News Release

Mga dadalo sa SONA, pinaalalahan na magpa-RT-PCR test simula hapon ng Sabado



Nagpaala ang Kamara sa mga bisita na dadalo sa kauna-unahang State of the Nation Addresss (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magpa-RT-PCR test sa hapon ng Sabado.

Sa inilabas na panuntunan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, lahat ng papasok sa south wing, north wing, at plenaryo ay dapat may negative RT-PCR test.

Layon nitong matiyak na nasusunod ang health and safety protocols sa SONA ni PBBM.

Maging ang mga media na magko-cover ay dapat magdala ng kopya ng kanilang vaccination card, RT-PCR test result, at health declaration form bago payagan na makapasok.

Samantala, ang mga House members, secretariat officials, at staff at service providers na magtatrabaho sa plenaryo sa Lunes ay maari nang magpa-RT-PCR test sa Kamara sa Sabado ng hapon.

Upang panatilihin ang sanitation and clearing measures ng Presidential Security Group (PSG), nililimitahan naman sa dalawa ang papasok na mga personnel mula sa iba’t ibang Congressional offices at dapat ang mga pangalan ay naisumite sa Legislative Security Bureau.

Sa panig naman ng Secretariat, mananatili namang naka-skeletal force ang essential personnel o yun lamang bahagi ng preparasyon sa mismong araw ng SONA.

http://www.radyopilipinas.ph/rp-one/articles/national/mga-dadalo-sa-sona-pinaalalahan-na-magpa-rt-pcr-test-simula-hapon-ng-sabado

###