Press Briefing

Public Briefing #LagingHandaPH hosted by Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar and PCOO Undersecretary Rocky Ignacio

Event Public Briefing #LagingHandaPH
Location People’s Television Network, Inc. (PTV), Quezon City

SEC. ANDANAR: Magandang umaga Pilipinas. Ngayong araw ng Biyernes ay tuluy-tuloy ang paghahatid namin ng balita at impormasyon na dapat ninyong malaman. Ako po si Secretary Martin Andanar. Magandang umaga sa iyo, Rocky.

USEC. IGNACIO: Good morning, Secretary Martin. Nariyan pa rin po ang mga kawani ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan handang sumagot sa tanong ng taumbayan. Ako naman po si Usec. Rocky Ignacio mula pa rin sa PCOO.

SEC. ANDANAR: Simulan na po natin ang isang oras na talakayan dito sa Public Briefing #LagingHandaPH.

Ikalawang araw na nang paglilibot natin dito, Usec. Rocky, sa Surigao Del Norte upang dalhin sa mga nangangailangan nating kababayan ang programang AHON o Aid and Humanitarian Operations Nationwide. Matapos nga po nating magprograma kahapon dito sa Public Briefing ay agad tayong nagtungo sa mga bayan ng Dapa at San Isidro kung saan nakasalamuha natin ang nasa dalawandaang mangingisda at magsasakang benepisyaryo.

Binigyan sila ng Department of Agriculture ng mga punla at treat irrigation system. Nandiyan rin ang alokasyon ng pondo sa farm-to-market road at patrol boats. Namahagi ang DSWD ng financial assistance ng tig-tatlong libong piso sa dalawandaang indibidwal at ang DTI hinikayat ang mga residente roon na tangkilikin ang Pangkabuhayan Para sa Pagbangon at Ginahawa Program.

Bukas po naman ay nakatakdang buksan ang ika-isandaan at dalawampu’t apat na Malasakit Center sa bayan ng Dapa. Dadaluhan po ito ng ating kagalang-galang na Senador Christopher ‘Bong’ Go.

Samantala, kampanya kontra korapsiyon pinaiigting ng administrasyong Duterte. nanawagan po si Senador Bong Go sa publiko na tulungan aniya si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa paglilinis ng pamahalaan mula sa mga korap na opisyal. Sa iba pang detalye, panoorin po natin ito:

[VTR]

SEC. ANDANAR: Tuluy-tuloy ang nagaganap na pagbabakuna sa bansa at pataas na nang pataas ang kumpiyansa ng ating mga kababayan sa proteksiyong maibibigay ng bakuna laban sa sakit. Upang bigyan tayo ng update sa isinasagawang vaccine rollout, makakasama natin ngayon sa programa si Secretary Vince Dizon, Deputy Chief Implementer ng NTF Against COVID. Magandang umaga sa iyo, Vince.

SEC. DIZON: Magandang umaga, Secretary Martin. Magandang umaga sa lahat.

SEC. ANDANAR: Sec. Vince, puwede mo po ba kaming balitaan kung ano na ang latest figures natin pagdating sa vaccination?

SEC. DIZON: Secretary Martin, on behalf of Secretary Galvez, napakagandang balita po ngayong araw na ito – sa loob lamang po ng apat na araw mula Lunes hanggang kahapon, Huwebes, July 1, nakapag-jab po tayo ng isang milyong Pilipino. Isang milyong doses ang nai-jab natin from Monday, June 28 hanggang kahapon Thursday, July 1. Ito po ang pinakamabilis na na-jab natin simula noong tayo’y nag-launch ng ating vaccination program noong Marso at dahil po diyan, 11 million na po ang ating jabs na na-administer sa ating mga kababayan.

Kung maalala ninyo po noong Lunes lang po, nag-announce po si Secretary Galvez at si Secretary Duque na umabot na tayo ng milestone na sampung milyon. Pero ngayon po, ngayon pong Huwebes lang eh nadagdagan po kaagad-agad ng isang milyong jabs iyong ating sampung milyon noong Lunes.

Kaya po talagang umaarangkada na po ang ating pagbabakuna at nagpapasalamat po tayo sa lahat ng ating mga LGUs, sa ating Department of Health at lalung-lalo na kay Secretary Galvez na kahit na, alam mo, hirap na hirap tayong makakuha ng supply at medyo gipit pa nga tayo sa supply noong nakaraang linggo at ngayong linggong ito eh nakapag-jab po tayo nang napakarami dito lang sa nakaraang apat na araw.

At kung magkakaroon tayo nang mas marami pang supply eh makakasiguro tayo na sa tulong ng ating LGUs at ng Department of Health eh mas madami tayong mga madya-jab sa mga susunod na linggo at susunod na buwan.

SEC. ANDANAR: Sec. Vince, marami tayong mga kaibigang mga mayor, alkalde, governor etcetera. I’m sure that you’re also receiving messages na dagdagan sana iyong mga bakuna. How do you communicate with all of these LGUs? I’m sure talagang dagsa ang messaging.

SEC. DIZON: Opo. Alam ninyo po, ang totoo po ngayon eh hirap pa rin tayo sa supply ‘no. Pero ang kinagandahan nito ay marami na po sa ating mga kababayan ang gusto nang makatanggap ng kanilang bakuna. Kaya nga po marami sa ating mga local chief executive, marami sa ating mga gobernador ay humihingi na nang napakaraming bakuna. At humihingi po tayo ng pasensiya sa ating mga mayor, sa ating mga governor na dahil nga po sa limitadong supply eh hindi pa tayo makapagbigay nang maraming bakuna sa kanila. Dahil nga po eh sa dami po ng mga kababayan natin na gusto nang magpabakuna, kulang pa rin po ang supply natin.

Pero ang magandang balita po eh talagang tuluy-tuloy po ang pagtatrabaho ni Secretary Galvez sa guidance ng ating mahal na Pangulo para po talagang padamihin ang supply na darating sa ating bansa. At inanunsiyo na po ni Secretary Galvez na ngayon pong buwan ng July eh aabot tayong mahigit sampung milyong darating na bakuna ngayong July. Noon pong June ang dumating pong bakuna ay mahigit 9 million doses, ngayon pong July eh mahigit sampung milyong doses ang darating. Kasama na rin ang mga doses na binili ng ating private sector ‘no.

At nagpapasalamat din tayo sa ating private sector lalo na sa mga unang mga dumating na bakuna na pinurchase ng ICTSI at ng kanilang mga partner private sector organizations at nagsimula na po silang magbakuna ngayong linggo. So tulung-tulong lang po tayo pero habang dumadami ang bakuna, dadami na rin naman po ang maibibigay natin sa ating mga mayor, sa ating mga governors sa buong bansa.

SEC. ANDANAR: Sa ngayon po, Secretary, ilan ang average daily jabs natin? At ilang porsiyento pa lang ito kumpara sa ideal daily average na gusto nating makamit?

SEC. DIZON: Lumampas na po tayo ng 250,000, Sec. Martin. Ang ating target ay 500,000 pero siyempre ito ay dulot na rin ng kakulangan sa supply. Pero may mga araw po kapag marami tayong supply na nakukuha, umaabot na po tayo nang mahigit 350,000. Kaya malapit na po, Sec. Martin, at tingin natin sa mga susunod na araw, susunod na linggo kapag dumating na po ang ating maraming mga doses na padating ngayong July ay maaabot na po natin ang ating target.

SEC. ANDANAR: Anim na buwan na lang at magtatapos na ang 2021, with the current numbers, positibo pa rin po ba tayong makamit natin ang population protection target ng ating pamahalaan?

SEC. DIZON: Kampante po tayo, Sec. Martin, basta dumating ang supply. Iyon lang naman ang pinakaimportante kasi siyempre kung wala tayong supply, wala tayong ibabakuna. Pero kung dumating ang supply, lalo na iyong mga orders ng national government, iyong mga orders ng private sector, mga orders ng ating mga local governments, kapag pinagsama-sama po natin ito at sabay-sabay tayong nagbakuna ay kampante tayo na aabot tayo sa ating target bago matapos ang taon.

SEC. ANDANAR: Tama kayo, Secretary Vince, dahil sa lahat ng mga mayor na nakausap ko araw-araw ay sinasabi nila na mayroon nang kakayanan ang LGU nila na magbakuna ng X number of people kapag mayroon ng supply, kaya tama po kayo.

Kahapon, Secretary, ay naipadala na nga sa Iloilo City ang karagdagang bakuna which is Sinovac. Pero sa talumpati ni Mayor Treñas ay nabanggit niya kung bakit nasa Metro Manila ang ibang brands ng bakuna kagaya ng kadarating lang na Moderna. Ano po ang masasabi ninyo sa sentimiyento ng alkalde ng Iloilo?

SEC. DIZON: Unang-una po ‘no, lahat po ng tulong ay ibibigay natin sa mga iba’t ibang siyudad lalo na iyong mga tumataas ang kaso tulad na rin ng Iloilo.

Nagpapasalamat tayo kay Mayor Treñas sa kaniyang walang tigil na pagtatrabaho para makontrol ang surge sa Iloilo kagaya na rin ng iba’t ibang mga mayors natin sa buong bansa. Pero importante po, sundan po natin ang expert advice na binibigay ng iba’t ibang mga eksperto hindi lamang sa bansa natin ‘no pati na rin iyong mga advisers na dumating sa atin galing Israel. At ang advice ng lahat ng mga eksperto tulad halimbawa ni Father Nic Austriaco ng OCTA, kailangan po talagang mag-focus tayo sa mga malalaking siyudad lalong-lalo na dito sa NCR Plus 8 dahil dito po nanggagaling ang mga kaso.

Nakita naman natin na kapag nagsu-surge ang NCR, sumusunod ang Plus 8 at sumusunod na rin ang ibang parte ng bansa. Kaya kailangan po sa sitwasyon na kakaunti ang ating bakuna, kailangan po tayo ay mag-focus sa mga area at hindi po dapat mawala ang ating focus sa NCR Plus 8. Pero ang maganda diyan, nag-announce na po si Secretary Galvez na iyong NCR Plus 8 ay dinagdag na natin ang Plus 10. Kasama na rin diyan ang Iloilo, ang Bacolod, ang Zamboanga, ang Cagayan de Oro, ang iba’t iba pang mga siyudad tulad ng Naga, Legazpi at iba pang mga siyudad na malalaki ang populasyon, matataas ang population density – ibig sabihin, marami pong mga kababayan natin ang naninirahan at nagtatrabaho nang malalapit sa isa’t isa – at iyon po ang malaki ang potensiyal sa impeksiyon na COVID-19, kaya lahat po iyan ay dapat bigyan natin ng prayoridad.

Pero hindi tayo dapat mawala sa focus base na rin sa advice hindi lamang ng mga eksperto natin tulad ni Father Nic, iyon na rin ang sinabi sa atin last week noong dumating dito ang ating mga Israeli advisers.

SEC. ANDANAR: Secretary, nakakatiyak naman po ba na hindi na mauulit pa iyong pagkahinto o pagsasara ng ilang vaccination centers dito sa NCR dahil sa pagkaunti ng supply ng mga bakuna?

SEC. DIZON: Lahat po ay depende sa supply, Sec. Martin. At nakadepende tayo sa mga deliveries na natatanggap natin sa iba’t ibang bansa at iba’t ibang mga kumpaniya. Kung kakaunti po ang darating, wala po tayong magagawa, iyon po ang riyalidad.

Pero ang kagandahan po, napakita na po ng ating mga LGUs, ng ating iba’t ibang mga vaccination sites na kaya nilang magbakuna nang mabilis at kaya nilang magbakuna nang marami.

SEC. ANDANAR: Nabanggit ninyo na po, Secretary, kung gaano kadami ‘no, ilang milyon ang darating ngayong buwan ng Hulyo. Anong klaseng bakuna po ba, ano po ba iyong label nito?

SEC. DIZON: Dumadami na po ang mga iba’t ibang bakuna. Napakaimportante po iyong desisyon na ginawa ng ating mahal na Pangulo at ni Secretary Galvez at ni Secretary Duque noong umpisa pa lang na magkaroon tayo ng maraming mga bakunang darating dahil nga po ay walang kasiguruhan sa supply ng mga iba’t ibang bakuna kaya mayroon po tayong tinatawag na portfolio ng bakuna. Kaya po ngayon sa buwan ng Hulyo ay may darating na Sinovac, may darating na Pfizer, may darating na AstraZeneca, may darating na rin na Moderna.

So, marami na pong brand ng bakuna ang darating. At maganda po ito para sa ating mga kababayan dahil mas maraming bakuna, mas marami tayong mababakunahan at mas mabilis tayong makakapagbakuna at mas mabilis tayong makakaabot sa ating target bago matapos ang taon.

SEC. ANDANAR: Nagkaroon na po ba ng retraining ng ating mga vaccinators para sa mas marami pang inaasahan na pagbabakuna sa mga susunod na linggo, Secretary Dizon?

SEC. DIZON: Opo. Tuluy-tuloy po ang training. Pero kailangan po maintindihan at malaman ng ating mga kababayan na hindi po madali ang trabaho ng ating mga healthcare workers lalo na iyong mga araw-araw nating mga bayani na nagbabakuna sa libu-libo at milyun-milyon nating mga kababayan. Napakahirap po ng dinadaanan nila – sila po ay napapagod, sila po ay nahihirapan pero hindi po sila tumitigil at hindi po natitinag ang kanilang mga ginagawa pang-araw-araw. Pero tuluy-tuloy po ang training, tuluy-tuloy po ang ating pagtutulong at pagbibigay ng kinakailangan nilang mga suporta galing sa national government at sa ating mga local government units. Pero kailangan pong maintindihan ang hirap na dinadanas ng ating mga healthcare workers natin para magbakuna nang daan-daang libong mga kababayan natin araw-araw.

SEC. ANDANAR: Usec. Rocky, baka mayroon kang mga karagdagang tanong para kay Secretary Vince Dizon.

USEC. IGNACIO: Secretary Vince, Visayas po and Mindanao, sabi ninyo nga, huwag tayong mawala sa focus. Ito pong Visayas at Mindanao had more new cases dito po sa NCR nitong June. Where would you say our focus now is? And papaano po mapi-prevent na magkaroon pa ng dagdag-kaso sa mga areas na ito?

SEC. DIZON: Unang-una po, nag-anunsiyo na po si Secretary Galvez noong nakaraang linggo, inanunsiyo na rin po ito ni Spokesperson Harry na magdadagdag tayo ng sampung siyudad mostly po iyan ay sa Visayas at sa Mindanao. Kailangan po tayong mag-focus din sa kanila. Pero ang pinakamaigting po nating kailangang gawin ay kailangan talagang paigtingin natin ang prevention, detection, isolation at treatment lalo na sa mga iba’t ibang areas na nagsu-surge. Kailangan po ay tuluy-tuloy ang enforcement natin, ang minimum health standards. Kailangan po paigtingin natin ang ating detection, ang testing at contact tracing, at ang mabilis na isolation at treatment ng ating mga kababayan. At kailangan po talaga iyong mga localized lockdowns natin, kailangang palakasin natin sa level ng ating mga LGUs kasabay ng ating pagbabakuna.

Iyon po ang solusyon na ginawa sa NCR, sa Region III at sa Region IV-A. Dahil po sa ginawa ng ating mga LGUs, nakontrol natin ang surge dito sa NCR at sa Region III at Region IV-A, iyon din po ang kailangang gawin ng ating mga LGUs sa Visayas, Mindanao at sa iba’t iba pang bahagi ng Luzon.

SEC. ANDANAR: Maraming salamat sa inyong panahon, Secretary Vince Dizon. Mag-ingat po kayo lagi, sir.

SEC. DIZON: Stay safe po at God bless po, Sec. Martin, USec. Rocky at sa ating mga tagapanood!

SEC. ANDANAR: USec. Rocky, ako’y magpapaalam muna upang ituloy ang misyon ng ating AHON or iyong Aid and Humanitarian Operations Nationwide ng ating national government under the Executive Order 137. Ito po ay para bigyan ng tulong ang ating mga kababayan dito po sa Sta. Monica bukas po sa Del Carmen at mayroon din po tayong pupuntahan sa Burgos at San Benito and then sa Socorro.

Ito pong AHON ay programa ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte at tayo po ay mapalad dahil mayroon ding hiwalay na programa na ipinarating ang ating Senador Bong Go para po sa mga kababayan nating nangangailangan dito po sa Siargao at sa iba pang mga lugar sa buong Pilipinas. Ang mahalaga po ay iyong bayanihan, USec. Rocky, magtulong-tulong tayong lahat.

Go ahead, USec. Rocky.

USEC. IGNACIO: Okay. Salamat, Secretary Martin! Ingat po kayo, Secretary Martin Andanar.

At sa iba pang balita, TODA members sa Caloocan City, pinasyalan ni Senator Bong; Pag-ayuda sa mga nasa transport sector, ipagpapatuloy para makagaan sa kanilang mga pasanin ngayon may pandemya. Narito po ang report:

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Samantala, alamin naman po natin ang update tungkol sa muling pag-aalburoto ng Bulkang Taal, makakasama po natin mula sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHILVOLCS), si Usec. Renato Solidum Jr.

Magandang araw po, Usec.!

PHIVOLCS DIR. SOLIDUM: Magandang araw, Usec. Rocky!

USEC. IGNACIO: Opo. Itinaas na po sa alert level three ang Bulkang Taal, so puwede ninyo po bang ipaliwanag kung ano pong ibig sabihin kapag itinaas na sa level three ang status ng bulkan?

PHIVOLCS DIR. SOLIDUM: Kapag itinaas po natin ang alerto ng isang bulkan from alert level two to alert level three, nangangahulugan na may magma na po na nag-i-interact diyan sa ibabaw ng bulkan. Ang nakita po natin kahapon na pagsabog ay sanhi ng pagdampi ng magma diyan sa tubig sa main crater kaya sumambulat po. Parang naglagay po tayo ng mainit na baso sa malamig na tubig ay nababasag po iyan at iyan po ay tawag ay Phreatomagmatic eruption– pag-i-interact ng magma at tubig.

At ito po ay nangangahulugang ang magma ay nasa mababaw na parte ng bulkan at delikado po iyan kasi maraming mga materyales na dala ang magma na kapag ganiyan ang pagsabog, puwede pong kumilos palayo sa crater ang tinatawag nating pyroclastic density currents o base surge na puwedeng tumawid sa lawa kung mas malaki pa ang eruption at maging delikado ang buhay ng ating mga kababayan.

Kaya nagrekomenda po tayo na magpa-evacuate sa mga lugar na pinakamalapit sa Taal Volcano Island. Ito po ay within seven kilometers na mga barangay sa bayan ng Laurel at Agoncillo diyan sa Batangas.

USEC. IGNACIO: Opo. So, Usec., gaano kalawak ngayon iyong danger zone sa paligid ng bulkan; ito po ba ay katulad noong nakaraang taong pag-aalburoto ng Taal?

PHIVOLCS DIR. SOLIDUM: Kung bawat alerto ang ating pag-uusapan, pareho; kaya lang ang pagkakaiba noong January 12, 2020 ay tuloy-tuloy ang mga pagsabog at nag-escalate hanggang talagang lumaki. Ito naman po ay pasulput-sulpot at ang ating pinaka-panganib na binabantayan ay within Taal Volcano at doon sa loob ng seven kilometers away from the main crater. So, hanggang doon lang po tayo nagrekomenda na bawal pumasok ang mga tao o hindi kaya mag-evacuate doon sa mga lugar na may mga naninirahan.

USEC. IGNACIO: Opo. Usec., sa kasalukuyan ay nagsisilikas na iyong mga residente sa ilang bayan sa Batangas. So, ibig sabihin po ba sa kasalukuyan ay imminent po iyong pagputok ng bulkan?

PHIVOLCS DIR. SOLIDUM: Sumasabog na po ang bulkan pero iyong mga pagsabog niya ay maliliit lamang, mayroon po tayong limang mga explosion pero ang pinakamalaki lang isang kilometro and then iyong apat ay hanggang 22 metro lamang.

Alert level three pa lang naman tayo, iyong talagang mas delikadong pagsabog ay mas mataas ang posibilidad kung nagtaas tayo ng alert level four. Kaya iyong evacuation po natin ay restricted lang doon sa limang barangay—apat na barangay and partly ng isang barangay doon sa Agoncillo at Laurel. So, hindi naman po buong paligid ng Taal Volcano ang may paglikas.

USEC. IGNACIO: Sa kaso naman po ng paglindol, Usec., ano naman po iyong mga nararanasan ngayon sa paligid ng Bulkang Taal?

PHIVOLCS DIR. SOLIDUM: Mayroon po tayong nai-record kahapon na 28 volcanic earthquakes pero hindi naman po ito nararamdaman ng mga tao. Ibig sabihin, hindi pa ganoon ka-intensified ang aktibidad ng Taal.

Actually, magmula po kagabi bandang alas otso hanggang ngayon, makikita po natin na mayroong lumalabas na usok sa main crater ng Taal. Ito po ay sanhi ng pag-akyat ng gas at water vapor ‘no kaya po kapansin-pansin na tuloy-tuloy ito.

Ang importante po, na maging maingat ang mga tao kahit po hindi nila nararamdaman iyong paglindol ay mayroon pong nangyayari diyan sa volcano island.

USEC. IGNACIO: Opo. Sa kasalukuyan, ano po iyong mga hakbang na ginagawa ng PHILVOLCS upang paghandaan ang mga posibleng pagsabog pa o malaking posibleng pagsabog ng Taal?

PHIVOLCS DIR. SOLIDUM: Matagal na po nating pinagtutuunan ng pansin ang aktibidad ng Bulkang Taal. Naglagay po tayo ng marami ng instrumento sa paligid. Mayroon po tayong team na titingnan kung makakapagpalipad tayo ng drone at lumapit sa crater para tingnan talaga kung ano ang nangyayari. At siyempre, patuloy tayong nakikipag-ugnayan sa kinauukulan lalung-lalo na ang provincial government ng Batangas na siyang namumuno pagdating sa disaster risk reduction and management diyan sa probinsya ng Batangas.

Sa ating mga kababayan, mayroon po tayong mga mapa na available sa hazardhunter.ph gamit ang inyong phone para masigurado ninyo kung ano ang mga lugar na posibleng maapektuhan kung sakaling magkaroon ng mas malaki pang aktibidad ang bulkan.

USEC. IGNACIO: Opo, Usec, iyon bang smog daw po na galing sa Taal ay present pa rin hanggang dito sa Metro Manila at posible po ba na mas titindi pa ito dahil sa nangyayari sa Bulkang Taal?

USEC. SOLIDUM: Iyong smog po na volcanic smog o ‘vog’ na tinatawag ay nandiyan pa sa paligid ng Taal Volcano Island, ito naman po ay hindi umaabot sa Metro Manila, pero iyong katulad noong Lunes, ang lipad po ng sulfur dioxide ay sa ibabaw, kaya nag-contribute po ng haze dito sa Kamaynilaan. Ang kadalasan pong nangyayari ngayon, papunta po sa southwest or south ang ihip ng hangin, kaya iyong mga mababang lipad na mga gas ay papunta sa southwest. Pero minsan, kapag mas mataas ay puwede pumunta ng kaunti sa norte sa direksiyon ng Manila, pero wala pong epekto ito sa kalusugan ng mga tao, kasi nasa mataas na lebel.

USEC. IGNACIO: Opo. Usec, sa kasalukuyan, ano na po ang estado ng Taal ngayon, kumusta na po siya? Ano po iyong estado niya, ano ang namu-monitor natin sa kasalukuyan, Usec?

USEC. SOLIDUM: Mayroon pong pangilan-ngilan na mga volcanic earthquake magmula po kaninang alas-singko ng umaga hanggang ngayon, mga 16 at patuloy po ang pagbuga ng usok na may kasamang gas. Wala naman pong mga pagsabog na naulit magmula kagabi.

USEC. IGNACIO: May ilan po tayong mga kababayan, Usec, nag-aalinlangan pa rin na lumikas. So ano po iyong nais ninyong ipanawagan sa kanila lalo doon sa mga lugar na nabanggit na ninyo, Usec?

USEC. SOLIDUM: Okay, siyempre panahon ng COVID pandemic, napakaimportante, napakahalaga na iyong minimum health standard o protocol ay maobserba sa pag-evacuate lamang at doon mismo sa evacuation area, para naman mas maging ligtas ang ating mga kababayan sa COVID-19. Pero equally important po, mahalaga din na maging safe ang ating mga kababayan pagdating sa mga volcanic hazard na puwedeng mangyari kung sakaling tumindi pa ang kondisyon ng Taal Volcano. At ito po ay marapat na kanilang pag-isipan nang mabuti, kasi ang mga pagsabog ng Taal, maliit lang kahapon. Kung sakaling lumaki ay puwede na pong maapektuhan ang mas malayong lugar. Sana hindi matuloy ang mas malalakas pang mga pagsabog, pero nandiyan pa rin ang banta na pinapakita ng Taal, kasi marami pang gas na inilalabas.

USEC. IGNACIO: Opo, iyan po iyong susunod kong tanong sa inyo. Sa palagay [ninyo], hindi na po ba babalik sa pagiging kalmado iyong Bulkang Taal, kasi last year ay naranasan na rin po natin iyong pag-aalburuto niyan?

USEC. SOLIDUM: Sa mga nakalipas pong buwan magmula noong Pebrero, iyong magma na nasa mababaw na parte ay maraming gas na inilabas, mas maigi nga iyan para mabawasan ang pressure na nandiyan sa loob, para maiwasan ang mga explosive eruptions ng Taal. Puwede rin naman po na ang mangyari hindi naman explosive, kung dumating man ang lava sa taas ay puwedeng lava flow, mapula, parang may fireworks lang ng kaunti at dumaloy ang lava, nangyayari po iyan pagkatapos ng isang malakas na eruption in the previous years. So, puwede naman po na kumalma ang kondisyon ng bulkan. Pero ang atin pong ginagawa, mayroon tayong stand down procedure, pagbababa ng alerto na nag-oobserba tayo ng mga dalawang linggo. Kung talagang pababa na ang ipinapakitang mga parametro ng bulkan. So, sa ngayon, maintain natin sa alert level number 3 ang alert level condition diyan po sa Taal Volcano kaya nagkakaroon po tayo ng restriction sa volcano island at doon sa mga lugar na binanggit ko na dapat ay mai-evacuate.

USEC. IGNACIO: Usec, mayroon lang pong tanong si Celerina Monte para sa inyo, para maintindihan pa rin po: Ano raw po iyong possibility na sumabog talaga ang Tall Volcano?

USEC. SOLIDUM: Sumasabog na po ang Taal Volcano, kung ang tanong po ay mas malakas, nandiyan po iyong posibilidad. Pero nga, dahil nga, de-gassed na po ang magma sa mas mababaw na parte, hindi po namin inaasahan na kasing lakas noong last year na mabilis na umakyat ang magma na maraming gas, kaya malakas ang pagsabog. Kaya nga lang po, mayroon din naman mga scenario na, kapag mayroong bagong supply ng magma, galing sa mas malalim na parte, na tulad noong last year papunta doon sa ilalim ng bulkan, kung mangyayari iyon, nandiyan iyong possibility pa rin na magkaroon ng mas malakas na pagsabog kumpara sa kahapon. Iyon po iyong ating kailangang bantayan ng mabuti. At ang DOST-PHIVOLCS naman po ay may mga instrumento sa paligid, nagsi-survey po tayo, ang ating mga kasamahan, kahit COVID-19 lumalabas po sila para mabantayan na mabuti itong Bulking Taal at mabigyan ng information ang ating mga kababayan.

USEC. IGNACIO: Opo, Usec, kumusta naman daw po iyong monitoring sa iba pang active volcano sa ating bansa?

USEC. SOLIDUM: Magandang katanungan! Maliban po sa Taal, ang mga bulkan na nasa alert level number 1 ay Mayon Volcano sa Albay, Bulusan Volcano sa Sorsogon, Kanlaon Volcano sa Negros Island at Pinatubo dito sa Central Luzon. Ang kakaiba lang sa apat na nasa alert level 1 ay Pinatubo, dahil po ang pagkilos naman niya at dahil sa paggalaw ng mga fault sa malalim na bahagi at wala pong magma o hydrothermal activity na nangyayari pa. Doon po sa Mayon, Bulusan at Kanlaon, nandiyan po iyong posibilidad na magkaroon ng steam driven explosion, kaya parati nating ipinapaalala na iyong mga permanent danger zones, anim na kilometro sa Mayon, apat na kilometro sa Bulusan at Kanlaon ay mga lugar na delikado sa kasalukuyang pinapakita niyang kondisyon sa alert level number 1.

USEC. IGNACIO: Opo. Kami po ay nagpapasalamat sa inyong panahon, Undersecretary Renato Solidum Jr., ng PHIVOLCS. From time to time po makikipag-ugnayan po kami sa inyo para sa latest sa Bulkang Taal. Mabuhay po kayo, Sir.

USEC. SOLIDUM: Maraming salamat din po sa inyo.

USEC. IGNACIO: Samantala, sa pahayag ng Palasyo, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, patuloy na minu-monitor ngayon ang sitwasyon ng Taal Volcano, kasalukuyan namang naghahanda ang mga ahensiya ng gobyerno kung sakali man na mag-escalate ang sitwasyon doon. Pinaalalahanan naman ang mga residente sa mga karatig-pook ng bulkan na maging alerto at makipagtulungan sa lokal na pamahalaan kung sakaling magkaroon ng malawakang evacuation.

Samantala, para naman po sa pinakahuling datos ng COVID-19 cases sa buong bansa. Base po sa report ng Department of Health kahapon, July 1, 2021, umabot na sa 1,418,337 ang total number of confirmed cases matapos itong madagdagan ng 5,795 na mga bagong kaso. 135 katao naman ang mga bagong nasawi, kaya umabot na sa 24,797 ang total COVID-19 deaths. Ang mga kababayan naman nating gumaling na sa sakit ay nasa 1,341,973 matapos madagdagan ng 2,859 new recoveries kahapon. Ang total active cases naman sa kasalukuyan ay nasa 51,567.

Samantala, sapat na supply ng tubig sa bansa at iba pang COVID-19 response ng Local Water Utilities Administration ang atin pong pag-uusapan kasama si LWUA Administrator Engineer Jeci A. Lapus. Magandang araw po, Engineer.

LWUA ADMINISTRATOR LAPUS: Magandang umaga, Usec. Rocky.

USEC. IGNACIO: Opo. Para po muna sa kaalaman ng ating manunuod, ano po ba ang mandato ng Local Water Utilities Administration?

LWUA ADMINISTRATOR LAPUS: Ang Local Water Utilities Administration po, ang mandato ay magbigay ng tubig sa lahat ng kabahayan kung posible. Sa ngayon po ay mayroon tayong 532 water districts na mayroon, ang mga kabahayan na sinusuplayan nito ay from 20 million to 23 million. So ang ibig po nating sabihin, ay out of the 110 million people, ang sinusuplayan lang natin na tao ay mga 20 to 23. So, malayo pa po ito sa 50%. Ang atin pong projected ay 421 water districts, kulang sa kalahati ang nasusuplayan.

So, makikita po natin na ang kakulangan natin sa tubig talaga ay napakalayo, bagama’t ang sabi ng Department of Health, ang pangunahing panlaban sa COVID ay paghugas ng kamay, para ito ay walang transmission. Sa ngayon po na pandemya ay ang tulong na maibigay namin sa mga water districts kasi iyong kanilang mga pagkakautang sa LWUA ay binigyan po namin sila ng debt relief na ibig sabihin suspended iyong pagbabayad po nila ng utang and at the same para makayanan din nila iyong hindi pagbabayad ng ating mga kababayan na mandato naman dito sa Bayanihan Act natin, na bibigyan natin ng karampatang laya na makaipon iyong ating mga kababayan.

Ang ahensiya po natin ngayon, dahil sa pandemya ay puro seminar ang ating ibinibigay para sa mga water districts. Ang mga proyekto po natin ay nagsimula lang noong 2019, nakapag-disburse na po tayo from last year up to May ng isang bilyon, ito po ay umaabot ng 2 bilyon, pero lahat po ito ay 2019 na obligate.

Ang mga proyekto po natin ay nagsimula lamang noong 2019, nakapag-disburse na po tayo from last year up to May ng isang bilyon, ito po ay umaabot ng 2 bilyon pero lahat po ito ay 2019 na-obligate, wala po tayong karagdagang mga pondo galing sa pamahalaan.

So, iyong ating konting kita iyan lang po ang ating pinapaikot, ang ating mga problema ay katulad po ngayon ay mayroon tayong summer ay hindi natin matiyak kung ano ang mangyayari sa tubig natin dahil 90% ay nanggagaling sa deep well at alam po natin na pag tagtuyot ang deep well ay nawawalan ang tubig. So dasal na lang ang ating ginagawa para malagyan ng tubig iyong ating mga pinagkukunan.

Kung tatanungin po ninyo noong mga nakaraang taon, mayroon pong panukalang batas ang Kongreso na sinasabi nila pagkakaisa ng lahat ng ahensiya ng tubig; iyong unification of water agencies o water resources. Ito po ay patungkol sa water governance ano po.

Kung atin pong iisipin, ang lahat ng pinagkukunan po ng tubig ng water district, 90% of them ay deep well. So, hindi ho isang gabi lang na mapapalitan iyong ating pagkuha ng tubig sa ilalim ng lupa, ito po ay nasa 150 meters ganoon at ito ay kailangan ng mga recharging. Ang recharging pong ito ay paggawa ng mga water impounding katulad ng Dams o kaya magkaroon tayo ng water collections na tinatawag na basin.

Pinag-usapan po namin dati na isa sa magandang pagkukuhanan ng tubig ay iyong flood. Papaano natin magagamit iyong flood na mayroon naman tayong 20 typhoons a year na ang flood natin ay nada-divert lang diretso sa dagat ulit tapos papanhik tapos babagsak eh vicious cycle.

So iyong isang kagawaran na sinasabi nila, itong Department of Water Resources, ito po ay pagkakaisa ng lahat ng ahensiya para iisa na lang ang aming pagtatanungan tungkol sa pangangailangan ng tubig. Sa dami po ng ating ginagawa ngayon, 46% lang po of the total population ang may access to safe water.

Ito po ay sama-sama na lahat, lahat ng pribado, lahat Metro Manila at saka lahat po ng LWUA. So, malayo pa po, gumagawa nga po kami ng recent study na papaano natin mailalagay sa tamang pagbibigay ng tubig at least 70% ng population natin in a matter of 8 years, ito po ay pumapatak na halos 290 billion. So, napakalaki po niyan para kami lang ang gagawa.

So, kailangan talaga mayroon isang kagawaran na siyang tatayo bilang pangulo o bilang puno ng lahat ng water agencies. Ito pong batas na ito ay nasalang na sa Kongreso at plenary na lang, nakabinbin po ito sa Senado dahil ang sabi po ng ating mga Senador may mga another bureaucracy, another layer. Sa amin naman po, hindi po ito another bureaucracy kasi mga 30 agencies ang pagsasamahin dito. Sa tingin namin it is a stream lining effect, pagsasamahin natin ang nakakaalam ng tubig para mayroon siyang ahensiyang responsible sa pangangailangan po natin ng tubig.

So, habang wala po iyan, kaniya-kaniya muna kaming gawa sa sarili naming mga katungkulan, MWRB, MWSS, ang LWUA po, kaniya-kaniya muna kami dahil iba-iba ang aming mga polisiya. So, hindi po coordinated iyong aming pangangailangan dahil kung mangailangan kami ng recharging ito po ay water impounding, ito po ay nasa bundok, ito po siguro under ng… di ko alam kung NIA o sa water shed.

Tapos kung may mga river basin ito under, ito naman ay gagawin ng iyong mga flooding po kailangan nating ipunin para maibalik natin para sa tao, sa agrikultura o para sa mga bahay-bahay. So, ito po ay inaasahan natin na maipasa siguro panalangin po pero sa ngayon budget hearing na po pag pass out lang ng SONA tapos election next year eh pag-iigihan na lang namin po ang pagbibigay ng tubig sa mga bahay-bahay at manalangin na kami na baka naman mailusot dito po sa ating present administration.

USEC. IGNACIO: Opo, pero Engineer, kumpiyansa kayo na maaprubahan itong panukalang batas na ito bago po matapos ang termino ng administrasyong Duterte?

ENGR. JECI LAPUS: Ang atin po naman na kapag sinertipikahan po ni Presidente na urgent, ito po ay papasa.

USEC. IGNACIO: Okay. Nagpapasalamat po kami sa inyong panahon Administrator Engineer Jeci Lapus, mula po sa Local Water Utilities Administration.

ENGR. JECI LAPUS: Mabuhay po kayo USec. Rocky!

USEC. IGNACIO: Samantala, puntahan natin ang PBS Radyo Pilipinas para sa pinakahuling balita mula sa mga lalawigan, makakasama natin si Czarinah Lusuegro, magandang umaga sa iyo Czarinah.

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo, Czarinah Lusuegro ng PBS-Radyo Pilipinas.

Dumako naman tayo sa pinakahuling balita mula sa hilaga, magbabalita si Alah Sungduan mula sa PTV-Cordillera.

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo, Alah Sungduan ng PTV-Cordillera.

Para naman po sa pinakahuling balita sa Central Visayas, mag-uulat si John Aroa. John…

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo, John Aroa mula sa PTV-Cebu.

Dumako naman tayo sa Davao, makakasama natin si Julius Pacot.

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo, Julius Pacot mula sa PTV-Davao.

Samantala, kasabay nang pagkakaroon ng COVID-19 sa bansa ay inaasahan din ang pagtaas ng bilang ng maagang pagbubuntis ng ating mga kabataan. Kaya naman binigyang-diin ni Senator Bong Go ang kahalagahan ng Executive Order No. 141 na layong protektahan ang kanilang kapakanan. Narito po ang report:

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: At dito na po nagtatapos ang isang oras nating talakayan. Ang Public Briefing po ay hatid sa inyo ng iba’t ibang sangay ng PCOO sa pakikipagtulungan ng Department of Health at kaisa ng Kapisanan ng Brodkaster ng Pilipinas o KBP.

Sa ngalan po ni Secretary Martin Andanar, ako po si Usec. Rocky Ignacio. Magkita-kita muli tayo bukas dito lamang sa Public Briefing #LagingHandaPH.

###


News and Information Bureau-Data Processing Center