Press Briefing

Public Briefing #LagingHandaPH hosted by Presidential Communications Operations Office Undersecretary Rocky Ignacio

Event Public Briefing #LagingHandaPH

USEC. IGNACIO: Magandang umaga, Luzon, Visayas at Mindanao. Isang umaga na naman po ang ating pagsasaluhan para linawin ang mga maiinit na isyu ngayon partikular na sa patuloy pagharap ng bansa sa pandemya. Makakasama rin natin ang puwersa ng PCOO para ihatid ang pinakabagong balita mula sa iba’t ibang probinsiya. At sa ngalan po ni Secretary Martin Andanar, ako po ang inyong lingkod, Usec. Rocky Ignacio at ito ang Public Briefing #LagingHandaPH.

Ngayong hinigpitan pa ng pamahalaan ang restrictions para mapigilan ang mabilis na pagkalat ng COVID-19 partikular na sa National Capital Region at mga kalapit-probinsiya, tiniyak ng pamahalaan ang pagbibigay ng ayuda sa mga apektadong Pilipino. Samantala, inilatag na rin ng pamahalaan ang magiging quarantine classifications sa iba’t ibang mga rehiyon pagdating ng Abril. Ang ulat mula kay Mela Lesmoras:

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Ngayong aprubado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ayuda para sa mga lubos na apektado ng Enhanced Community Quarantine sa NCR Plus Bubble, hiniling naman ni Senator Bong Go ang mabilis na distribyusyon nito ng mga lokal na pamahalaan. Panoorin po natin ito:

[VTR]

USEC. IGNACIO: Inaasahan ang mas mabilis pa na pagbabakuna ng bansa kontra-COVID-19 ito’y matapos dumating na sa Pilipinas kahapon ang isang milyong doses ng COVID-19 vaccines na binili ng pamahalaan sa kumpaniyang Sinovac. Ang ulat na iyan mula kay Allan Francisco.

Samantala, babalikan natin ang ulat na iyan ni Allan Francisco.

Inatasan po ng Pangulo ang DILG na mamahagi ng ayuda sa halos dalawampu’t tatlong milyong Pilipino na apektado ng panibagong ECQ sa NCR Plus Bubble; ano po kaya ang strategy diyan ng ahensiya, alamin po natin iyan kasama si DILG Undersecretary Martin Diño. Magandang umaga po, Usec.

DILG USEC. DIÑO: Magandang, magandang umaga, Usec. Rocky; at siyempre sa lahat ng nanunood ngayon sa atin dito sa ating programa, good morning po.

USEC. IGNACIO: Opo. Usec., tanong po ng marami ngayon, sino raw po ang mga qualified na mabigyan ng ayuda? Ayon po kasi sa presentation ng DBM kagabi, 22.9 million low income individuals. Ano po iyong magiging pamantayan dito?

DILG USEC. DIÑO: Dalawa iyong inilatag kahapon ‘no: Iyon ngang 1,000 per person, tapos mayroon 4,000 per family. So aayusin pang mabuti iyan. Pero ang malinaw sa akin ay ang ayuda na ibibigay ay in kind na. So ngayon, ito, dalawa rin ang ano, it is either ibibigay sa mga city mayor or ang city mayor will deliver to the barangay.

Alam mo naman, Rocky, noong nakaraan first tranche, iyong ayuda, hindi naman talaga sa barangay natin – tumulong lang ang barangay sa buong Pilipinas. Ang pera ay nabigay sa mga city treasurer at saka sa municipal treasurer kaya’t noong ibinaba sa barangay iyan, ang ginawang tulong lang ng barangay noon ay iayos ang venue, siguraduhin ang social distancing at saka iyong mga facilities at saka iyong security ay iayos.

Now, pagdating sa ayuda at pagkain ang pinag-usapan, nakita naman natin na noong nagpamigay ng pagkain ang barangay at ang mga city at municipality, nagkaroon tayo ng tinatawag na house-to-house. Sa mga bahay direktang binibigay para masigurado natin na walang lalabas ng bahay dahil during the ECQ noong una nating pinatupad iyan, talagang completely walang makakalabas ng bahay. Ang lalabas lang diyan iyong nabigyan ng quarantine pass.

Kaya lang ang pagkadiperensiya ngayon ay pinapayagan na, na lumabas iyong mga nagtatrabaho. Kaya ngayon kapag lumabas ka ng bahay sisiguraduhin mo na mayroon kang ID na ipakikita na ikaw ay papunta doon sa hanapbuhay na pupuntahan mo. So ngayon ito ang ating pinaghahandaan at kung ganiyan ang sistema, kayang-kaya ng barangay iyan, Rocky, dahil isang taon na tayo dito eh.

Kaya’t ako masisigurado ko na iyang distribution na iyan ay mapapabilis depende iyan kapag nabigay sa mayor, depende kung papaano idi-deliver ng mayor sa barangay. Pero kung barangay lang ang pag-uusapan, kapag na-deliver sa barangay iyan, pinakamatagal na niyang dalawang araw madi-deliver lahat iyan dahil may sari-sariling tauhan ang mga barangay up to street level.

USEC. IGNACIO: Usec., ito marami po kasing nagtatanong ano. Ang listahan po ba na pinagbasehan sa beneficiaries ngayon iyong ginamit po na pamimigay noong ayuda noong nakaraang taon? Ito po rin ba iyong gagamitin ngayon? Ibig sabihin po, iyon pong nakatanggap noong SAP noong nakaraang taon ay tiyak na makakakuha po ngayon?

DILG USEC. DIÑO: Palagay ko madadagdagan ngayon ‘no. Hindi ko pa alam kung ano iyong magiging scheme dahil mayroong sinabi kagabi na mayroon daw kada mamamayan may P1,000. Kaklaruhin natin nang mabuti iyon ‘no kung ano iyong binabanggit na iyon at ano iyong P4,000 per family. Pero kami nakahanda ang barangay diyan, may listahan kami. Kung ang listahan na gagamitin ay iyong listahan noong first tranche na kung saan, kasi per family iyon ano at naging smooth naman, mayroon lang mga ibang ilan na mga reklamo na kung saan mayroon daw namili, may naghati-hati. Eh ito in kind ang ipamimigay natin at definitely nagtanda na iyong mga ilang pasaway na barangay dahil 89 na barangay captain ang nasuspinde diyan ‘no. At dito naka-concentrate naman tayo sa Greater Metro Manila.

USEC. IGNACIO: Opo. Usec., magkano po iyong halaga na ibibigay na in kind assistance at bakit po by individual at hindi na by family ang pamamahagi ng ayuda ngayon? Hindi po ba mahirap ito or papaano ninyo gagawan po ito ng sistema na para po hindi po magtanong pa iyong ating ibang mga beneficiaries?

DILG USEC. DIÑO: Hindi pa nga tayo malinaw ano, kasi ito iyong mungkahi ni DBM Secretary Wendel na kung saan P1,000 iyong halaga ng package na ipamimigay. Hindi ko nadinig na sinabi niya na cash ang ibibigay kung hindi ito iyong halaga ‘no. Tapos iyon na nga may nabanggit din na may P4,000 naman per family. Kaya ito ay hintayin pa natin kung ano iyong talagang ipatutupad dahil ang tinanong ni Presidente kagabi, kung mayroon tayong pera at sinabi ni DBM Secretary na mayroong ready na halaga para diyan sa ayuda na iyan. Iyon ang maliwanag.

USEC. IGNACIO: Opo. Sa pagkakaalam ninyo po ba, Usec., ito ay one-time assistance lamang at kailan po iyong pinakamaaga na makukuha iyong ayuda na ayon na rin po sa direktiba ni Pangulong Duterte?

DILG USEC. DIÑO: Ayon sa direktiba ni Presidente in a week time iyan, as early as possible. Kaya dapat iyan ngayong araw na ito ay inaayos na iyan kung ano talaga iyong magiging pamamaraan namin ng pagpapamigay. Alam mo naman ang DILG ay nakahanda kami, ang barangay – kamukha ko, as undersecretary for barangay affairs – nakahanda ang aming mga barangay tungkol diyan. At kung sa kasanayan naman eh palagay ko sa isang taon ng COVID-19 na ito ay sanay na ang ating mga barangay. At siguro magtatanda na rin iyong mga iba na mga namimili o iyong mga gumagawa ng hindi maganda dahil nakita na nila seryoso tayo sa utos ni Presidente na ayaw niya na magkakaroon ng anomalya dito sa distribution na ito. Maliwanag iyan.

USEC. IGNACIO: Opo. Usec., anong distribution mode ang inihahanda ngayon ng mga LGUs kasi ayaw nga po natin na talagang lumabas iyong mga tao? Eh pero kung magdi-distribute po, baka po magkaroon ng mass gathering o magkumpulan dahil kailangan nilang kumuha ng ayuda. So, papaano ninyo po nakikita iyong tamang proseso para maiwasan pa rin po iyong paglabas ng tao dito sa pamamahagi po ng LGUs ng tulong?

DILG USEC. DIÑO: Walang pinakamaganda diyan kundi house-to-house dahil una nakita na natin ang effectivity niyan. At saka ang barangay, kabisado na nila kung sino iyong mga bibigyan niyan. Kamukha niyan, puwede ring scheduling kumukha ng nakita ko na scheme na ginagawa dito sa Valenzuela na kung saan mayroong mga coupon at doon sa coupon nakalagay kung anong oras ka pupunta doon sa distribution area. Pero walang pinakamaganda para sa akin diyan kundi iyong kamukha ng ipinalalabas ninyo diyan sa monitor natin ngayon na nakalabas ang mga silya tapos may pangalan iyan at ‘ayan, at ganiyan ang distribution na gagawin natin. Sa totoo lang, may tauhan kami para diyan. Mayroon kaming mga purok leader, mayroon kaming street leader para tugunan ng barangay iyang tamang distribution na iyan.

USEC. IGNACIO: Opo.  Usec., makakatiyak po ba daw iyong ating mga kababayan na wala nang magiging aberya sa distribyusyon nito?

DILG USEC. DIÑO: Palagay ko makakatiyak kayo, dahil in the event na mayroon na naman eh hindi naman tayo titigil nang pagpa-file ng reklamo laban dito sa mga barangay official na magsasamantala na naman dito sa ayuda na ito. At hindi kami mangingimi na magsuspinde o magtanggal dahil lang dito. Pero ako naman, mahiya naman kayo – pagkain lang ito – biro mo ito pa ang dahilan para matanggal kayo sa puwesto ninyo o kaya ay masuspinde kayo? Tandaan ninyo malapit na ang eleksiyon, baka mamaya maalala ng mga tao ang mga pang-aabuso na ginawa ninyo. At dapat siguro umayos kayo ngayon dahil ang Presidente na ang nag-uutos sa inyo niyan at ako naman, pagka ako ay inutusan ng ganiyan, agad-agad nagpa-file tayo ng reklamo. At of course, nagpapasalamat din ako sa Ombudsman dahil agad-agad din silang kumikilos para doon sa suspension noong mga inireklamo sa atin.

USEC. IGNACIO: Opo. Usec., panghuli na lamang ano po. Ito iyong ikalawang araw ng pagpapatupad ng ECQ sa NCR at saka sa iba pang karatig lalawigan. So, ano po ang naging assessment ninyo dito?

DILG USEC. DIÑO: Ang assessment natin, siyempre nahirapan na naman ang ating taumbayan ano dahil unang-una nagkaroon na naman ng confusion dahil dito sa Metro Manila, hindi ba nagkaroon tayo ng unified na 10 o’clock hanggang 4 o 5 o’clock ang curfew? Pagkatapos naging 6 ng gabi na naman ‘no. Pero nakita ninyo naman kagabi immediately, talagang nakita ninyo lumuwag iyong kalsada at wala nang lumabas.

Kaya lang iyong pagpasok na iyon sa trabaho, ito iyong pinakamahirap na dinadanas natin, ng ating mga mamamayan. Kamukha kanina naglakad na naman dito sa boundary ng Caloocan at saka ng San Jose Del Monte iyong mga tao. Dapat iyan nakahanda na na mayroon nang abang, in the event na nagkahirapan na ganiyan, may mga sasakyan na para masakyan noong ating mga mamamayan lalung-lalo na iyong mga nagtatrabaho.

At ang panawagan ko naman dito sa ating mga barangay, diyan pa lang sa barangay ninyo salain ninyo na, na iyong mga lalabas eh mayroong pupuntahan talaga na hindi lang mamamasyal o hindi lang kung saan pupunta. Iyong talagang papunta ng trabaho nila dahil babalik at babalik iyan, pababalikin sila ng ating mga kapulisan pagdating sa checkpoint. Kaya huwag na silang maghirap, iyan ang ina-announce ninyo na doon sa ano na ilang linggo lang naman itong gagawin natin na ito, sampung libo na iyong nahawa, buhay na ang pinag-uusapan natin dito.

Pero siyempre iyon namang mga lehitimong naghahanapbuhay, kaya nga kung maaari nga mag-isyu na naman kayo ng quarantine pass para hindi na mahirapan iyong mga ano pagdating ng checkpoint, ipapakita lang iyong mga inisyu ninyo eh. Para tuluy-tuloy, pero siyempre diskarte ninyo iyan, may kaniya-kaniyang diskarte bawat isang LGU, tapos bawat isang barangay.

USEC. IGNACIO: Okay. Maraming salamat po (garbled).

DILG USEC. DIÑO: Okay. Maraming-maraming salamat at again, ang ating panawagan ano, protocol lang po, wearing of face mask, wearing of face shield, social distancing, tapos magtiis na po tayo, dahil kanina lang yata o kahapon dumating na iyong one million na bakuna. Parating na po iyan kaunting tiis na lang mga kababayan at malalagpasan natin ito. Maraming-maraming salamat po at mabuhay kayo.

Doon lang sa mga kapitan ayusin natin, paghandaan natin itong dadating na ayuda at wala na iyong mga mag-aabuso at sana ay wala ng masumbong sa inyo. Maraming salamat po.

(COMMERCIAL BREAK)

USEC. IGNACIO: Nagbabalik po ang Public Briefing #LagingHandaPH. Isa po sa pinakanahihirapan ngayong pandemya ay ang ating mga ospital lalo na at walang tigil muli ang ina-admit na pasyente ng COVID-19 at hindi lang mga pampublikong hospital ang nakakapagtala po ng full capacity, dahil ito na din po iyong sitwasyon sa mga pribadong medical institution. Sa ganitong sitwasyon, paano nga ba nila siniserbisyuhan ang mga kababayan nating lumalaban sa sakit, makakasama po natin ngayong umaga si Dr. Jose Rene De Grano, ang presidente po ng Private Hospitals of the Philippines Incorporated. Good morning po, Doc.

DR. DE GRANO: Magandang umaga po, Usec. Rocky.

USEC. IGNACIO: Doc, sa monitoring ninyo ilan na po sa mga miyembro ninyo iyong nasa full capacity na at hindi na po makakatanggap ng panibagong pasyente dahil sa COVID-19?

DR. DE GRANO: Well, ang mas marami po talaga iyong mga nandoon sa mga urban areas, lalo na ang National Capital Region at saka iyong kasama doon sa NCR Plus Bubble ‘no. And then of course doon sa mga ibang regions like Region VI, Region III, Region VII, pati Region II po, doon na po sila sa puntos na high risk level of occupancy at ang iba naman po ay nandoon na sa critical level or more than 85% ang occupancy.

USEC. IGNACIO: Pero Doc, may sinabi nga po kayo, may high risk at ngayon ay may critical. Pero sa kabuuan po ba maaari po ba ninyong sabihin o maituring na nasa critical situation na po iyong ating mga pagamutan at ano po iyong… bukod po sa mga nabanggit ninyo, ano pa po iyong mga indicators na nakikita ninyo?

DR. DE GRANO: Medyo po kasi—alam ninyo itong datos na nakikita natin halimbawa na nape-present po sa Department of Health, ito po ay mga reports na nakukuha natin. Halimbawa kahapon, pinasa ng mga hospitals, pero hindi karamihan po dito ay hindi naman kumpleto, tapos hindi pa rin ito po kasama iyong mga pasyente na nakapila sa emergency room, iyong mga pasyente po na presently ay posibleng i-transfer from other facilities, kaya po iyong mga talagang kapag sinabi po ng isang hospital na they are almost full capacity ay usually po ina-assume na natin na talagang 100% capacity na po iyan. Kasi po ang isa pang problema ay hindi naman tayo puwedeng basta-bastang mag-expand ng number of beds kasi po kulang din po ang ating staffing.

USEC. IGNACIO: Pero Doc, paano iyong ginagawa ninyong adjustment na makapag-comply din po doon sa ipinalabas ng IATF resolution ano po na mag allot po muli ng 30% bed capacity para po sa mga COVID-19 patients at suspendehin muna hangga’t maari iyong mga non-COVID related operations ng ospital, tama po ba ito?

DR. DE GRANO: Yes po. Actually the private hospitals are trying… we are trying our best na mag-comply with the increase in allocation to 30%, pero limited din po siyempre ang resources ng mga hospital dahil ito po ay depende sa number of available na staff na puwedeng mag-man ng mga COVID cases. Kasi hindi naman pupuwede na magdagdag lang  na magdagdag ng kama at mga pasyente pero kung kulang po ang mga nagma-manage na mga nursing staff at saka iyong iba ay hindi ma-manage ng mabuti ang ating mga pasyente.    Kaya po iyong sinasabi ng Department of Health na magpapadala sila ng augmentation personnel, maganda po iyon kung sakaling magagawa nga po iyon at nang magkaroon po sana ng mahusay na koordinasyon sa mga private hospitals at sa mga government agencies.

USEC. IGNACIO: Within your group po, Doc, may ginagawa ba kayong referral system kung sakaling puno na po iyong isang ospital, ano po? Ano iyong pagkakaroon ninyo ng ugnayan dito naman po sa One Hospital Command Center?

DR. DE GRANO: Iyon po ang talagang ginagamit naming, kasi right now, iyong One Hospital Command Center, sila po talaga ang medyo nakakaalam kung ano talaga ang mga available pa na kama, let’s say sa loob ng National Capital Region. Kaya lahat po ay kinu-coordinate namin sa kanila at iyon din po ang ginagawa rin namin kung halimbawa ang mga ospital po namin ay maraming tumatawag at talagang wala na rin po kaming paglagyan. Sinasabi naman po namin sa kanila na doon po sila tumawag sa One Hospital Command Center nang sa ganoon po ay mas madali silang mai-transfer o mabigyang ng mga facilities na available pa po ang mga kama.

USEC. IGNACIO: Opo, dahil nga po dito sa sitwasyon, ano po. Doc, so paano ninyo naman daw po pinapangalagaan ang inyong medical workers? Hindi naman daw po ba kayo nahihirapan doon sa supply ng kanilang mga protective equipment? At siyempre, kumusta po iyong sinasabing supply ng gamot para po dito sa mga COVID patients?

DR. DE GRANO: Sa ngayon naman po, so far, iyong mga PPEs na binibigay natin sa ating mga personnel ay sapat naman po. Iyon nga lang, medyo tumataas minsan, katulad po noong mga gloves, ang taas-taas na ngayon. Dati ano lang po iyon, mga 300 plus; ngayon nagdoble po kung magkano ‘no, nagdoble po ang presyo, naging 600 plus na po ang bawat isang box.

Ngayon, nagagawan naman po ng paraan at iyon po, lahat po ng mga kawani namin at mga personnel, binibigyan po of course namin ng kinakailangang protective equipment. Kasi kung hindi naman po, ay mas delikado po kasi kapag nabawasan iyong aming mga nasa linya at nagkasakit sila ay lalong mahihirapan ang hospital.

Iyon naman pong mga gamot, iyong sinasabi nila na nagkakaroon po ng kaunting shortage dahil po sa taas ng demand. Pero sinasabi nila na may darating na pong mga supply.

USEC. IGNACIO: Opo. Doc, bigyan-daan naman natin iyong tanong ng ating mga kasamahan sa media, ano po, para sa inyo. May tanong po si Red Mendoza ng Manila Times: Sinabi po ng PhilHealth na may 87% na mga claims ay nabayaran na nila at ang remaining claims daw po ay hindi na ipa-process dahil sa kakulangan diumano ng dokumento or may paglabag sa polisiya ng PhilHealth. So ano po ang masasabi ninyo rito?

DR. DE GRANO: Well, doon po sa aming mga miyembro, sinasabi po nila na hindi pa rin sila nababayaran ‘no. Ang sinasabi na lang namin sa PhilHealth, siguro magkaroon ng reconciliation between our members at saka sa kanilang agency, at sa PhilHealth, para makita kung alin ba talaga ang kulang ‘no. Kung tama ba talaga iyong pinadala nila, kung nabayaran ba talaga sila. Halimbawa, sinasabi kasi minsan ng PhilHealth, ‘Oh, nagpadala na kami ng pera diyan,’ pero sinasabi naman po ng aming ibang miyembro ay wala kaming natatanggap.

Kaya iyon lang po siguro, mas maganda mayroong kaunting coordination between the PhilHealth at saka our private hospitals para mag-reconcile sila ng kanilang mga data.

USEC. IGNACIO: Tanong pa rin po mula kay Red Mendoza: Ano na po ang kailangan ninyong tulong sa Department of Health ngayong tumataas ang mga kaso sa mga pribadong ospital? Nakikipag-coordinate ba kayo sa team ni Undersecretary Bong Vega para mailipat daw po ang mga mild at asymptomatic paalis ng hospital?

DR. DE GRANO: Well, iyon po, nakikipag-coordinate kami with the One Hospital Command dahil iyon lang po talaga. Dahil kung iyon pong pagta-transfer at saka iyang pag-aasikaso ng mga sobra-sobrang patient ay itatalaga pa po natin sa ating mga kawani ay medyo mahihirapan po ang mga ospital. Mabuti nga po at mayroon iyon pong pinangungunahan ni Dr. Vega na One Hospital Command. At doon po, through the coordination with them ay medyo napapadali po ang paglilipat at paglalagay o pagta-transfer ng mga ibang pasyente.

USEC. IGNACIO: Opo. Panghuli na lamang pong tanong niya: Ano po ang kailangan ng mga pribadong ospital para makaagapay sa mga dumaragdag na kaso ng COVID sa bansa?

DR. DE GRANO: Well, sa totoo lang po, kung ano po ang kinakaya ng mga private hospitals, ginagawan po ng paraan ng private hospitals, iyon po ano kasi ang ano naman po namin siyempre, kung hanggang kaya ng aming mga personnel ay tatanggap po kami ng pasyente.

Of course, ang nagiging problema po ngayon ng mga private hospitals is funding. Ang isa pong source ng aming funding, of course, ay iyong sa PhilHealth. Sana po ay matulungan kami dahil alam po din namin na may problema rin ang PhilHealth right now. Pero sana naman po ay matulungan iyong aming mga maliliit na hospital na makapag-reimburse sila sa kanilang mga claims sa PhilHealth nang sa ganoon po ay matulungan din po ang aming mga private hospitals na kasama at nang sa ganoon ay maipagpatuloy po namin ang aming mga pagtulong sa ating mga sambayanan.

USEC. IGNACIO: Opo. Doc, panghuli na lamang ‘no. Kasi po umiiral na ngayon, ikalawang araw po ng pagpapatupad ng ECQ sa NCR at ilang karatig-lalawigan, kayo po ba ay nakikita ninyo na sapat po itong isang linggo para po mapababa iyong ating mga kaso na. Mukhang sumisigaw na po ba o humihingi na ng timeout ang ating mga ospital, Doc?

DR. DE GRANO: Well, maganda po actually ang ginawa na ECQ na iyan dahil iyan po, that will help in preventing po iyong pagsama-sama ng mga tao, that will lessen po iyong interaction ng mga tao at mapapababa natin supposedly ang number of infections. Pero hindi po agad natin iyan makikita after one week. Baka another week or two pa bago natin makikita iyong epekto po ng ating ginagawang lockdown na iyan. At hopefully naman po kapag napababa natin iyan ay medyo makakabalik na rin po ang mga hospitals sa kanilang dating mga sitwasyon na hindi po masyadong nahihirapan pati ang ating mga health-care workers.

USEC. IGNACIO: Okay. Kami po ay nagpapasalamat sa inyong panahon, Dr. Jose Rene De Grano, ang presidente po ng Private Hospital of the Philippines, Inc. At, Doc, lagi pong bukas ang aming programa para sa inyo, ano po. Salamat po.

DR. DE GRANO:  Salamat po, Usec. Rocky at sa mga nakikinig. Thank you.

USEC. IGNACIO: Salamat po.

Samantala, inilatag ng Department of Health ang listahan ng comorbidities na prayoridad sa pagbabakuna kontra-COVID-19. Samantala, nagpaalala naman ang Department of Health na wala pang gamot ang napatunayan na kayang magpagaling ng mga tinamaan ng COVID-19. Ang detalye mula kay Kenneth Paciente:

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Isa po sa mga ipatutupad ngayon bilang pagbangon ng ating bansa sa kabila ng pandemya ang pagkakaroon po ng face-to-face classes sa mga higher education institutions sa bansa. Dalawampu’t apat po na colleges and universities ang pinayagan ng CHEd na magbukas na ng kanilang mga classroom para sa mga estudyante. patungkol diyan ay makakasama po natin si Commission on Higher Education Chairperson Prospero ‘Popoy’ De Vera III. Magandang umaga po, sir.

CHED CHAIR DE VERA: Magandang umaga naman sa’yo at sa iyong mga tagapakinig at tagapanood.

USEC. IGNACIO: Sir, welcome back po sa ating Laging Handa Public Briefing ano po. Ngayon pong patuloy na lumulobo ang bilang ng mga nagpupositibo sa COVID-19 kada araw, ang tanong po ng marami ngayon ay kung itutuloy pa rin po ba ng mga HEI para sa face-to-face classes?

CHED CHAIR DE VERA: Actually ang 20 po na inaprubahan na iyan ay mula noong January pa iyan noong pinayagan ng Pangulo iyong limited face-to-face sa medicine and allied health sciences, sa buong Pilipinas iyan.

Iyong mga eskuwelahan na nasa NCR at sa mga karatig na lugar na mataas ang incidence, bago pa mag-issue ang IATF nitong ECQ ay actually tinigil na nila. Unang-una binawi nila iyong mga estudyante galing sa mga ospital dahil iyang mga ospital mismo ay nagsabi na mataas na ang incidence ng COVID at hindi masyadong ligtas ang mga batang pumunta doon.

So pinull-out na nila clinical interns nila even before tumaas iyong… noong nagsisimulang tumaas pa lang iyong COVID cases. At dito sa NCR, lahat noong limited face-to-face ay nakatigil habang kinu-control natin iyong virus. Pero sa mga ibang lugar sa Pilipinas na hindi naman naka-ECQ, doon ay mayroon pang limited face-to-face.

So kasama iyan doon sa guidelines ng CHEd at DOH na ‘pag tumaas ang incidence at nag-uusap ang mga university at iyong local government, agad silang magriresponde at ititigil muna iyong limited face-to-face kapag tumataas ang incidence at hindi sigurado iyong kaligtasan ng mga bata.

So wala tayong problema diyan sa limited face-to-face dahil very responsible iyong mga university. Bago pa lang mag-declare ng ECQ ay tinigil na nila iyong kanilang limited face-to-face dito sa NCR at mga karatig na lugar.

USEC. IGNACIO: Opo. Pero sa opinyon ninyo po sir, sa susunod na semester ay maaari makapagbukas na itong dalawampu’t apat na colleges and universities na makapag-face-to-face o iyong tinatawag nating limited face-to-face classes, sir?

CHED CHAIR DE VERA: Eh depende sa sitwasyon on the ground. Kaya hindi naman kasi naglalabas ang Komisyon ng isang policy para sa buong Pilipinas kasi hindi puwede ang one-size fits-all dahil iba-iba ang kondisyon ng COVID on the ground. So ang ating binibitawang guidelines ay binibigyan natin ng kaukulang responsibilidad ang mga pamantasan at local governments at ang IATF doon sa lugar na continuous iyong kanilang pag-uusap at kung naku-control na ang COVID ay puwedeng mag-limited face-to-face; kung tumataas ay agad ititigil at hihintayin ang tamang panahon para ito ay ipagpatuloy.

So, iyan ang nangyayari on the ground, kasi alam mo iyong ibang pinayagang mag-limited face-to-face, hindi lang naman iyong limited face-to-face ang ginagawa ng mga pamantasan. Sila ay nagpa-function din bilang vaccination center. Iyong anim na pamantasan na pinayagan natin simula noong January, ginamit na iyong kanilang facilities as vaccination center, kasama ang St. Louis University sa Baguio, ang UST dito sa Metro Manila, ang Our Lady of Fatima. So double purpose iyong pag-retrofit noong mga campuses, hindi lamang para makapag-limited face-to-face ang mga bata para tumulong din sa vaccination drive ng government.

In fact ngayong alas-dos ng hapon, uupo ako kasama ng DOH at iyong lagpas 30 pa na mga universities na nag-retrofit para pag-usapan kung paano puwedeng gamitin iyong kanilang facilities sa expanded vaccination program. Kasi alam  mo kapag nakapag-retrofit na iyong isang pamantasan siguro tayo sa kaligtasan niyan kasi mayroon na  silang  signages, mayroon silang health  protocols,  nakadistansiya na iyong mga upuan at mayroon silang facilities tulad ng gym nila na puwedeng gamitin sa pangmaramihan na vaccination.

So, I think by this afternoon  siguro may magandang balita na tayo kung ilan pang mga pamantasan ang  makikipagtulungan sa local governments para dagdagan iyong vaccination centers na gagamitin natin mula  itong mga susunod na linggo.

USEC. IGNACIO: Ilang individual na po ang nag-positive sa COVID-19 ang magiging batayan para kanselahin na muli ang face-to-face classes sa isang paaralan po, Chair at paano po iyong reporting nito a LGU ba o diretso po sa CHED?

CHED CHAIRPERSON DE VERA: Ang guidelines nito ay kapag may nag-positive sa mga estudyante automatic tinitigil ang limited face-to-face, hindi question ang kung ilan. Kung mayroon automatic ititigil, iyan ang guidelines. Kasi doon sa mga unang pinayagan, halimbawa, ang UP-College of Medicine, iyong kanilang mga estudyante sa first two months ng limited face-to-face nila ang transmission is zero. Ibig sabihin kung susundin talaga iyong guidelines, ligtas ang mga estudyante. Ganoon din ang lumabas sa Our Lady of Fatima noong nagbukas sila ng limited face-to-face. Iyong first month of operation nila, zero ang transmission.

Ibig sabihin iyong preparasyon na ginagawa ng mga eskuwelahan ay tama at iyong koordinasyon nila sa local government ay tama. So ang sinasabi ko lang po dito, huwag po tayo mag-aalala para sa mga magulang at mga estudyante na nagli-limited face-to-face. At tayo po ay tuluy-tuloy ang monitoring natin at hindi po malalagay sa alanganin ang kaligtasan ng inyong mga anak. Sisiguruhin po natin iyan.

USEC. IGNACIO: Okay, maraming salamat po sa inyong pahayag at panahon, chairperson Prospero ‘Popoy’ De Vera III ng Commission on higher Education, mabuhay po kayo.

CHED CHAIRPERSON DE VERA: Maraming salamat din. Mabuhay kayo.

USEC. IGNACIO: Samantala, bago magtapos ang fire prevention month ay patuloy pa rin ang pagbibigay ng tulong ng tanggapan ni Senator Bong Go sa  mga nawalan ng ari-arian dahil sa sunog, ilan na rito ang residente ng Baliwasan Seaside sa Zamboanga City. Narito po ang report.

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Pagkaraan ng maraming taon, may matatawag na sariling bahay ang ilang residente ng Tacloban city na biktima ng Bagyong Yolanda dahil iniabot na sa kanila ng National Housing Authority ang titulo ng lupa para sa pabahay sa kanila ng pamahalaan. Bukod dito ay may ibinahagi rin tulong ang mga ahensiya ng pamahalaan at tanggapan ni senator Bong Go at sa iba pang sektor sa Tacloban. Alamin natin ang detalye.

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Samantala, isa pong balita na pumanaw na daw po ang beteranang singer na si Miss Claire Dela Fuente. Si Miss Claire Dela Fuente po ay 62 taong gulang. Sa ngayon po ay wala pang opisyal na pahayag ang pamilya ng OPM icon at humihingi muna ito ng privacy. Nakikiramay po ang PTV sa pamilya ni Claire Dela Fuente.

Samantala, kinumpirma ni PCOO Secretary Martin Andanar na nagpositibo siya sa COVID-19. Ayon kay Secretary Andanar wala siyang nararamdamang ano mang sintomas sa sakit pero siya ay naka-quarantine at may contact tracing na rin para sa kaniyang mga nakasalamuha kamakailan. Pagtitiyak ng kalihim, maayos naman ang kaniyang kalagayan at ipagpapatuloy pa rin sa pagtatrabaho habang nagpapagaling.

Kasabay nito, mariin namang iginiit ni Secretary Andanar na huwag maniwala sa mga nagpapakalat na lumabag siya sa travel restrictions, dahil kailan man hindi niya ilalagay sa panganib ang buhay ng ibang tao. Dahil sa kaniyang sitwasyon, panawagan ng Kalihim sa publiko, manatiling maging alerto at ibayong mag-ingat laban sa COVID-19 dahil tunay na maaari nitong tamaan ang sinuman. Sa katunayan maliban kay Secretary Andanar, kinumpirma din ni Quezon City Joy Belmonte na muli siyang nagpositibo sa COVID-19 at may mild symptoms. Sa ngayon ay nagsasagawa rin ng contact tracing ang City Epidemiology and Disease Surveillance Unit sa mga nakasalamuha ng alkalde.

Samantala, dito po nagtatapos ang programa. Hiling naman po namin ang mabilis na paggaling ng aming Kalihim na si Secretary Martin Andanar mula po sa COVID-19. Get well soon, Secretary.

Ako po si USec. Rocky Ignacio mula sa PCOO. Magsama-sama muli tayo bukas dito lamang sa Public Briefing #LagingHandaPH.

 

###

 

SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)