Other Government Release

DAR ipamamahagi ang 4,724 titulo, suportang serbisyo sa mga magsasaka sa Negros Occidental


Nakatakdang ipamahagi ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Lunes, Abril 8, 2024 ang kabuuang 4,724 Certificates of Land Ownership Award (CLOAs) na binubuo ng 2,550.3952 ektarya ng lupa sa 2,797 agrarian reform beneficiaries (ARBs) ng Negros Occidental.

Inaasahang ipapamahagi ni Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III ang mga titulo ng lupa na nabuo sa ilalim ng mga bagong lupain at Support to Parcelization of Lands for Individual Titling o Project SPLIT na gaganapin sa Manuel Y. Torres Memorial Coliseum And Cultural Center, Bago City , Negros Occidental.

Nangako si Estrella III na susuportahan niya ang panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pabilisin ang pamamahagi ng mga titulo ng pagmamay-ari ng lupa sa mga magsasakang-benepisyaryo ng repormang agraryo at magbibigay ng suporta upang matulungan ang mga ARB na mapabuti ang kanilang kalagayan sa pamumuhay.

“Upang matiyak ang tagumpay ng mga ARB, mahigit 59-milyong halaga ng mga suportang pang-serbisyo ang ipamamahagi sa labinsiyam (19) na ARB organizations (ARBOs) sa Negros Occidental na kinabibilangan ng mga proyektong farm-to-market road (FMR), Tulay ng Pangulo Para sa Kaunlarang Pang-Agraryo (TPKP project) at farm machineries and equipment (FME),” ani Estrella.

Sinabi ni Atty. Sheila B. Enciso, DAR Western Visayas Regional Director na ang mga lupain ay kinabibilangan ng 2,686 na titulo na sumasaklaw sa 1,181.8807 ektarya, na inilalaan sa 1,562 ARBs para sa mga bagong lupain. Sa kabilang banda, 2,038 na titulo naman para sa Project SPLIT na sumasaklaw sa 1,368.7627 ektarya, ay ipapamahagi sa 1,235 ARBs.

“Ang kabuuang landholding sa ilalim ng mga bagong lupain ay binubuo ng 1,744 CLOAs na sumasaklaw sa 725.7328 ektarya, na ipamamahagi sa 951 ARBs sa Negros Occidental 1, at sa Negros Occidental 2, ay may kabuuang 942 CLOAs na sumasaklaw sa 45789 hectares ay magiging 455 hectares.  Sa ilalim ng Project SPLIT, may kabuuang 1,084 CLOAs na sumasaklaw sa 700.6009 ektarya, ang ipapamahagi sa 600 ARBs sa Negros Occidental 1. Katumbas nito, may kabuuang 954 CLOAs na sumasaklaw sa 668.1618 ektarya, ang ipamamahagi sa 635 na ARBs sa Negros Occidental 2,” ani Enciso.

Ang mga bagong lupain ay ang regular na target ng DAR sa ilalim ng Land Tenure Improvement (LTI) na sumasaklaw sa mga pribadong lupaing pang-agrikultura habang ang mga lupain sa ilalim ng Project SPLIT ay ang mga sakop at dati nang naisyuhan ng DAR ng mga collective Certificates of Land Ownership Award (CCLOAs) at ngayon ay hinahati-hati at pinalitan ng mga indibidwal na CLOA o titulo ng lupa upang mapabuti ang seguridad sa panunungkulan ng lupa at palakasin ang mga karapatan sa ari-arian ng mga ARB.

###