Maraming, maraming salamat sa ating Kalihim ng Department of Social Welfare and Development, Secretary Rex Gatchalian; at ang Kinatawan ng Unang Distrito ng Taguig-Pateros Ricardo Cruz na ‘yung pamilya pala niya ay matagal ng kilala ng aking ama at ina dahil napakatagal naging barangay captain. Barangay captain pa noon, ‘di ba? Bicutan pa ito. Oo, tama. Kaya’t maganda ‘yun dahil napakadali ‘yung ating pagkokonsulta at pag-coordinate; ganoon din ang ating Alkalde ng Taguig Laarni Cayetano. Alam niyo po noong una kaming nasa Kongreso, kami po ‘yung nasa minority. Iyong Mayor ninyo congresswoman noon nakaupo doon sa harap sa akin kaya lagi kaming magkasama, lagi kaming nagchichismisan. At matagal na kaming nagtutulungan kaya’t naging mas madali dahil sa aming pagkakilala, sa aming pagkakaibigan naging mas madali ang coordination dito sa mga bagay-bagay na ito sa ating pangangailangan, lalo ngayon na nahaharap tayo sa mga kahirapan dulot ng mga pangyayari sa ibang lugar sa mundo dahil dito rin sa mga pangyayari dito sa Pilipinas; lahat ng opisyal ng tagapamahala ng Unibersidad ng Taguig, Dr. Desiree Guiraldo, ma’am; mga kasama ko sa lingkod bayan; at siyempre ang ating mga kagalang-galang na distinguished guests na nandito ngayon; at lalong-lalo na ang ating benepisyaryo ngayon na ating binibigyan ng tulong, magandang umaga po sa inyong lahat. [palakpakan]
Napaka-init naman ng inyong pagsalubong sa akin at ako’y nagpapasalamat dahil ‘pag ako’y nagagawi at napupunta sa Taguig parang ganyan ang aking laging nararamdaman, ang init ng inyong pagsalubong, maraming salamat po. [palakpakan]
Hindi po kaila sa inyo ang dahilan kung bakit tayo nagpulong-pulong dito po ngayon.
Una, upang mamahagi ng bigas para sa ating mga benepisyaryo.
Pangalawa, upang bigyang-diin ang ating pagsisikap sa pagsulong ng seguridad ng pagkain sa bansa.
At ang panghuli ay upang iparating sa inyo na seryoso ang pamahalaan sa pagsugpo sa smuggling, sa hoarding, at iba pang ilegal na gawaing nakaaapekto sa suplay at presyo ng bilihin sa merkado.
Kung napapansin ninyo, sunod-sunod ang ating mga isinasagawang pamamahagi ng bigas sa iba’t ibang sulok ng bansa.
Ang mga bigas na ito ay mula sa mga nakumpiska ng mahigit na apatnapung libong sako ng smuggled rice sa Zamboanga. Kayo po ang nararapat na makinabang sa mga ito. [palakpakan]
Alam po ninyo, wala naman po sanang problema sa bigas. Marami po ang suplay natin. Ang ating buffer stock ika nga, ang ating reserve ay nasa 30 araw plus ngayon ay paakyat nang paakyat, palagay ko sa pagkatapos ng pag-aani papaabutin natin ng 70 plus days ang ating reserve. Kaya’t hindi talaga tayo kulang sa bigas. Marami po ang ating suplay. Ngunit dahil sa mga smuggler, hoarder, [at] price manipulator na iyan, naiipit ang suplay kaya’t nagbabago at tumataas ang ating mga presyo.
Hindi tayo papayag na patuloy na mamayagpag ang mga mapagsamantalang pumipinsala sa ating kabuhayan at sa buong sektor ng agrikultura.
Binabalaan ko ang mga sumasabotahe sa ating ekonomiya: Kayong mga smuggler, kayong mga hoarder, at sindikato, tigilan na ninyo ang mga masama ninyong gawain.
Sa ilalim ng Republic Act No. 10845, sinumang mapatunayang nagpupuslit ng produktong agrikultural ay maaaring makulong habang buhay at magmulta nang doble sa halaga ng inyong mga kontrabando kasama ng kabuuang halaga ng mga buwis, pananagutan, at iba pang mga bayarin.
Habang sa ilalim naman ng Republic Act No. 7581, ang mahuhuling ilegal na nag-i-imbak ng suplay ay maaaring mapatawan ng kaukulang mabigat na parusa.
Sa katunayan, may tatlo na naman po tayong nahuling lumabag sa Customs Modernization and Tariff Act, sa Rice Tariffication Law, at sa Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016. Kaya po ay ngayon ay kinasuhan na natin ang San Pedro Warehouse and Blue Sakura Agri Grain Corporation, ang F.S. Ostia Rice Mill, [at] ang Gold Rush Rice Mill ay kasalukuyang haharap sa patong-patong na mga kaso dahil sa kanilang mga ginagawa. [palakpakan]
Bagong Pilipinas na po tayo ngayon, at atin pong susugpuin ang mga hindi po lumalaban nang patas. Wala pong puwang sa lipunan ang mga nanlalamang at nang-aapi sa kapwa.
Tayo naman po mga ordinaryong mamamayan, tuloy-tuloy lamang po ang pagtutulungan natin. Ang totoo po niyan, hanga po ako sa ginagawa ninyo dito sa Taguig upang sa mga Urban Farming initiatives na inyong ginagawa dito sa inyong lungsod. [palakpakan]
Isang halimbawa nito ay ‘yung BGC Community Farm na matatagpuan mismo sa sentro ng maunlad at naglalakihang gusali ng BGC.
Nariyan din ang City Farm na pinangungunahan ng isang mag-aaral, si Anna Beatriz Suavengco, kasama ang iba pang mga kabataan sa pagtatanim ng mga gulay sa isang urban farm sa North Signal dito sa Taguig. [palakpakan]
At siyempre, hindi rin magpapahuli ang ating Taguig Agriculture Office na patuloy sa malawakang pagsulong ng urban gardening sa mga komunidad.
Ito ay isang patunay na puwede tayong magtanim kahit tayo ay nasa siyudad. Buo ang suporta ng administrasyon sa mga programang tulad nito.
Paiigtingin natin ang mga inisyatibang ito, kasabay rin ang pagpapatupad ng mga hakbang ng inyong lokal na pamahalaan upang mapanatili ang suplay ng malinis na tubig, pagkontrol sa baha, at paghahanda sa oras ng kalamidad.
Pinakikita dito na tayo ay gagawa ng paraan upang maging matagumpay ang mga hamon ng kasalukuyang panahon.
Patuloy tayong magtulungan para sa kinabukasan na walang gutom at puno ng kaginhawaan at pag-asa.
Para sa Taguig. Para sa bawat Pilipino. Para sa Bagong Pilipinas.
Maraming salamat po. Mabuhay po kayong lahat! Magandang umaga po sa inyo. [palakpakan]
— END —