Press Briefing

Public Briefing #LagingHandaPH hosted by Presidential Communications Operations Office Undersecretary Rocky Ignacio

Event Public Briefing #LagingHandaPH
Location PTV

USEC. IGNACIO: Mapagpalang umaga, bayan. Ako po si Usec. Rocky Ignacio mula sa PCOO. Ngayong Martes ng umaga, hihimayin natin ang mga maiinit na isyu sa ating bansa kabilang ang pinakahuling ulat ng NDRRMC sa volcanic activity ng Bulkang Taal, pag-uusapan din po natin ang reopening ng NAIA Terminal 4 at maging ang libreng sakay na handog ng MRT 3. At mamaya po makibalita rin tayo sa muling pagsisimula ng Balikatan Exercises 2022 kung saan higit walong libong Pilipino at Amerikanong sundalo ang lalahok ngayong taon.

Simulan na po natin ang Public Briefing #LagingHandaPH.

Nanawagan ang Department of Agriculture sa poultry farm owners at local government na maghigpit sa pagpapatupad ng surveillance, diagnostic at biosecurity protocol laban sa H5N1 avian influenza or bird flu kasunod ito ng pagkalat ng bird flu sa ilang lugar ng Nueva Ecija, Bataan, Tarlac, Sultan Kudarat at Benguet. Ang bird flu ayon sa Department of Agriculture, kailangang mabilis na i-report ang mga pinaghihinalaang kaso para hindi na ito kumalat sa ibang lugar. Sa ngayon, mahigpit na ipinatutupad ang transport ban ng domestic wild birds, poultry at poultry byproducts sa mga lugar na apektado ng bird flu. Hindi lang aniya ito banta sa poultry industry kung hindi pati na rin sa kalusugan ng tao.

Binisita ni Senator Bong Go ang Island City Garden of Samal para manawagan sa mga residente doon na patuloy na suportahan ang mga nasimulang programa ni Pangulong Rodrigo Duterte. Narito ang report:

[VTR]

USEC. IGNACIO: Samantala makibalita naman tayo sa pinakahuling sitwasyon ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal sa Batangas. Makakausap po natin si Mark Timbal, ang Spokesperson ng NDRRMC. Magandang umaga po, sir.

NDRRMC SPOKESPERSON TIMBAL: Usec. Rocky, good morning po at sa lahat po ng mga kasamahan natin, mga kababayan po natin. Good morning.

USEC. IGNACIO: Good morning po. Sir, nasa ilang pamilya na po ang nailikas dahil sa sunud-sunod na volcanic activity ng Taal?

NDRRMC SPOKESPERSON TIMBAL: Opo, ma’am. Tuluy-tuloy po ang ating evacuation activities na pinangungunahan ng ating mga local government units diyan sa may high-risk areas, mga malapit diyan sa Bulkang Taal. Umabot na po tayo ng 3,771 katao o 1,142 families ang nag-i-stay ngayon sa mga evacuation center – bale 17 evacuation centers po ang ginagamit natin para may matuluyan sila. At napabalita din po sa atin na mayroong 265 families o 1,203 persons ang lumikas din pero nakituloy po sa mga kamag-anakan po nila and friends sa ibang lugar po sa Batangas, ma’am.

USEC. IGNACIO: Opo. Bukod doon sa mga kamag-anak, saan-saang LGU pa rin po dinala itong mga pamilyang inilikas? Kumusta po [ang] kanilang kalagayan sa ngayon?

NDRRMC SPOKESPERSON TIMBAL: Yes po, ma’am. Ang mga LGUs po natin na affected ay ang Agoncillo, Balete, Cuenca, Laurel, Lemery, Talisay and San Luis. At okay naman po iyong ating mga kababayan dahil tuluy-tuloy po iyong mga pagbibigay ng family food packs mula sa LGU. Ang Provincial Government naman po ng Batangas ay may augmentation supply at nakaantabay po ang supply sa Regional Disaster Council pati sa National Disaster Council. Dito po ay mabilis po nating maipapadala ‘pag kinailangan po ng ating mga LGU counterparts po diyan.

USEC. IGNACIO: Opo. Sir Mark, nasisiguro po ba ng NDRRMC o ng awtoridad na talagang wala ng individual ang mga nasa classified high-risk barangay?

NDRRMC SPOKESPERSON TIMBAL: Opo. So far, ma’am, kasi ang assured po na wala na talagang community or tao ay iyong mismong volcano island. Pero doon po sa mga high-risk areas, iyan po ‘yung limang barangay – Bilibinwang, Banyaga, eastern sector ng Bugaan East, iyong Boso-boso at Gulod. Tuluy-tuloy po iyong pagkukumbinsi at pagsuyod ng ating mga local authorities para masiguradong ma-empty o maialis po lahat ng mga tao po diyan.

Ang nakakatuwa po dahil maaga pa lang noong Sabado, mabilis po na nakapag-evacuate – almost 900 people kaagad ang na-evacuate ng LGUs natin. Siguro po itong mga naiiwan na ito, iyong mga mangilan-ngilan na lang na mayroong mga pinag-aalalahanan sa mga kabahayan po nila. Pero sure po na ang tulong ng LGU, ng pamahalaang pangrehiyon at sa national ay nakaantabay po para sa kanila.

USEC. IGNACIO: Opo. Sir Mark, kung sakali pero huwag naman po sana ano po na lumala iyong sitwasyon ng Bulkang Taal, gaano po kahanda ang NDRRMC pagdating po sa mga problema na maaari po nating kaharapin?

NDRRMC SPOKESPERSON TIMBAL: Opo. Ang maganda po dito, Usec. Rocky, kasi noong 2020 tapos 2021 nagkaroon ng activities itong si Taal eh napaghandaan na po natin. Mayroon po tayong contingency plan for the Taal emergency at lahat po ng mga leksiyon na natutunan natin doon sa nakaraang mga operations natin ay ina-apply po natin ngayon. Sabi po ng PHIVOLCS babantayan po nila for close monitoring itong Taal for two weeks kaya po iyong preparation po natin for supply ay lagpas po for the two-week arrangement na iyan in case na magkaroon po ng extended stay.

Ang gusto po natin ay matugunan po talaga itong mga pangangailangan ng mga kababayan natin. Iyong ating mga kasamahan po from the uniformed services like AFP, PNP, Bureau of Fire and Coast Guard, lahat po ng assets po nila diyan sa area ay naka-ready for deployment para maka-assist sa mga evacuation activities pati rin po iyong mga personnel. Iyong ating DOH naman po and DSWD ay nakaantabay po para magbigay din ng suporta doon sa camp management and health situations, ma’am.

USEC. IGNACIO: Okay. Maraming salamat po, Mr. Mark Timbal, ang Tagapagsalita ng NDRRMC. Salamat po, Sir Mark.

NDRRMC SPOKESPERSON TIMBAL: Thank you po.

USEC. IGNACIO: Matapos po ang malakihang bawas-presyo noong nakaraang linggo, balik taas-presyo naman sa petrolyo ang naranasan ngayong araw ng ating mga kababayan. May pinakamalaking pagtaas ngayon ang kerosene na umabot sa P9.50 kada litro, sunod naman ang diesel na nasa P8.65 habang ang gasolina naman ay nasa P3.40. Karamihan sa mga kumpanya ng langis ay nagpatupad ng oil price hike kaninang ala sais ng umaga.

Samantala umabot na sa 65,640,834 ang kabuuang bilang ng fully vaccinated, iyan po ay ayon sa datos ng Department of Health kahapon, March 27, 2022. Mula March 21 hanggang March 27 nasa 2,726 ang mga bagong kaso ng COVID-19 ang naitala sa bansa. Ang average na bilang na nagpositibo ay nasa 389, mas mababa po ito ng 24% kung ikukumpara sa mga kaso noong Marso katorse hanggang a-bente. Sa ngayon po ay nasa 758 naman ang kabuuang bilang ng severe at critical cases. Samantala mayroon namang naitalang 752 na bilang ng mga nasawi sa nagdaang linggo.

Muli pong binuksan ang NAIA Terminal 4 para po makapaghatid ng serbisyo sa ating mga kababayan. Ngayong umaga po, makakausap natin si Attorney Eldric Peredo, ang Operations Head ng Civil Aeronautics Board. Magandang umaga po, Attorney.

CAB OPERATIONS HEAD ATTY. PEREDO: Magandang umaga po Usec. Rocky at magandang umaga po sa mga nanunood at nakikinig.

USEC. IGNACIO: Opo. Attorney, ilan po iyong karagdagang flights ang mabubuksan sa NAIA Terminal 4? Limited for domestic travels lang po ba ang mga biyaheng ito, Attorney?

CAB OPERATIONS HEAD ATTY. PEREDO: Ma’am Rocky, lahat po ng flights na nandoon sa Terminal 4 noong pre-pandemic ay ibabalik na sa Terminal 4 ngayon dahil nga sa pagbalik ng bilang at sigla ng ating airport operations. So nag-anunsiyo na ang mga dating nag-o-operate doon kagaya ng Air Asia para sa kanilang domestic flights pati na Cebgo.

Mayroon din pong mga mas maliliit na airline companies na babalik. Nandiyan po ang AirSWIFT, ano. Sa ngayon po, nabibilang natin, mga 14 routes ang mayroon ang Cebgo diyan sa Terminal 4. Ang AirAsia, lahat ng kanilang domestic routes, nasa 11 ang nabibilang natin ngayon. Ang AirSWIFT ay may tatlong ruta na papaliparin nila mula sa Terminal 4 po.

Pero ang capacity po ng Terminal 4, sa atin pong pagkakaalam, mako-confirm natin ito sa Manila International Airport Authority ay puwede na pong full ang pagbalik sa Terminal 4. At tama po kayo, Usec. Rocky, ito po ay limited lang po sa domestic travels.

USEC. IGNACIO: Pero, Attorney, nasa ilang pasahero sa tantiya ninyo iyong kaya pong serbisyuhan ng NAIA Terminal 4 araw-araw?

CAB OPERATIONS HEAD ATTY. PEREDO: Ayon sa ating MIAA, ang annual na kayang i-accommodate ng Terminal 4 ay nasa three million passengers. Annual po iyan. Sa ngayon, sa bilang ng mga ruta na nandoon, natatantiya natin na nasa mga 30,000 ang pasahero weekly kung mapupuno ng mga airline operators iyong kanilang bilang ng operations doon ngayon. At papalo iyan ng mga 1.5 million lang po annually. So hindi pa po mari-reach iyong capacity ng Terminal 4. Pero ang original design capacity po niyan according to our MIAA is around three million passengers annually po.

USEC. IGNACIO: Opo. Para rin sa kabatiran ng ating mga kababayan, marami po iyong nagtatanong kasi, kung mas magiging mahigpit daw po ba ang mandatory safety measures sa NAIA Terminal 4?

CAB OPERATIONS HEAD ATTY. PEREDO: Siyempre, Usec. Rocky, ay aasahan natin, i-expect natin na ipapatupad ang mga health protocols, parehas din ng mga ipinapatupad na health protocols sa ibang terminal. Pinaka-basic po diyan ay ang pagmintena natin ng tamang puwang sa pagitan ng mga bawat pasahero, pagsusuot ng face mask sa kabuuan ng kanilang pananatili sa loob ng terminal kung hindi naman kailangang-kailangan tanggalin.

So i-expect po natin ang enforcement nito sa pamunuan ng airport pati na rin iyong mga allied agencies, kagaya ng Office of Transport Security, ano po. Kasama rin diyan sa mga protocols siyempre ang tama at totoong deklarasyon kung mayroong nararamdaman, kung may karamdaman; at siyempre, vaccination status lalo kung ang destinasyon na liliparan ay may mga restrictions pa po or requirements sa mga pasahero bago sila papasukin sa mga LGU. Kapareho rin lang iyan, Ma’am, ng mga ipinapatupad sa mga ibang terminal.

Dito naman po, katulong naman ng pamahalaan ang mga airlines sa implementation ng protocol kasi sila po ang nagsusuri sa mga papeles kung maaari bang tumuloy o pasakayin sa eroplano ang mga pasahero. Kaya sang-ayon din ang CAB pati ang MIAA na ang mga tao, habang tayo ay nasasanay pa lamang na mabuhay kasama ang virus, dapat mag-adjust din sa pamamagitan din nang pagpunta sa paliparan nang maaga po kung tayo ay may biyahe para maiwasan po ang aberya dahil sa mga karagdagang protocol po na ito.

USEC. IGNACIO: Opo. Attorney, tungkol naman dito sa newly inaugurated NAIA Taxi Way Charlie. Ilan daw pong aircraft slots ang maaaring madagdag dito?

CAB OPERATIONS HEAD ATTY. PEREDO: Patungkol naman sa Taxi Way Charlie, Usec. Rocky, although hindi siya directly na makaka-contribute sa pag-increase ng slots, makakatulong po siya nang malaki. Pinag-usapan nga po ito ng mga miyembro ng Operational Safety and Capacity Enhancement team na binubuo ng MIAA, CAAP, CAB, Airline Operating Council, pati mga local airlines. Nag-meeting po ulit ang grupong iyan after two years ‘no, umpisa nitong Marso. At talakayan nga rito ang ligtas na pamamaraan ng pagpapatakbo ng pangunahing paliparan natin at ang pagpapalawak sa operations kasama ng pagparami ng operations sa ligtas na paraan.

Iyong sa bagong taxi way po – bagama’t hindi ito direktang magiging dahilan ng pagdami ng airline slots dahil marami pong ibang factors iyan kagaya ng availability ng airplane parking, kapasidad sa loob ng terminal kagaya ng check-in counters, iyong pagpuno sa mga pre-departure areas, runway capacity, tarmac safety at iba pa – pero sigurado naman na makakatulong ang bagong taxi way sa paggalaw ng mga eroplano sa tarmac. Maiku-confirm din po natin ito sa ating air traffic control tower ano po. Kasi ang bagong taxi way, magiging option ng mga airlines sa kanilang mabilisang pag-exit o paglabas mula sa main runway ng paliparan. At iyan ay magiging dahilan upang may iba pang mga eroplano na puwedeng mapagalaw ng tore or traffic control tower sa tarmac. So maaaring ito ay sa paglapag man o sa pag-take off. Kaya malaking bagay pa rin na mayroon tayong bagong taxi way na pinasinayaan para sa magandang daloy ng mga eroplano sa tarmac po.

USEC. IGNACIO: Opo. Pero, Attorney, gaano po ba kalaki ang epekto ng pagbubukas naman nitong night flights ngayong 23 airports na po iyong capable sa ganitong setup sa buong bansa?

CAB OPERATIONS HEAD ATTY. PEREDO: Malaki po ang maiaambag ng mga night-rated airports ano po, kasi mapapaluwag nito ang mga slots sa NAIA. Bago po magpandemya, malaking bilang ng flights ang nagsisiksikan na makaalis o makalapag sa NAIA sa pagitan ng alas-sais ng umaga at alas-sais ng gabi. Marami po diyan domestic flights kasi hinahabol nila iyong tinatawag nating sunset limitation.

Pero kung night-rated ang mga airports sa ibang parte ng bansa, maaaring ikalat na ang mga flights mula sa araw papunta sa mga panggabi na slots. Mas maengganyo po ang mga airlines natin na magpalipad nang mas madalas sa mga oras na iyan dahil hindi na nga kailangan makisiksik sa mga slots bago lumubog ang araw. Dahil may ilaw na sa pupuntahan o ‘di kaya ay makakapag-take off pa rin pabalik ng NAIA mula doon sa mga outstation kahit na gabi na.

Sa kabilang dako naman po, sana ay sa pagbubukas ng mga night-rated airports na iyan, sana ay tangkilikin din ng mga pasahero ang mga oras na iyan kapag nagpalipad na ang ating mga airlines sa gabi. Dahil kapag may demand po ang merkado, lalo pang magdadagdag ng supply o capacity ang mga airlines sa gabi. So isipin dapat natin na kahit na may kaunting challenge sa mga pasahero dahil nga gabi na sa mga probinsiya, may kapalit naman pong kaunting ginhawa sa paliparan dahil nga hindi na kasing-siksikan kagaya nang kung lahat ng flights ay naka-schedule po sa araw.

USEC. IGNACIO: Opo. Attorney, basahin ko lang iyong tanong ni Jena Balaoro ng GMA News, may tanong siya para sa inyo: May nagpaalam na ba na airline na nagsabi ng fare hike lalo’t patuloy po na tumataas ang presyo ng petrolyo?

CAB OPERATIONS HEAD ATTY. PEREDO: Sa ngayon po, wala naman po kaming nakikita na pagtaas ng fares, ano po. Kasi po ang fares na ipinapatupad ng ating mga airlines ay range po iyan, may pinakamababa at may pinakamataas. Sa pagmo-monitor po natin sa CAB ay hindi pa naman po lumalagpas, ano po, or hindi pa naaabot iyong mga pinakamataas na antas sa mga fare ranges ng mga airlines natin.

Pero po, mayroon pong isang mekanismo na ginagamit sa aviation industry hindi lang sa Pilipinas kung hindi sa ibang bansa, iyong tinatawag nating fuel surcharge. Iyong fuel surcharge, idinadagdag po iyan bukod po sa base fare na binabayaran ng mga pasahero kung may malikot na paggalaw o pagtaas-pagbaba ng presyo ng langis sa mundo kagaya ng nararamdaman po natin ngayon.

Hindi naman po ito unang beses na napag-usapan iyan lalo na sa mga panahon na ito. Kung maaalala po natin noong 2014, actually tinanggal ng CAB po ang fuel surcharge kasi mababa po ang presyo ng langis.

Pero noong 2018 nagkaroon din ng biglaan na pagtaas, naging direktiba ni Secretary Tugade na magkaroon ng mekanismo na magsisilbing gabay sa CAB, pati na sa mga airlines sa  pagpataw ng fuel surcharge bukod sa pamasahe. At itong matrix ay mag-o-operate by itself, kung papalo sa ganitong presyo ang langis ay may karampatang pagpataw ng fuel surcharge na hindi na kailangan ng mahabang diskusyon.

So, sa ngayon po, iyan pa rin po ang table o matrix na ipinapatupad ng ating mga airlines at wala pa pong paggalaw ang policy natin diyan. Napag-usapan din po ng board natin iyan kahapon, dahil nga sa nararamdaman na matinding pagtaas ng langis ulit ngayon, pero nangangailangan kasi iyan ng karagdagang datos, ng malalim na pag-aaral. Para kung may lalabas man na bagong policy na magpapalawak o mag-a-allow sa mga airlines na magpapataw ng mas mataas na fuel surcharge ay hindi lamang lalabas, dahil hinihiling, kung hindi tiyak na pangmatagalan at nakabalanse  ang interest ng ating aviation  industry pati mga pasahero. So ngayon po nananatili pa rin iyong matrix na nagsimulang ipinatupad noong 2018. So, hindi pa po tayo gumagalaw diyan. At sana po ay makatulong din ito sa mga pasahero habang may nababawing kaunti naman ang mga airline.

USEC. IGNACIO: Opo. Bukod dito sa surcharge, nauna na nga pong sinabi ng Air Carriers Association of the Philippines na sinusuportahan nito iyong panukala ng isang House panel na bawasan po o hindi ng gobyerno iyong mga bayarin na ipinapataw ng gobyerno sa industriya ng aviation. Ano raw po ang masasabi ninyo dito?

CAB OPERATIONS HEAD ATTY. PEREDO: Ang CAB rin po ay sumusuporta, ano po, sa anumang panukala, direktiba at siyempre mga batas na ginagawa ng ating kongreso, lalo na kung ito ay nakakatulong sa aviation industry po natin, kasi napakalaki po ng effect kung healthy ang ating aviation industry, napakaraming trabaho po niyan, hindi lang sa core business ng pagpapalipad ng eroplano, kung hindi sa ecosystem ng aviation industry, sa mga allied business, ano po.   Sa CAB naman po, kadalasan, wala naman po kaming mga fees, para sa ating mga major or local carriers sapagkat mayroon pong provisions sa kanilang congressional franchise na nag-i-exempt sa kanila sa pagbabayad po ng fees sa amin. Pero kung mayroon pong mga karagdagang panukala ang kongreso, agad-agad naman pong pag-aaralan   ng legal team ng CAB iyan kung paano natin maipapatupad kaagad. Suportado po natin iyan.

USEC. IGNACIO: Okay, kami po ay nagpapasalamat sa inyong panahon, Atty. Eldric Peredo, ang Operations Head ng Civil Aeronautics Board. Salamat po.

CAB OPERATIONS HEAD ATTY. PEREDO: Salamat po.

USEC. IGNACIO: Kabi-kabilang naglakihang serbisyo at tulong para sa ating mga kababayan ang hatid ng Kagawaran ng Transportasyon. Ito po ay sa kabila ng pagtaas ng presyo ng krudo. Libreng pasahe sa MRT-3 at isa sa solusyon ng ating pamahalaan. Makakausap po natin si   Engr. Michael Capati, ang Director for Operations ng MRT-3. Welcome po sa Laging Handa.

DIR. FOR OPERATIONS MRT-3 ENGR. CAPATI: Good morning po, USec. Rocky.

USEC. IGNACIO: Engineer, pinilahan po ang MRT-3 kahapon maging ngayong araw. Kumusta naman po iyong assessment ninyo. Nasa ilang pasahero po iyong estimate ninyong naserbisyuhan ng MRT-3 kahapon at ilan po ang inaasahang pasahero kada araw ngayong libre po iyong pasahe sa MRT-3?

DIR. FOR OPERATIONS MRT-3 ENGR. CAPATI: Sa aming assessment matagumpay iyong ating unang araw ng libreng sakay. And  tayo po ay  nakakuha ng datos  na 281,507  ang pasahero na tumangkilik  sa atin kahapon. Ito po ay nagsimula kahapon at magtatapos ng April 30. So, we are looking at, at around 300,000 to 400,000 na pasahero na tatangkilik sa atin during this period.

USEC. IGNACIO: Opo. Inilunsad na po iyong unang four-car train set ng MRT-3. Ano po ang masasabi ninyo rito, Engineer?

DIR. FOR OPERATIONS MRT-3 ENGR. CAPATI: Ito po ay nakatulong nang husto sa pagta-transport ng mga tao natin. Kasi iyong Four-Car train can carry 1,576 passengers ano at any given time at iyan po ay na-deploy nating iyong dalawa and eventually iyan na po ang magiging, probably, mga next year po, iyan na po ang magiging configuration natin.  Mawawala na po iyong three-car train at kapag naayos po natin iyan magiging four-car train na po at mas marami na po tayong mata-transport.

USEC. IGNACIO: Engineer, may mga nagsasabi po na medyo mahirap makasakay, ayon po iyan sa mga pasahero ng EDSA busway carousel, dahil karamihan daw po sa MRT-3 stations ay nakakabit sa EDSA carousel at talaga raw pong medyo mahirap maka-akyat at makatawid dahil sa dami ng tao. Ano raw po iyong nakikita ninyong puwedeng solusyon para rito?

DIR. FOR OPERATIONS MRT-3 ENGR. CAPATI: Actually, USec. Nagsasagawa ang DOTr (unclear) study na  tulad  noong sa istasyon namin na naka-link, iyong  North Avenue, iyong Quezon Avenue, upang maggawa sila ng dedicated na foot bridge, para sa mga pasahero ng EDSA  Busway Carousel.  Sa ngayon, patuloy na tumutulong kami sa mga kawani ng MRT station para po sa pasahero ng EDSA Busway Carousel.

USEC. IGNACIO: Opo. Kung sakali po na mataas pa rin ang presyo ng krudo sa third week ng April, Engineer, may plano po ba ang DOTr na i-extend pa ang libreng sakay sa mga MRT station?

DIR. FOR OPERATIONS MRT-3 ENGR. CAPATI: Alam mo, USec, pag-aaralan natin iyan ano, ng MRT at saka DOTr management, kung puwede natin i-extend at para naman makatulong tayo sa subsidy ng mga mananakay natin.

USEC. IGNACIO: Opo. Dumako naman po tayo dito sa bakunahan sa MRT-3 station. Kailan po ulit ito isasagawa?

DIR. FOR OPERATIONS MRT-3 ENGR. CAPATI: Sa mga may edad na 18 pataas, mayroon po tayo sa 29 ng Marso at 31 ng March, 9:00 AM iyan to 4:00PM sa Star Mall at Light Mall, iyan po ay malapit sa Shaw Boulevard. At sa April 1 po, mayroon tayo 9:00 AM to 4:00 sa Shangri la Mall.  Iyan po ang naka-schedule natin na bakunahan.

USEC. IGNACIO: Opo. So, ano pa daw pong mga improvements sa MRT ang dapat asahan ng ating mga mga kababayan sa mga susunod na araw o buwan? Engineer, nakakatiyak ba tayo na mawawala na iyong aberya na naranasan natin sa MRT nitong mga nakaraan?

DIR. FOR OPERATIONS MRT-3 ENGR. CAPATI: Tama po kayo diyan, USec. Rocky ‘no. Natapos na iyong ating rehabilitation.  Nasa phase na po tayo ng regular maintenance ng MRT-3 system para masiguro natin na ang ating pasilidad ay ready at mayroon din po tayong ginagawang rehabilitation ng station control room natin at ticket offices para mas maganda at maserbisyuhan pa po natin ang ating mga mananakay.

USEC. IGNACIO: Opo. So, ito po hanggang April 30, tama po ba iyong libreng sakay? So, tingin ninyo, mas marami pa po kayong maseserbisyuhan o madadagdagan pa iyong pasahero. May estimate po kayo?

DIR. FOR OPERATIONS MRT-3 ENGR. CAPATI: Ini-expect namin na sasampa na iyan ng mga 300 to 400,000, ready naman iyong facilities natin, kasi marami na tayong nadi-deploy na tren at inaasahan namin na maraming tatangkilik ng MRT-3 po sa ngayon.

USEC. IGNACIO: Opo. Nakakasiguro naman po tayo na talagang maayos po ang ating pasilidad para po sa ating mga kababayan.

DIR. FOR OPERATIONS MRT-3 ENGR. CAPATI: Tama po iyon at fully rehabilitated na po ang buong sistema natin at iyon pong ating mga pasahero ay ini-encourage nating sumunod sa ating health protocols po.

USEC. IGNACIO: Opo. Sir, nagpapasalamat po kami sa inyong panahon. Nakausap po natin ang Director for Operations ng MRT-3, Engr. Michael Capati. Mabuhay po kayo, salamat po sa inyong panahon.

DIR. FOR OPERATIONS MRT-3 ENGR. CAPATI: Maraming salamat din po, USec. Rocky.

USEC. IGNACIO: Huwag po kayong aalis at magbabalik pa ang Public Briefing #LagingHandaPH.

[COMMERCIAL BREAK]

USEC. IGNACIO: Nagbabalik po ang Public Briefing #LagingHandaPH.

Outreach team ni Senator Bong Go, binisita ang Tanay at Taytay, Rizal para mamahagi ng tulong. Ang buong detalye sa report na ito:

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Kahapon po ay pormal nang sinimulan ang pinakamalaking Balikatan Exercises sa Pilipinas. Kaugnay po niyan, makakausap po natin ngayong umaga si Captain Erwin B. Simanca, ang hepe ng Combined Joint Information Bureau ng Balikatan Exercises 2022.

Magandang umaga po, Captain.

CAPT. SIMANCA: Yes. Usec. Rocky, magandang umaga po.

USEC. IGNACIO: Opo. Captain, ano po ba iyong kahalagahan ng pagkakaroon ng Balikatan Exercises?

CAPT. SIMANCA: Yes. Usec. Rocky, ang kahalagahan ng Balikatan Exercise ay [upang] mapagtibay natin ang kasanayang pangmilitar ng Armed Forces of the Philippines at ng US [garbled].

So, ito po ay capability development at mapapagtibay natin iyong mga kasanayang pangmilitar and iyong mga regional security cooperation ay ating mapaghandaan.

USEC. IGNACIO: Opo. Pero, Captain, anu-ano po ba itong mga training na gagawin? Ano po iyong pinagkaiba ng Balikatan Exercises ngayong taon sa mga nakaraang taon po?

CAPT. SIMANCA: Actually, mayroon tayong walong main events ng ating Balikatan: Mayroon tayong amphibious operations kung saan gaganapin ito sa may Claveria, Cagayan; mayroon din tayong Combined Joint High Mobility Artillery System Rapid Infiltration kung saan ito ay sa Cagayan International Airport; at mayroon din tayong Joint Forward Arming and Refueling Point dito din sa Cagayan; and then mayroon din tayong deck landing na gaganapin at ito ay mangyayari sa may Northern Luzon area; mayroon din tayong combat arms live-fire exercise na gaganapin sa Capas, Tarlac; and then maritime security sa Northern Luzon area; and air defense; at mayroon din tayong air assault na gaganapin mostly doon sa Northern Luzon area.

USEC. IGNACIO: Opo. Pero, Captain, ano po ang inaasahang outcome ng gagawing Balikatan Exercises?

CAPT. SIMANCA: Usec. Rocky, katulad ng sinabi ko kanina ito ay mapagtibay natin ang kahandaan, mai-address natin iyong mga pangamba, iyong mga internal at external threats na puwedeng mapanganib ang ating bansa.

USEC. IGNACIO: At hanggang kailan daw po magtatagal itong Balikatan ngayong taon? Nabanggit ninyo na nga po iyong kung saan-saang lugar magaganap iyong Balikatan Exercises.

CAPT. SIMANCA: Yes. Ito po ay hanggang ika-walo ng Abril with the closing ceremony dito po sa Camp Aguinaldo. So, iniimbitahan ko po ang lahat ng ating media friends na puwedeng mag-cover sa ating closing ceremony.

USEC. IGNACIO: Opo. Saan po iyong closing? Sabi ninyo po closing ceremony. Saan po gaganapin ito, Captain?

CAPT. SIMANCA: Ito po ay sa Camp Aguinaldo, dito sa may Quezon City.

USEC. IGNACIO: Opo. Ayon po kay Senator Grace Poe, huwag daw pong hayaan na lang ang mga issue ng maritime ng bansa. At hindi daw po dapat matulog ang issue dito sa patuloy na panahon ng kampanya. Ano po ang masasabi ninyo dito?

CAPT. SIMANCA: Atin pong ginagalang ang pananaw ng ating butihing Senadora. On the part of the AFP ay patuloy po tayong gagampanan ang ating mga tungkulin sa ating bayan.

USEC. IGNACIO: Opo. Nakausap po natin ngayong umaga si Captain Erwin B. Simanca, ang Combined Joint Information Bureau Chief ng Balikatan Exercises 2022.

Maraming salamat po, Captain.

CAPT. SIMANCA: Maraming salamat, Usec. Rocky.

USEC. IGNACIO: Samantala, dumako muna tayo sa mga balitang nakalap ng PBS-Radyo Pilipinas. Magbabalita si Al Corpuz.

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo Al Corpuz, ng PBS Radyo Pilipinas. Mas pinaigting pa ng Davao City vaccination cluster ang bakunahan sa siyudad, ito’y sa pamamagitan ng paglulunsad ng three-day vaccination roll out na magtatagal hanggang sa March 31. Ang detalye niyan ihahatid ni Julius Pacot.

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: At dito na po nagtatapos ang ating programa sa araw na ito. Maraming salamat po sa ating mga partner agency para sa kanilang suporta sa ating programa at maging ang Kapisanan ng mga Broadcaster ng Pilipinas o KBP.

Hanggang bukas pong muli, ako po si Usec. Rocky Ignacio, mula sa PCOO at ito ang Public Briefing #LagingHandaPH.

 

###

 

 

 

SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)

 

Resource