Other Government Release

Department of Agrarian Reform

Eastern Visayas ARBs tumanggap ng tulong pinansyal mula sa DSWD at Tingog Partylist



TACLOBAN CITY – Mahigit sa isang libong mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa buong Eastern Visayas ang tumanggap ng tulong pinansyal mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pakikipagtulungan sa Tingog Partylist.

May kabuuang 1,199 ARBs mula sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon ang nagtipon sa mga itinalagang payout centers upang matanggap ang kanilang suportang pinansyal sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng DSWD.

Kinumpirma ni Atty. Jonalyndie Chua, Information Officer ng DSWD, ang pakikipagtulungan sa Tingog Partylist na siyang nagpadali sa pamamahagi ng pondo. Ang inisyatibang ito ay isinagawa sa koordinasyon ni Atty. Robert Anthony Yu, Department of Agrarian Reform (DAR) Regional Director sa Silangang Visayas.

Kasama sa proramang ayuda ang mga ARB na kamakailan lamang ay tumanggap ng certificates of land ownership qward (CLOAs) sa seremonya noong Mayo 20 na dinaluhan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Tacloban City Convention Center.

Ang mga ARBs na dati nang nakatanggap ng tulong ay hindi isinama sa listahan upang masiguro ang patas na pamamahagi. Matapos ang pagpapatunay ng DSWD, ang mga kwalipikadong ARB sa buong rehiyon ay sabay-sabay na tumanggap ng tulong pinansyal na limang libong piso (P5,000.00) bawat isa.

Sa Northern Samar, 298 ARBs mula sa mga bayan ng Allen, Victoria, Lavezares, Rosario, San Jose, San Isidro, Capul, Palapag, Gamay, Lapinig, Lope de Vega, Catubig, San Roque, Pambujan, Mondragon, Las Navas, Laoang, at Catarman ang nakatanggap ng kanilang tulong sa DAR Provincial Office sa Catarman at sa Municipal Agrarian Reform Offices sa Palapag at Allen.

Sa Western Samar, 216 ARBs mula sa Jiabong, Pinabacdao, Motiong, Villareal, Sta. Rita, Marabut, Daram, Sta. Margarita, Pagsanghan, Tarangnan, Gandara, San Jorge, at mga lungsod ng Catbalogan at Calbayog ang tumanggap ng kanilang tulong sa DAR Provincial Office sa Catbalogan at sa Municipal Agrarian Reform Office sa San Jorge.

Sa Southern Leyte, 99 ARBs mula sa Malitbog, Macrohon, Hinunangan, at Lungsod ng Maasin ang tumanggap ng kanilang tulong sa Municipal Agrarian Reform Office sa Maasin at sa Hinunangan Municipal Cultural Center.

Sa Leyte, 586 ARBs mula sa Alangalang, Babatngon, Palo, San Miguel, Tanauan, Calubian, Leyte, San Isidro, Tabango, Villaba, Albuera, Isabel, Kananga, Matag-ob, Merida, Palompon, at mga lungsod ng Tacloban at Ormoc ang nakatanggap ng kanilang tulong pinansyal sa mga itinalagang payout centers, kabilang ang headquarters ng Tingog Partylist sa Tacloban City.

Isa sa mga benepisyaryo, si Epifanio Calubia mula sa Las Navas, ay nagpaabot ng kanyang pasasalamat sa DAR, DSWD, at Tingog Partylist, na nagsabing, “Daku in inga bulig san mga parag-uma.” (Ito ay isang malaking tulong sa aming mga magsasaka.)

###