Other Government Release

PBBM, namahagi ng P69.17-M na tulong sa mga ARBs sa Negros Occidental


Namahagi si Pangulong Ferdinand R. kasama si DAR Secretary Conrado M. Estrella III ng kabuuang P69.17 milyong halaga ng suportang pang-serbisyo sa 19 agrarian reform beneficiaries’ organizations (ARBOs) sa Negros Occidental.

“Kayo ay makakaasa sa akin at sa buong pamahalaan na susuportahan kayo sa lahat ng inyong pagsusumikap. Samahan ninyo ako sa pagsasakatuparan ng Bagong Pilipinas – isang bansa kung saan walang nagugutom at lahat ay nagtatrabaho para sa ikabubuti ng lahat,” ani Marcos.

Niyakap ni Perla Miraflor, isang ARB at chairperson ng Victor U. Lopez Agrarian Reform Cooperative (VULARCO), sa Negros Occidental 2 (South), si PBBM upang ipahayag ang kanyang pasasalamat sa mga suportang pang-serbisyo na ipinagkaloob sa kanila dahil ang mga ito aniya ay magpapalaki ng kita ng mga ARB at mga ARBO.

“Ang hamon ngayon ay nasa aming mga kamay na gawing produktibo ang lupa upang madagdagan ang aming kita,” ani Miraflor.

Sinabi ni Atty. Sheila B. Enciso, DAR Western Visayas Regional Director na may kabuuang 750 magsasaka sa Negros Occidental ang makikinabang mula sa farm-to-market roads (FMRs), Tulay ng Pangulo Para sa Kaunlarang Pang-Agraryo (TPKP project), organic fertilizer, at farm machineries and equipment (FMEs) na ipinamahagi ng Pangulo.

Sinabi ni Enciso na ang FMRs ay kinabibilangan ng pagkonkreto ng Concepcion Bridge na may 18-linear-meter na haba na pakikinabangan ng mga miyembro ng ARB ng Cabatangan-Concepcion ARC (CACON), habang kasama sa TPKP ang 1.7200 kilometrong kalsada mula Purok 2 patungo sa Purok 10, 9 at ANHS, Barangay Alangilan, sa Bacolod City at 1.7200-kilometrong kalsada mula Purok 16 patungo sa Purok 15, Barangay Alangilan, Bacolod City..

Kasama sa mga FME na ibinigay sa Negros Occidental 1 (North) ang dalawang (2) 90 HP 4 WD farm tractors, isang hand tractor, tatlong (3) mechanical threshers at 3 power/floating tiller na nagkakahalaga ng P6 milyon para sa 5 ARBO; Hda Gamboa Brgy. Mabini ARB Association, Tulo-Ato Small Farmers Consumer Cooperative, Initihan River Irrigators Association, Amayco Small Farmers Association at Agpangi Bagacay Cabungahan Agrarian Reform Cooperative, na pakikinabangan ng 221 ARBs .

Sa Negros Occidental 2, 617 units ng organic fertilizer na nagkakahalaga ng P234,460.00 ang ibinigay para sa 8 ARBOs, ito ay ang Integrated Sugar and Rice Farmers and Workers Association (ISARFAWA), Brgy. Bi-ao Farmers Association (BABIFA), Tampalon Rainfed Upland Farmers Association, Tampalon Small Farmers Agrarian Reform Cooperative (TASFARM-ARC), Mahayag Farmers Association, Manolita Agrarian Reform Beneficiaries Association, Purok Katubuhan ARB Association, at Bulod Da-at Farmers Association (BUDAFA).

Ipinagkaloob din sa Negros Occidental 2 ang mga FME na nagkakahalaga ng P3,760,000.00 na kinabibilangan ng isang 6-wheeler hauling truck, 5 rice/grass cutter, 2 power tiller, 3 thresher, 1 hand tractor para sa 5 ARBO, ang Victor U. Lopez Agrarian Reform Cooperative, Kauswagan Agrarian Reform Cooperative, Integrated Sugar and Rice Farmers and Workers Association (ISARFAWA), Brgy. Pandan Farmers and Farm Workers Association Katuwang sa Pagbabago at General Malvar Agrarian Reform Cooperative.

###