PUERTO PRIRNCESA, Palawan — May kabuuang 2,047 agrarian reform beneficiaries (ARBs) dito ang nakatanggap ng 2,076 pinagsamang indibidwal at electronic land titles (e-titles) at certificates of land ownership award mula (CLOAs) sa Department of Agrarian Reform (DAR) na may lawak na 3,957 ektarya ng lupang agrikuktural sa lalawigang ito.
Lubos ang pasasalamat ni Edwin Acoy, isang magsasaka ng niyog at saging mula sa Puerto Princesa, Palawan, sa kanyang CLOA mula sa DAR.
“Hindi ko napigilan ang aking kaligayahan nang matanggap ko ang CLOA. Nagpapasalamat ako kay Pangulong Bongbong Marcos at sa DAR sa kanilang pangako sa paglilingkod sa mga ARB. Hinding-hindi ko ito ibebenta. Pagyayamanin ko ito sa abot ng aking makakaya para sa kinabukasan ng aking pamilya,” pahayag ni Acoy.
Sinabi rin niya na lubos na pahahalagahan ng kanyang pamilya ang lupa at magtatanim ng mas maraming cash crops para sa kanilang pang-araw-araw na kabuhayan.
Sinabi ni DAR Secretary Conrado Estrella III na 1,950 e-titles ang naibigay sa 1,907 ARBs sa ilalim ng Support to Parcelization of Lands for Individual Titling o Project SPLIT ng ahensya.
“Ang 1,907 ARB sa ilalim ng Project SPLIT ay dati nang iginawad na mga lupa sa ilalim ng collective certificates of land ownership award (CCLOAs). Sa pagkakataong ito, binigyan sila ng mga indibidwal na e-title pagkatapos dumaan ang departamento sa proseso ng pag-hahati-hati ng CCLOAs,” ayon kay Estrella.
Layunin ng Project SPLIT na palakasin ang seguridad sa panunungkulan at karapatan ng mga ARB sa ari-arian sa kanilang mga lupain.
Ang natitirang 126 CLOA ay ipinagkaloob sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) at ipinamahagi sa 140 ARBs.
Pinaalalahanan ni Estrella ang mga magsasaka sa pagsasabatas ng Republic Act 11953, o ang New Agrarian Emancipation Act, na magpapalaya sa mga ARB mula sa pinansiyal na pasanin ng pagbabayad ng mga pautang na iginawad kaugnay sa mga ipinagkaloob na lupang agrikultural sa ilalim ng CARP.
“Noong nakaraang taon, noong Hulyo 7, ang RA 11953 ay nilagdaan ng Pangulo sa Malacañang. Ang mga katulad po ninyong mga ARB na hindi pa nagagawaran ng lupa mula sa CARP, ay tatanggap ngayon nang lupa na walang anumang obligasyon na bayaran ang amortisasyon. Kaya’t pasalamatin din natin ang ating mga mambabatas sa pagpapatupad ng batas na ito,” paliwanag ni Estrella.
“Sa susunod na pagbalik ko, igagawad namin ang mga certificate of condonation para mapalaya kayong lahat sa inyong mga pagkakautang,” dagdag ni Estrella.
Ang pamamahagi ng titulo ng lupa ay ginanap noong Abril 11 sa Palawan Convention Center sa Puerto Princesa City.
###