Speech

Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Pamamahagi ng Bigas sa Siargao


Event Distribution of Rice in Siargao Island
Location Siargao Island, Surigao del Norte

Maraming sa ating Kalihim ng DSWD [Please take your seats.] Secretary Rex Gatchalian; at nandito rin ang Assistant to the President, Secretary Anton Lagdameo; ang Kinatawan ng Unang Distrito ng Surigao del Norte Francisco Jose Matugas II [applause]; ang Alkalde ng bayan ng Dapa na last time kami nagkita ay hindi pa masyadong maganda ‘yung… [Noong Typhoon Odette pa] Ngunit ngayon ay nakita naman natin na napakaganda ng pag-recover; lahat po ng ating mga kasamahan, of course, Governor Barbers [applause]. Sabi ni Governor, dapat daw nandito ko ng bawat buwan. So, buwan-buwan pupunta ako rito, hindi ko naman kaya dahil mabigat ‘yung schedule ko. Pero, may proxy akong pinadala ‘yan si Vincent, ‘yung anak kong bunso. [applause]

Ang katotohanan po ilang buwan ko ng hindi nakita ito. Halos ‘di ko na makilala dahil pagkatapos ng trabaho niya sa Maynila, takbo kaagad dito ‘yan sa Siargao pero pagka naman may kailangan, pagka nangangailangan kayo rito, takbo naman sa akin ‘yan. Kaya’t marami kaming nagagawa. Para sa kasalukuyan, ‘yan na muna po ang proxy natin dito sa inyo, sa mga kasama natin sa Siargao. [applause]

Siyempre nais kong batiin lahat ng ating mga benepisyaryo na nandito ngayon, na mabibigyan ng ating konting tulong sa pamamagitan ng pagbigay ng mga sako-sako ng bigas. Maraming salamat. Magandang tanghali po sa inyong lahat. [applause]

Sigurado po ako na kayong mga benepisyaryo ay uuwing masaya sapagkat makakatanggap kayo ng tig-isang sako ng 25 kilo
ng bigas.

Isa ito sa mga hakbang na ginagawa ng ating pamahalaan upang maibsan ang gutom ng mamamayan sa buong bansa. Galing lang po kami doon sa kabila at ang aming binuksan ang programang Walang Gutom para po magbibigay po tayo ng magandang, masustansyang pagkain sa ating mga kababayan.

Ito po naman ay naiba at ito pong bigas na ito ay hindi ko alam kung nababalitaan ninyo dahil ako bilang Secretary ng Department of Agriculture, katungkulan ko na pagandahin ang supply ng pagkain at tiyakin na kahit sapat ‘yung supply, na ‘yung presyo naman ay nasa tama para hindi nahihirapan ang taong-bayan. [applause]

Iyan ang aming ginagawa. Sa isang panig, ang ginagawa natin pinapaganda natin ang produksyon ng bigas. Hindi lamang bigas, kundi pati mais, pati ‘yung mga gulay, pati high-value crop, lahat ‘yan para naman maging mas matibay ang tinatawag, ang ating mga pag-supply ng pagkain sa ating mga kababayan.

Iyon naman Food Stamp Program ay para naman — magbibigay po ng tinatawag na parang coupon at ito ay binabantayan, hindi lamang kung gaano karami ang kinakain kung hindi kung tama naman at masustansya, kung [balanse] ang diet.

Hindi lang puro matamis ang binili. Hindi lang naman puro kanin ang pinapakain kung hindi dapat may protein galing sa isda, sa gulay, lahat ‘yan, pati prutas. Iyan po ang aming bagong programa.

Ngayon ito po ay — sa kabilang panig naman sa pag-aayos ng food supply sa Pilipinas, kailangan din po natin tugunan ang problema ng smuggling at saka ng hoarding at ito po ay aming pinatibay, ang pag-enforcement nito dahil ‘yan ang nagpapa — ‘yung mga gawaing ‘yan ay nagpapataas ng presyo ng bigas at ‘yan ang dahilan kung bakit ang bigas biglang umakyat ang presyo dahil ‘yung mga smuggled na bigas ay hindi pinapalabas, iniipit para tumaas nga ang presyo.

Pagtaas ng presyo, saka bibitawan para kumita sila ng malaki. Hindi tama ‘yun. Unang-una, ilegal ‘yan. At hindi talaga tama na pahihirapan nila ang taong-bayan para lang sila ay magpayaman.

Kaya’t pinatibay nga natin ang paghahabol dito sa mga smuggler na ito, sa mga hoarder na ito. Ito na ngayon ang naging resulta. Marami po tayong nakikita na na rinaid (raid) na mga warehouse, na hindi makapagbigay ng pruweba na legal ang kanilang pag-import ay kinuha na ng pamahalaan, kinuha na ng Bureau of Customs. Sila ang unang kumuha nitong bigas na ito. Kinuha ng Bureau of Customs, pagkatapos sa Bureau of Customs, noong walang ipakita na mapatunayan na legal ang pagpasok dito sa bigas na ito ay ginawang donation sa DSWD. Kaya naman ang DSWD ang nagbibigay ngayon ng bigas sa inyo ng tig-iisang sako. [applause]

Iyan po ang aming mga ginagawa para naman ay… Alam po natin na marami pa sa atin ay hindi pa nakaahon sa problema na dinulot ng pandemya, na dinulot ng giyera sa Ukraine, ‘yung pagtaas ng presyo ng bilihin, pagtaas ng presyo ng bilihin, pagtaas ng presyo ng agricultural commodities, ‘yan po ang hinaharap nating mga problema ngayon.

At kaya naman, kami sa gobyerno natin ay hinahanap namin. Sino ba ‘yung mga naghihirap masyado na hindi pa makabawi doon sa kahirapan na dinaanan natin noong pandemya na walang trabaho, na halos walang makuhang pagkain, wala kang makuhang kahit na ano. Sarado lahat ng negosyo.

Dahan-dahan ay lumalabas na tayo ngunit hindi pa kumpleto kaya’t hinahanap namin ang mga pinaka-nangangailangan na ating mga kababayan upang naman mabigyan natin ng tulong.

At ang naging resulta po niyan ay ang mga pagbigay ng mga nahuli na smuggled rice, na hoarded rice para sa ating mga kababayan upang naman kayo ay matulungan at matiyak na mayroon kayong kakainin, at para sa inyong pamilya. [applause]

Patuloy po ang inyong pamahalaan. Patuloy po kami na naghahanap ng mga bagong — ng kahit anong magawa upang tumulong sa inyo na maabot natin ang aking pangarap na wala ng gutom sa Pilipinas.

Iyan po ay sa palagay ko ay ang pinakamagandang pangarap na para sa isang pangulo na kahit papaano lahat po ng Pilipino ay masasabi natin sapat ang kanilang pagkain, masustansya ang kanilang pagkain, at wala ng ginugutom na.

Kaya’t ‘yan po ang trabaho po ng gobyerno. Kami po ay nandito. Naghahanap kami ng lahat ng paraan upang tumulong. Asahan po ninyo na ang inyong pamahalaan ay nandito nakikinig po sa inyo, nakikinig po sa pangangailangan ninyo, at gagawin ang lahat upang mabigay sa inyo ang tulong na kinakailangan ninyo.

Maraming salamat po at magandang tanghali po sa inyong lahat. Mabuhay po kayo!

 

— END —