Inilabas na ng pamahalaang lungsod ng Quezon ang kanilang traffic re-routing plan para sa unang State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Pansamantalang isasara bukas, Hulyo 25 ang zipper lane mula Tandang Sora Avenue hanggang University Avenue at ibabalik ito kinabukasan, Hulyo 26.
Sa mga motoristang magmumula sa EDSA patungong Fairview, pinapayuhan silang kumaliwa sa Mindanao Avenue o North Avenue via Sauyo Road o Quirino Highway papuntang destinasyon.
Para naman sa mga motoristang magmumula sa EDSA, pinapayuhan silang dumaan sa Aurora Blvd. patungong A. Bonifacio flyover, kaliwa sa JP Rizal, kaliwa sa Batasan – San Mateo Road patungo sa destinasyon.
Maaari ring dumaan sa Bonny Serrano Avenue ang mga motorista mula EDSA patungong Katipunan crossing, derecho sa FVR Road, kanan sa SM Marikina, kanan sa A. Bonifacio, kaliwa sa JP Rizal, kaliwa patungong Batasan – San Mateo Road.
Samantala, para naman sa mga motoristang manggagaling sa C5 Road, maaaring kumanan sa FVR Road, kaliwa sa SM Marikina, kanan sa A. Bonifacio, kaliwa sa JP Rizal, kaliwa sa Batasan – San Mateo Road.
Sarado naman ang bahagi ng IBP Road mula sa Sinagtala street hanggang sa panulukan ng Batasan – San Mateo Road.
Para naman sa mga motoristang magmumula sa Commonwealth Avenue, maaaring dumaan sa IBP Road, kanan sa Sinagtala Street, kaliwa sa Congressional Road at derecho sa Batasan-San Mateo Road.
Kung manggagaling naman ng Payatas, maaaring kumanan sa Batasan – San Mateo Road o di kaya’y sa Commonwealth Ave. patungo sa destinasyon.
Epektibo ang pagsasara sa nabanggit na kalsada alas-12:00 ng hatinggabi hanggang alas-11:59 ng gabi bukas, Hulyo 25.