News Release

Mga pulis na ipakakalat para sa SONA ni PBBM, sumailalim sa RT-PCR at antigen testing



Kinumpirma ng National Capital Region Police Office o NCRPO ang pagsasailalim sa RT-PCR at Antigen o swab test ng 22,000 mga tauhan ng pulisya.

Sila ang mga sasabak at ipakakalat para sa unang State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa lunes, Hulyo 25.

Ayon kay NCRPO Spokesperson, P/LtC. Jenny Tecson, ang pagsasailalim sa RT-PCR gayundin sa antigen testing ay bahagi ng kautusan ni PNP Officer-in-Charge, P/LtG. Vicente Danao Jr.

Aabot sa 22,000 na mga tauhan ng PNP mula sa iba’t ibang unit at regional offices ang magsasama-sama para sa pagbabantay sa seguridad para sa unang SONA ng pangulo.

Kinakailangan aniya ito upang masigurong ligtas ang mga Pulis mula sa banta ng COVID-19 bagaman bakunado naman na ang lahat ng mga pulis at karamihan sa kanila ay nakatanggap na rin ng booster dose.

Kasunod nito, pinaalalahanan ng PNP ang mga tauhan nilang sasabak sa pagbabantay sa lunes na bantayan ang kanilang kalusugan at kung sakaling makaranas sila ng sintomas ay papalitan naman sila ng Reactionary Standby Support Force o RSSF.

http://radyopilipinas.ph/rp-one/articles/national/mga-pulis-na-ipakakalat-para-sa-sona-ni-pbbm-sumailalim-sa-rt-pcr-at-antigen-testing