Speech

Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Ceremonial Turnover of the St. Gregory Homes Project

Event Ceremonial Turnover of 1,380 Housing Units of St. Gregory Homes Project
Location St. Gregory Homes Project in Barangay Panghulo, Malabon City

Maraming salamat. Maraming, maraming salamat.

Maraming salamat sa ating Secretary ng Human Settlements and Urban Development na si Secretary Jerry Acuzar. [Please umupo na.]

Babatiin ko lang kayo na welcome dito sa aming – hindi ito pabahay, political rally na itong nangyayari dito. [cheers] Parang naaalala ko kayong lahat sa kampanya. Kayo ‘yung mga malalakas ang boses. [Crowd cheers: BBM! BBM! BBM!] Salamat sa inyong lahat at mabuti naman at nagkaroon ako ng pagkakataon na makabalik muna ng Malabon dahil marami tayong ginagawa at kung minsan hindi tayo makalabas ng opisina. Pero hindi na bale at mayroon akong paminsan-minsan na nakikita ko kayong lahat siyempre masarap na kayo ay makasama muli mga kasama ko na nagsuporta sa akin, na binigyan ako ng tulong. [cheers]

Kaya naman po ay pinapaspas po namin lahat ito upang naman ay masuklian namin ang iyong pagmamahal at ang inyong suporta na ibinigay sa halalan na ngayon ay kami naman ang gagawa ng lahat upang ‘yung aming pinag-usapan na pagkakaisa, ‘yung ating pinag-usapan na tayo’y babangon muli ay magiging katotohanan kasama kayong lahat, kasama lahat ng ating mga kababayang Pilipino. Maraming, maraming salamat po. [cheers]

Babatiin ko rin ang ating mga butihing senador. Mabigat itong Malabon, hindi lang Presidente ang pumupunta, lahat ng secretary, nandito pa ‘yung mga senador, Senator Sherwin Gatchalian, ‘yung inyong kapitbahay; nandiyan din si Senator JV Ejercito, ang ating kasama; at ang ating butihing mayor, Mayor Jeannie Sandoval ng Lungsod ng Malabon; ang ating General Manager sa NHA, General Manager Joeben Tai; lahat ng mga benepisyaryo ng pabahay ng pamahalaan; ang ating mga kasamahan; my fellow workers in government; ating mga minamahal na kababayan, magandang tanghali po sa inyong lahat. [applause]

Huwag po kayong mag-aalala na masyadong matagal ‘yung speech ko. Magpapakain daw si Mayor Jeannie ng ano… [cheers] Sinubo ko na naman si Mayor.

Masaya po ako na nandito at makasama kayong lahat upang tunghayan ang pagsasakatuparan ng ating hangarin na makapagpatayo ng pabahay para sa ating mga kababayan dito sa Lungsod ng Malabon.

Ang St. Gregory Homes Project ay binubuo ng mahigit dalawampung (20) tig-limang-palapag na mga gusali na mayroong isang libo, tatlong daan at walumpung (1,380) yunit ng pabahay na de-kalidad, matibay, at ligtas.

Naging matagumpay ang housing project na ito dahil sa pagtutulungan ng National Housing Authority, lokal na pamahalaan ng Malabon, iba pang ahensya ng gobyerno, at siyempre ang ating kasama at partner ang pribadong sektor.

Nawa’y mas marami pa tayong mapapatayong [pabahay] at matutulungan na kapwa nating Pilipino.

Kaya’t nagpapasalamat ako muli sa kooperasyon ng ating mga benepisyaryo dito sa St. Gregory Homes Project na karamihan ay naging informal settlers at dating nakatira lang sa kung saan-saan sa waterway, sa danger zone, [at] mga ibang lugar na naapektuhan ng mga proyekto ng Department of Public Works.

Sana po ay magsilbi ito na paalala at patunay na ang proyektong ito ay handang gumabay at tumulong sa inyo tungo sa pag-unlad ng inyong pamumuhay.

Para po sa kaalaman ng lahat, napakalapit po sa aking puso ang pagsisiguro na maging matagumpay ang mga human settlements at housing projects ng ating gobyerno.

Isa po sa mga binibigyan nating prayoridad ang mabigyan ng solusyon ang napakatinding kakulangan ng pabahay dito sa buong Pilipinas.

Kaya naman po ay hinamon ko ang aking sarili at ang aking mga kapwa-lingkod [bayan] sa DHSUD, sa NHA, lalong-lalo na ang ating mga LGUs na matugunan ang mga pangangailangan na pabahay sa loob ng aking termino bilang Pangulo.

Naniniwala po ako na kaya nating makamit ito kung ang lahat ay magtutulungan, magiging masunurin sa batas, at paiiralin ang bayanihan spirit ng Pilipino.

Ang mga housing programs na ito ay naglalayong makapagpatayo ng disenteng pabahay para sa mga kababayan nating pinakanangangailangan.

Ito po ay inisyatibo ng gobyerno upang tiyakin na ang bawat pamilyang Pilipino ay mayroong bahay na mauuwian at matatawag nilang sarili nilang tahanan.

Hindi naman po kinakailangan na ito’y maging magarbo. Ang mahalaga, ito ay matibay, at nasa tahimik at ligtas na lugar. Sapat upang mamuhay nang masaya at makapagsimula ng may pag-asa ang bawat miyembro ng pamilya.

Hangad din ng pamahalaan na makatulong at maibsan ang mga problemang pinapasan ng ating mga kababayan sa araw-araw na hamon ng buhay.

Ang lahat ng ito ang nagsisilbing inspirasyon namin upang mas patatagin ang aming dedikasyon tungo sa pagsasakatuparan ng aming pangakong mabigyan ng disente, abot-kaya, at de-kalidad na pabahay para sa bawat pamilyang Pilipino.

Aking inaatasan muli ang NHA, DHSUD, at ang iba pang mga kaugnay na ahensya ng pamahalaan na magpatuloy sa masusing pagbibigay-lunas sa ating suliranin sa pabahay, at tiyakin na walang sinuman na maiiwanan at mapapabayaan sa ating sama-sama na pagsulong at sa ating sama-sama na pag-unlad.

Hinihikayat ko rin po ang mga benepisyaryo natin dito na patuloy po ninyong suportahan ang mga programa at proyekto ng pamahalaan na naglalayong matulungang mapabuti ang antas ng pamumuhay ng bawat isang Pilipino.
Binabati ko ang ating mga benepisyaryo ng proyektong ito sa pagkakaroon ninyo ng bago at sariling tahanan. [applause]

Nawa’y maging masaya, masagana, at mapayapa ang inyong pamumuhay sa inyong bagong bahay at komunidad.

Maraming, maraming salamat at mabuhay po kayong lahat! Magandang tanghali po sa inyong lahat! [Crowd cheers: BBM! BBM! BBM!]

Mabuhay po ang Lungsod ng Malabon! Maraming salamat po! Magandang tanghali po. [applause]

 

— END —

 

SOURCE: PCO-PND (Presidential News Desk)