Speech

Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Pamamahagi ng Bigas sa Camarines Sur


Event Distribution of Rice Iriga City, Camarines Sur
Location Iriga City, Camarines Sur

Maraming salamat sa ating butihing Gobernador, ama ng probinsya, ang ating Gov, Gov. Migz Villafuerte; at ang ating dalawang congressman, Congressman LRay na nagsasabi nga…

Nag-uusap kami kanina habang nagsasalita si Gov. Sabi namin, puwede na tayo mag-retire, kaya na nila itong trabaho na ito. Pero habang nandito pa kami, tuloy-tuloy pa rin ang aming gagawin. Tuloy, kasama si Cong. Luigi at sila’y magkasama ngayon ng aking anak sa Kongreso.

At lahat ng mga kinakailangan natin para pagandahin ang buhay ng bawat Pilipino ay dinadala rin namin sa Kongreso upang matulungan tayo sa mga iba’t ibang batas.

Nandito rin po ang ating mga Kalihim, ng iba’t ibang departamento. Nandito po ang Secretary ng DOLE, Secretary Benny Laguesma [applause]; andito rin po ang ating Secretary ng Trade and Industry, Secretary Fred Pascual [applause]; Andiyan din po ang Secretary ng DILG, Secretary Benhur Abalos [applause]; Nandito rin ang Department of Transportation, ang ating Kalihim na si Secretary Jimmy Bautista. [applause]

Andito rin po, sinama po natin dahil po doon sa — ‘yung ibinabalita sa inyo ni Governor, ‘yun po ang aming bagong programa. At ‘yung programa na ‘yan, ang tawag namin ay ang Bagong Pilipinas. Dahil kailangan natin baguhin ang Pilipinas para makaharap tayo sa mga darating na panahon para maharap natin ang pagbabago sa mundo ngayon.

Dahil marami pong pagbabago, kailangan ang Pilipinas magbago rin. Kaya’t ‘yan po ang aming programa. At kasama po doon ay ang education, kaya’t nandito rin po ang ating CHED Chairman, Popoy De Vera [applause]; ang Alkalde ng Lungsod ng Iriga ay si Mayor Wilfredo Rex Oliva [applause].

Alam niyo po pinapaalala po sa akin na noong 1965 napunta na pala dito ang aking ama at bumisita sa inyo habang nagkakampanya siya noon para maging presidente. At bumalik siya noong 1968 para gawing city ang Iriga, dati hindi pa city ‘yan. [applause]

So, 1968. Mula noon, wala ng dumating na pangulo. Kaya’t Marcos lang ang bumibisita sa inyo na Pangulo. [applause] Hindi malapit kayo sa puso namin. Kaya naman nandito na naman po kami.

Ito po ‘yung binuksan po natin doon sa apat na lugar. Sa Nabua kami tapos dito ngayon sa Leyte, sa Ilocos Norte, at saka sa Davao. Ito’y bagong programa ng pamahalaan at kung titingnan po ninyo ang nangyari doon sa ibang lugar. Ang nangyari ay nagtayo po tayo ng mga pangtulong sa iba’t ibang bagay.

Hindi lamang sa agrikultura, hindi lamang sa mga magsasaka, kung hindi nandiyan na rin po naglagay tayo ng extension, parang desk para sa mga NBI Clearance, para sa lisensya, para sa Passport. Lahat po ng mga pangangailangan ay nandiyan na at hindi na kayo kailangan lumayo pa sa inyong pinanggagalingan.

Ngayon po, nandito po kami upang magbigay naman ng tulong sa mga nangangailangan dahil alam po natin ay nagtaasan ng presyo ng bigas at sobrang taas ng presyo kaya’t napilitan tayo maglagay ng price cap.

Pero ang dami pa rin kulang, ang dami pa rin kulang sa pag-distribute. Marami naman tayong bigas hindi lang nailalabas nang tama.

Kaya’t hindi problema ang supply sa atin dito sa Pilipinas. Sabi ng Department of Agriculture ay mas malaki ang ani natin ngayon taon na ito kaysa sa nakaraan kaya’t sa production side naman ay nagiging maayos.

Ngunit, kailangan natin ayusin ang sistema mula sa pagtanim, mula sa pag-research and development hanggang sa pagtanim hanggang sa processing hanggang sa distribution, marketing, hanggang sa retail.

Kaya’t ginagawa po natin ay binubuo natin lahat ‘yan. Sana naman sa lalong madaling panahon ay makikita na natin at mararamdaman na natin ‘yung pagbabago na ‘yan na pinag-uusapan natin.

Ito pong bigas ay para sa mga talagang nangangailangan. At tiningnan lang po namin kung saan marami ang 4Ps beneficiaries sa buong Pilipinas at ‘yun ang tiningnan namin.

Ang mga benepisyaryo ngayon, ngayong araw na ito dito sa dala naming bigas ay ang mga 4Ps. Kinuha namin ang listahan sa 4Ps. Ito po ay kinuha na ng pamahalaan. Binili na privately para ipamigay po sa inyo. Alam niyo po tayo naman sa pamahalaan ginagawa po natin ang lahat na matiyak na unang-una na sapat ang pagkain, na pangalawa na ito ay nasa presyo na abot-kaya ng mga kababayan natin.

Kaya’t ‘yan po ang naging dahilan kung bakit po nandito tayo at nagbibigay tayo ng bigas para naman makasiguro na ‘yung pinakamahirap na ating mga kababayan ay hindi naman gugutumin at kahit papaano mayroon silang kakainin.

Kaya’t ‘yan po ang inyong pamahalaan. Ang gobyerno po ang lumalapit na ngayon sa inyo. Hindi kayo namin inaantay pang pumunta sa gusali, sa opisina ng mga government offices. Kami na po ang lalapit. Iyan po ang Bagong Pilipinas na programa.

Pagka gumagawa kami ng fair na ganyan, ayon kasama lahat. Iyon na lang, isa lang ang pupuntahan niyo.

At ngayon po, ito naman ay ang bigas para naman makatulong at makatiyak na hindi po naghihirap masyado ang ating mga kababayan na kahit papaano may nakakain, kahit papaano napapakain ang inyong mga pamilya.

At kung hindi talaga kaya, nandito po ang pamahalaan na tutulong sa inyo.

Maraming, maraming salamat po at magandang tanghali. [applause]

— END —