Umaasa si Basilan Representative Mujiv Hataman na mababangit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga taga-Marawi at ang buong Mindanao sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA).
Nananawagan aniya siya kay Pangulong Marcos Jr. na sana ay matutukan ang Marawi at ang progreso ng Mindanao, at ingatan ang kapayapaan na napakatagal nang ipinaglaban.
Hiling din nito na tuluyan nang maipatupad at mapondohan ang Marawi Siege Compensation Act.
Tinukoy nito na hanggang May 24, 2022 nasa 85,000 pa ang displaced persons kung saan 23,700 ang nananatili sa transitory sites.
“Napakarami pa din ang hindi makauwi sa Marawi. Sa target na pagtatapos ng Marawi rehab ngayong taon, sana ay maibigay na sa kanila ang pondo na maaari nilang gamitin upang makabangon at makapagsimulang muli sa kanilang pagbabalik sa kanilang mga tahanan,” pahayag ni Hataman.
Maliban dito, umaasa rin ang kinatawan na mailatag ang plano para sa agri-fisheries sector, gayundin ang pagpapayabong sa kapayapaang nakamit sa Bangsamoro at paano pag-iibayuhin ang pagsisikap para mapanatili ito.