Press Briefing

Day-End Virtual Presser with Retired General Restituto Padilla, NTF Covid-19 Spokesperson on Behalf of Secretary Carlito Galvez, Jr., Chief Implementer of the National Task Force (NTF) Covid-19

Sa ngalan ng lahat ng bumubuo ng National Task Force laban sa COVID-19, isang magandang gabi po sa ating lahat. Ako po si General Resty Padilla, tumatayo po para kay Secretary Charlie Galvez, Chief Implementer ng ating National Action Plan.

Umaasa po kami na kayo ay nasa mabuting kalagayan sa kabila ng mga hamon na ating kinakaharap.

Nais ko pong simulan ang aking pag-uulat sa isang magandang balita.

Ayon po sa datos na ating natanggap, sa pangalawang pagkakataon po ay naitala ng DOH na nahigitan ng mga naka-recover ang bilang ng mga namatay dahil sa COVID-19. Humigit-kumulang na apat na raan at tatlumpu’t lima or four hundred thirty-five na po ang gumagaling sa sakit; habang tatlong daan animnapu’t dalawa o three hundred sixty na ang bilang naman g pumanaw.

Dalangin po na namin na sana po ay magpatuloy po ang pagtaas ng bilang ng mga nagsisigaling at patuloy pang mabawasan sa susunod na araw ang mga bagong may sakit at pati na rin po ang mga pumapanaw.

Tatlong major activities ang aking idi-discuss sa inyo ngayong gabing ito. Una, localization of National Action Plan laban sa COVID-19; ang pangalawa, ang massive targeted, focused at expanded testing; at ang pangatlo ay, status ng mga mass quarantine facilities.

Kahapon po ay nakipagpulong si Secretary Galvez kasama si Executive Secretary Salvador Medialdea sa mga mayors ng National Capital Region o NCR. Bahagi ito ng layunin ng pamahalaan na paigtingin ang laban kontra COVID-19. Ang hangarin po natin is to flatten the curve sa NCR dahil ito po ang sentro ng karamihan sa kaso ng COVID-19 sa ating bansa.

We will localize the implementation of the National Action Plan against COVID-19 down to every barangay in NCR to contain, isolate and eliminate the threat and mitigate the impact of this crisis. Again, we would like to emphasize that we cannot be complacent at this time nor at anytime thereafter until our country is rid of this disease.

Ito po ay hindi ordinaryong problemang kinakaharap natin. Sumang-ayon din po ang lahat ng mga mayors na kailangang paigtingin ang implementasyon ng Enhanced Community Quarantine. Hanggang sa kasalukuyan marami pa po ang mga nahahawa at nagkakasakit na mga kababayan natin at ang pinakamalungkot ay marami sa kanila ang pumapanaw pa rin. Kaya’t nagsusumamo po kami at buong pusong nakikiusap na mamalagi po tayo sa ating mga tahanan hangga’t hindi po sinasabi ng pamahalaan na nagtapos na po ang Enhanced Community Quarantine.

Kaninang umaga po, nakipagpulong din si Secretary Galvez sa mga lokal na pinuno ng Region III. Sumang-ayon din po sila nai-localize ang implementasyon ng National Action Plan sa kanilang mga komunidad.

Ang pangunahing layunin ay ang massive target at focused testing para ma-isolate ang mga suspected, probable at mga PUMs. Ang ating mga LGUs ay kabilang sa ating mga frontliners. Napakalaking papel ang kanilang ginagampanan lalo na ngayong patuloy ang pagtaas ng mga COVID-19 cases sa ating bansa partikular dito sa National Capital Region.

Nag-improve na ang kapasidad ng ating mga testing facilities na mag-process ng mga COVID-19 samples. Sa ngayon ay mayroon na tayong labing anim or sixteen na government accredited testing facilities sa buong bansa. Dahil dito ay mayroon na tayong kakayahan na mag-test ng mas marami pang indibidwal sa isang araw.

As of April 13: 38,103 individuals na ang ating na-test sa buong bansa at patuloy ang pagtaas ng ating testing capacity tulad ng ating nabanggit. From 600 individuals, umakyat na sa 4,286 tests ang daily cumulative count natin. Matatandaan natin na ipinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ating pag-angkat ng siyam na raang libong PCR testing kits or nine hundred thousand PCR testing kits; dalawang milyong rapid testing kits at iba pang mga mahalagang testing equipment.

Ito po ang pinakaimportanteng requirement upang maipatupad natin ang targeted and expanded testing for suspected and probable COVID-19 carriers. Kinakailangang magawa natin ito sa lalong madaling panahon nang sa ganoon [ay] patuloy nating ma-isolate ang mga may sakit at mga nagdadala ng COVID-19 nang hindi nila nalalaman na sila na pala ay carriers.

Ang malawakang testing ay libre po kaya’t hinihikayat namin na makipag-ugnayan sa inyong mga local health officers ang mga may sintomas na nararamdaman upang ma-evaluate kayo nang maayos at kung kinakailangan ay ma-test kayo kaagad.

Batid ng pamahalaan na marami pong nag-aalala at nangangamba sa patuloy na pagkalat ng COVID-19 at ang mga gastusin na kaakibat nito kapag na-ospital. Mahalaga po ang inyong kalusugan kaya’t ginagawa ng pamahalaan ang kaniyang makakaya upang mapunuan ang inyong pangangailangan.

Sa ginagawa nating pagpupulong sa mga LGUs, ipinaliwanag ng Task Force ang hangarin nitong i-localize ang pagpapatupad ng National Action Plan Against COVID-19 at sinag-ayunan po ito ng lahat. Kaya’t ang detect, isolate, treat, reintegrate approach na nakasaad sa National Action Plan ay maipatutupad na natin hanggang sa barangay level ng NCR.

Magtatagumpay tayo sa tulong ating mga lokal na pamahalaan at ng Metro Manila Development Authority. Ang pagsi-synchronize at pag-integrate ng mga efforts ng national at local governments ay makakatulong sa mas agarang pag-flatten ng curve. Inaasahan din na mababawasan ang bagong COVID-19 cases, bababa ang bilang ng mga namamatay at tataas ang bilang ng mga nakaka-recover na mga pasyente.

Nasaan na po tayo ngayon? Sa ngayon, hinihikayat natin ang mga LGUs na samahan ang Task Force na mag-focus sa tatlong letrang ‘T’: Ito ay ang Testing, Tracing at Treatment.

Sa testing, ayon sa pag-aaral ng ating mga siyentipiko at mga doktor, malaki ang naitulong ng mass testing na ginawa sa mga bansang tulad ng South Korea, Tsina at Singapore upang ma-contain nila ang paglaganap ng COVID-19. Ito ang dahilan kung bakit atin nang isinusulong ang malawakang testing na ito. Bibigyan po natin ng prayoridad sa targeted mass testing mga ang mga suspected COVID-19 cases o tinatawag na persons under investigation sa lumang klasipikasyon. Pangalawa, ay ang lahat ng ating mga healthcare workers at frontliners lalo na ang iyong mga nasa ospital. At pangatlo, ang mga miyembro ng vulnerable sectors.

Sa paksa naman ng tracing, mas paiigtingin pa natin ang ating contact tracing upang maihiwalay natin sa ating mga komunidad ang mga suspected cases. Kapag ating nagawa ito nang tuloy-tuloy ay unti-unti na tayong makakausad patungo sa tinatawag nating new normal.

Mas paiigtingin din natin ang accuracy ng ating database system upang ma-improve ang ating tracing or link maps. Ito ay makatutulong upang agarang matukoy ang mga COVID-19 hotspot areas. Nananawagan po kami sa lahat ng ating mga kababayan na mag-register po kayo at ang inyong pamilya sa staysafe.ph app upang masuportahan ang mabilis na contact tracing na ating nais gawin.

Panghuli ay ang treatment. Tayo ay kasalukuyang nag-oorganisa ng mga medical reaction teams upang mas maipababa pa natin sa ating mga komunidad ang ating mga inisyatibo laban sa COVID-19, binibigyan din natin ng prayoridad ang training para sa mga medical frontliners kasabay ng ating patuloy na pag-accredit ng mga testing laboratories at COVID-19 primary at secondary hospitals sa buong bansa.

Ngayong araw ay binisita nina Secretary Galvez kasama si BCDA president and CEO Vince Dizon at mga governors at mayors ng lungsod ng Tarlac ang We Heal as One Center sa Clark, Pampanga. Pinuntahan din nila ang pasilidad ng Asian Convention Center sa Clark, Pampanga at New Clark City sa Capas, Tarlac.

Muli, kami po ay nananawagan sa ating mga LGU na suportahan ang mga hakbang na ginagawa ng pamahalaan upang mapuksa ang COVID-19. Napag-alaman po namin ang mga hamon na inyong hinaharap. Ang mga ito ay ating sinusolusyunan upang mapalakas ang inyong kapasidad na harapin ang COVID-19 disease sa inyong mga lugar.

Sa mga governors, mayors at barangay captains, kayo po ay patuloy na susuportahan ng pamahalaan sa laban na ito. Kayo ang susi sa pagpapanatili ng kaligtasan at kaayusan sa inyong mga nasasakupan. Ang tagumpay po ng ating kampanya laban sa COVID-19 ay nakasalalay sa mahusay na pagpapatupad ng bawat rehiyon, probinsiya, munisipalidad, lungsod at barangay sa National Action Plan kontra COVID-19.

Uulitin ko po ang paalala sa ating mga mamamayan: Huwag na po tayong lumabas ng bahay kung hindi kinakailangan.

Ginagawa na po ng pamahalaan ang lahat upang matugunan ang inyong mga pangangailangan. Masasayang po ang ating mga pagsisikap kung wala po tayong disiplina sa ating mga sarili. Ang mga alituntunin pong ito ay ipinatutupad para sa inyong kaligtasan at kalusugan ng buong bansa.

Sumunod po tayo. Manatili sa bahay; sundin po natin ang social and physical distancing requirements na hinihingi sa atin; magsuot po tayo ng face mask kapag po tayo ay lumalabas upang kumuha o bumili ng ating mga pangangailangan at protektahan ang ating mga nakatatanda; ugaliin ang kalinisan at be self-aware sa ating sariling kalusugan.

Maraming salamat at magandang gabi po sa inyong lahat. Tapang, malasakit, bayanihan! Together we heal as one.

####


Source: PCOO NIB (News and Information Bureau)