Press Briefing

Public Briefing #LagingHandaPH hosted by Presidential Communications Operations Office Undersecretary Rocky Ignacio

Event Public Briefing #LagingHandaPH
Location PTV

USEC. IGNACIO: Magandang umaga, Pilipinas. Ngayon po ay araw ng Martes, September 28. Ngayong araw po ay ating pag-uusapan ang mga maiinit na isyu sa pulitika at sa pandemya. Makibalita rin tayo sa iniwang pinsala naman po ng lindol na tumama kahapon sa Luzon. Ako ang inyong lingkod, Usec. Rocky Ignacio mula sa PCOO. At huwag na po nating patagalin pa, simulan na natin ang talakayan dito sa Public Briefing #LagingHandaPH.

Para sa unang balita: Muling isinusulong ni Senator Christopher “Bong” Go ang panukalang batas na Rental Housing Subsidy Act of 2021. Ang batas na ito ay naglalayong mabigyan ng pabahay ang mga Pilipinong lubhang naapektuhan ng pandemya o iba pang sakuna. Ang buong detalye sa report na ito:

[VTR]

USEC. IGNACIO: Nito lamang po ay sumalang ang Technical Education and Skills Development Authority o TESDA sa budget hearing sa Kongreso para tukuyin ang pondong ilalaan sa kanila sa susunod na taon. Pero hindi po naging madali at mabilis ang pagdinig dahil may kinuwestiyon ang ilang mambabatas sa naging paggastos ng ahensiya sa kanilang pondo nitong mga nagdaang taon. Para bigyan-linaw ang usapin na iyan, makakausap po natin si TESDA Deputy Director General Lina Sarmiento. Magandang umaga po, Ms. Lina!

TESDA DDG SARMIENTO: Magandang umaga, Usec. Rocky. And magandang umaga sa lahat ng ating mga kababayan.

USEC. IGNACIO: Ms. Lina, reaksiyon ninyo sa sinabi po ng ilang miyembro ng Kamara na anila’y miracle na paggastos ninyo ng four billion pesos sa loob lang ng dalawang linggo, ganoong ayon sa kanila ay historically, mabagal daw po ang pag-execute ng TESDA sa budget?

TESDA DDG SARMIENTO: Naiintindihan po natin iyong kanilang reaksiyon, kasi at a glance,, talagang magkakaroon ng pagkabigla dahil sa mga figures na naisagot doon sa tanong ng ating mga kagalang-galang na mga kongresista ‘no.

Pero kung titingnan nang mabuti, iyong 5.9 billion na unobligated budget ng TESDA for 2021, binubuo ito ng iba-ibang parte. Mayroong portion diyan na personal services – 798 million; mayroong 587 million na regular MOOE; 809 million na capital outlay, at iba pa. Mayroon kaming graphics tungkol dito kung maipakita sana natin. At makikita natin diyan na iyong 5.599 billion, hindi lang siya scholarship programs. Out of the 5.99 million, iyong nasa unang figure, 3.679 billion ang nagri-represent ng unobligated scholarship programs.

So makikita natin dito sa figure, sa ating drawing na out of the 5.99 billion, mayroon siyang mga kasamang capital outlay, may kasamang personal services, mayroong regular MOOE, at iyon ngang sinabi ko, iyong 3.679 billion na scholarship programs; ito iyong status ng September 8—ah, September 10.

Ngayon, doon sa susunod na figure, ito naman iyong makikita natin, ano iyong composition ng 3.679 billion noong September 23. So makikita diyan iyong binabanggit na 973 – iyong orange, orange portion ng drawing – iyong 973 million na natitira. Actually, itong 973 million, kung gagamitin natin iyong totoong definition ng obligation na ginagamit sa DBM at sa ating gobyerno, itong 973 million ay hindi talaga siya puwedeng maituring na ito na lamang ang natitira dahil noong September 23, sa ngayon inaayos ng ating mga finance staff iyong actual unobligated budget as of September 23; pero noong tinanong tayo, iyong 3.67 from 5.99, iyon ay nagri-represent ng scholarship programs; at iyong 973, iyon ang uncommitted funds.

Iyong mga iba, sa finance parlance, hindi siya considered na unobligated kasi sila ay earmarked for TESDA programs na i-implement pa. So hindi pa siya talaga naiibayad sa third party, at ito iyong explanation na sinabi kagabi noong tinawag ulit ang TESDA. Ito iyong in-explain sa ating mga mambabatas na iyon iyong ibig sabihin nung aming unobligated funds na actually na-earmark na namin, na-earmark sa mga ibang pagkakagastusan na hindi mo na siyang puwedeng galawin sapagka’t ito ay ibabayad sa mga providers ng technical and vocational education pagkatapos magawa o pagkatapos ma-implement iyong mga programs.

Alam naman natin na iyong mga programs ng TESDA ay iba-iba ang duration. Mayroong nominal duration na one week; mayroon ang nominal duration ay two weeks; mayroon namang six months; at mayroon din tayong diploma programs na three years; so iba-iba iyong nominal duration. But ito, from the very start na sinabmit [submitted] dito sa central office, iyong description ng programa na iyan, kailangan ka nang mag-set aside ng pondo para diyan. At ito, hindi mo puwedeng galawin dahil pagkatapos ma-implement iyong programa na iyon, kailangan bayaran mo iyong provider; so iyon iyong ibig sabihin. Hindi lamang nagkaroon ng pagkakaintindihan; dalawang opisina iyong pinanggalingan ng data – iyong 5.9 ay galing sa aming finance; at iyong 973, iyon naman ay galing sa operations na siyang nagsi-set aside ng mga funds para sa scholarship program ng TESDA.

USEC. IGNACIO: Opo. Ms. Lina, iyon nga po, base sa naging paliwanag nga po ni Representative Romeo Jalosjos na siya pong sponsor ng budget ng TESDA ay dalawa nga pong magkaibang opisina raw po ng TESDA ang nagsumite ng [garbled] discrepancy, tama po ba ito? Pakipaliwanag po kung paano nangyari ito?

TESDA DDG SARMIENTO: Iyong September 10 na unobligated funds, ito ay nakabase doon sa mga financial reports nanggaling sa region sa baba. So iyong mga subordinate units natin sa regional at saka sa provincial offices, nagsa-submit sila dito sa central office ng kanilang mga FARs – Financial Accountability Reports.

So, iyong September 10 data nakabase iyon doon sa September 10 na financial accountability report noong ating mga financial and administrative staff sa baba. So, iyon ang naging basehan ng 5.991 na unobligated funds ng TESDA.

Ngayon noong tinanong ang TESDA, noong tinanong ang ating sponsor, si Congressman Jalosjos, magkano na lang ang natitirang pondo na mayroon ang TESDA ngayon? So, naiabot sa ating sponsor iyong data na P973 million na uncommitted funds. Sapagkat noong September 24 noong nandoon ang TESDA, wala pa ulit na panibagong financial accountability reports na naiabot iyong mga tao sa baba kasi usually hindi naman siya weekly sina-submit.

Ito ay ginagawa every end of the month regularly. Pero noong mayroon na noong September 10 na ginamit sa budget hearing, hindi pa ulit nagkaroon ng pagkakataon na kunin iyong mga financial accountability reports noong mga tao natin sa baba. Kaya noong tinanong magkano iyong natitira, ang nasabi ang natitira natin sa scholarship, which is usually the issue, iyong 973 million na uncommitted funds.

Pero hindi ibig sabihin na ito na lamang ang hindi naibabayad sa third party. Mayroon pang mga 3.6 billion, halos walang pagbabago iyong 3.6 billion, hindi pa siya naibabayad sa third party. From September 10 to September 23, hindi nagbabago iyong 5.99 dahil wala pa nga tayong panibagong data. At iyon ang ipinangako natin sa Kamara kagabi na isa-submit ngayong araw ang pinaka-latest na unobligated funds based on the financial accountability reports ng ating mga regional offices at provincial offices para magtugma iyong mga datos na naibigay.

USEC. IGNACIO: Opo. Ms. Lina, ano naman po iyong naging dahilan sa mababang utilization rate ng pondo ng TESDA? Base po sa budget hearing nga ay nasa 33% o 34% lang po noong 2019 at 2020.

TESDA DDG SARMIENTO: Marami pong mga naging dahilan. Unahin ko noong 2019, alam naman natin ang budget na approved noong April 2019, so, medyo na-late iyong utilization pero na-extend naman iyong budget validity hanggang December 31, 2020, so, ito naman ay nagamit din ng TESDA.

Noon namang 2020, alam naman natin nagkaroon tayo ng pandemic. Nagkaroon tayo ng community quarantine starting March 16, 2020. Siyempre, ang unang-unang naapektuhan ng community quarantine iyong mga nag-aaral. Hindi puwede ang face-to-face classes, so, mayroong mga klase na magsisimula na, hindi na natuloy; mayroong mga klase nagsimula na, nasa kalagitnaan, hindi na rin naituloy; at mayroon ding klase malapit na sanang matapos, hindi na rin naituloy sapagkat starting March 16 bawal ang face-to-face.

So, nakiusap tayo sa IATF, papaano naman mayroon kaming mga klase na kagaya ng agriculture at saka fishery kailangang-kailangan ito sa food security ng ating bansa baka puwede nating ituloy tutal naman iyong ating mga farm schools malalaki at saka malalawak at saka nasa open air. So, pinayagan tayo noong June via the IATF Resolution #47. Noong June, pinayagan ang TESDA na mag-conduct, magtuloy ng klase.

So, pinayagan ng IATF iyong full online, so, full online lang. Pinayagan din iyong training programs related to agriculture and fishery qualifications lalung-lalo na iyong sa food processing and food production kasi kailangan nga natin ng food security. And then pinayagan din iyong distance learning for TVET programs at saka iyong e-learning component ng blended learning for TVET programs.

Ibig sabihin, kung ang mode of delivery ng isang programa ay blended, mayroon siyang portion na online at may portion siya na face-to-face. Sabi ng IATF noong June 2020, sige, payagan na natin iyan, so medyo nakabawas tayo. And then as we go along towards the end of the year, pinayagan na ring dagdagan iyong mga puwede na programa na puwedeng i-conduct ng TESDA. Subalit mayroon ding mga requirement kagaya ng dapat 50% lang ng training venue iyong puwedeng mag-aral.

So, kung ang venue ay good for 25 which is usually the size of the class for TVET, iyong puwede lang nandiyan ay 13 or 12. Pero kung ang venue naman kagaya ng basketball court, iyon, puwede na iyong isang batch na pinapayagan.

So, ang nangyari para matugunan natin ang mga pangangailangan ng ating kababayan sa Tech-Voc, mayroong mga venues na inilipat sa gym, inilipat sa basketball court at nanghingi lamang sila ng permiso sa ating mga regional offices para ilipat ang training venue, kaya ito ang mga naging dahilan.

Tapos nagsisimula na iyong klase, pinayagan tayo ng IATF all of sudden magkakaroon ng ECQ, so, kahit nag-umpisa na iyong face-to-face, kapag nag-ECQ na naman iyong lugar hihinto na naman. So, until such time na ma-lift na naman iyong ECQ at maging GCQ kasi iyon lang ang community quarantine level na pinapayagan tayong mag-conduct ng trainings.

So, iyan ang mga challenges na na-encounter natin at hopefully malampasan naman natin itong lahat at ginagawa naman ng TESDA lahat ng mga protocols na kailangan. Mayroon tayong ipinangako sa IATF na papayagan tayong mag-conduct ng classes basta iyong community protocols, iyong health protocols na niri-require ng IATF ay susundin at ito naman religiously sinusunod ng TESDA kaya tuluy-tuloy ang ating pagku-conduct ng training ngayon.

Kaya lang siyempre, sa ngayon, may mga cities or municipalities na biglang isinailalim sa MECQ or ECQ or Level 5 for example sa ngayon, hinto ulit ang face-to-face, balik naman tayo sa online. So, ito iyong mga challenges natin na hopefully—Yes, Usec. Rocky?

USEC. IGNACIO: Ms. Lina, pero ano naman po iyong masasabi ninyo sa naging puna naman po ng Kamara sa nakagawian na umano ng mga ahensiyang tulad ng TESDA iyong pag-download ng pondo sa third party agency gaya ng Philippine International Trading Corporation, para daw po maka-catch-up sa fund utilization ninyo?

TESDA DDG SARMIENTO: Usec. Rocky, alam mo, iyong pagda-download ng pera ng TESDA sa PITC noong 2018 ay may dahilan. Mayroon tayong pinu-procure na toolkits dito. Iyong toolkits na ito ay parte noong isang scholarship program na kung tawagin natin ay Special Training for Employment Program, so STEP iyon, STEP.

So, noong 2018, nagkaroon ng procurement ng toolkits dito sa TESDA tapos biglang pumasok si Secretary Lapeña, bigla siyang na-designate na TESDA Director General. Naabutan niya iyong usapin ng toolkits dito. So, mayroong nagpuprotesta na supplier at nagkaroon ng pagpa-file ng mga kaso sa korte, so, sabi niya dahil sa ganiyang pangyayari, ipakiusap muna natin sa PITC sila muna ang mag-procure ng toolkits para sa TESDA.

So, iyon nga ang nangyari, iyong ating UAQTEA toolkits, iyong UAQTEA ibig sabihin noon Universal Access to Quality Tertiary Education Act at mayroon siyang kasamang toolkits din. So, iyong pondo para sa UAQTEA 2018 at iyong pondo para sa 2019 STEP at UAQTEA, iyon ang na-download sa PITC dahil nga doon sa naging usapin sa procurement.

Pero hindi naman iyan ginagawa ng TESDA dati, ginawa lamang siya dahil nagkaroon nga ng usapin tungkol sa procurement at ngayon tuluy-tuloy naman ang procurement ng TESDA ng mga toolkits. Hanggang 2019 lang nag-download ang TESDA ng pondo sa PITC. Noong naging 2020 na, from 2020 onwards hanggang ngayon TESDA na ang nagpu-procure ng mga sarili niyang toolkits at saka mga kagamitan na kailangan ng procurement, hindi na tayo nag-download sa PITC.

USEC. IGNACIO: Opo. Ms. Lina, ano naman po iyong paliwanag dito sa 160 million pesos na fund transfer ng TESDA sa regional offices ninyo para sa mga aktibidad ng NTF-ELCAC na ayon din sa mga kongresista ay wala daw ‘di umanong legal basis ito?

TESDA DDG SARMIENTO: Iyon pong 160 million na sinasabing trinansfer sa NTF-ELCAC, wala pong katotohanan na nag-transfer tayo ng pera sa NTF-ELCAC. Iyong 160 million, mayroong component ‘yan na 147 million, ini-release ito ng TESDA sa mga regional offices galing sa TESDA centrally-managed funds. Ito ay para sa scholarship funds ng 2020 GAA, doon siya kinuha at itong mga ito, with or without the NTF-ELCAC ginagawa ito ng TESDA. Ito ay mga scholarship programs na kinonduct [conduct] ng TESDA doon sa mga bundok, sa mga IP communities, sa mga communities kung nasaan iyong mga former rebels ‘no. So doon ginamit iyong 147 million ng out of the 160.

Iyon namang 12.7 na million na balance, ito naman ay galing doon sa budget para sa implementation ng EO 70 na intended for operating expenses ng 17 regions. So ito naman ay ginamit sa pag-i-implement ng EO 70 kaya walang bago iyong 160 million, ginagawa iyan, may centrally-managed funds ng central office, binababa sa baba for implementation of scholarship programs.

USEC. IGNACIO: Opo. Ms. Lina, panghuli na lang po ‘no, may pahabol lang na tanong si Vanz Fernandez ng Police Files. Ang tanong po niya: Nag-update lang siya sa mga enrollees sa TESDA ngayong may pandemic. Mga ilan na po ito at patuloy pa daw po ba ang pagkuha ng contact tracers scholars ninyo sa TESDA?

TESDA DDG SARMIENTO: Patuloy pa po ang pagkuha ng mga contact tracers, tuluy-tuloy pa rin iyong ating programa ng contact tracing. Pero iyong enrollment natin sa ngayon ay tuluy-tuloy naman, hindi ko lang hawak ngayon kung ilan pero palagay ko ang mga enrollment natin umabot na sa 200,000 kasi ang target enrollees natin for the year ay 300,000. So ngayon nasa 3rd quarter na tayo so palagay ko mayroon na tayong mga 200,000 enrollees.

USEC. IGNACIO: Okay. Maraming salamat po sa inyong paglilinaw, TESDA Deputy Director General Lina Sarmiento. Ms. Lina, mabuhay po kayo at stay safe po.

TESDA DDG SARMIENTO: Maraming salamat, Usec. Rocky. Maraming, maraming salamat sa pagkakataon. Thank you.

USEC. IGNACIO: Samantala dumako naman tayo sa mga huling tala ng COVID-19 sa bansa:

  • As of 9 P.M. kahapon nakapagtala ang ating bansa ng kabuuang bilang na 2,509,177 na mga kaso ng COVID-19.
  • Nananatiling mataas sa bilang na 18,449 ang mga bagong nagpositibo sa virus kahapon.
  • Higit naman na mataas ang mga bagong gumaling kahapon na nasa 21,811 kaya naman umabot sa 2,313,412 ang total recoveries sa bansa.
  • Kagabi po ay muli namang nakapagtala ng COVID-19 deaths ang Department of Health, siyamnapu’t tatlo (93) po ang mga pumanaw kaya ang kabuuang bilang na ng mga nasawi sa sakit ay nasa 37,494. Ayon sa Kagawaran, iri-report po nila ang naging backlog sa COVID-19 deaths nitong mga nagdaang araw sa isang hiwalay na advisory.
  • 158,169 naman po sa mga ito ang nananatiling aktibo sa ngayon o 6.3% ng kabuuang bilang.

Patuloy pa rin tayong mag-ingat dahil hindi pa tapos ang pandemya. Bagama’t pinaluwag na ang ilan sa mga ipinatutupad na protocol ay manatili pa rin tayong mahigpit sa pagbabantay ng ating kalusugan.

Sa kabila nang bumubuting vaccination rate dito sa Metro Manila kung saan itinuon ng pamahalaan ang karamihan sa supply ng bakuna para umano mapabilis ang pagbubukas ng ekonomiya ng Pilipinas, dumaraing naman po ang mga lokal na pamahalaan sa labas ng kapital ng bansa – tila sila naman daw po ang napag-iiwanan. Kaya dapat lang na mabigyan na rin sila ng fair share na supply ng bakuna.

Kaugnay niyan ay makakausap po natin sa linya ng telepono ang Pinuno ng Union of Local Authorities of the Philippines at Quirino Governor Dakila Carlo Cua. Magandang umaga po, Governor Dax!

QUIRINO GOV. CUA: [Dialect]

USEC. IGNACIO: Opo. Governor, kumusta po iyong sitwasyon ng pagbabakuna sa ngayon sa mga probinsya? Talaga po bang may kakulangan pa rin sa supply na dumarating sa inyo despite po ng national government saying na unti-unti naman pong dumadami na ang supply ng bakuna, Governor?

QUIRINO GOV. CUA: [Garbled] sa ano po, sa [garbled] the National Task Force [garbled]… sa October, equitable talaga ang gagawin nilang distribution para nga po makahabol naman ang the rest of the country doon sa ating hinahabol na herd immunity po. [Garbled] pilit pong humahabol ngayon [garbled].

USEC. IGNACIO: Opo. Pero, Governor, anu-ano pong probinsya itong tinutukoy ninyo na siyang tanging nakakatanggap lang nang sapat na bakuna? Kayo po ba sa Quirino, ilan lang po ang natatanggap ninyo nitong mga nagdaang buwan?

QUIRINO GOV. CUA: Sa Quirino naman po, hindi naman po ako nagku-complain dahil [garbled]… isa na po diyan si Iloilo City Mayor [garbled] has always [garbled] for a more balanced distribution sa mga kanayunan or cities outside the Metro Manila area. But as explained by the NTF po, Usec., na noong nakaraang mga buwan [garbled] nag-concentrate po talaga sa NCR ang DOH dahil nga po sa kagustuhang ma-address iyong mga hotspot ‘no, iyong mga—kung saan may mga surge.

Ngayon naman po, committed by NTF and DOH na a more balanced and equitable distribution will already commence. So sa ngayon [garbled]… ng vaccine [garbled] sa ating mga probinsya.

USEC. IGNACIO: Opo. Governor, pero pagdating po sa logistics at storage, wala na po bang masyadong problema dito lalo sa mga malalayong mga probinsya?

QUIRINO GOV. CUA: Iyon talaga ang isang factor, Ma’am, kasi one of the reasons nga kung bakit some provinces like Iloilo [garbled] Province and those near Metro Manila are able to receive slightly higher amounts of vaccines is because of the storage solution. So iyong mga LGUs na nag invest in solutions – ay iyong transport, cold storage nakakatanggap po ng mga bakuna na mas maselan tulad po ng Pfizer, Moderna at Sputnik na iyong ibang talagang medyo [garbled] wala po kasi talaga itong infrastructure, doon na rin may problema. Kaya iyon po ang nagiging bottleneck siguro noong ibang probinsya, Ma’am.

USEC. IGNACIO: Opo. Governor, pero ayon po sa inyong estimate ay 18 to 20 percent lamang po ang vaccination coverage na kinakaya ng mga probinsya, tama po ba ito? And with this rate, sa palagay ninyo po ba ay kailan po natin makakamit itong population protection sa mga probinsiyang ito?

QUIRINO GOV. CUA: Ma’am, iyon po ay [garbled] na around last month ‘no. So end of August, start of September nasa 18 to 20 percent po tayo. Hopefully nga [garbled] supply na [garbled] in the past couple of weeks ay sana makahabol na. Sa tingin ko po, sa paliwanag naman ng ating NTF [garbled] commitment ng mga [garbled] suppliers noong mga pharmaceuticals ay kaya naman siguro maabot natin iyong 50 to 60 percent by December, nationwide average I mean. So sa paliwanag at sa pagpresenta naman ng ating mga health [garbled] iyon lang talaga, nagiging [garbled]…

USEC. IGNACIO: Governor Dax Cua, susubukan po namin kayong balikan.  Governor Dax Cua, susubukan po namin kayong balikan, aayusin lamang po natin ang ating linya ng komunikasyon sa inyo, Governor?

Mula ng pumasok ang pandemya ay higit lalong nahirapan ang mga kababayan natin sa mga probinsiya kabilang na nga po rito ang mga residente ng Samar. Kaya naman nagpaabot ng tulong ang tanggapan ni Senator Go sa lugar. Lubos naman po ang naging pasasalamat ng mga residente doon, panoorin po natin ito.

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Samantala, balikan po natin si Quirino Governor Dakila ‘Dax’ Cua. Governor?

QUIRINO GOV. CUA: Magandang umaga po ulit,

USEC. IGNACIO: Opo. Pasensiya na po ano po. Governor palagay po ba ninyo ay napapanahon  na talagang payagan na rin na direktang  makipagnegosasyon ang mga LGUs sa vaccine manufacturers para po mas mapadali iyong pagbabakuna sa mga probinsiya. At [anong tulong] po ang maibibigay ni Secretary Galvez para po makipag-usap at makipagnegosasyon sa inyo ang mga vaccine manufacturer?

QUIRINO GOV. CUA: Yes, Ma’am, Usec., opo. Iyon po ang isa nating panawagan na sana mapabilis iyong  pagbibigay ng  commercially available or CPR (Commercial Product Registration) ng mga bakuna na binibigyan naman na rin sa ibang bansa para tuwina po, to be available in the botika iyong mga bakunang ito, private sector, mamamayan, even LGUs diretso na pong makakabili. Sa ngayon po kasi, kahit mayroon na po tayo iyong batas na ipinasa noong nakaraang March, ay may mga pharmaceuticals na ayaw pa rin pong makipag-deal with the LGUs. National government lang daw po talaga exclusively ang gusto nilang kausap. So, iyon po.

USEC. IGNACIO: Pero, Governor, wala po bang vaccine hesitancy sa bahagi po ng mga tao? [Talagang magpapabakuna] po ang nakakarami basta nandiyan na po iyong bakuna o may brand preference pa rin kayong nakikita?

QUIRINO GOV. CUA: Ma’am, sa tingin ko po iyong vaccine hesitancy, kung mayroon man po kaunting-kaunti na po talaga. Kasi napapansin namin ang mga panawagan sa amin noong iba ay gusto na nilang magpa-booster shot ano. Ang dami na pong humihingi ng booster shot, ang dami na rin pong humihingi na bakunahan iyong kanilang mga anak, dahil nag-aalala sila sa safety ng kanilang mga anak. So, parang mababa na po talaga iyong hesitancy. Iyong vaccine brand preferences, talagang nandiyan pa rin po iyan, pero sa tingin ko po, iba-iba na rin talaga ang mga preference. Iyong iba po, mas gusto nila iyong Asian manufactured, iyong iba po mas gusto nila iyong Western manufactured. So, may kaniya-kaniyang mga leanings iyong mga kababayan natin, iyon lang ang talagang naririnig po namin.

USEC. IGNACIO:  Governor, ngayon pong nagkukulang pa iyong supply, ano po ang ginagawa ng mga LGU para kahit paano po ay maprotektahan ang inyong mga mamamayan? Sumasapat po ba itong pagpapatupad ng quarantine restrictions sa mga probinsiya?

QUIRINO GOV. CUA:  Sa ngayon po, pilit namin talagang tinutupad pa rin iyong PDITR, ito pa rin iyong strategy ng ating bansa, iyong Prevent, Detect, Isolate, Treat and Reintegrate. So doon pa rin kami nagku-concentrate, kasama diyan ang management ng mga TIU, kasama diyan ang mga testing, border control, contact tracing. Talagang iyan lang po talaga. Isama rin iyong campaign for healthy lifestyle, sinasama rin namin iyong pagbibigay ng mga bitamina at mga supplements na makakatulong doon sa mga taong may comorbidity at mga senior citizens natin. So, iyon iyong mga interventions na ginagawa ngayon ng LGU habang hinihintay pa natin iyong bakuna.

USEC. IGNACIO: Pero, Governor sa ngayon, pinag-uusapan na rin po ba iyong posibleng pagpapalawig o pagpapalawak ng alert level system sa mga probinsiya? Sa palagay po ba ninyo ay nakahanda ang mga probinsya dito o tingin ninyo dapat talaga mas unahin muna ang bakuna?

QUIRINO GOV. CUA: Ma’am, iyong strategy na iyan kung iyan ang ipapatupad ng national government, I think all LGUs naman susuporta kami. Ang pakiusap lang naman talaga is educate us as early as possible, turuan na po kami ano iyong mga nagbago mula doon sa dating sistema, kasi gamay na natin iyong dating sistema eh. Kumbaga kabisado na ng ating mga tauhan, ng ating mga health experts, police, frontliners, alam na lahat ng gagawin.

So, kung magbabago tayo ngayon, sana ay himay-himayin at ipaliwanag na sa ating mga LGUs nationwide ano itong mga pinagkaiba para ito ay agad naming ma-adopt at hindi na kami mahirapan madiskubre pa kung ano iyong mga nagkaiba. So iyon ang isa lang na tingin namin very essential for the success of the transition to the new system.

USEC. IGNACIO: Governor, kami po ay nagpapasalamat sa inyong pagpapaunlak at sa inyong panahon. Mag-iingat po kayo, Quirino Governor Dax Cua, ang pinuno ng Union of Local Authorities of the Philippines. Mabuhay po kayo and stay safe po.

Dumako naman po tayo sa Cordillera Region, kumpirmadong kaso ng Delta variant sa Baguio City umabot na sa 25 katao. May balitang hatid si Jorton Campana, ng PTV Cordillera:

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Sa Cebu, daang-daang residente na dumalo sa isang fiesta kahit may pandemya, viral ngayon sa social media. Makikita sa video na nagsasayawan at nagtatalunan pa ang mga tao habang may nagbabanda. Ang detalye sa ulat ni John Aroa:

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Kahapon ng madaling araw ay niyanig ng magnitude 5.7 na lindol ang Looc, Occidental Mindoro, na naramdaman din hanggang sa ilang bahagi po ng MIMAROPA, Calabarzon at Metro Manila. Makibalita tayo sa naging epekto nito via phone patch kasama po natin si Miss Georgina Opinion, ang Information Officer ng Office of Civil Defense MIMAROPA. Magandang umaga po Ma’am!

OCD MIMAROPA INFO OFCR OPINION: Magandang umaga po ma’am at sa lahat po ng ating tagapanood at tagapakinig po.

USEC. IGNACIO: Opo. Kumusta po iyong sitwasyon diyan sa MIMAROPA, wala naman po ba tayong naitalang matinding pinsala o casualty nitong naging paglindol kahapon ng madaling araw?

OCD MIMAROPA INFO OFCR OPINION: Opo. Maraming salamat po sa pagpapaano po, pag-invite po dito sa aming interview ‘no. We are very glad to report po even though napakalakas po, hindi naman sobrang lakas pero niyanig po talaga iyong mga marami po sa mga areas natin sa MIMAROPA lalo na po diyan sa Looc at sa ibang parte po ng Oriental at Occidental Mindoro. So, even though naging malakas po iyong pagyanig ay very minor damages po iyong nai-report po sa atin ng ating mga local government units.

To specify po, sa Looc po for example ay nakaranas po ng—naka-experience po ng damaged wall po doon sa isang kusina, damaged wall po sa isang condemned building pero this are very minor that this amounted to a total of P15,000 worth of damages and we are glad to also report po na wala naman pong nasugatan at wala  rin namatay doon po sa nangyaring lindol kahapon ng madaling araw.

USEC. IGNACIO: Opo. Pero, Miss Georgina, kayo po ba ay nakaikot na, ang lokal na pamahalaan para tiyakin kung may hindi na—iyong structurally sound na mga bahay o goalie dahil sa lindol at ano po iyong maitutulong ng pamahalaan doon sa may makitaan ng biyak o sira ng imprastraktura?

OCD MIMAROPA INFO OFCR OPINIONOpo. Yes po, iyon pong ating mga local government units immediately noong pagkatapos po noong naranasan po na lindol ay nag-ikot po kasama po iyong kanilang barangay officials doon po sa kani-kanilang areas of responsibility ano po.

Kaya po nakakalap po sila ng mga reports katulad po noong mga galing po doon sa private houses na iyon at private buildings po no and doon po sa mga ibang areas naman po na wala pong nai-report na damages, sila rin po ay nagsabi po sa atin na sila po ay nag-ikot at wala naman daw po silang na-observe at nakita na mga ano po damages during the earthquake yesterday.

Pero, tayo po ay patuloy na nag-a-advice since kung na-monitor ninyo sa Phivolcs tayo po ay patuloy na nakakaranas ng mga aftershocks doon sa nangyaring lindol kahapon sa Looc. So, ang advice po natin sa kanila katulad na rin po ng advice ng Phivolcs ay patuloy pong mag-observe or mag-ikot-ikot po doon sa kanilang mga areas.

Kasi, sabi nga po ng Phivolcs, possible po na hindi po masira ang mga structures doon sa main earthquake pero baka po sa mga aftershocks na po dahil patuloy nga po ang pagyanig. Kaya iyon naman po ang sinasabi natin din sa ating mga communities na patuloy pong magmatyag at maging handa po doon sa mga possible na epekto ng lindol.

Regarding naman po doon sa possible na maitulong ng gobyerno doon sa mga kung sakali po ay katulad po ng mga nasiraan po ano. Although wala po sila na nai-report po sa atin ng [garbled] kung baga ay minor nga po siya katulad po noon dilapidated building, condemned building na malapit na rin po talagang tibagin and then iyong isa po is under construction po kasi iyong parte noong bahay kaya po nahukay po siya ‘no, nahukay kumbaga iyong pundasyon at noong niyanig ay madali po talagang bumagsak, very minor damages.

Pero nakaranas po sila ng mga malakihang damages na makakaapekto doon sa kanilang pamumuhay lalo na po ay mayroon pong mga ilang [unclear] po diyan na assisted po ng ating mga kasama sa local government unit kasama na rin po sa DSWD MIMAROPA po.

USEC. IGNACIO: Opo, at para naman po sa mga kababayan natin na mangingisda sa mga lugar na naapektuhan ng lindol ano po. Safe po bang pumalaot lalo na po na posibleng magkaroon pa rin ng malalakas na alon? Sabi ninyo nga po ay nakakaramdam pa rin kayo ng mga paglilindol?

OCD MIMAROPA INFO OFCR OPINION: Opo. Iyon pong mga lindol na nararanasan naman po dito sa Looc ay mostly main land po no. So, iyong mga—kung ang kinakatakot po natin ay tsunami for example na puwedeng pong magpataas ng alon ay ano po iyon kailangan manggaling po iyong lindol natin doon sa dagat or sa karagatan po. So, kung ganoon po ang mangyari ay talaga pong ina-advice natin ang ating mga local government unit na i-under take iyong kanilang tsunami evacuation measures.

Mabilisan po kasi talaga kapag tsunami ang pinag-uusapan, hindi na po iyong tipong we have another half day. So, ganoon po, ang Looc naman po at iyong naka-situate sa Lubang Island kasama na rin iyong Municipality of Lubang and that island po ay may mga magandang po ano tsunami evacuation measures. So, we expect po na during that time talagang wala na pong makakapagpalaot.

USEC. IGNACIO: Opo. Pero po, iyong [garbled] lang po Miss Georgina, sa ating mga kababayan. So, ano po iyong mga initial na dapat gawin sa oras na may mangyaring lindol?

OCD MIMAROPA INFO OFCR OPINION: Opo. Kung nakakasali po doon sa mga tinatawag natin nationwide simultaneous earthquake drill. Kaya lagi po nating ini-emphasize iyon na kahit po tayo ay tingin natin practice lang o parang paulit-ulit po ba sa palagay po natin na baka nagsasawa na iyong ibang sumali. Ano ba yan? Ganito pa rin iyong ginawa natin last month? Parang ganoon po ano.

So, we still advice po na seryosohin po nila iyong mga ganoong practice. Kasi, alam ninyo po based on experience talaga iyong mga malalakas na lindol, iyon pong mga ganoong klaseng practice ang nakakapagpaligtas ng buhay ng mga tao ano po. Iyon po bang paulit-ulit na pagsasanay kung ano ang mga dapat gawin kahit na hindi ka naman po talaga sigurado kung kailan po siya possible na mangyari.

Pero kapag tumama na po siya, kumbaga papasok iyong muscle memory po natin na tayo kapag yumanig po ng malakas ng ganoon, DUCK, COVER and HOLD po. Ibig sabihin mag-duck under a table o kaya ano sa furniture na matibay po iyon nakapag-shield po sa inyong katawan at sa ulo po. Tapos hawakan ninyo po iyong inyong pinagtataguan para hindi po gumalaw at hindi po kayo maiwan kumbaga doon sa sahig.

So, iyong mga ganoong klase po ano, ganoong klaseng advice po na ginagawa natin during earthquake drill, tapos iyong dapat familiar po doon sila doon sa evacuation measures no baka mamaya may assigned po na evacuation area sa kanila sa kanilang mga barangay local government unit. Pagkatapos po iyong DUCK, COVER and HOLD at tumigil na po iyong malakas na pagyanig ay lalabas na po dapat sila sa open area.

USEC. IGNACIO: Opo. Miss Georgina, maraming salamat po sa mga ibinigay mong impormasyon at sa iyong oras. Georgina Opinion, ang Information Officer ng Office of the Civil Defense, MIMAROPA. Mabuhay po and stay safe.

Samantala, puntahan natin ang mga balitang nakalap ng Philippine Broadcasting Service sa iba’t ibang lalawigan ng bansa, ihahatid iyan ni Ria Arevalo mula sa PBS-Radyo Pilipinas.

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo Ria Arevalo ng PBS Radyo Pilipinas.

Mula naman sa Davao Region, pagbibigay ng incentives planong gawin ng Davao City LGU sa mga residente para mas marami ang mahikayat na magpabakuna. May report si Julius Pacot. 

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo, Julius Pacot.

Maraming salamat din sa ating mga iba’t ibang partner agency para sa kanilang suporta sa ating programa at maging ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP).

Dito na po nagtatapos ang isang oras nating makabuluhang talakayan. Samahan ninyo kami muli bukas para sa mga napapanahong balita sa loob at labas ng bansa.

Paalala lamang po na patuloy tayong mag-ingat at manatiling ligtas lalo na at 88 days na lamang po at Pasko na.

Muli ako po si Usec. Rocky Ignacio at ito ang Public Briefing #LagingHanda PH.

 

###

 

SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)