Speech

Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pamamahagi ng bigas at iba pang tulong ng gobyerno sa Kalibo, Aklan

Event Distribution of Rice and Other Government Assistance in Kalibo, Aklan
Location Kalibo, Aklan

Maraming salamat sa Kalihim ng Department of Social Welfare and Development. [Please sit down.]

Sa ating Secretary Rex Gatchalian sa iyong pagpakilala; ang Kinatawan ng Unang Distrito ng Aklan, Carlito Marquez [applause] [You should be up here.]; ang ating ama ng probinsya ng Aklan, Jose Enrique Miraflores [applause]; ang Alkalde ng bayan ng Kalibo, malapit na daw, hindi na bayan ang pagbati natin sa inyo, ito ang Alkalde ng Lungsod ng Kalibo [applause] Juris Sucro; nandito rin po ang mga ibang mayor sa iba’t ibang bayan na nakabisita rito ngayong hapon; magandang hapon sa inyo. [applause]

At ang pinakamahalaga na nandito ngayon na kasama natin ngayon hapon na ito, ang ating mga benepisyaryo ng 4Ps na mabibigyan natin ngayon ng sako ng bigas [applause]; ating mga kasamahan, lahat ng kasamahan ko sa pamahalaan sa serbisyo publiko, magandang hapon po sa inyong lahat. [applause]

Una sa lahat, nais ko pong gamitin ang pagkakataong ito upang magpasalamat sa inyo sa malaking ambag sa aking pagkapanalo noong nakaraang eleksyon. [applause]

Hindi po madali lumangoy laban sa agos pero nanindigan po kayo para sa akin kaya’t kulang ang pasasalamat ko. Dahil diyan, ako po ang nanguna sa inyong lalawigan–kung kaya naman buong-puso at labis akong nagpapasalamat sa inyong tiwala at suporta at ang bawi lang — susuklian po namin ‘yan ng lahat ng aming maaaring gawin upang tulungan ang lahat ng mamamayang Pilipino upang pagandahin ang PIlipinas. Muli, maraming salamat sa inyo. [applause]

Abu-gid nga salamat!

Ang pagdalaw namin dito ay bahagi ng inisyatiba ng gobyerno na maghatid ng ayuda sa mga higit na nangangailangan sa iba’t-ibang sulok ng bansa.

Bilang pangunahing pagkain ng mga Pilipino, mahalaga na hindi [mawawala] ang suplay ng bigas sa ating mga tahanan.

Sinisikap po nating [pababain] ang presyo ng bigas at iba pang produktong agrikultural upang bigyan ang mamamayan ng kakayahang makabili nito anumang oras kakailanganin nila at ng kanilang pamilya.

Pinaparami din natin ang produksiyon ng palay at inaalalayan natin ang mga magsasaka sa pamamagitan ng mga makinarya, mga punla, at iba pang mga gamit sa pagtatanim, pag-ani, pagpapakiskis, at paghatid sa mga pamilihan.

Samantala, mamimigay rin ang Kagawaran ng Agrikultura ng halos tatlumpung milyong pisong halaga ng tulong upang mapalakas ang pag-aalaga ng baboy at talaba sa inyong lugar. [applause]

At hindi lamang po iyan, isa pa pong bagong-bagong balita–o baka naman nakarating na rin po sa inyo–ay ang pag-apruba at pag-utos ko noong isang linggo na maglaan at maglabas ng kulang-kulang labing-tatlong bilyong piso na pondo para sa Rice Farmers Financial Assistance Program
o ‘yung RFFA. [applause]

Sa ilalim ng programang ito, makakatanggap ng tig-lilimang libong piso ang mga benepisyaryo sa buong bansa bilang suporta sa kanilang pagsasaka, lalong lalo na sa panahon ng El Niño o pagtuyo.

Bukod dito, prayoridad din ng pamahalaan ang kahandaan ng sektor ng agrikultura sa anumang krisis na makarating dito sa Pilipinas. Tulad na lamang po ng pagkakaroon ng red tide nitong nakaraang Agosto sa inyong lalawigan.

Bagamat nadeklara nang cleared sa red tide ang mga apektadong lugar, patuloy pa rin na minomonitor natin ang mga ito upang matiyak na ligtas naman ang inyong mga huli.

Nais ko na rin pong gamitin ang pagkakataong ito upang [hikayatin] kayo na makiisa sa pagbabantay laban sa smuggling at sa hoarding at mga sindikatong patuloy na namamayagpag sa pagsasamantala sa taumbayan.

Tulungan po ninyo ang ating mga ahensya sa pagmatyag upang mahuli at mapatawan ng angkop na parusa ang mga sumasabotahe sa sektor ng agrikultura at sa ating ekonomiya, at nagpapahirap sa taumbayan.

Sa katunayan, may ilan na po tayong nahuli, pinagmulta, at kinasuhan kaugnay ng ilegal na pag-angkat [at] pag-imbak ng libo-libong sako ng bigas.

Lahat po ng mga nakumpiska ay ilalaan sa mga mamamayan, tulad po ng mga pamamahagi natin ngayon sa ating mga 4Ps beneficiaries. [applause]

Sa Bagong Pilipinas na ating binubuo, hindi po tayo titigil hanggang [hindi] nabubuwag ang lahat ng mga sindikatong ito—at hanggang hindi maibalik sa normal [at] mababang presyo ng ating mga bilihin.

Bilang pang-wakas: Sa ating pagdadamayan at tiwala sa isa’t-isa, tiyak na magtatagumpay tayo sa pagkamit ng masagana, panatag, at matatag na buhay para sa lahat ng mga Pilipino.

Sana wala nang gutom, wala nang maghihikahos, at wala nang maiiwan sa pagsalubong sa maliwanag na bukas. Iyan po ang hangarin ng inyong pamahalaan. Iyan po ang hangarin ng lahat ng Pilipino.

Maraming salamat po. Mabuhay po kayong lahat at magandang hapon po. [applause]

 

— END —