JUNE 19, 2018 / 8:50-8:55 A.M.
WILLIE: Secretary Roque, magandang umaga po sa inyo.
SEC. ROQUE: Maraming salamat po para linawin itong isyu na ito.
WILLIE: Una, kanina kausap namin si Dr. Cadil (?). Napag-usapan nga po namin iyong sinasabing ano, iyong sinasabing pagwi-withdraw ng Pilipinas sa Norway bilang venue sa isinasagawang usapang pangkapayapaan. Kanina kausap ko rin naman si Secretary Bong Go, ang sinasabi naman hindi pa naman direktang wini-withdraw ng Pangulo. Ano po ang malinaw dito?
SEC. ROQUE: Secretary?
WILLIE: Si Dr. Cadil (?) ang pangalan noon.
SEC. ROQUE: Pero sinong Secretary po ang kausap ninyo?
WILLIE: Si Secretary Bong Go.
SEC. ROQUE: Okay. Hindi pa po talaga wini-withdraw iyan. Ang talagang sinabi ko po, ay lahat po ng mga third parties na tumutulong na dati pa, pupuwede pa ring tumulong. Pero sinasabi po ng Presidente, talagang dito po sa Pilipinas dapat ang usapin, dahil tayo naman ay mga Pilipino ‘no; at isa po iyan sa dahilan kung bakit naantala iyong pag-resume ng usaping kapayapaan.
WILLIE: Kasi, di ba kadalasan eh, pagka may nag-aaway na magkabilang panig. Para mapagkasunduan, nagpupunta po doon sa neutral na lugar eh, hindi po ba. Kung sakali hindi na doon sa mismong lugar na kanilang… pinagtatalunang isyu.
SEC. ROQUE: Ang punto naman po napakatagal na nating nag-uusap sa Norway, wala namang nangyayari ‘no. At ang sabi ng Presidente, iba naman ang kanyang termino, ang kanyang sensiridad ay dahil unang-una kilala niyang personal si Joma Sison, naging professor niya sa Lyceum.
Pangalawa, ay talaga namang dati-rati pa eh (unclear) mga CPP-NDF na iyan; at pangatlo, eh talaga namang iba iyong pagiging seryoso ni Presidente sa usaping ito. So, sa tingin niya, mas mabuti nga na dito na pag-usapan at lahat ng garantiya binigay na niya na ‘no. Na siya ang sasagot sa seguridad ng… personal security ni Joma Sison, na kapag walang nangyari sa usapin, siya pa ang maghahatid sa airport, papayagan silang umalis muli ‘no.
At sa katunayan, eh pinalabas na nga iyong mga negosyador CPP-NDF na nakakulong ‘no. So gagawin ba ng gobyerno iyon kung wala tayong sinseridad.
Pero malinaw po ang sinabi ko, dito lang ang venue, pero hindi naman kinakailangan na alisin ang Norway. Uulitin ko po ang naging deklarasyon ko kahapon sa press briefing, meron naman pong transcript iyan at iyan po ay on the air din ‘no. Makikita ninyo malinaw ang sinabi ko, na lahat nung third parties na tumutulong noong nakalipas at gusto pa rin kumilos, tumulong, welcome pa rin po sila.
WILLIE: Sabagay wala naman sa lugar ‘yan, Secretary, kung hindi sa pagiging sinsero sa isang usapin ano po.
SEC. ROQUE: Tama po iyan. At kung talagang seryoso magkaroon ng kasunduan, magkakaroon at magkakaroon tayo ng kasunduan.
WILLIE: Ayun ang at least malinaw dito sa isyu na ito na bumabagabag po sa marami. Pero ito pong balitang ito, mukhang negatibo ang dating po sa panig po nitong sina Joma Sison eh, Secretary?
SEC. ROQUE: Hindi ko nga po alam kung ano ang kinatatakot nila na makipag-usap ng kapayapaan dito sa Pilipinas. Kapwa Pilipino naman tayong lahat, anong sama na mag-usap dito sa ating Inang Bayan.
WILLIE: Maliban diyan sa isyu na iyan. Naku, napakaraming isyu ngayon ang bumabagabag ngayon sa mga kababayan natin. Lalo na iyong isyu ng mga huhulihin daw iyong mga tambay.
SEC. ROQUE: Hindi naman po iyan dapat ikabahala kung wala kang ginagawang masama sa komunidad. Siyempre po ang mga hinuhuli lang, iyong mga nag-i-inuman; iyong mga hubo’t-hubad; iyong mga lumalabag sa mga ordinansiya; may ilan po tayong mga lokal na pamahalaan na merong curfew para sa menor na edad.
At ang istratehiya po niyan ay para lang talagang police visibility po iyan ‘no. Parang sa Japan po, napakababa ng krimen nila, bakit? Kasi kahit saan ka pumunta nandoon ang police ‘no. So wala pong pagkakaiba iyan. At siyempre, ultimately iyong nagbibigay ng kasiguraduhan na hindi lalabagin ang karapatang pantao ang ating Saligang Batas, ang Bill of Rights. Kailangan kapag may hinuli ang pulis sampahan kaagad ng kaso, otherwise dapat palayain. At kung hindi naman talaga sasampahan ng kaso eh meron naman tayong mga legal na remedyo ‘no, iyong petition for habeas corpus na tinatawag at meron pa nga tayong writ of amparo.
Wala pong dapat ikabahala iyong mga tao na walang masamang ginagawa sa mga komunidad.
WILLIE: Balikan ko lang Secretary iyong peacetalks. Ano po ang inaasahan ngayon, matapos po iyong utos ng Pangulo na sumangguni muna sa mga dapat sangguniin?
SEC. ROQUE: Well, malinaw po ang sabi ni Presidente… sa pagpapatuloy ng usaping pangkapayapaan sa Hulyo dito po sa Pilipinas.
WILLIE: Okay. So sige po at medyo kapos na po kami ng panahon at alam ko pong bising-busy po kayo. Maraming salamat po sa pagkakataon, Secretary.
SEC. ROQUE: Maraming salamat po at magandang umaga po.
###
Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)