Maraming salamat, Secretary Anton Lagdameo, ang Special Assistant to the President.
Ang Mindanao Development Authority Secretary Leo Magno; Presidential Communications Secretary Jay Ruiz; Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity Secretary Charlie Galvez; Sarangani Provincial Governor, Governor Rogelio Pacquiao; South Cotabato Governor, Governor Jun Tamayo; the Development Bank of the Philippines Chairman Philip Lo; local chief executives of provinces of Sarangani and Cotabato; at ang pinakamahalaga na bisita natin dito ngayon kayo po mga beneficiary dito sa ating Agri-Puhunan at Pantawid Program; [palakpakan] mga minamahal kong mga kababayan, maayong adlaw sa atong mga pinalanggang kaigsoonan dinhi sa Sarangani! (Magandang araw po sa ating mga mahal na kababayan dito sa Sarangani!) [Ilokano]
Lubos po akong nagagalak na makabalik at muling makasama ang ating mga kababayan dito sa Mindanao. Ramdam ko po ang init ng inyong pagtanggap. Isa pong patunay ito na pinagbuklod tayo ng iisang layunin na isulong ang mas masaganang bukas para sa bawat isang Pilipino.
Kayong mga magsasaka ang haligi ng ating ekonomiya. Ang inyong pawis, pagod, at sakripisyo ang siyang bumubuhay sa ating sektor ng agrikultura.
Sa inyong mga kamay, nakasalalay ang pagkain sa hapag ng bawat pamilyang Pilipino. Kaya naman, nararapat na kilalanin ang inyong kabayanihan at suportahan ang inyong mga mithiin.
Hindi po lingid sa ating kaalaman ang mga pagsubok na patuloy na inyong hinaharap. May ilan nga po sa inyo na napipilitang umutang nang napakataas na interes—isang sitwasyong lalong nagpapabigat pa sa inyong pinagdaraanan.
Bilang tugon ng pamahalaan, inilulunsad natin ang Agri-Puhunan at Pantawid Program. Bunga po ito ng masusing pag-aaral, matibay na pagtutulungan, at malalim na malasakit mula sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan.
Sa pangunguna ng Department of Agriculture, nandiyan po ‘yung Development Bank of the Philippines, Planters Products Incorporated, maghahandog po tayo ng makabuluhang serbisyo sa ating mga magsasaka.
Sa ilalim ng Agri-Puhunan at Pantawid Program, maaari na po kayong makahiram ng puhunan hanggang P60,000 sa mababang interes na dalawang porsyento kada taon. [palakpakan] Simula ngayon, hindi ninyo po kailangang alalahanin ang mataas na tubo na kaakibat ng inyong hinihiram.
Maaari rin po ninyo itong bayaran sa pamamagitan ng [pagbebenta] ng inyong ani sa National Food Authority o NFA, sa mga DA-accredited cooperatives din.
Itong mga ani naman, ito ang siyang sumusuporta sa ating mga programa para sa sapat at mababang presyo ng bigas.
Sa panahon naman ng pagtatanim hanggang sa pag-aani, makakatanggap din po kayo ng tulong-pantawid na nagkakahalaga ng P8,000 tuwing unang linggo sa loob ng apat na buwan. [palakpakan] Hangad po naming makatulong ito sa pagtugon ng inyong pangangailangan habang naghihintay kayo ng anihan.
Higit sa lahat, mamamahagi rin po kami ng Interventions Monitoring Card o IMC. Sa tulong nitong IMC, mabibigyan po kayo ng input credit upang makabili kayo ng de-kalidad at abot-kayang farm input mula sa ating DA-accredited na mga merkado.
Dagdag pa riyan, mamamahagi rin po tayo ng mga makinaryang pansakahan, katulad ng mobile disinfection trucks – ’yang nandoon sa labas – ’yung forage chopper, na inaasahan mapapalakas, mapapataas pati ang inyong ani at ang inyong kita. [palakpakan]
Bahagi ang mga serbisyong ito sa isang mas malawak at mas matibay na estratehiya para sa tunay [at] pang-matagalang pagbabago.
Nawa’y magsilbi pong paalala ang mga tulong na ito na laging nakaalalay sa inyo ang inyong pamahalaan. Handa po kaming makinig sa inyong hinaing at tulungan kayo na maging matagumpay sa mga pagsubok na inyong hinaharap sa abot ng aming makakaya.
Nais ko rin pong ipaalam sa inyo na, bukod sa Agri-Puhunan na project, nagpapatupad po ng iba’t ibang programa ang pamahalaan na maaari ninyong malapitan upang matugunan ang pangangailangan ninyo sa kapital.
Kabilang po rito ang pagsasagawa natin ng Rice [Competitiveness] Enhancement Fund [Program]. Noong isang taon, mahigit 17,700 magsasaka at 331 kooperatiba, ang nakinabang sa mahigit sa tatlong bilyong pisong naipahiram ng pamahalaan sa ating mga magsasaka. [palakpakan]
Mayroon din po tayong credit program sa pangunguna naman ng Agricultural Credit Policy Council.
Sa katunayan, noong nakalipas na taon, halos 19,000 magsasaka at mangingisda, at 112 negosyo ang nakahiram ng higit isang bilyon at pitong daang milyong piso mula sa nasabing credit program. Kasama na po rito ang Agri-Negosyo Loan Program, Survival and Recovery Assistance Program, at saka ‘yung Young Agripreneurs Loan Program para sa ating mga kabataan na gustong pumasok sa pagsasaka.
Nilalayon po naming maihatid sa inyo ang mga serbisyong makakatulong sa pagpapalakas ng inyong kabuhayan, pagpapabuti ng inyong kapakanan, at pagsusulong ng inyong kaunlaran.
Isa pong karangalan na kayo’y mapaglingkuran. Hindi ko po itinuturing na isa lamang itong tungkulin. Sa halip—para sa akin—isa pong pribilehiyo na maging susi upang matupad ninyo ang inyong mga adhikain.
Sa Bagong Pilipinas na ating itinataguyod, sinisiguro po natin na walang maiiwanan. Walang mapapabayaan. Mabibigyan po ang bawat isa sa inyo ng pagkakataong maatim ang mas matiwasay at mas maginhawang buhay.
Sa inyo pong pagtanggap sa mga tulong na ito, umaasa po ako na mas lilinangin ninyo ang inyong mga kakayahan, at magiging bukas kayo sa mga makabagong teknolohiya at pananaw sa agrikultura.
Sama-sama po natin tahakin ang landas ng pagbabago. Itatag natin ang isang mas progresibo, mas maunlad, [at] mas matatag na Bagong Pilipinas.
Isang bayang may dangal at katarungan, kung saan ang bawat sakripisyo ng magsasaka ay may katumbas na ginhawa at pag-asa.
Maraming salamat po. Mabuhay ang ating mga magsasaka!
Mabuhay ang Bagong Pilipinas! [palakpakan]
— END —