News Release

Sen. Go, ibinahagi ang mga inaasahan niyang marinig sa unang SONA ni PBBM



Ibinahagi ni Senator Christopher ‘Bong’ Go ang mga inaasahan niyang tatalakayin ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. sa kanyang magiging unang State of the Nation Address (SONA) sa Lunes.

Ayon kay Go, inaabangan niyang marinig ang magiging outline ng legislative agenda ng pangulo na nakatuon sa pandemic response, at full at inclusive recovery.

Inaasahan rin ng senator, na tatalakayin ni PBBM ang seguridad sa pagkain at ang pagpapalakas ng sektor ng agrikultura.

Umaasa ang mambabatas, na maipagpatuloy rin ng bagong administrasyon ang mga proyektong nasa ilalim ng Build, Build, Build program ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, at mapapaigting pa ang laban kontra korapsyon, kriminalidad at ilegal na droga.

Patungkol naman sa posibilidad na pagdalo ni dating Pangulong Duterte sa SONA ni PBBM, sinabi ni Go na wala pa siyang personal na impormasyon tungkol dito.

Gayunpaman, pinunto ng senator na base sa tradisyon ay imbitado ang mga dating naging presidente ng bansa sa SONA.

Tiyak aniya siyang ikagagalak ni dating Pangulong Duterte na marinig ang mga plano ni PBBM para sa Pilipinas.

http://www.radyopilipinas.ph/rp-one/articles/national/sen-go-ibinahagi-ang-mga-inaasahan-niyang-marinig-sa-unang-sona-ni-pbbm

###