Interview

Special announcement of Presidential Spokesperson Harry Roque Sentro Balita, PTV-4

ANGELIQUE LAZO: May mga bagong polisiya na napagkasunduan ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases matapos ang kanilang pulong kahapon.

At para ianunsiyo iyan, makakasama natin ngayon sa puntong ito si Presidential and IATF Spokesperson Harry Roque. Magandang tanghali po, Spox. Anu-ano po ang mga polisiyang napagkasunduan?

SEC. ROQUE: Magandang hapon sa iyo Angelique at magandang hapon Pilipinas ‘no. Nagpulong nga po kahapon ang inyong IATF, a-sais ng Mayo ng taong ito at naaprubahan po ang mga sumusunod:

  • Unang-una po, inaprubahan po ang apela ng Siyudad ng Zamboanga para mapasailalim po sa Modified Enhanced Community Quarantine. Ito po ay effective immediately at tatagal po ito hanggang Mayo katorse ng taong ito.
  • Inaprubahan din po ng IATF ang apela ng Tacloban City na mapasailalim po sa Modified General Community Quarantine or MGCQ. Ito naman po ay effective immediately at tatagal hanggang Mayo a-treinta’y uno ng taong ito.
  • Samantala, pinayagan po ng inyong IATF na makalabas ang edad kinse hanggang disi siyete pero para lamang po sila ay makapagrehistro dito sa Philippine Identification System. Uulitin ko po, ang mga menor de edad 15 to 17 kasama rin po ang mga seniors, iyong mga above 65 eh palalabasin lang po ng kanilang mga tahanan para po magrehistro sa Philippine Identification System at siyempre po iyong dating rule na kapag kinakailangan para kumuha ng mga essentials o kinakailangan para magtrabaho ay hindi po iyon apektado.
  • Kasama po sa naaprubahan din kahapon ang protocols para sa lahat ng papasok na pasahero sa Pilipinas regardless of their vaccination status in all ports of entry. Ibig sabihin po, maski bakunado na ang mga Pilipino, susunod pa rin po sa bagong protocol.

Ano ba ho ang bagong protocol ngayon sa kahit sino na papasok sa Pilipinas? Mandatory na po ang 14 days quarantine. Pero ang rule po ay absolute facility quarantine nang sampung araw at iyong huling apat na araw ay dapat po home quarantine sa kanilang lugar na pupuntahan at kinakailangan na magkaroon po ng ugnayan sa lokal na pamahalaan para masigurado po iyong home quarantine sa natitirang apat na araw.

Bukod pa po rito ay kinakailangan pong magpa-swab sa pangpitong araw ng facility quarantine at kinakailangan din po na ipadala sa Genome Center iyong mga resulta, iyong mga swab na iyan para po malaman na kung sila ay positibo, kung anong variant ang mayroon po sila. Now, ipapatupad po ang strict symptom monitoring ng Bureau of Quarantine.

Uulitin ko po ‘no, bago na po ang polisiya natin – lahat ng papasok sa Pilipinas: 14-day quarantine, absolute facility quarantine nang sampung araw, ikapitong araw kinakailangan mag-PCR at maski negatibo kinakailangan pong manatili sa quarantine facility hanggang ikasampung araw.

Kaugnay nito, inatasan po ang Department of Health, Department of Foreign Affairs, Department of Transportation, Department of Labor and Employment, ang Bureau of Quarantine, ang Overseas Workers Welfare Administration na maglabas ng advisories ukol po sa current testing and quarantine protocols.

Mangunguna po ang Department of Health para sa One Hotel Command ‘no, ito po ay para masiguro na mayroon po tayong sapat na mga kuwarto para sa isolation quarantine nang sampung araw kasama ng iba pang mga ahensiya ‘no para mapabilis din na masagot ang mga pangangailangan at mga katanungan ng mga nasa facility-based quarantine.

Ang DILG naman po sa pamamagitan ng PNP ay tutulong sa Philippine Coast Guard para sa pagbibigay ng seguridad sa quarantine facilities. Makikipag-ugnayan po ang DOH sa OWWA, sa DOTr, sa DOT, sa Bureau of Quarantine at sa University of the Philippines-National Institute of Health para mas mapaganda ang current symptom tracking mechanisms at makapagbigay nang dagdag na mga tao para magproseso at mag-asikaso ng symptom tracking information.

Kailangan naman pong tiyakin ng DOTr na maisasagawa ang swabbing sa ikapitong araw at ang resulta ng test ay maipadala nang ika-siyam na araw. Ang day of release sa quarantine facility ay nasa ikasampung araw po. Samantala patuloy pa rin ang practice ng double swabbing sa ikapitong araw kung kinakailangan para sa whole genome sequencing.

  • Inaprubahan din po ng inyong IATF ang request ng Samahang Basketbol ng Pilipinas na mag-host ng international basketball federation, iyong FIBA Asia Cup Qualifiers sa June 2021 sa ilalim po ng bubble-type setting sa Clark, Pampanga subject to health and safety protocols.
  • Pinayagan din po ng inyong IATF ang mga laro o scrimmages ng mga practice ng Philippine Basketball Association sa mga lugar na General Community Quarantine at MGCQ subject to the proper health and safety protocols na pag-aaralan din muna ng Games and Amusement Board.
  • Kasama rin sa pinayagan ang mga karera ng kabayo po ‘no or horseracing activities sa mga lugar na nasa MECQ ngunit ito po ay sa ilalim ng no audience setup. Ang tanging pinapayagan lamang ay online at tele-bet activities sa NCR Plus. Ang off-tracking betting stations ay pupuwede lamang bumalik operasyon sa ilalim po ng GCQ or MGCQ.
  • At panghuli, inaprubahan at in-adopt ng inyong IATF ang guidelines on point-to-point air travel for leisure purposes from the NCR Plus areas of the DOT. ‘Antayin po natin at abangan ang mga guidelines ng DOT tungkol dito pero pupuwede na pong pumunta sa mga tourist spots ‘no pero point-to-point po iyan.

Panghuli, alam ko po lahat kayo’y nag-aantay ano mangyayari sa debate sa panig po ng Presidente at ni retired Justice Antonio Carpio. Totoo po hinamon po ni Presidente si Justice Carpio sa debate pero ang pagdidebate po ay dalawang bagay ‘di ba po. Sino ba ho ang responsable sa pagkawala ng Scarborough Shoal?

Eh, iyong detalye po na sinabi ni Antonio Carpio sa kaniyang gustong maging debate eh kung kabahagi daw po si ret. Justice Carpio doon sa pagkawala ng Scarborough Shoal. Hindi naman po iyon ang subject matter ng debate. Ang subject matter po ng debate ay sino at anong administrasyon ang naging dahilan kung kailan nawala po sa Pilipinas ang possession sa Scarborough Shoal at kung gusto ninyo, tanungin na rin natin sino at anong administrasyon na nawala sa atin ang Mischief Reef.

Now, anyway, handang-handa po sana ang Presidente na dumibate pero kagabi po eh tinanggap po niya ang advice ng ilang mga miyembro ng Gabinete kasama na po si Executive Secretary Medialdea. Ang sabi po ng ating mga Gabinete at sinusugan po ito ng dalawang senador – si Senate President Sotto at saka si Senator Pimentel – na unang-una, wala pong mabuting magiging resulta itong debateng ito para sa sambayanang Pilipino.

Pangalawa, nanindigan po ang mga miyembro ng Gabinete na bakit papayag sa debate eh nakaupong Presidente naman si Presidente Duterte at si Atty. Antonio Carpio bagama’t siya ay dating mahistrado ay ordinaryong abogado ngayon. Parang hindi naman po tabla ‘no na ang Office of the President na Presidente mismo ay haharap sa isang ordinaryong mambabatas. Parang hindi po patas. At ang pangatlo at pinaka-importante ay sinabihan po ang Presidente ng ating mga miyembro ng Gabinete na napakahirap po na mag-participate ang Presidente sa ganiyang debate.

Bakit po? Kasi nakaupo pa siyang Presidente at ibig sabihin lahat po ng masasabi ng Presidente doon sa debateng iyon ay makakaapekto po sa mga polisiya ng gobyerno. Hindi na po mababawi ang mga pupuwedeng sabihin ng Presidente sa debateng iyon bukod pa sa katotohanan na kaya nga po mayroon tayong tinatawag na executive privilege, iyong mga bagay-bagay na hindi dapat isapubliko para makagawa ng mga tamang desisyon – bagama’t hindi popular na desisyon – ang isang Presidente. Maku-compromise po iyong mga bagay-bagay na ito, iyong mga impormasyon na ito kung papayag po at ituloy ng Presidente ang pagdebate kay dating Supreme Court Justice Antonio Carpio.

Pero tuloy po ang debate. Eh, ang sabi po ni Presidente kung papayag si Antonio Carpio, tuloy po ang debate dahil importante naman na marinig iyong mga ideya para ang taumbayan ang makagawa ng konklusyon. Ang sabi po ni Presidente, itinatalaga niya po ang inyong abang lingkod na makipag-debate kay retired Justice Antonio Carpio at tinanggap ko naman po ang pagtatalaga ni Presidente.

Sabihin lang po ng Philippine Bar Association kung kailan, saan, ang debate at sisipot po tayo roon pero ang pagdidebatihan po malinaw: Unang-una, sino ang responsable sa pagkawala ng teritoryo ng Pilipinas, si Presidente Duterte ba o ang ibang administrasyon?; Pangalawa, tama ba ang sinasabi ni Antonio Carpio na binalewala ni Presidente ang panalo natin doon sa Hague Tribunal?; at kung gusto niya pangatlo, eh tama ba ho na namimigay ng teritoryo ang presidente Duterte?

Ang sabi po nila, kaya nga po natin pinapahalagahan ang debate, ang malayang pananalita dahil the true test of truth is the power of an idea to be accepted in the free marketplace of ideas.

Retired Supreme Court Justice Antonio Carpio, it would be a pleasure to debate against you, I’ll you see you at the designated time and place.

Magandang hapon po, at para sa mga nanay, advance happy mother’s day.

Magandang hapon Pilipinas.

LAZO: Secretary Roque, maraming salamat pero mayroon po kaming mga ilang katanungan para po sa inyo kung inyo pong mamarapatin. Kararating lang ng 1.5 million doses ng Sinovac, hindi po ba, at pinakamalaking shipment nila so far na isang bagsakan lamang. Ano pong masasabi ninyo rito at paano po ito makakatulong sa pagpapaigting ng National Vaccination Program?

SEC. ROQUE: Nagagalak po ako na itong buwan ng Mayo ay hindi po bababa sa pitong milyon ang darating na bakuna. Bukod pa po dito sa 1.5 na kakarating lang na Sinovac, bukas po inaasahan din natin ang two million na AstraZeneca.

Ibig sabihin po nito, tapos na iyong buwan ng Abril kung saan apat na milyon lamang ang nakuha nating bakuna or mas mababa pa nga. Pero ngayon po, dadami na po ang mga bakuna natin at pagdating po ng June at saka July inaasahan natin eh nasa neighborhood ng 20 million na po ang pagbabakuna.

Mabuting balita po ito dahil mukhang matutupad naman iyong ninanais nating herd immunity unang-una dito sa Metro Manila at sa mga karatig probinsiya at saka siyempre po iyong herd immunity sa buong Pilipinas bago po matapos ang taon na ito.

LAZO: Okay, thank you po. May mga katanungan din tayo, Secretary, mula sa MPC. Ito po ay galing kay Aileen Taliping ng Abante Tonite: Puwede po bang magbukas ang bar ngayong MECQ? Mayroon daw pong isang bar sa Malate na bukas way beyond the curfew hours?

SEC. ROQUE: Naku, hindi po! Nasa negative list pa po ang mga bars, dahil iyan po talaga ay super spreader venues. So, ipagbigay alam lang po ninyo iyan sa kapulisan at ipapasara po iyang bar na iyan.

LAZO: Okay, ito naman po galing kay Leila Salaverria: Concerns have been raised that the Indian variant could be major concern for our country 45 to 60 days from now. What preparations if any is the government doing for this variant aside from imposing the travel ban, ano din daw po iyong contingency plans? What plans do we have in insuring oxygen supply, tents, hospital beds and the like?

SEC. ROQUE: Well Leila, partially answered ko iyan kahapon sa aking press briefing. Hindi po natin pupuwedeng balewalain iyong travel ban hindi lang po sa India kung hindi iyong mga karatig bansa ng India, kasama na nga po diyan ang Pakistan, ang Sri Lanka, Bangladesh at saka ang Nepal.

Well, bukod pa po diyan eh, iyon nga po nagkaroon na tayo ng bagong protocols na mandatory 10-day quarantine facility po tayo at PCR test on the 7th day, kasama na po ang genome sequencing. Pangatlo po, patuloy po tayong nag-i-increase ng ating healthcare capacity nabalita ko na po kahapon na hindi na lang po 700 ang ating mga ICU beds, mahigit isang libo na po, mahigit 1,000 na ang ating mga ICU beds facilities at patuloy pa rin pa po tayong nagpaparami. At sa ngayon naman po iyong mga isolation beds natin, iyong mga TTMF, mga ward beds wala po tayong problema ‘no bordering between 60 and 50% po yan pero pinaparami pa rin po natin dahil baka nga po makapasok somehow iyong Indian variant.

Panlima po, ay kahapon po pinag-usapan na rin sa IATF iyong supply ng oxygen at in-assure naman po tayo na sapat-sapat ang supply natin, pero nagkaroon po tayo contingency kung paano po tayo kukuha ng karagdagang oxygen just in case kinakailangan po.

So tayo naman po ay mayroong foresight at tayo po ay natuto na kung ano ang dapat gawin, dahil mahigit isang taon na COVID pandemic sa atin at alam na rin po natin kung paano mas mapapagaling ang mga nagkaka-COVID. So nag-i-stockpile na rin tayo ng karagdagang mga napatunayan ng epektibong gamot gaya ng Remdesivir, dahil nga po kinakailangang paghandaan.

Alam po ninyo nagdarasal tayo na hindi sana makapasok ang Indian variant, pero ang katunayan po ang ni Dr. Rabi eh kinakailangan ding bantayan iyong mga pasahero na galing sa lugar na mataas ang traffic between India, eh isa po sa lugar diyan ay Middle East. Eh hindi naman po natin puwedeng isarado ang ating border sa Middle East dahil napakaraming Pilipino na nais umuwi naman po galing sa Middle East na mga OFWs.

So talagang naghahanda po tayo at nag-iingat at talaga po itong mga bagong quarantine protocol natin bagama’t mas mahal po dahil gobyerno po ang nagbabayad niyan para sa OFW at mas matagal, iyan nga po ay para maiwasan ang pagpasok ng Indian variant. Hinihiling po namin ang pag-unawa at kooperasyon ng lahat.

LAZO: Ito pa po from Virgil Lopez ng GMA News Online. May we get the Palace’s reaction to this: Former DFA Secretary Albert Del Rosario said it’s a national tragedy that the President, President Duterte is taking the side of China and treating the Arbitral ruling as a scrap of paper meant to be thrown in the waste basket?

SEC. ROQUE: Alam po ninyo ang malungkot na puro kasinungalingan ang sinasabi nitong si dating DFA Secretary Albert Del Rosario. Sir, kayo po ang namigay sa Tsina ng Scarborough noong pinaalis ninyo po ang mga Coast Guard natin noong nagkaroon po ng standoff diyan. Huwag po kayong manuro ng iba. The buck stops with you po, kayo talaga ang dahilan kung bakit nawala ang Scarborough Shoal.

Pangalawa po, sino ang nagsabing binabasura ng Presidente iyong Hague ruling eh di ba ho sa kaniyang address sa United Nations General Assembly, sinabi nga niya pinaninindigan niya ang Hague ruling na kabahagi na po ng international law. Itigil na po ninyo ang inyong kasinungalingan. Okay.

Pangatlo, ang ibig sabihin ni Presidente po, bagama’t tayo ay nanalo, iyan po ay nasa papel, sino po ang mag-i-enforce? Mayroon ba hong pulis na mag-i-enforce, mayroon ba hong sheriff mag-i-enforce niyan? Ang puwede lang pong mag-enforce niyan UN Security Council, pag-aralan ninyo po, Chapter 7 Collective Security Measures. Pero po ang problema para makakuha ng Chapter 7 measure, eh kinakailangan bumoto na pabor sa resolusyon na iyan ang Tsina. Eh bakit naman po papabor ang Tsina sa isang resolution authorizing military force against itself.

Iyong GA po na sinasabi ninyo pangarap lang po iyon, dahil wala pa po talagang GA resolution na na-enforce bagama’t po doon sa kaisa-isang resolution na uniting for peace resolution na ginamit po pagbuo ng peace keeping forces sa Congo, hindi na po naulit iyon at lahat ng kaso na sinasabi ni dating Justice Antonio Carpio, ito po ay mga kaso na non-enforceable resolutions din po ng GA. Kasi sang-ayon naman po sa UN charter talaga naman kung non-enforceable iyan, iyan po ay political statement. Ang exemption po diyan kung ang resolution ng GA ay restatement ng customary law.

LAZO: Thank you po, Spox, ito pa ho galing kay Sherrie Anne Torres—

SEC. ROQUE: Kung gusto po ninyo ganito. Sa debate, dalawa po kayo—sandali lang kasamang Angelique ‘no.

Kung gusto po ninyo two versus one, kayong dalawa po ni Justice Carpio at kayo po Secretary Albert Del Rosario didebatehin ko po kayong dalawa, pero dapat kaparehong oras, bagama’t dalawa po kayong magdidebate okay lang po sa akin iyan.

LAZO: Ito pa po galing kay Sherrie Ann Torres: Nag-rally ang health workers sa España, dahil hinarang po sila papuntang Mendiola after mag-dialogue with the DOH last month regarding unreleased benefits and allowances, including Performance Based Bonus, mass hiring with permanent positions nila at huwag silang i-red tag. Ang sabi lang aayusin pero wala naman daw pong sinabing petsa or date, hindi rin daw po sinagot ng Malacañang ang pinadala nilang sulat appealing the same. Ano po ang puwedeng i-assure ng Malacañang para matugunan daw po ang pangangailangan ng mga health workers lalung-lalo na po ngayong International Day of Health Workers?

SEC. ROQUE: Bumabati po kami sa lahat ng health workers. At uulitin ko po ang sinabi ng Presidente, kayo po ang mga bagong bayani, kayo po ang mga bagong Lapu-Lapu. Kayo po talaga ang ating mga mandirigma dito sa laban natin laban sa COVID-19.

Pero lilinawin ko rin po na bagama’t mayroong mga ilang mga nagmamartsa para kunin ang kanilang mga benepisyo na tama lang naman po at kabahagi iyan ng kanilang kalayaan ng malayang pananalita, ang gobyerno naman po, by and large, ibinibigay ang dapat na ibigay sa mga medical front-liners natin. Siguro po, mayroong ilan ang hindi nakatanggap. Pero kanina po ay kausap ko si Secretary Duque doon sa inauguration ng Giga Mega Facility diyan po sa SM Mall of Asia. Sinabi po niya na iyong balanse na hindi nairi-release sa Bayanihan I na parang 1.3 billion, lahat po iyan ay ilalaan nila sa mga receivables ng mga front-liners by way of hazard pay at iba pang mga benepisyo na hindi natatanggap ng ilan sa kanila.

So paumanhin po, pero hindi po tumatalikod ang administrasyon ni Presidente Duterte. Ibibigay at ibibigay po ang lahat ng benepisyo na dapat tanggapin ng ating mga bagong bayani, ang ating medical front-liners.

LAZO: Okay po. Ito naman from Celerina Monte: With due respect, in the first place, hindi po magiging usap-usapan ang debate sa pagitan ng Pangulo at ni retired Justice Carpio kung hindi mismo si Pangulong Duterte ang naghamon. Bakit hindi po naisip agad ng Pangulo na kung makikipagdebate siya, may mga bagay-bagay na maaari siyang sabihin na puwede daw pong makompromiso ang national security? Will this serve as a lesson to the President daw po that before he makes a challenge, pag-isipan munang mabuti? Iyan po ang tanong ni Celerina Monte.

SEC. ROQUE: Teka muna, bago ko sagutin po iyan, nagkamali po yata ako ng basa kanina. It is the Department of Tourism One Hotel Command Center, hindi po DOH. Siyempre iyong DOH, mayroon po tayo iyong COVID-19 One Hospital Command Center. Pagdating po sa hotel, it is the Department of Tourism.

Well, tama ka, Celerina ‘no. Pero iyong paghamon naman ni Presidente ay dahil sa kaniyang paniniwala na talagang wala siyang tinatago. At ang isyu talaga na sinabi niya – siguro panoorin natin uli ang sinabi niya – eh sino ba ang dahilan na nawala sa ating ang Scarborough? Kaya nga nagulat na lang tayo na iyong naging statement ni Carpio, ni dating Supreme Court Justice Carpio ay kung kasama siya doon sa nagdesisyon na paalisin ang Coast Guard doon sa Scarborough. Malinaw po ang sinabi ni Presidente, iyan po ay si dating Secretary Albert del Rosario.

Pero tama po, importante pa rin ang debate kaya ituloy po natin. Sabihin lang po ni Justice Carpio kung gusto niya, silang dalawa ni Ambassador del Rosario at haharapin po natin sila. Alam mo tama lang naman na kaming dalawa ni dating Justice Antonio Carpio ang magdebate, pareho kaming abogado at pareho kaming spokesperson. Ako spokesperson po ng Pilipino at ni Presidente, at siya po ay spokesperson ng 1Sambayanan at nagiging spokesperson na rin ng oposisyon pagdating sa WPS o West Philippine Sea. So patas po ang laban, spokesperson to spokesperson.

LAZO: And finally, last question na po, Secretary, from Johnna Villaviray: Secretary says, President Duterte doesn’t want to debate with retired Justice Carpio because what he says there as a president could affect government policy. This concern had not stopped him in the past, most recently his statement that the arbitral victory is just paper. Why the change in position now?

SEC. ROQUE: Conclusion po niya iyan ‘no. Pero ang sinasabi nga po ni Presidente, wala pong enforcement mechanism, at hindi po nagbabago iyon. Hamunin ko po nga ngayon maski wala pang debate si dating Supreme Court Justice Antonio Carpio: Saan po tayo pupunta na kapulisan, na sheriff para ma-enforce iyan? Ang tanging pamamaraan lang, ulit-ulit ko nang sinasabi, Chapter 7 collecting measure resolution ng United Nations Security Council. Pakita po niya kung saan pupunta para maintindihan ng taumbayan ano iyong konteksto ng sinabi ni Presidente na that is a paper victory.

Pero inaasahan naman po natin na darating din ang panahon na igagalang din po iyan ng Tsina. At kagaya ng aking sinasabi, mayroon naman pong partial na pagkilala diyan ang Tsina dahil pagdating po doon sa pangingisda na again, kasinungalingan, na hindi raw nakakapangisda ang mga Pilipino sa Scarborough – hindi po. Ako po, tumayong abogado sa mga mangingisdang iyan, at ngayon po ang pagkakaiba, nakakapaghanapbuhay po sila sa Scarborough sa ilalim ni Presidente Duterte. Samantalang sa dating administrasyon, nawalan po silang ng hanapbuhay at doon pa nga sila hinu-hose ng mga panahon na iyon at pinagtatabuyan. Hindi na po iyan nangyayari.

LAZO: All right. Maraming salamat po sa inyo, Presidential Spokesperson, Secretary Harry Roque para sa oras ninyo ngayong hapon.

SEC. ROQUE: Maraming salamat, Angelique, and Justice Carpio and Secretary del Rosario, see you soon at your preferred time and venue. Debate po tayo para malaman ng taumbayan kung sino ang nagsasabi ng totoo at kung sino ang sinungaling.

Magandang hapon po sa inyong lahat.

##


News and Information Bureau-Data Processing Center