Press Briefing

Public Briefing #LagingHandaPH hosted by Presidential Communications Operations Office Undersecretary Rocky Ignacio and Aljo Bendijo

Event Public Briefing #LagingHandaPH
Location PTV

USEC. IGNACIO: Magandang umaga, Pilipinas. Ngayong araw po ng Huwebes, mga impormasyong dapat ninyong malaman ang muli naming ihahatid kasama pa rin ang mga panauhin na direktang sasagutin at bibigyan-linaw ang mga isyu ng bayan. Good morning, Aljo.

ALJO BENDIJO: Maayong adlaw, Usec. Rocky. Katuwang ang PTV News, makikibalita rin tayo sa patuloy na vaccination rollouts sa mga ospital sa bansa at ang walang tigil na pagsugpo sa COVID-19 kaya naman manatiling nakatutok. Ako po si Aljo Bendijo.

USEC. IGNACIO: At sa ngalan po ni Secretary Martin Andanar, ako naman po si Usec. Rocky Ignacio at ito ang Public Briefing #LagingHandaPH.

Maya-maya lamang po ay makakasama natin sa programa sina Department of National Defense Secretary Delfin Lorenzana; Dr. Eva Maria Cutiongco-dela Paz, ang Director of Health Program UP Philippine Genome Center.

ALJO BENDIJO: Kung mayroon po kayong mga katanungan, mag-comment lamang sa live streaming ng ating programa sa PTV Facebook at YouTube account.

USEC. IGNACIO: At para po sa ating unang balita: Binigyan-diin ni Senator Bong Go sa isinagawang Senate hearing kahapon ang pagkakaroon ng access sa information, maaasahang communication service at maayos na internet connectivity dahil malaking bagay ito sa ating mga kababayan kapag panahon ng kalamidad. Dahil din dito, prangkisa ng ikatlong telco sa bansa, lusot na sa komite. Para sa iba pang detalye, narito po ang report:

[VTR]

USEC. IGNACIO: Samantala, seguridad ng bansa mula pa sa mga kaaway ng estado sa loob at labas ng ating teritoryo habang nasa gitna rin tayo ng laban kontra-COVID-19, iyan po ang ating unang tatalakayin ngayong umaga kasama po si Defense Secretary Delfin Lorenzana. Good morning po, Secretary.

DND SEC. LORENZANA: Good morning, Rocky. Good morning, Aljo.

USEC. IGNACIO: Opo. Secretary, unahin ko na po iyong mga isinasagawang vaccination rollout sa mga military units. Kumusta po ito; so far, gaano po raw karami ang mga nabakunahan at ilan po sa kanila iyong nakaramdam ng side effects?

DND SEC. LORENZANA: Tuluy-tuloy naman ang rollout, Rocky ‘no. Unahin ko muna iyong 100,000 na binigay sa akin ng Ministro ng National Defense ng China. Hundred thousand – 30,000 ang naiwan sa DND para sa mga frontliners ng Veterans Medical Center, iyong V. Luna at saka iyong mga personnel ng OCD na nasa harapan para sa mga… nag-aayos na maharap natin ang mga kalamidad at saka iyong sa government arsenal at iba pa.

Ngayon, sa AFP naman ay 70,000 ang naibigay sa kanila. As of yesterday ay 9,043 na iyong nababakunahan at magbabakuna pa sila ng 25,000. Tuluy-tuloy ito, Rocky, araw-araw at gusto nga ni Secretary Duque maubos na iyong Sinovac na unang ibinigay ng China nang linggong ito. Pero hindi ko alam kung matutupad iyong kaniyang plano na maubos na iyan kasi nandiyan na iyong AstraZeneca, gusto rin nilang i-rollout iyon na sabay-sabay.

USEC. IGNACIO: Opo. Secretary, nadagdagan po ba iyong gustong magpabakuna sa hanay ang ating mga sundalo nitong nagdaang linggo o may iba pa rin po sa kanila iyong naghihintay ng napupusuan o gusto nila sanang bakuna?

DND SEC. LORENZANA: Mayroon pang mga ayaw, pero karamihan doon sa mga umaayaw noong una ay pumapayag na dahilan sa itong pag-spike na naman ng mga impeksiyon at medyo natakot siguro kaya—pati nga iyong mga health workers ng Veterans na ayaw pa sana, naghihintay sila ng ibang bakuna, pero noong nabalita na tumataas iyong bilang ay nagpabakuna na rin sila. So kumukonti na lang iyong mga ayaw eh, Rocky, sa tingin ko iyan mga ilang araw pa na malakas iyong impeksiyon ay wala na sigurong tututol diyan sa Sinovac.

USEC. IGNACIO: Opo. Tungkol naman po sa unauthorized vaccination, naku, Secretary, within the military personnel, wala raw pong nakukuhang impormasyon ang FDA tungkol sa kaso. They are facing a blank wall daw po. Totoo po bang hindi nakikipag-cooperate ang PSG sa imbestigasyon?

DND SEC. LORENZANA: Siguro tanungin natin iyong PSG Commander dahil siya naman ang nagsabing makipag-ugnayan siya, makipag-cooperate siya sa FDA o sa DOH. Kasi iyong PSG, although part iyan ng AFP, ay parang independent iyan na naka-attach sa Office of the President. So halos independent sila so dapat sila na lang ang tumugon diyan sa mga tanong na iyan.

USEC. IGNACIO: Opo. Secretary, bigyan-daan ko lang ang tanong ni Joseph Morong po ng GMA News. Ang tanong po niya: As NTF Chairman, how do you think can we arrest the rise of COVID-19 cases? What measures are going to implement?

DND SEC. LORENZANA: Bumalik tayo sa dati nating strict implementation ng mga health protocols, Rocky, Joseph. Na kasi siguro itong mga tao dahil na-maintain natin iyong mga about 1,000 lang iyong daily cases, new cases for the past month, mukhang nag-relax sila. At saka ito nga, iyong bagong variant na sinasabi ng mga eksperto na masyadong infectious, more infectious not necessarily more deadly, pero iyon nga siguro nagkalat na iyan so madali na lang maka-infect ng tao.

So ibalik natin iyong dati nating ginagawa noong una, iyong mask, hugas, iwas. Kaya ngayon humihiling na naman iyong mga LGUs ng mga tropa, military at saka pulis, para i-implement iyong social distancing, mask sa mga public places.

USEC. IGNACIO: Opo. Iyan po ang follow up question ko, Secretary. Kailan daw po muli iyong military at PNP presence ng mga lokal na pamahalaan dahil nga po sa paglobo ng mga kaso nitong nakaraang araw kung saan daw po itinuturo iyong dahilan na iyong hindi raw po pagsunod sa minimum health protocols. So may instruction na po ba sa deployment ng ating AFP personnel on ground?

DND SEC. LORENZANA: Hindi naman namin binawi iyong instruction namin noong una pa lang, Rocky, na kung ano man iyong kailangan ng mga local government officials (LGUs), nangangailangan sila ng warm bodies to implement itong ating protocol ay dapat tugunan nila iyon.

So, nandiyan pa, it’s still in effect and so the LGUs can request the military and even the police to help them implement. Kasi dito naman sa Metro Manila mukhang kaunting barangay lang naman iyong mga naka-lockdown, so, doon lang muna nag-concentrate iyong ating mga tropa.

USEC. IGNACIO: Opo. Secretary, iyong tanong po ni Celerina Monte unahin ko na lang po muna ito: Not sure daw po if na-present na po ba ni Secretary kay Pangulong Duterte ang list of hardware that US wants to give to Philippines as payment for continuance of Visiting Forces Agreement? Ano po daw ang reaksiyon ng Pangulo dito?

DND SEC. LORENZANA: Iyon ba iyong sinasabi mong may listahan na noong mga naibigay?

USEC. IGNACIO: Opo, opo.

DND SEC. LORENZANA: Ang sabi ni Ambassador Romualdez sa [Washington] DC ay mayroon daw ibinigay sa kaniyang listahan. Ngayon, nasa akin na iyong listahan na iyon at pinapa-compare ko diyan sa Armed Forces at saka sa Defense kung pareho ba iyong nandoon at saka pareho iyong ating natanggap. Kapag na-prove na iyon, kapag napatunayan na totoo iyon, maaaring i-publish din namin iyan o sabihin namin sa media para makita naman ng mga tao kung ano iyong mga naibigay ng mga Amerikano nitong mga nakaraang taon.

USEC. IGNACIO: Opo. Ito daw po iyong sinasabing puwedeng mai-reconsider para po ipagpatuloy itong VFA, Secretary?

DND SEC. LORENZANA: Ang desisyon naman ng pagpapatuloy o pag-terminate ng VFA ay nasa kay Presidente. Alam naman niya ang mga iyan dahil iyong Malacañang mismo ang humingi ng mga listahan na iyan from the AFP at saka sa DND, kung anu-ano na iyong ipinangako ng US nitong mga nakaraang taon at kung anu-ano iyong mga natupad nilang i-deliver na mga equipment or grants.

USEC. IGNACIO: Opo. Secretary, mainit po itong usapin sa nangyari pong magkahiwalay na operasyon ng PNP at military sa CALABARZON kung saan siyam daw po na aktibista ang namatay sa nasabing engkuwentro. Halu-halo po ang nagiging reaksiyon dahil ‘di umano ay na-violate po iyong due process. Ano po ang masasabi ninyo dito, Secretary?

DND SEC. LORENZANA: Ang pagkakaalam ko, Rocky, itong operasyon naman ng PNP – support lang kasi ang Armed Forces diyan eh, wala namang power iyong Armed Forces na magsagawa ng arrest, so ang ginagawa lang naming ay sumuporta sa PNP kung kailangan nila ng sapat na tao para sa kanilang operation.

So, ang pagkakaalam ko rito, sa nasabi sa akin, ay mayroong arrest warrant na isi-serve itong pulis sa mga taong ito. So, nagkaroon ng putukan at namatay ang siyam sa kanila pero maraming nakuhang baril doon, sa possession nitong mga so-called activists ano. Mayroon pang mga explosives – fifteen pieces of explosives, IEDs, at saka Granada.

So, siguro hintayin muna natin ang imbestigasyon. NBI ang mag-i-investigate niyan para medyo impartial, hindi Armed Forces or hindi rin PNP ang mag-investigate para maging patas ang investigation.

Ang hiling ko lang sa kabila, kasi alam natin kung sino naman itong mga ito kasi hindi pa nga nag-uumpisa ang imbestigasyon naka-report na tayo sa United Nations Human Rights at sila ay gumagawa na ng katulad nitong ano ngayon, itong headline na ito, nakalagay sa Inquirer ngayon. Ang nakalagay dito is: Arbitrary killing of activists appalls UN body. Siguro, hintayin muna natin iyong imbestigasyon dito sa atin bago natin isuplong.

So, ang ginagawa nitong sa kabila ang pagtingin ko – noong kalaban natin – ay they are trying to preempt the investigation and paint us to be in the wrong, na nagkamali tayo. So, hintayin muna natin. Let us settle down and wait for the result of the investigation and naniniwala naman ako kung sino iyong mga nagkamali diyan ay mapaparusahan, either they are PNP or the Armed Forces.

USEC. IGNACIO: Opo. Secretary, sa usapin naman po ng shoot-to-kill order ni Pangulong Rodrigo Duterte versus armed communists na kinumpirma rin po ni General Esperon dito rin po sa Laging Handa ano po, ito po ba daw ay ini-implement na ngayon ng ating mga tropa?

DND SEC. LORENZANA: In a way, yes! Kuwan kasi iyan, there are two sides of that pronouncement by the President. Alam mo, Rocky, itong NTF-ELCAC na it was the creation after noong EO 70 to end local insurgency. Iyan ang result ng decision ni Presidente mga three years ago na ang sabi niya, instead of fighting the communists, bakit hindi na lang natin sila bigyan ng livelihood, bahay, at saka iyong mga benefits para sila ay bumaba.

Sa kasalukuyan ay mayroon nang about more than 20,000 na mga former rebels ang nag-surrender, Rocky, Ngayon, ang kaniyang utos na shoot-to-kill ay iyong mga ayaw bumaba at lumalaban pa rin sa gobyerno. Armado, handang pumatay din, lumalaban sa mga tropa natin either police or military, anong gagawin ng military at saka pulis kung hindi gantihan din sila, barilin din sila – iyon ang ibig sabihin ng kaniyang shoot-to-kill.

USEC. IGNACIO: Opo. May pahabol lang tanong si Celerina Monte about the VFA: Satisfied po ba daw ang DND sa ibinigay ng Estados Unidos na listahan?

DND SEC. LORENZANA: Marami silang naibigay, Rocky, na in due time ay we will publish the list kasi ang ginawa naming listahan ay iyong mga ibinigay mula noong 2010 hanggang ngayon. So, sampung taon iyan, marami talaga. Kahit na sabihin natin mula noong nag-umpisa iyong termino ni President Duterte ay puwedeng iyon na lang muna ang ipalabas ko para makita naman ni Presidente at saka ng mga tao kung ano na iyong naibigay ng Estados Unidos sa atin compared sa mga ibang bansa na nagbigay din.

USEC. IGNACIO: Secretary, kaugnay naman po sa mga kababayan nating mangingisda sa West Philippine Sea, may reports po ba kayong natatanggap na ‘di umano ay pangha-harass simula noong maging effective since February 1st iyong Chinese Coast Guard Law na kung saan po ay pinapayagan iyong paggamit ng military weapons sa mga foreign vessels na namamataan po nila sa kini-claim nilang area.

DND SEC. LORENZANA: Mayroon tayong natanggap na report nitong mga nakaraang buwan, Rocky, na umano ay may harassment katulad niyang ipinapakita ngayon na may barko, mayroong mga bangka nating pangisda at sa malayo ay barko ng Tsina, pina-confirm ko ito sa Western Command, ay hindi naman nila ma-confirm kung totoo iyon or hindi.

Although, naniniwala naman tayo sa sinabi ng ating mga mangingisda, hindi naman natin minamaliit iyong kanilang report. Ang ginawa natin ngayon ay paiigtingin natin ang ating patrolya diyan, ng ating Coast Guard at saka ating military para naman kung mayroong mga ganiyang insidente ay makakatulong sila or makakaasiste sa mga suliranin ng mga mangingisda hindi lang sa pangha-harass ng Tsina, kung hindi pati na rin sa mga accidents na kanilang masagupa diyan sa West Philippine Sea.

USEC. IGNACIO: Opo. Sa pagmamagandang-loob po na ipinapakita po ng China daw sa bansa kagaya po ng donasyon nitong bakuna, sa palagay ninyo daw po ay maaari po ba itong makaapekto sa relasyon ng bansa at ng China dito sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea?

DND SEC. LORENZANA: Sa palagay ko naman hindi, Rocky, dahil separate naman iyon eh. Hindi naman siguro sinasabi ng China na bigyan namin kayo nito at amin na iyong West Philippine Sea dahil mayroon naman tayong prinsipyo na hindi natin ibibigay iyong atin diyan.

Mayroon tayong dalawang dokumento na nagpapatunay na iyan ay atin, iyong UNCLOS noong 1981 at saka iyong arbitral ruling noong 2016. So, we have two documents to prove that the West Philippine Sea ay mayroon tayong sovereign rights diyan, sa West Philippine Sea.

So, hindi iyon kasama doon. Nagmamagandang-loob sila siguro para tulungan tayo dahil marami silang mga vaccine na puwede nilang ibigay, so, iyon lang. I don’t think there is some strings attached there. Some people might think that, pero sa tingin ko naman na nitong mga nakaraang taon ay marami namang ibinigay sa atin ang Tsina at wala naman tayong naririnig sa kanila na katumbas or something in return.

USEC. IGNACIO: Opo. Secretary may pahabol pong tanong si Pia Gutierrez ng ABS-CBN. If I may, babasahin ko na po. Ito po ang tanong niya: Reaction daw po sa panawagan from the Senate for the removal of General Parlade as Spokesman of the NTF-ELCAC because they say that his designation is a violation of the Constitution. They noted daw po Article 16, Section 5, Paragraph 4 of the Constitution that states that no member of the Armed Forces of the Philippines in active service shall at any time be appointed or designated in any capacity to a civilian position in the government.

DND SEC. LORENZANA: Ah mukhang ano diyan eh, mukhang very complicated itong situation na ‘to Rocky ano, dahil itong National Task Force ELCAC ay creation ito ng EO 70 and talagang ang tukoy talaga nito is to end local communist insurgency. Ang nangunguna diyan sa task force na iyan, Rocky, ay iyong AFP at saka iyong PNP. So kami ang nandiyan, we are involved there. Kung tanggalin mo diyan si General Parlade ay tanggalin mo na rin kami diyan, iyong Armed Force.

Ibig sabihin iyong Armed Forces walang pakialam diyan sa NTF-ELCAC which is not true. Kami ang nagpapatupad niyan, iyong ibang mga ahensiya ng gobyerno ay support lang sa amin iyan, iyong DPWH, lahat na, DOE, DSWD… support lang iyan sa main effort and the main effort is being led by the PNP and the AFP. And General Parlade is part of the AFP and so his expertise has been… has being utilized as the Spokesman of the NTF-ELCAC; so wala akong nakikitang ano ‘yan eh, violation of the Constitution.

USEC. IGNACIO: Okay. Maraming salamat po sa inyong oras, DND Secretary Delfin Lorenzana. Mabuhay po kayo, Secretary!

DND SEC. LORENZANA: Maraming salamat naman, Rocky. Mabuhay rin kayo diyan sa PTV-4.

BENDIJO: Thank you, Secretary.

Samantala, pagbabakuna sa healthworkers ng San Juan Medical Center gamit ang COVID-19 vaccine ng AstraZeneca nagsimula na, alamin natin ang detalye mula kay Bea Bernardo. Bea…

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Samantala, mas pinaigting pa ng Parañaque City ang mga hakbang nito kontra COVID-19, ito po’y matapos maitala sa lungsod ang tatlong South African COVID-19 variant cases. Kabilang sa mga ipinapatupad ay ang mas pinaaga at pinahabang curfew hours. Ang update sa sitwasyon doon, alamin natin mula kay Louisa Erispe. Louisa…

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa’yo, Louisa Erispe.

BENDIJO: Walang patid ang pamamahagi ng ayuda para sa mga kababayan nating biktima ng kalamidad saan man sa bansa. Kamakailan binisita ng mga ahensiya ng pamahalaan at tanggapan ni Senador Bong Go ang mga taga-Polangui, Libon at Daraga sa Albay para mag-abot ng tulong sa halos dalawanlibong mga residenteng naapektuhan ng Bagyong Tisoy noong nakaraang taon. Narito ang report:

[NEWS REPORT]

BENDIJO: At para po tulungan tayong mas maintindihan ano nga ba itong mga mutations ng virus at bagong mga variants ng virus ng COVID-19 at ano ang panganib na dulot nito sa atin pong kalusugan, makakausap natin si Dr. Eva Maria Cutiongco Dela Paz, ang Executive Director ng UP-Philippine National Institute of Health. Magandang araw po, Doktora?

DR. DELA PAZ: Magandang araw po, Sir Aljo.

BENDIJO: Doc, kumpirmadong nakapasok na sa bansa, ito pong mga bagong variant ng COVID-19 so far. Papaano po nagkakaiba-iba ito, may UK, may South African, may Brazilian variants? Ano pong variant ang pinakapinangangambahan ng mga eksperto ngayon?

DR. DELA PAZ: Salamat po sa pagkakataong ito upang makapagpaliwanag po tungkol sa variant, Sir Aljo. Sa mga nagdaang buwan, maraming mga bagong variants ng virus na natuklasan na maaaring magdulot ng mga pagbabago sa virus. Kabilang po ang mga pagbabago sa abilidad nitong makahawa. Ang variant ay isang pangkat ng mga coronavirus na nagbabahagi po ng mga pare-parehong namamanang hanay ng mga mutation po kung tawagin. Ang mga variants na ito ay lumitaw sa magkakaibang heograpiyang rehiyon ng mundo tulad sa UK, sa South Africa at Brazil.

Ang nakita pa lang po sa ating bansa, ay ang B.1.1.7, otherwise known as the UK variant at ang B.1351 or ang South African variant po. Sir Aljo, kung puwedeng babanggitin ko lang ang mga importanteng mutation na natatagpuan sa iba’t ibang mga variants na ito – sa UK, sa South African, Brazil variants – lahat ay nagtataglay ng isang hindi pangkaraniwang konstilasyon ng mutation or signature mutations, ngunit lahat po sila ay may N5o1Y mutation. Ang mutation na ito ay nakakaapekto sa receptor binding domain ng spike protein, ito po ang protina na ginagamit pangkapit ng virus sa mga selula ng katawan ng tao. So ang mutation na ito ay nakakaapekto po, napapalitan ang amino acid noong protina ‘no, napalitan ng amino acid na nasa position 501 ng SARs-COV2 ng isa pong another amino acid at ang mutation na ito ay malapit sa dulo ng spike protein, kaya binago po nito ang hugis ng protina upang magkaroon ito ng mas mahigpit na kapit sa mga selula.

May isa pa pong mutation na concerned po tayo na kung tawagan ay E484K, pinalitan naman din po sa position 484 ang glutamate ng lysine. So, tinawag itong isang escape mutation sapagkat nakakatulong ito sa pagtakas ng virus sa mga panlaban sa immune system ng katawan sa pamamagitan ng pagbabago rin po ng anyo nito. Ayon po sa eksperimento na mas mataas na serum antibodies ang kinakailangan upang maiwasan ang impeksiyon sa mga selula ng katawan ng tao. Ang ilang mga bakuna ay epektibo pa rin sa mga variants na ito sa mga pagsusuri po.

BENDIJO: Gaano po kabilis ang pag-invade nito sa immune system ng isang tao. Ang paggamot po nito, ang treatment at incubation period ng mga bagong variant ay kapareho lang ba sa original COVID-19?

DR. DELA PAZ: Opo, actually pareho po ang incubation period ng mga variant sa original COVID-19. Ngunit sa mga pagsusuri po na ginawa na sa UK kung saan unang lumabas ang B.1.1.7 variant, ito po ay may potential na epekto po nito ay iyong increased transmissibility, mas madali po siyang makahawa. Tinatayang mayroon pong higit na 40 porsiyento ang pagtaas ng transmissibility dahil sa variant na ito. Wala pong pagbabago ang treatment at ang batayan pa rin po ng ating pagkilos sa araw-araw kung paano tayo dapat mag-ingat at ano po ang mga dapat na ilagay nating control measures ay essentially unchanged. Wala pong pagbabago, kailangan pa rin po natin sundin ang minimum public health standards na payo ng DOH – paglalagay ng mask, ng shield, paghuhugas ng kamay, physical distancing, avoiding crowded places and of course staying in well-ventilated areas, Sir Aljo.

BENDIJO: Sa ngayon, alin po diyan ang mas dominant na variant sa bansa?

DR. DELA PAZ: Ang mga variants of concern ay hindi pa po dominant sa bansa, hindi pa po dominant. From more than 3,000 sequences na ginawa na po natin na parte ng ating genomic surveillance efforts ng bansa, simula po unang linggo ng January, ang most frequently observed lineage, hindi po variant, lineage is the B.1.63 or the Hong Kong lineage po which comprises about 24% po.

BENDIJO: Masasabi ba nating ito ang nangungunang dahilan ng pagtaas ng cases sa mga nakalipas na araw, Doktora?

DR. DELA PAZ: Sir Aljo, at sa ating mga tagapakinig, hindi pa po natin sinasabi iyan nang may kasiguraduhan. Kailangan pa po nating mas pag-aralan ang mga bagay na ito at makapag-sequence pa po ng virus sa mga samples na galing sa mga lugar na may spike or clustering of cases sa iba’t ibang parte po ng bansa. Ang amin pong naobserbahan ay maaari pong dahil isang taon na po tayong nakikipaglaban sa virus, medyo napagod na po ang ating mga kababayan sa pagsunod. Katulad po ng nasabi ninyo kanina, kasama po si Usec. Rocky sa interviews, na nagiging kampante na po tayo. Kailangan po nating ulitin ang ating mensahe na kailangan po nating pababain ang kaso ng mga virus, kasi kapag pinababa po natin ang mga kaso, bababa din po ang tsansa ng virus na mag-mutate at maminsala sa atin.

BENDIJO: Kahapon po nabanggit ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na may Brazilian variant sa Quezon City, dito po. But kinorek siya ng Health Department, na ito ay may Brazilian lineage lamang at hindi pa variant. Genome Center ang nag-process po ba ng sample na iyon, kung oo, ano ba talaga ang tamang termino sa kasong iyon, Doktora?

DR. DELA PAZ: Tama po kayo sa sinabi ninyo – kinorek po! Wala pa po tayong P.1 variant na tinatawag din pong Brazil P.1 variant, wala pa po sa bansa. Ang Brazil Lineage and mayroon tayo, magkaiba po ang lineage sa variant. Ang lineage ay sub-type po ng SARS-COV2 virus na galing sa isang common ancestor or ninuno. Para po itong isang angkan o isang pamilya. Ang mga lineage, may iba’t iba pong pamilya or iba’t ibang angkan. Sa loob po ng isang angkan, para pong mayroon siyang naging sangay or sanga at nakaipon po ito ng mga mutations na maaaring hindi na po katulad noong pinanggalingan niyang main family line. Kaya po kapag nakaipon po ang mga ito ng mga significant mutations, natatawag po silang variant.

Nais ko lang po linawin, Sir Aljo, hindi po lahat ng mutation ay nakakasama. Ngunit mayroon pong mutation na nakakasama. So, ang virus po, ganiyan po ang kanilang pamumuhay. Habang dumadami sila puwede silang magkaroon ng mga mutation or kung tawagin po natin ay typo errors, kasi kinukopya po niya ang sarili niya. Sa pagkopyang iyon, puwede pong magka-typo error, kaya ito po ay upang sila ay mag-survive at maging mas malakas.

So habang lumalaki po ang bilang ng mga kaso ng COVID in different parts of the world, nabibigyan po ng pagkakataon ang virus na magbago. Ang bawat taong mahahawahan ay pagkakataon para sa SARS CoV2 virus na muling likhain ang kaniyang sarili. So naniniwala po ang mga scientist na ang virus ay nagiging mahusay sa pagiging isang virus kaya po kailangan we need to keep our cases low or down. Iyon lang po, Sir Aljo.

BENDIJO: Doktora, maaari nga bang nakapasok na ang Brazilian variant sa bansa subalit hindi pa lang ito nadi-detect gaya ng nangyari sa UK at South African na mga virus, itong mga variants na ‘yan?

DR. DELA PAZ: Opo. Sir Aljo, alam ninyo hindi po natin maaaring i-disregard ang posibilidad na iyan. Pero sa ngayon po, sa araw na ito… kasi po tuluy-tuloy po ang ating pagdyi-genomic surveillance at pagsi-sequence ng mga samples po ng mga virus galing sa samples ng mga pasyente sa different parts of the Philippines. Subalit sa ngayon po wala pa, hindi po natin—wala pa pong pumapasok na Brazil P.1 variant. Subalit hindi po natin dini-disregard ang posibilidad na iyan.

BENDIJO: Naantala raw ang contact tracing dahil may kaso na noong nakaraang buwan na nagpositibo sa COVID-19 pero weeks after pa nang malamang positibo ito sa new variant. Ano po reaksiyon ninyo diyan, Doktora?

DR. DELA PAZ: Iyong contact tracing po na ginagawa ng ating gobyerno sa pamamagitan ng Department of Health Epidemiology Bureau ay pareho po – with or without the variant, pareho po. Natapos na po ang contact tracing sa new variants, tinutuloy pa po first generation ‘no, ang tinutuloy pa po iyong mga second and third generation contact tracing.

BENDIJO: All right. Mensahe na lang sa ating mga kababayan na marami pong tanong tungkol sa iba’t ibang variant na, natatakot na po sila, may mga pangamba. Go ahead po, Doktora dela Paz.

DR. DELA PAZ: Opo. Tulad po ng nasabi ko kanina ‘no, nabanggit ko ang virus po ay it’s getting better to be a—it wants to be a better virus kaya po nagmu-mutate siya. So ang pinakaimportante pong gagawin natin ay ang pagpapababa ng kaso para po mawalan siya ng oportunidad na mag-mutate. So sa ating pagtutulung-tulong na gumawa po ng mga hakbang sa ating mga barangay, mga municipalities, mga LGUs ay kaya po natin itong pagtagumpayan.

Pag-isipan po natin na sa bawat isa na susunod sa mga pamantayan ng PDITR ‘di ba po, mayroon po tayong PDITR strategies – iyong Prevent, Detect, Isolate, Treat, Reintegrate – ito po ay kabilang sa mga pinakamahusay na hakbang upang maipaloob ang paghahatid sa mga iba’t ibang paalala upang ma-minimize po ang pagkakataon ng mga karagdagang kaso ng COVID. So kung tayo po, bawat isa po ay susunod sa mga pamantayan na iyan, marami pong maililigtas na buhay. Iyon lang po, Sir Aljo.

BENDIJO: Maraming salamat Doktora Eva Maria Cutiongco-dela Paz, Executive Director ng UP National Institute of Health. Mag-ingat po kayo, Doktora!

DR. DELA PAZ: Salamat din po.

USEC. IGNACIO: Samantala, mas naging positibo ang pananaw ng mga healthworkers sa Tandag City pagdating sa pagbabakuna kontra COVID-19. Ito po’y matapos simulan na sa lungsod ang COVID-19 vaccine rollout gamit ang bakuna ng Sinovac. Ang detalye mula kay Doreen Rosales ng PIA Caraga:

[NEWS REPORT]

BENDIJO: Bilang bahagi po ng hakbang para mapigilan ang mabilis na COVID-19 transmission, ilang tanggapan ng pamahalaan ang pansamantalang magsasara muna simula ngayong araw. Una diyan ang Korte Suprema na suspendido ang pasok mula March 11 hanggang 14 para sa disinfection at sanitation sa kanilang mga opisina. Gayun pa man, kailangang mag-report ang mga on-call o on-duty personnel tulad ng mga nasa medical at dental services, security at maintenance division at administrative services. Ang mga komite naman na may nauna nang schedule ng meeting ay maaaring ipagpatuloy depende sa desisyon ng committee head.

Simula naman sa Lunes, March 15 hanggang March 19, ipatutupad ang skeleton workforce na abot sa 50% at mahigpit na physical distancing. Sarado din mula ngayong araw hanggang March 24 ang main office ng Comelec, Commission on Elections sa Intramuros sa Maynila. Gayun din ang Office of the Regional Director sa National Capital Region, Region IV-A at Region IV-B. Pero pagtitiyak ni Comelec Spokesperson James Jimenez, hindi naman nito maaapektuhan ang kanilang serbisyo kabilang na ang paghahanda sa plebisito sa Palawan sa Sabado, March 13 at ang paghahanda para sa 2022 national elections.

USEC. IGNACIO: Samantala, ngayong Fire Prevention Month, kaliwa’t kanan pa rin ang insidente ng sunog. Nitong Martes lang po ay nagsagawa si Senator Bong Go at iba pang ahensiya ng relief operation para sa mga kababayan natin sa Maynila at Muntinlupa City na tinupok ng apoy ang mga kabahayan. Panoorin po natin ito:

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Samantala, puntahan naman natin ang iba pang ulat mula sa mga lalawigan, makakasama natin si Czarinah Lusuegro-Lim ng Philippine Broadcasting Service.

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo Czarinah Lusuegro-Lim mula sa Philippine Broadcasting Service.

BENDIJO: Mula naman sa PTV-Cordillera, may hatid na balita din ang ating kasamang si Eddie Carta. Eddie, magandang araw.

[NEWS REPORT]

BENDIJO: Maraming salamat Eddie Carta.

USEC. IGNACIO: Puntahan naman natin si John Aroa ng PTV-Cebu. John…

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo, John Aroa.

BENDIJO: Tungo naman tayo sa Davao, hatid ni Julius Pacot ang pinakahuling balita doon. Julius, maayong adlaw.

[NEWS REPORT]

BENDIJO: Maraming salamat, Julius Pacot. Narito naman ang pinakahuling datos ng COVID-19 cases sa buong bansa. Sa report ng Health Department kahapon, March 10, 2021, umabot na sa 603,308 ang total number of confirmed cases matapos makapagtala ng 2,886 na mga bagong kaso.

Labing-pitong (17) katao naman ang mga bagong nasawi kaya umabot na sa 12,545 ang total COVID-19 deaths. Nadaragdagan din naman ang mga kababayan nating nakaka-recover sa sakit na ngayon ay nasa 546,293 matapos makapagtala ng 221 new recoveries kahapon. Ang total active cases sa kasalukuyan – 44,470.

USEC. IGNACIO: Mamaya naman pong alas-2:00 ng hapon ang first quarter nationwide earthquake drill. Ang live streaming po ng event sa Facebook at YouTube account ng Office of the Civil Defense. Makibahagi sa pag-duck, cover and hold sa pagtunog ng serena.

Iyan po ang mga balitang aming nakalap ngayong araw, ang Public Briefing po ay hatid sa inyo ng iba’t-ibang sangay ng PCOO, sa pakikipagtulungan ng Department of Health at kaisa ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas o KBP.

BENDIJO: Salamat din sa Filipino Sign Language Access Team for COVID-19. Asahan ninyo po ang aming patuloy na paghahatid ng impormasyon na mahalagang malaman ng bawat Filipino, ako po si Aljo Bendijo. Thank you, Usec.

USEC. IGNACIO: Thank you, Aljo. At ako po si Usec. Rocky Ignacio, magkita-kita muli tayo bukas dito lamang sa Public Briefing #LagingHandaPH.

##


News and Information Bureau-Data Processing Center