Ilang araw bago ang unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos, nagpahayag ang ilang ordinaryong mamamayan ng mga inaasahan nilang sasabihin ng Pangulo.
Kabilang dito si Mang Arnie na sinabing nais niyang marinig sa Pangulo kung paano isasakatuparan ang pahayag nito noong kanyang inagurasyon na ang “ang pangarap niyo ay pangarap ko.”
Mayorya naman ng nakapanayam ng RP1 team ang nais malaman ang plano ng Pangulo sa pagtugon sa kahirapan lalo na ngayong ramdam umano ng marami ang hirap ng buhay dahil sa mataas na bilihin.
Si Nanay Josefina, hiling din na unahin ng Pangulo ang pagtulong sa kagaya niyang mahihirap.
Bilang isang driver, nais namang marinig ni Mang Gary ang solusyon ng Pangulo sa mataas na presyo ng produktong petrolyo.
Pagpapaluwag naman ng COVID restrictions ang hirit ni Nanay Eleen, tindera sa San Juan para mas marami pang Pilipino ang makapagtrabaho.
Habang si Stella, kongkretong plano rin sa employment ang nais na marinig at plano sa peace and order.
Nakatakdang isagawa ang unang SONA ni President Bongbong Marcos sa July 25 sa Batasang Pambansa.
Nauna na ring sinabi ni House Secretary General Mark Llandro Mendoza na mismong ang Palasyo ang humiling na gawing simple at tradisyonal lang ang gaganaping SONA sa Lunes.
###