfo-Radyo Pilipinas)


 

DELA PEÑA: Secretary, makuhanan ko lang ho kayo ng reaksiyon dito sa isyu ng pag-isyu ho ng Kuwait ng arrest warrant ho laban ho sa tatlong mga Filipino diplomats ho natin. Ito ba, Secretary, may immunity ba itong ating mga opisyales po ng DFA doon sa Kuwait?

SEC. ROQUE: Lahat po ng ating diplomatic officers and staff ay mayroon pong immunity. Iyong diplomatic officers natin, full diplomatic immunity. Iyong diplomatic staff natin, iyon iyong tinatawag na functional immunity. Iyong mga related sa kanilang katungkulan, hindi po sila pupuwedeng arestuhin. Pero hindi po sa akin malinaw kung ano iyong mga designations at anong katungkulan ng mga di-umano ay pinapaaresto diyan sa Kuwait.

DELA PEÑA: Pero ano hong hakbang ang gagawin ho natin dito, Secretary? Ito ba’y ipapaubaya na lamang sa DFA rin para tingnan ang naging aksyon na ito ng Kuwait ngayon?

SEC. ROQUE: Ito naman po ay talagang trabaho ng DFA. Hayaan po muna natin ang DFA humarap diyan. In fact, lahat ng insidenteng ito ay dapat DFA ang humarap dahil alam mo naman po, mukhang talagang sa simula’t sa simula ay DFA po talaga ang nakatutok dito.

DELA PEÑA: Okay. Secretary, sa oras na ito, itong … siyempre mga kaganapan na ito ay alam na rin ho ng Pangulo. Mayroon ba kayong nakatakda siguro na kung sinuman ang ipapalit ho doon sa pinauwi ho na ambassador natin from Kuwait?

SEC. ROQUE: Wala pa po. Wala pa po, napakabilis naman po kasi ng mga pangyayari.

DELA PEÑA: Oo nga eh.

SEC. ROQUE: So huwag po tayo mag-alala, mayroon po tayo roon na isang chargé d’affaires na siya iyong tumatayong ambahador habang wala pa po tayong full time ambassador sa Kuwait.

DELA PEÑA: Okay. Hindi ho ba ito magiging senyales, Secretary, na baka ho magkakalamat ang relasyon ng Kuwait at ng Pilipinas sa isyung ito?

SEC. ROQUE: Ang nakukuha ko pong senyales kay Presidente, hindi po tayo nakikipag-away. Ang ating bibigyan ng importansya ay ang kapakanan ng ating mga manggagawa. Kung iyan ang desisyon ng Kuwait, reresputihin natin. Pero ang ating number one na iniisip ngayon is kung paano mapuprotektahan iyong ating mga manggagawa.

Sa totoo lang, kung kinakailangang umuwi, eh di pauwiin natin sila. Pero kinakailangan po ay habang naroroon sa Kuwait ay maproteksyunan pa rin ang ating mga kababayan. Ang proteksyon naman niyan ay nakasaad sa larangan ng international law at sa karapatang pantao.

DELA PEÑA: On the side ho ng inyong obserbasyon sa ginawa ng DFA at sa mga remarks na binigay po ni Ambassador Villa ho doon, nawalan ho ba tayo ng pagpapakita ng respeto sa Kuwait sa ginawa ho nila including iyong pagpu-post sa social media ng rescue video na iyon?

SEC. ROQUE: Ang masasabi ko lang ho ay humingi na ng paumanhin si Secretary Cayetano para sa anumang mga kadahilanan na siguro ‘no ay nasaktan ang Kuwait. Pero hanggang doon na lang po tayo, huwag na nating ungkatin pa ang mga detalye. At kung anuman ang nangyari, nandiyan na po ang paumanhin eh ano pa naman po ang aaasahan nila sa atin at ano po ang maibibigay natin.

DELA PEÑA: Iyong hong fear ng iba na baka daw ho mag-launch ng crackdown doon sa mga shelter na nasa loob ng embassy natin, ano siguro ang puwedeng ma-assure natin sa mga kababayan na nasa mga shelters po doon na sinasabing wala atang permit ho iyon, Secretary?

SEC. ROQUE: Well, kaya nga po sinasabi ko sa lahat na kahit ano pa ang mangyari sa ating relasyon, ang mga Pilipino po ay protektado ng batas pang-internasyunal, batas pantao. At umaasa po tayo na kikilalanin din ng batas ng Kuwait ang kanilang obligasyon na bigyan ng proteksyon ang mga dayuhan sa kanilang mga teritoryo.

DELA PEÑA: Okay. Secretary, sa isyu naman ho ito ng nailabas ho na rating ng SWS on the trust rating ng Pangulo. Medyo ang sabi ay bumaba, at least, ng ten points from excellent to very good. How does the Palace react to that, Secretary?

SEC. ROQUE: Consistent naman po ito sa Pulse Asia na very good. Sa akin po ay nakikita na natin na bagama’t ang trend po ay dapat nung pagkatapos ng unang taon ay bumaba na, eh ngayon po ‘no halos dalawang taon na ‘no at saka medyo kaunti lang naman ang binaba. Pero sa amin po, nagagalak pa rin tayo sa very good. At ito po ngayon ay parehong resulta ng Pulse Asia at SWS na very good pa rin ang ating Presidente.

DELA PEÑA: Parang hindi ho naman ito significant iyong pag-drop ho nito? There’s nothing to worry—

SEC. ROQUE: Hindi po, hindi po. At nakikita naman ng taumbayan, konti lang ang pangako ng Presidente; tinupad ng Presidente. Ang Pilipinas ang pangalawa sa pinakamabilis na lumago ang ekonomiya—sa buong mundo pala, pangalawa tayo at sa ASEAN ay nangunguna tayo. So ano pa naman ang hihingin ng taumbayang Pilipino.

DELA PEÑA: Secretary, ito pa ang isa. Iyong pagpipirma po ng Pangulo ng proclamation na under state of calamity na iyong tatlong barangay sa Boracay. So this means talagang tuloy na tuloy na ho ito at mukhang this will really be essential para ho sa pagbu-beauty rest po ng Boracay dahil ilang taon din nakinabang, ilang dekada tayong nakinabang ho diyan. So ito ho ba ay puwedeng sabihin natin na puwedeng magiging hudyat na ho talaga na talaga ang Boracay will really—after six months, there will be a new Boracay in existence, at marami pong makikinabang lalo pa dito sa rehabilitation na ito?

SEC. ROQUE: Alam ninyo iyong pagkakataon na makahinga lang ang tubig at ang puting buhangin ng Boracay ‘no pagkatapos nang napakatagal na panahon na talaga namang tinakda siya ng kikita ‘no, iyan po ay magreresulta na sa immediate improvement ng kalikasan diyan sa Boracay.

So nagagalak naman po tayo na nagkaroon ng ganitong pagkakataon na makahinga ang kalikasan sa Boracay. At ngayon po ay mayroon na tayong pagkakataon na ilagay lahat ng imprastruktura, iyong drainage line, iyong sewage line, iyong mga kalye sa Boracay na unimpeded sa mga turista.

DELA PEÑA: Eh iyong mga nagre-react po, masyado raw hong overkill iyong security ho doon. Para saan ho ba iyon, Secretary? May task force, may militar, may PNP andoon. Talagang iyong reaksiyon ng ibang mga kritiko ay parang wala namang giyera raw sa Boracay.

SEC. ROQUE: Eh iyan naman po ay talaga lang para ipakita ang resolve ng gobyerno na talagang pagpahingahin ang kalikasan ng Boracay. Ang binabantayan po natin ngayon – kalikasan ng Boracay.

DELA PEÑA: Okay, that’s more important ho talaga. Baka po may mga susulput-sulpot pa diyan, manggugulo pa ho diyan. It’s important we are secured than later be sorry, Secretary ano?

SEC. ROQUE: Tama po iyon.

DELA PEÑA: Okay, lastly. Secretary, iyon pong inaasam-asam ng mga botante ngayong eleksyon, iyong sila ho ay ma-guide, mabigyan ho sila ng listahan na ilalabas. May order ang Palasyo sa PDEA na ilabas na iyong nasa dalawandaang hawak nilang mga indibidwal na involved sa droga. Iyong sa Palasyo, ‘di ba mayroon hong hawak ang Pangulo, nasa 9,000 ho iyon na nasa narco list. Iyon ba ay posible na ilabas din, Secretary?

SEC. ROQUE: Inorder na po ng Presidente ang paglabas ng listahan—ano naman ‘no, nang makonsidera ng mga botante pagpunta nila sa kaniya-kaniyang mga presinto ‘no itong darating na Mayo. Huwag po nating ihalal iyong mga may koneksyon sa droga.

DELA PEÑA: Eh ang sabi ho dito ni—kilala ninyo ho ito, Congressman Gary Alejano. Ito raw, kuwan daw ho ito parang baka magni-name shaming lang ho ang mangyayari ho rito kapag hindi raw ito dumaan sa due process, Secretary?

SEC. ROQUE: Alam mo, barangay election ito. Alam naman ng mga barangay kung sino talaga ang nasa droga. Kung ang pangalan mo ay nariyan, kumpirmasyon na lang iyan. So hayaan natin iyong mga nasa barangay dahil kilala talaga nila iyong mga kapitbahay nila magsabi kung tama o mali iyong listahan na iyan.

DELA PEÑA: Kahit ang CHR, kahit sabihin na iyan ay labag sa karapatang pantao; kayo ho ay international human rights lawyer din, eh sa tingin ninyo ito ba ay labag sa kanilang karapatan, Secretary?

SEC. ROQUE: Wala pong paglabag iyan dahil ang pinag-uusapan naman natin ay isang halal na posisyon sa gobyerno.

DELA PEÑA: All right. Secretary Harry Roque, sir, thank you sa iyong panahon na naibigay ngayon umaga dito sa Tutok Erwin Tulfo, Secretary.

SEC. ROQUE: Maraming salamat.

##

Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)

Resource