Press Briefing

Laging Handa Public Briefing hosted by PCOO Secretary Martin Andanar and PCOO Undersecretary Rocky Ignacio with IATF Spokesperson and Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, [via phone patch] Pasig Mayor Vico Sotto and Department of Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire

Event Laging Handa Public Briefing

SEC. ANDANAR:  Magandang araw Pilipinas! Binabati ko rin ng mapagpalang umaga ang ating online viewers, maging ang ating mga kababayan na nasa iba’t ibang panig ng mundo na nakatutok sa ating programa.

Welcome to Public Briefing #LagingHandaPH.

Muli na naman pong magkakatipon-tipon ngayong araw ang mga kinatawan mula sa mga piling ahensiya ng gobyerno, mga opisyal ng iba’t ibang lokal na pamahalaan at ng mga miyembro ng media upang talakayin ang mga mahahalagang impormasyon at mga hakbangin upang masugpo ang COVID-19 sa bansa.

Sa ngalan po ng People’s Television Network, Philippine Information Agency, Philippine Broadcasting Service and its Radyo Pilipinas Network, ang Crisis Communications Team ng ating PCOO, Radio Television Malacañang; at sa pangunguna ng Presidential Communications Operations Office, ako po ang inyong lingkod, Secretary Martin Andanar.

USEC. IGNACIO:  At mula rin sa PCOO, ako naman po si Undersecretary Rocky Ignacio. Lahat tayo ay may pakialam pagdating sa mga usapin patungkol sa COVID-19 kaya naman dito po ay magkakaroon ng pagkakataon ang ating mga kababayan na mailahad ang kanilang mga saloobin pagdating sa health crisis na kasalukuyan nating nararanasan hindi lamang po sa bansa kundi sa buong mundo.

SEC. ANDANAR:  Basta’t sama-sama at laging handa, aba’y kaya natin ito. Kaya naman halina’t samahan ninyo kami dito sa Public Briefing #LagingHandaPH.

USEC. IGNACIO:  Public Briefing #LagingHandaPH. Bising-busy ka pa rin Secretary, ang dami pa rin ng mga meetings na pinupuntahan ninyo dahil sa mga direktiba pa rin ni Pangulong Duterte.

SEC. ANDANAR:  Oh yeah, non-stop lalong-lalo na iyong ating bisita ngayong umaga. Ito’y hindi lang 8 hours a day, ano na ito, 16/24 a day na ang trabaho nito.

USEC. IGNACIO:  Parang maya’t maya Secretary Nograles, hindi nauubos ang mga tanong ano po.

SEC. ANDANAR:  Oo, hindi talaga nauubos.

USEC. IGNACIO:  Okay. As of 4 P.M. po, March 22, 2020, pitumpu’t tatlo ang panibagong kaso ng COVID-19 ang naitala; sa ngayon ay may kabuuang 380 na po ang kumpirmadong kaso sa buong bansa. Sa kabuuan ay labing pito ang mga naka-recover mula sa sakit; at dalawampu’t lima na po ang pumanaw na.

Sa kabilang banda, ayon sa datos naman ng World Health Organization, as of 7 P.M., March 22, 2020, kagabi po iyan, ay panglima na po ang Pilipinas sa mga bansang kabilang sa ASEAN sa may pinakamataas na bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 which is 380 in total. Nangunguna sa listahan ng WHO ang Malaysia na may 1,306 confirmed cases; pangalawa ang Thailand na may 599 confirmed cases; pangatlo ang Indonesia with 514 confirmed; at pang-apat ang Singapore with 432 confirmed cases.

Samantala, wala pang naitatalang kaso sa mga bansang Lao PDR at Myanmar. Sa kabuuan po ay nasa 3,466 na kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa ASEAN Region, 504 new cases, 86 total deaths at 387 ang naka-recover sa naturang sakit.

SEC. ANDANAR:  Samantala, pakikipagtulungan sa DILG ay naglunsad po ng COVID-19 Hotline ang Department of Health, bukas po ito sa lahat ng caller nationwide at tumawag lang sa (02)8942-6843. Para naman sa PLDT, Smart, Sun at TNT subscriber, i-dial lang po ang 1555. Upang maging updated po sa mga hakbangin ng pamahalaan kontra COVID-19 ay magtungo sa COVID-19 portal na kamakailan lang ay ni-launch ng PCOO. Bisitahin po ang covid19.gov.ph.

At para sa ibang balita ay tiniyak naman ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na nakakatanggap at makakatanggap ng hazard pay ang mga kawani ng pamahalaan na naka-duty sa kabila po ng panganib na dulot ng COVID-19. Ito ay batay sa pahayag ni Senador Bong Go.

USEC. IGNACIO:  Ngayong araw din po ay nagsasagawa ng special session ang Kongreso para talakayin ang iba pang hakbang para labanan ang COVID-19. Inaasahang aaprubahan din ang karagdagang budget para sa pag-procure ng iba pang healthcare needs at pagbibigay ng financial at food assistance para po sa vulnerable sector.

SEC. ANDANAR:  Good news din. Nitong Sabado, March 21, 2020 ay dumating na sa bansa ang 100,000 health testing kits at ibang medical supplies mula sa China. Makakatulong po ito upang tuluyang mapigil ang pagkalat ng COVID-19. Ayon kay DFA Secretary Teodoro Locsin, Jr., mahalaga ang pagkakaisa ng bawat bansa upang masolusyunan ang krisis na ito.

SEC. LOCSIN: [VIDEO] Well, I think it can’t be any better. As I said, this is how we tackle a common threat to humanity. Together we help each other as best we can, that the measures China took at the start of the COVID epidemic were the right ones and in fact, we have adopted them – the complete isolation of communities ‘cause it’s the only way—or as our President said, “We need to starve the virus of victims,” and that’s how to do it. And the one who showed the way was China.

SEC. ANDANAR:  Iyan, klarong-klaro. Ibig sabihin huwag tayong magsisihan ngayong panahon ng krisis, wala iyong ‘siya may kasalanan, siya ang…’ Ang importante magtulungan tayo.

USEC. IGNACIO:  Yes. Iyong sa pagdating nga ng test kits, asahan din natin na mayroon pa ring malalaman kung sino iyong mga positive o kung sino talaga iyong negative. So talagang ang dapat hong pairalin natin iyong pagsunod po sa disiplinang gustong pairalin talaga ng gobyerno para na rin po sa kapakanan nating lahat.

SEC. ANDANAR:  Iyon, so 100,000 test kits mula sa China kasama na diyan Rocky ang panukala ng Ambassador ng China na magpapadala sila ng mga doktor at iba pang mga experts. Samantala…

USEC. IGNACIO:  Bukod sa mga pinakahuling balita tungkol sa COVID-19 dito sa ating bansa ay alamin naman natin ang kalagayan ng mga kababayan natin na nakakaranas din po ng ganitong crisis sa ibang bansa. Makakausap natin via phone patch ang isa nating kababayan na nasa bansang Italy, walang iba kundi si—kausapin natin siya. Hello… Magpakilala po kayo sir, sige po.

VILLAFLOR: Ako po si White Villaflor, hair stylist po dito sa Malta.

USEC. IGNACIO:  Opo. Sir, I understand na isa na po ang Italy ngayon sa itinuturing na pinakamaraming kaso na po ng COVID-19. Ano po ang ginagawa ninyong paghahanda diyan o pag-iwas dito at iyong tulong na ipinaaabot sa inyo ng gobyerno?

VILLAFLOR: Actually Madam Rocky, sa Malta malayo-layo po iyong Italy. Pero dito po, na-lockdown na po iyong mga store. ‘Ayan po nakikita ninyo sa video, iyan po iyong—

USEC. IGNACIO:  Uhum. Nasa bansang Malta ka, ano iyong ginagawa ninyo? Mayroon ka bang—nakikipag-usap ka rin kahit via phone sa mga kababayan nating nandiyan sa Malta at ano naman ang kalagayan nila?

VILLAFLOR: Opo, Ma’am Rocky. Usually po wala na po silang mga trabaho, iyong mga ibang cleaners at saka iyong mga restaurants, closed na po. Per district nag-start na po iyong lockdown.

USEC. IGNACIO:  Kasama po natin si Secretary Martin dito at Secretary Nograles, so ipaabot ninyo po iyong gusto ninyo pong hinging tulong sa gobyerno para po maipaabot sa ating mga kababayan na nandiyan sa Malta. Mayroon po ba?

VILLAFLOR: Actually po, humihingi po kami ng tulong kasi nahihirapan din po dito iyong mga ibang Pilipino, mga kapwa ko po dito kasi wala na silang trabaho, no-work, no-pay rin po. So, kailangan pa rin po nilang sustentuhan ang kanilang pamilya.

SEC. ANDANAR:  Okay. So ang problema White ay nawalan ng trabaho iyong ating ibang mga kababayan diyan sa Malta and I’m sure diyan din sa Italy bunsod nitong COVID-19 lockdown. So humihingi kayo ng tulong sa pamahalaan para ano, para makauwi ng Pilipinas?

VILLAFLOR: Ano po iyong—siguro sa iba iyong [choppy].

SEC. ANDANAR:  Okay. Ganito na lang White ‘no, pagbaba natin ng ating linya ay para mas malinaw, kausapin mo iyong producer ng Channel 4 tapos sabihin mo sa kaniya kung ano iyong detalye na kailangan ng mga kababayan natin at kung ano rin talaga iyong sitwasyon diyan sa inyo sa Malta. I know it’s an island off Italy—

VILLAFLOR: Yes po, opo.

SEC. ANDANAR:  Yes. Para at least maiparating natin sa ating Inter-Agency Task Force, nandito naman si CabSec Nograles. CabSec, would you like to talk to our guest from Malta?

CABSEC NOGRALES:  Hindi, tama po iyon ‘no. Siguro kailangan alamin natin iyong detalye noong mga pangangailangan nila at mula doon ay hanapan po natin ng solusyon kasi siyempre nag-aalala din po tayo sa ating mga kababayang mga OFWs. Pero siguro ang pinakaimportante muna ay to stay safe ‘no, mag-ingat po tayo, quarantine lang po tayo, lockdown lang muna tayo at no unnecessary na paglabas po. Ang importante lang po, iyong inyong kalusugan at kaligtasan. Iyong ibang mga problema, pagkatapos nitong lahat, maaayos natin ang lahat ng iyan.

VILLAFLOR: Opo.

USEC. IGNACIO:  Okay White, maraming salamat sa iyo at mag-ingat po kayo.

VILLAFLOR: Thank you po Ma’am Rocky. Thank you rin po sa inyo at God bless po sa lahat.

USEC. IGNACIO:  Ang Malta po ay isang bahagi na malapit sa Italy.

SEC. ANDANAR:  Isla, isang isla.

USEC. IGNACIO:  Opo, isang isla.

SEC. ANDANAR:  Salamat White Villaflor diyan sa bansang Malta. Samantala, makakasama natin sa pagbibigay ng balita ang iba pa nating mga kasamahan – sina Alexia Tinsay ng Philippine Information Agency, PTV Cordillera Correspondent Danielle Grace De Guzman mula sa Baguio, Jay Lagang mula sa Davao City, Dennis Principe ng Philippine Broadcasting Service, Ryan Lesigues (?) mula sa NLEX, Eunice Samonte live diyan sa Senado.

Ngayong araw atin ding makakasama live dito sa studio ang ating resource person, Cabinet Secretary Karlo Nograles, ang Spokesperson po ng Inter-Agency Task Force. Live naman po nating makakapanayam mamaya diyan po sa Department of Health si Undersecretary Maria Rosario Vergeire at mai-interview din natin mamaya via phone patch si Mayor Vico Sotto ng Pasig City at Senator Dick Gordon ng Philippine Red Cross.

USEC. IGNACIO:  Okay. Una nating alamin ang pinakahuling ulat mula sa Baguio City kasama si Danielle Grace De Guzman mula sa PTV Cordillera.

USEC. IGNACIO: So babalikan natin ang ating kasamang si Danielle de Guzman. Kumustahin naman natin ang sitwasyon sa Davao o mamaya na rin.

Secretary, marami tayong mga tinatanggap na tanong at tila po ang pinakamarami ditong laging question ay ang pagpapatupad po ng Enhanced Community Quarantine ng LGUs.

SEC. ANDANAR: At mapalad tayo dahil kasama natin iyong spokesperson mismo na halos araw-araw ay ina-update po tayo sa mga pinag-uusapan ng Inter-Agency Task Force. So mayroon tayong mga lilinawin na isyu, CabSec. Karlo dahil doon nga sa napag-usapan sa Inter-Agency Task force ay iyong mga exempted, iyong may mga IDs. So ano po ba iyong bago doon?

SEC. NOGRALES: Well, bago po ang lahat, gusto ko lang pong linawin ano po na doon sa lumalabas na guidelines tungkol sa accreditation IDs. Gusto ko lang pong linawin na para sa ating mga health workers po: Hindi po kayo kailangang kumuha ng mga accreditation IDs po.

So klaruhin po natin iyan, ang ating mga health workers ay hindi na po kailangan na kumuha ng accreditation IDs. So napaka-importante po na malaman ng mga health workers ito dahil kailangang pangalagaan po natin ang ating mga health workers dahil sila po iyong mag-aalaga sa atin kung tayo po ay magkasakit.

So all health workers ay hindi na po kailangang kumuha ng accreditation IDs mula sa Department of Health; sapat na po ang inyong PRC ID or di kaya iyong ID po ng inyong hospital or health establishments. So hindi na po kayo kasama doon sa March 26 deadline; hindi na po kayo kasama doon sa kailangang kumuha ng accreditation IDs. Paulit-ulit ko pong sasabihin, napaka-importante po ng tungkulin at trabaho ng ating mga health workers, so kayo po ay hindi na po kailangan.

Our health workers, you are our real life heroes. We thank you for your sacrifice and your service to the nation. Alam ko po kung gaano kahirap ang trabaho po ninyo at ang tungkulin ninyo kaya hindi namin kayo pahihirapan dito sa accreditation IDs; sapat na po ang PRC ID ninyo at iyong ID ninyo sa inyong hospital or health establishment.

USEC. IGNACIO: Okay. Salamat, CabSec. Alamin naman natin ang pinakahuling ulat mula sa Baguio City, balikan natin si Danielle Grace De Guzman mula sa PTV Cordillera.

[NEWS REPORTING]

USEC. IGNACIO: Okay. Maraming salamat Danielle de Guzman ng PTV Cordillera.

SEC. ANDANAR: Silipin na rin natin ang mga kaganapan ngayon sa Davao City kasama si Jay Lagang. Jay?

[NEWS REPORTING]

SEC. ANDANAR: Salamat, Ryan Lesigues!

USEC. IGNACIO: Pasalamat din tayo, Secretary, sa DZEC na naka-hook-up din sa atin. Samantala, simulan na natin ang ating public briefing kasama si Cabinet Secretary Karlo Nograles, ang spokesperson ng Inter-Agency Task Force. Magandang araw po!

SEC. NOGRALES: Magandang araw sa iyo, USec. Rocky at Sec. Martin at sa lahat ng mga kababayan nating nanonood.

SEC. ANDANAR: Good morning ulit, CabSec! Naku, talagang binabaha tayo ng mga katanungan dito. Unahin na natin ang tanong mula kay Bella Cariaso ng Bandera: No mask, no entry ang ipinapatupad ng ilang supermarket and even Mercury branches. Ang problema, wala namang mabili na mask! Paano ire-reconcile iyon? Puwede bang mag-refuse ng entry ang stores?

SEC. NOGRALES: Wala naman kaming inilabas na patakaran mula sa Inter-Agency Task Force na kailangan pong magsuot ng mask bago pumasok sa mga supermarket ano po. Ang amin lamang patakaran, ang rules lang po natin ay magkaroon lamang ng social distancing sa mga supermarkets. So, ganoon na lang po ang sundin natin na social distancing lang po. Made-determine naman ng mga supermarkets kung ilan ang maaari nilang papasukin to make sure na may social distancing po doon sa loob ng supermarket. So, iyon lang po ang patakaran ng IATF.

SEC. ANDANAR: At mayroon pa tayong isa mula po naman kay Julie Aurelio ng Philippine Daily Inquirer: What is the IATF’s assessment of the first week of implementation of the Luzon-wide Enhanced Community Quarantine in terms of the compliance of LGUs and the public? Any arrests or apprehensions of violators; and how many?

SEC. NOGRALES: Well, tuluy-tuloy naman po kasi araw-araw naman naming ginagawa iyong IATF meetings, so tuloy-tuloy po ang ating general assessment pati iyong ating parang oversight doon sa iba’t-ibang mga guidelines na ipinapalabas ng IATF.

So, siguro ang nakikita lang namin na naging napaka-importanteng ginawa po ng IATF bilang pag-oversight ay iyong pag-remind sa mga LGUs na dapat hindi sila mag-overstep ng kanilang mga boundaries. Ibig sabihin, kung may guidelines po iyong IATF, iyon lang po ang susundin natin at lagi dapat in coordination with the DILG.

At tuloy-tuloy naman po iyong aming ginagawang mga general assessment; at iyong pag-aresto po kung mayroon man, iyong Philippine National Police po, sila po iyong enforcers natin.

USEC. ROCKY: Opo. From Joseph Morong: What are the things that President Duterte could not do at the moment that he needs more power for? Why it’s not called emergency power daw po?

SEC. NOGRALES: Siguro iyong tanong na iyan ay tungkol sa magaganap na special session ng Kongreso ngayong araw na ito. Ayaw ko pong pangunahan kung ano iyong mangyayari sa Kongreso, iyon naman po ay nasa powers po ng Congress na pagdedebatihan nila kung ano ang ilalabas nila doon sa kanilang special session mamaya. So, abangan na lang po natin, pero ang hinihingi lang naman po ni Pangulo ay magkaroon lang siya ng flexibility sa paggamit po ng budget para po iyong budget natin ay naka-concentrate po sa mga pangangailangan natin panlaban sa COVID-19.

USEC. ROCKY: Opo. From Rosalie Coz ng UNTV: Ano po ang posisyon ng IATF sa mga alegasyon ng mga pananamantala ng ilang tauhan ng gobyerno ngayong Enhanced Community Quarantine tulad ng pinababayaran umano ang home quarantine pass, insidente po na ipinatutubos at pinagmumulta nang agaran ang binaklas sa plaka ng isang tricycle na ginagamit lamang bilang private service sa pamimili ng isang pamilya? Considered po ba iyong mga pangongotong at walang due process para sa mamamayan?

SEC. NOGRALES: Naku, hindi pupuwedeng gumawa ng ganiyang klaseng mga pangongotong or pang-aabuso po at ang DILG po pati ang Philippine National Police natin sila po iyong enforcers natin. So, kung mayroon pong pang-aabuso lalong-lalo na pagdating sa mga LGUs or sa barangay hindi umano, iyong DILG at ang PNP na po ang bahala po diyan.

Just a reminder ‘no, on a state of calamity any abuses baka iyong maximum penalty po iyong maaari pang isampa po sa inyo.

SEC. ANDANAR: Alright. Mula naman kay Tina Mendez ng Philippine Star: Which items will be realigned under the 2020 budget kapag nagkasundo ang Senado, Kongreso at ang Malacañang?

SEC. NOGRALES: Hintayin na lang po natin kung anong lalabas dito sa special session ng Congress. Siyempre, iyong mga detalye na iyan ay pag-uusapan at I’m sure Congress will debate upon that. Sila naman po iyong magpa-file ng Bill, sila naman po ang magde-debate sa Bill, sila ang ang mag-i-interpellate at sila naman po ang lalabas kung ano iyong last or final version ng Bill na dapat ma-ratify ng both Houses of Congress. Kung kami, abangan na lang po namin ang end result.

SEC. ANDANAR: Ito, CabSec Karlo, ulitin lang natin dahil napaka-kontrobersyal nito sa mga barangay – itong quarantine passes. Ano ho ba talaga ang direktiba ng IATF sa quarantine passes?

SEC. NOGRALES: May ipinalabas po na guidelines ang DILG tungkol sa passes at sila na lang po ang makikipag-coordinate sa mga LGUs maging sa mga barangay sa pag-iimplement po nitong guidelines na ito.

Pero ang importante ko pong ie-emphasize para sa lahat at paulit-ulit na rin pong ini-emphasize ng DILG: Huwag pong magbigay ng passes for a fee or for any payment whatsoever in any form or kind whatsoever, napaka-importante po niyan. Alalahanin po natin hindi po iyan for a fee, walang bayad po iyang mga passes na iyan, huwag po nating abusuhin iyan at huwag po tayong mag-take advantage dito sa calamity na ito dahil maaaring iyong maximum penalty pa po ang maaaring isampa po sa inyo.

SEC. ANDANAR: Alright, CabSec. Karlo, ang tanong na iyon ay galing kay Arriane Merez ng ABS-CBN. Pero klaruhin lang natin kasi mayroong ibang siyudad na mayroong quarantine pass, mayroon din na wala. So, ibig sabihin, hindi ito kailangan? Depende iyan sa LGU kung gusto nilang sundin iyong sa DILG?

SEC. NOGRALES: Well, ang sa pagkakaalam ko, may guidelines pong ipinalabas ang DILG. So, ang paulit-ulit po naming sinasabi is kung mayroon po kayong gagawin – ang mga LGUs natin kung may mga gagawin kayong mga hakbang based doon sa guidelines – ay lagi pong makipag-ugnayan sa DILG. Always coordinate para po tama po iyong ginagawa ninyo at medyo lahat ng LGUs po natin will be working in common ground po.

USEC. ROCKY: May tanong po dito si Reymund Tinaza: Wala po ba daw order sa mga private employers mandating them to give hazard pay sa kanilang employees working during Enhanced Community Quarantine?

SEC. NOGRALES: So far, hindi pa namin napag-uusapan iyan sa IATF. Siguro, ang the best po niyan ay kausapin po natin ang Department of Labor and Employment kung maglalabas ba siya ng guidelines tungkol po diyan. Siguro iyong question na iyon ay base na rin po sa ginawa ng ating gobyerno, ng ating national government na nag-issue na po ng guidelines tungkol sa hazard pay. So, siguro tanungin natin mamaya or sa susunod na mga araw, hingin po natin ng—ang Department of Labor and Employment, hingan po natin sila ng kanilang reaksiyon or kung mayroon man silang mga guidelines na ilalabas tungkol po sa hazard pay.

USEC. ROCKY: Nais din nating pasalamatan, Secretary, ang DZBB – GMA News TV na naka-hook-up din sa atin.

SEC. ANDANAR: Thank you so much!

USEC. ROCKY: And happy birthday kay Tuesday Niu!

SEC. ANDANAR: Aba! Birthday niya ngayon ha? Birthday ni Tuesday on a Monday.

USEC. ROCKY: Yes.

SEC. ANDANAR: Alright! Sa ngayon naman ay pagbibigyan natin ang ating mga kasamahan po naman. Sa Philippine Information Agency mula kay Alexa Tinsay, ano ang mga katanungan mo diyan, Alexa?

ALEXA TINSAY:  Magandang umaga, Secretary Martin at Usec. Rocky. Mayroon po tayong VTR question mula kay Kapitan Alonzo Rodriguez. Siya ay isang Kapitan sa San Felipe, Naga City.

KAP. ALONZO RODRIGUEZ:  Patungkol po ito sa sa COVID-19. Ang barangay po namin ay kakaunti lang ang pera na puwedeng gamitin patungkol dito para maka-sustain ang mga kabarangay namin. Puwede bang dumating para sa amin – dito sa barangay namin – para gamitin para ma-sustain, masugpo itong COVID-19?

SEC. NOGRALES:   Well, nasa state of calamity po tayo, so lahat ng mga LGUs po ay maaari po nilang gamitin ang kanilang quick response fund ‘no. So in times of calamity, ang lagi po nating procedure ay mauna pong mga mag-respond ang LGU gamit po ang kanilang quick response fund at susunod na rin po iyong ating national government through the agencies like DSWD na siyang magbibigay ng augmentation – i-augment iyong nauna nang tulong na ibinigay po ng ating mga LGU.

So asahan po natin sa linggong ito, within this week ay maglalabas na po ng mga guidelines at protocols ang DSWD pati iyong binuo na technical working group ng DSWD under the IATF kung paano iyong magiging protocols at procedure sa pagbibigay po natin ng tulong   sa ating mga kababayan sa iba’t ibang parte ng ating bansa lalung-lalo na po sa Luzon dahil tayo po sa Luzon ay naka-enhanced community quarantine.

ALEXA TINSAY:  Salamat po. Mayroon po tayong tanong mula kay Mayor Francisco Almeda ng Victoria, Laguna. Panoorin po natin.

FRANCISC ALMEDA:  Nanawagan po ang inyong lingkod sa Department of Social Welfare [and Development] na ayudahan po at tulungan kami dito sa aming LGU. Sa totoo lang po mahal naming Secretary, ang bayan po ng Victoria ay 4th class municipality at maliit lang po iyong aming nagagamit na pondo para sa nangyayaring ito na Enhanced Community Quarantine. Marami po sa amin ang nawalan ng trabaho, nagsara ang mga construction po, nagsara ang ating transportation, lahat po ng mga iyan ay umaasa at diyan lang kumikita at nabubuhay ay nawalan po bigla ng trabaho. So hindi po namin kayang ayudahan ang lahat ng pangangailangan ang lahat ng nawalan ng trabaho kaya humihingi po ako sa inyong tanggapan na sana po mapagkalooban ang aming bayan ng tulong.

SEC. ANDANAR:  Mula kay Mayor Almeda, CabSec, gusto niyang iparating sa DSWD.

SEC. NOGRALES:   Alam naman po namin sa IATF lalung-lalo na sa DSWD na kailangan mabilis po iyong aksiyon natin. Kaya nga po ngayong linggo na ito ay asahan n’yo po iyong aksyon na po ng DSWD, pati iyong pag-o-augment po natin doon sa nauna nang aksiyon ng ating LGUs, maging down to the municipal level.

In the meantime po, makipag-ugnayan lang po with DILG ang ating mga municipal mayors and of course iyong mga provincial governments po ninyo. At sana po magtulungan po ang ating mga provincial governments pati iyong mga municipalities at mga cities, magtulungan na lang po. Doon sa QRF ninyo at iyong augmentation ng national government ay darating na po ngayong linggong ito, at hindi lamang sa DSWD pati na rin iyong Department of Labor and Employment.

Kaya nga po, Secretary Martin, siguro i-emphasize ko na lang po na napaka-importante po iyong gagawing tungkulin po ng Kongreso ngayong araw na ito. Ito po iyong hinihingi ni Pangulong Duterte na magkaroon po siya ng kaunting flexibility sa paggamit ng ating General Appropriations Law, iyong budget po na ipinasa ng Kongreso for 2020.

Ikuwento ko na lamang ‘no. Iyong 2020 Budget kasi binuo po iyan noong 2019 at siyempre hindi natin sukat akalain nung binuo po iyong budget ay na-finalize ni Pangulong Duterte iyan ay malayo pa po sa isipan natin na magkaroon po tayo ng ganitong pandemic ng COVID-19 sa ating bansa.

So hindi na po angkop, hindi na po appropriate iyong budget as it written doon sa ating 2020 budget law, kaya nga po kailangan natin ng mga adjustments para nga po matugunan natin ang pangangailangan ng ating mga kababayan hindi lamang sa buong Luzon at kung hindi sa buong bansa po natin lalung-lalo na iyong mga mayroon ng COVID-19 na positive.

Kaya tulad ng mga hinihingi na tulong ng ating mga LGUs ngayon, sa lalong madaling panahon, kung mapagbigyan po tayo ng Kongreso, iyong mga items po sa budget ng 2020 ay magagamit na po natin pag-augment natin sa mga pangangailangan ng ating mga lokalidad.

ALEXA TINSAY:   Mayroon pa po tayong dalawang tanong. At ikatlong tanong po ay mula kay Vice Mayor Jayjay Bueno. Siya po ay Vice Mayor ng Santa, Ilocos Sur.

USEC. IGNACIO:  Itatanong muna natin ito kay Secretary Nograles mula kay Pia Gutierrez ng ABS-CBN: May directive po ba daw si President Duterte to prioritize the results of COVID-19   testing for asymptomatic VIPS, government officials including their families at the expense of symptomatic patients? If not, what does the IATF intend to do with these claims?

SEC. NOGRALES:  Well, ang pagte-testing po ay nasa RITM. Right now, nasa RITM po iyong protocols nung pag-testing at doon sa mga sub-national laboratories na accredit na or nabigyan na po ng clearance ng RITM.

Ikukuwento ko na lamang po ang proseso, kasi maraming hindi nakakaintindi ng proseso ng pagkuha ng testing.

Basically two step process po iyan: Iyong sample taking at iyong testing. Iyong sample taking puwede pong gawin iyan sa mga hospitals na marunong po kumuha ng sample. Ang pagkuha ng sample ay mula sa ilong at mula sa lalamunan, ilalagay sa bote iyan. So that is the sample taking. Tapos ipapadala po iyan sa isang laboratory. Iyong laboratory po natin, iyong RITM, using the sample, siya iyong magte-test kung negative or positive. So ang ginagawa ng gobyerno ngayon, mas marami po tayong ina-accredit na mga laboratories para mas mapabilis na po natin ang pag-testing. So aside from sample taking, mayroon pa po tayong testing.

SEC. ANDANAR:   All right, CabSec, balikan natin iyong katanungan ni Vice Mayor Jay ng Ilocos, o si Alexa na lang.

ALEXA TINSAY:   Mayroon po bang karagdagang Barangay Risk Reduction Fund? Umpisa pa lang daw po ng taon at malapit na itong maubos lalo na sa barangay ng kanilang lalawigan.

SEC. NOGRALES:  Siguro pag-uusapan namin iyan sa IATF ano, kasi kung ano… iyong sinasabi ko nga iyong augmentation, kung paano mag-operationalize iyong augmentation down to the barangay level or di kaya doon na lang muna sa municipal level, tapos sila na ang bahala doon sa pagsagot sa mga pangangailangan ng barangay. So iyong pag-operationalize po niyan ay kailangan ay mayroon pong consensus tayong gagawin at kasama po iyong DILG, papakinggan din po natin iyong DILG tungkol dito sa paano natin gagawin ang lahat ng ito.

SEC. ANDANAR:   Okay, Alexa, mayroon pang isang tanong?

ALEXA TINSAY:  Yes po. Para sa huling tanong, ito po ay magmumula kay Kapitan Rauzil Caramptana ng San Vicente, Butuan.

BRGY. CHAIRMAN CARAMPTANA: I really look after the most indigent people of our barangay especially na two weeks na walang trabaho at saka nasa home lang talaga sila. May I address this to the national government: What are the interventions we can give to them?

SEC. ANDANAR:  Tamang-tama, si CabSec Karlo din ang Cabinet Officer for Regional Development and Security diyan sa Caraga Region.

SEC. NOGRALES: Yes. Sa ating mga kaibigan diyan sa Caraga Region, alam naman po natin na mayroon po tayong challenge ngayon. So siguro iyong—gaya ng sinabi ko, iyong state of calamity naman po is nationwide. So even if sabihin nating Enhanced Community Quarantine  tayo sa entire Luzon, ang pag-declare po ni President Duterte ng state of calamity is nationwide po at dahil po diyan ay puwede na pong gamitin ng mga ating mga LGUs ang kanilang Quick Response Fund dahil nga po sa state of calamity.

So gaya ng sinabi ko po, ang frontliners po iyong LGU. Sila po ang mauuna sa pagtugon sa pangangailangan ng kanilang mga constituents. At makipag-ugnayan lang po with DILG pati na rin sa inyong regional DSWD para malaman namin kung saan kami puwedeng mag-augment sa mga pangangailangan ng mga LGUs para ma-attend iyong needs ng kanilang constituents.

SEC. ANDANAR:   Maraming salamat, Alexa Tinsay. Kumustahin naman natin ngayon ang sitwasyon sa Pasig City. Sa punto pong ito makakausap natin sa pamamagitan ng telepono si Mayor Vico Sotto. Mayor, magandang umaga po.

MAYOR SOTTO: Magandang umaga din po sa inyo.

SEC. ANDANAR: Una po sa lahat, ilan na po ba ang kaso ng COVID-19 sa inyong lugar, Mayor?

MAYOR SOTTO: Sir, ang last update po sa akin ng DOH, nasa 14 po ang confirmed cases natin. Pero baka may update—anytime po, siguro mag-a-update po ulit iyan.

SEC. ANDANAR: Okay. Mayor, marami pong mga issues ngayon, alam natin sa buong Metro Manila kaliwa’t kanan ang isyu. At ang tinutukan ninyo diyan sa Pasig, I understand, ay iyong pagkain ng ating mga kababayan. Papaano ninyo po ito nalalagpasan itong mga challenges lalung-lalo na iyong social distancing, iyong hindi magkagulo ang taumbayan?

MAYOR SOTTO: Tama ho, tama ho. Secretary, this will really pose a logistical challenge for us. Pero sa ngayon ay ang ginawa po namin, kasi may 400,000 food packs po kami eh. Obviously, hindi po natin puwede ito na sabay-sabay i-distribute kasi baka nga magkagulo. So nag-testing muna kami sa ibang maliliit na barangay. Ngayon po, as we speak, nagsisimula na po tayo sa distribution.

SEC. ANDANAR: Kasama ko rin po si Usec. Rocky Ignacio, Mayor.

USEC. IGNACIO: Mayor, may patanong lang po: Kumusta na daw po ang koordinasyon ng Pasig City sa DILG, partikular po doon sa kailangan iyong agarang tulong na maibibigay sa mga na-stranded na pasahero o iyong may mga importanteng gagawin sa kani-kanilang pang-araw-araw na gawain?

MAYOR SOTTO: Opo. Usec. Rocky, tuluy-tuloy naman po tayong nakikipag-ugnayan sa DILG at sa ating national government. Iyong sa transportasyon naman po, nakakapag-provide naman po kami doon sa mga health workers. Although, aaminin ko, medyo challenge pa rin po lalo na doon sa mga pasyente na may regular treatment ano. Pero nagagawan naman po ng paraan. Pati po ang mga bikes, e-scooter, itina-tap na rin po namin para at least ma-mitigate po iyong kakulangan sa transportasyon.

USEC. IGNACIO: Opo. Mayor, ano pa iyong mga hamon na hinaharap ng Pasig City sa pagpapatupad po ng Enhanced Community Quarantine?

MAYOR SOTTO: Opo. Ang pinakamalaking hamon ay iyong nga, hindi po nakakapagtrabaho ang karamihan sa ating mga nasasakupan. Although, naiintindihan naman po nila na kailangan nating gawin ito ‘no. Pero siyempre, oras na magutom na po ay talagang magiging problema po talaga. Kaya nga po bumili po tayo ng mga food packs at susunod na rin po diyan iyong financial assistance naman na ibibigay natin sa mga hindi makapagtinda na vendors, pati iyong mga tricycle drivers, jeepney drivers po natin.

SEC. ANDANAR: Mayroon po bang pagkakaiba sa pagpapatupad ng quarantine passes dito po sa Lungsod ng Pasig? Kasi mayroon akong nabalitaan na hindi na po kailangan ng quarantine passes diyan sa mga barangay.

MAYOR SOTTO: Ang mahalaga po, Sec., ay strictly ini-implement na po natin iyong home quarantine na paisa-isa lang dapat lumalabas ng bahay kung kailangan pong bumili ng pagkain.

Ngayon po, humihingi po ako ng clearance sa ating PNP NCRPO pati po sa joint task force po natin sa CV Shield (Coronavirus Shield) ‘no na hindi po kailangan nung quarantine pass. Kasi po ang nakita namin based sa mga set up po, sa itsura po ng mga barangay namin especially iyong malalaking barangay ho ay magiging additional close contact… magiging additional person to person contact po kung magdi-distribute po kami. Hindi rin kaya po ito ng mga barangay natin na iisa-isahin po natin. So ang mahalaga po ay strictly, kapag nakita natin na magkasama, dalawa, lumabas ng bahay, pinapauwi na po natin iyong isa. Kung ayaw pong sumundo, pinapaaresto po namin.

SEC. ANDANAR: Mayroon po ba kayong gustong ipaabot sa publiko lalung-lalo na sa mga constituents ninyo, Mayor Vico, sir?

MAYOR SOTTO: Opo. Sec. Martin, siguro ang pinakamahalaga po sa ngayon ay magtulungan tayo, mula sa nasyonal na pamahalaan hanggang sa amin sa lokal, sa barangay level. At ang bawat mamamayan, huwag nating kalimutan din iyong mga basic – iyong paghugas ng kamay, social distancing at higit sa lahat, manatili po tayo sa loob ng bahay hangga’t maaari.

SEC. ANDANAR: Maraming salamat, Mayor Sotto. At you keep ano—

USEC. IGNACIO: Mag-ingat din, Secretary, si Mayor Sotto.

SEC. ANDANAR: You keep healthy. Stay healthy and stay strong.

MAYOR SOTTO: Yes, kayo din po, sir.

SEC. ANDANAR: Salamat po.

MAYOR SOTTO: Salamat po.

SEC. ANDANAR: Ayun, talagang bawat siyudad sa Metro Manila, iba’t iba iyong problema, kaniya-kaniya silang problema.

USEC. IGNACIO: Opo. Secretary, may pahabol lang na tanong si Henry Uri kay CabSec. Ano daw po ang paliwanag ng—kasi tanong po ito nang napakarami ngayon. Ano daw po ang paliwanag ng IATF sa komento ng mga netizens na bakit kapag daw po ang magpa-test ay government officials, mabilis silang ma-test pero kapag ordinaryong Pilipino, matagal, na kadalasan ay walang available na test kits? Totoo po ba ito?

SEC. NOGRALES: Sa totoo lang, hindi ko po alam ang sagot diyan ‘no. Hindi po tayo iyong humahawak ng protocol, hindi ko rin alam kung saan nagkaroon ng ganiyang protocol kung totoo po ba iyon; or kung totoo man iyon ay wala po akong detalye, hindi ko po masasagot iyon.

SEC. ANDANAR: Basta kami ni Karlo, hindi pa kami nagpapa-test.

SEC. NOGRALES: Kasi kami IATF eh so iyong mga implementation units po natin, sila po iyong nagpapatupad ng mga general guidelines ng IATF.

USEC. IGNACIO: Follow up po ni Genelyn Kabiling: Will the Task Force appeal to politicians not to use their position to take the coronavirus test despite being asymptomatic?

SEC. NOGRALES: Siguro may general rules naman po tayo diyan ‘di ba: walang lamangan, walang gulangan. Iyon naman po iyong ating mensahe hindi lamang—ito’y para sa lahat ‘no, para sa lahat ng Pilipino. Kaya nga po mayroon po tayong mga general guidelines na pinapatupad para po pantay-pantay ang lahat.

USEC. IGNACIO: May pahabol pa, Sec, sorry po ha. Si Joyce Balancio ng ABS-CBN. Para po ito doon sa sinabi daw ni PAGCOR Chair Andrea Domingo asking for junkets and e-junkets to be allowed to operate dahil run from home naman daw po ito similar to BPOs. Domingo said, junkets and e-junkets of major casinos which bring in big time players could raise more revenue.

SEC. NOGRALES: May ano na, ‘di ba may pronouncement na tayo kahapon na iyong mga visas po ay suspendido na po. So wala na po tayong papapasukin na mga foreigners dito sa ating bansa dahil suspended po iyong lahat na mga visas na na-issue, except po para sa mga foreign spouses na mga Pilipino and their children pati na po iyong mga nasa diplomatic corps at iyong mga accredited international organizations po natin. Iyon lamang po at wala na pong mga visas tayong ire-recognize except iyong sa mga banyaga, mga foreigners po natin na nandito ngayon, presently here ‘no. But iyong mga papasok, mga incoming or inbound ay wala na po tayong mga visa issuances for foreigners po.

SEC. ANDANAR: At mayroon pong pinadala na panawagan si Secretary Mon Lopez: Good morning. Could you please help relay me, 30 seamen nasa airport now. One is may kababayan from Bohol. Dumating sila kagabi pero hindi sila makalabas dahil wala silang sundo ng kanilang agency. Jebsen ang agency. Iyong mga kasamahan nila, nasa ibang agency, sinundo naman kagabi ng agency sila. Puwede po ba on air, sana po ay maparating sa Jebsen agency. Jebsen, sunduin ninyo na ang inyong mga kasamahan na nasa airport po ngayon.

Samantala, ating makakapanayam live sa Department of Health, si Undersecretary Maria Rosario Vergeire. Magandang umaga po sa inyo, Usec.

USEC. VERGEIRE: Magandang umaga po, Sec. Magandang umaga po sa inyong lahat diyan.

SEC. ANDANAR: Clarify lang po natin, Usec., iyong bali-balita po na di-umano’y papalitan ang director ng RITM na si Doktora Celia Carlos?

USEC. VERGEIRE: Yes, sir. Salamat po sa pagtanong niyan. Gusto ho nating klaruhin sa ating mga kababayan na hindi po totoo na papalitan natin si Director Celia Carlos at ilalagay po natin si Assistant Secretary Nestor Santiago. Ang katunayan po sa nangyaring ito, ito po ay isang erroneous mistake. It was an error doon po sa pagda-draft ng ating department personnel order kung saan nagkamali po tayo ng pagsusulat diyan. Atin pong kinorek na iyan at lumabas na po ang tamang DPO noon din pong Sabado ng gabi.

Ang totoo po diyan, si Director Celia Carlos would still be our Director IV for RITM because she has the technical expertise, and we have added Assistant Secretary Nestor Santiago to become the one of top of her … or oversee her para po makapagbigay ng tulong sa pag-e-extend ng ating laboratory capacity.

SEC. ANDANAR:  Maraming salamat po sa clarification, Undersecretary. We understand din po na mayroon nang 100,000 test kits na galing po sa bansang China. Ito po iyong issue ngayon eh, kaya bang i-test ng DOH ang napakaraming Pilipino na may nararamdamang sintomas ano. Papaano po ito ma’am, itong 100,000 ba na ito ay naipamigay ninyo na sa mga ospital o hindi pa?

USEC. VERGEIRE:  Sir, ito pong 100,000 test kits na mayroon tayo, ito po ay ipapakalat natin sa ating mga subnational laboratories. Ang mga allocation po ng bawat laboratoryo natin, subnational laboratories ay base sa pangangailangan at sa kapasidad ng laboratoryo kung ilan po ang puwede nilang magawa sa isang araw.

Nabigyan na po natin ng allocations ang ating subnational laboratories and of course mostly po nandito po sa RTIM dahil po ang RITM natin, sila po iyong pinakamataas ang capacity para maggawa ng test dahil marami po silang makina. Susundin pa rin ho natin iyong dati pa ring protocol natin para kung sino ang dapat i-test at sino ang mananatili muna sa bahay at magmo-monitor ng kanilang sarili.

USEC. IGNACIO:  Okay. Usec., may tanong lang po dito mula sa Malacañang Press Corps. Bakit daw po may mga—o maraming ospital do not have enough PPEs for healthworkers and ano daw po ang plano ninyong gawin dito? Mayor Belmonte is under fire for sending home 3 COVID patients. Do the LGUs have support on DOH regarding designation of quarantine areas and knowledge on how to handle COVID cases?

USEC. VERGEIRE:  Thank you po, Usec. Number one po na katanungan natin, gusto ho nating ipaalam sa ating mga kababayan, mayroon ho tayong global shortage nitong mga personal protective equipment, itong mga ginagamit natin para sa pagresponde dito sa ating COVID-19 na sakit. Kaya po itong mga dumadating sa ating mga donasyon ay maingat po nating pinag-aaralan at ina-allocate rationally sa lahat ng mga nangangailangan.

Marami po kasi kaming nababasa na sinasabi na ang budget ng DOH ay malaki at bakit daw hindi tayo bumili. Gusto man po nating bumili ngayon, wala po tayong mabilhan kaya tayo po ay umaasa sa ating mga donasyon sa ngayon.

SEC. ANDANAR:  Ma’am, pinapaalalahanan po ng Food and Drug Administration o FDA na wala pa pong aprubadong point-of-care COVID-19 test kits o rapid test kits sa ngayon at ang naunang listahan ay nilabas ng ahensiya na approved test kits ay kailangan pang i-examine sa mga laboratoryo upang malaman ang resulta. Ano po ba ang contingency plan natin with regard to this problem, itong rapid test kits?

USEC. VERGEIRE:  Klaruhin natin po iyan Sec. ‘no. Ang ating rapid test kits, hindi nirerekomenda ng DOH na gamitin natin ito. Ang rapid test kits po, ang laman po niyan ay tini-test natin ang immunoglobulin; ibig sabihin po, tinitingnan natin kung may past infection or acute infection ang isang tao.

Ito pong mga rapid test kits, maaring magbigay ng mga false negative results na maaring magkaroon po tayo ng problema dahil papauwiin natin ang mga pasyente dahil false negative po sila and then magta-transmit sila ng infection sa community. Dahil nga po itong mini-measure na antibody, hindi naman po kaagad lumalabas sa isang tao kapagka nag-uumpisa ang impeksiyon.

Ang FDA po ay nagpalabas ng walong commercially available na mga test kits po. Ito po ay hindi rapid test kits, ito po ay mga test kits pa rin na ginagamit para po sa mga laboratoryo na may kapasidad at mayroong mga RTPCR machines. Hindi na po kailangang i-validate ng RITM ang mga FDA-approved na test kits. Maari na pong bilhin iyan ng mga ospital na may mga laboratory capacity.

SEC. ANDANAR:  Okay. Usec. last na lang po talaga, mayroon po kasing mga good Samaritans na gustong mag-donate ng mga test kits mula po sa ibang bansa. Totoo po ba na kapag donasyon ay hindi na kailangan ng FDA approval?

USEC. VERGEIRE:  Mayroon ho tayong ginagawang parallel process kung saan ang FDA, ang kailangan lang nating siguraduhin, unang-una, kailangan iyong test kits po compatible doon sa mga makinang ginagamit natin dito sa Pilipinas.

Pangalawa po, base sa FDA standard, ang test kits ay dapat recognized ng reputable national regulatory agencies like Japan, US, South Korea. Mayroon pa hong iba na nakalista doon sa FDA circular o ‘di kaya may WHO-EUL listing. Ibig sabihin, prequalified po sila ng World Health Organization Emergency Use List.

Kung mayroon po sila nito, ito po ay in parallel, pina-process po natin to be validated by our RITM para lang po makasiguro tayo na of quality itong testing kits na ipapalagak natin at magamit ng ating population.

SEC. ANDANAR:  Alright. Maraming salamat po sa inyong panahon, Usec. Vergeire, ma’am.

USEC. IGNACIO:  Salamat po, Usec. Vergeire.

USEC. VERGEIRE:  Maraming salamat po.

USEC. IGNACIO:  Samantala puntahan na natin si Eunice Samonte, live diyan po sa Senado. Ano ang kaganapan diyan, Eunice? [NEWS REPORT] Maraming salamat, Eunice Samonte. Secretary…

SEC. ANDANAR:  Dumako naman tayo sa pinakahuling ulat mula sa iba’t ibang lalawigan sa bansa. Mula sa Philippine Broadcasting Service, makakasama po natin si Dennis Principe.

 [NEWS REPORTING]

USEC. IGNACIO: Okay. Maraming salamat, Dennis Prinsipe. May katanungan pa rin, Secretary, para kay CabSec ang ating Malacañang Press Corps. Mula kay Joseph Morong: Pakilinaw daw po iyong lumabas – fake news yata ito – iyong pini-prevent na iyong entry sa supermarket?

SEC. NOGRALES: Naku, fake news po iyan. At mayroon din po tayong nababalitaan na mga fake news since kagabi pa po. Na pinapalabas di-umano na magkakaroon daw ng lockdown sa lahat ng mga markets, wet markets, supermarkets at groceries; at sinasabihan ang lahat ng ating mga kababayan na bumili na kayo ng good for one week or two weeks. Fake news po, fake news po, fake news po, ang lahat ng mga iyan.

At warning lamang po natin sa lahat ng mga nagpapakalat ng fake news at gumagawa ng fake news, alam ninyo po sa panahong ito na state of calamity, ang pinaka-maximum penalty po ang puwedeng isampa sa inyo. Ang ating Philippine National Police Cybercrime Unit, ang ating NBI, pati na rin ang ating CIDG ay nakatutok po sa lahat ng mga nagpapakalat at gumagawa po ng fake news. Kaya kung ako po sa inyo ay tigilan ninyo na iyan; hindi kayo nakakatulong sa bayan.

Para naman po sa ating mga healthcare workers, uulitin ko po: Mga healthcare workers, kayo po ang real life heroes ng ating bansa. Hindi namin pahihirapan ang buhay ninyo dahil alam po namin iyong sakripisyo po ninyo. Kaya wala na pong accreditation pass, additional ID or kung anu-ano pang mga passes or IDs na kinakailangan para sa ating mga healthcare workers. Sapat na po ang inyong PRC ID o di kaya iyong ID ninyo sa inyong hospital or healthcare facility.

Maraming, maraming salamat po sa inyong sakripisyo. Sama-sama, kaya nating labanan ang COVID-19.

USEC. IGNACIO: Opo. Last question mula kay Julie Aurelio. May patakaran daw pong ipalalabas ang IATF tungkol po sa mga burial or iyong mga papaano ang gagawin sa COVID na patients na nasawi? Mayroon po bang guidelines na ipalalabas kayo?

SEC. NOGRALES: Siguro makipag-ugnayan muna tayo sa DOH ‘no dahil sila iyong mas nakakaalam at eksperto tungkol dito. Iyong IATF nagpalabas lamang ng guidelines na tuloy pa po iyong interment at burial services, at iyong pinaka-latest po ay iyong ating priests, imams, sila po ay exempted din po kung gagawa po sila ng interment or burial services.

But iyong—apart from that, iyong sa health aspect naman po ng burial ay siguro abangan na lang po natin iyong guidelines mula sa DOH or di kaya sa IATF.

USEC. IGNACIO: Okay. Maraming salamat po, Secretary Nograles. At iyan po ang ilan sa ating mga nakalap na katanungan, nabigyan kasagutan ng ating mga mapagkakatiwalaang resource person katulad po ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, ang spokesperson ng Inter-Agency Task Force.

Muli, maraming salamat po sa inyong pagpapaunlak sa aming imbitasyon, Secretary. Atin din pong nakapanayam via phone patch si Mayor Vico Sotto ng Pasig City at live naman po kanina sa DOH si Usec. Maria Rosario Vergeire. Maraming salamat po sa pakikilahok ninyo sa aming programa.

SEC. ANDANAR: Maraming salamat din sa mga nakasama natin kanina – Philippine Information Agency, Philippine Broadcasting Service, Malacañang Press Corps, PTV Cordillera, PTV Davao at siyempre ang team natin mula dito sa PTV. Salamat din po sa ating mga kasamahan sa Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas.

Diyan nagtatapos ang atin pong programa ngayong Lunes. Ugaliing maging updated sa mga balita hinggil  sa COVID-19, gayun din po sa walang tigil na pag-aksyon ng pamahalaan upang masugpo ang krisis na ito. Patuloy lamang na sumubaybay at makinig sa mga lehitimong news sites. At higit sa lahat: huwag basta-basta maniniwala sa ilang mga nababasa online.

Ako po muli ang inyong lingkod Secretary Martin Andanar mula sa Presidential Communications Operations Office.

USEC. IGNACIO: Maging mapagmatiyag, maalam at maingat po tayo sa pagharap sa suliraning ito. Mula pa rin sa Presidential Communications Operations Office, ako naman po si Usec. Rocky Ignacio.

SEC. ANDANAR: Hanggang bukas pong muli dito sa Public Briefing #Laging Handa PH.

 

###

 

SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)