Press Briefing

Public Briefing #LagingHandaPH hosted by Presidential Communications Operations Office Undersecretary Rocky Ignacio and Mr. Aljo Bendijo

Event Public Briefing #LagingHandaPH
Location People’s Television Network, Inc. (PTV), Quezon City

USEC. IGNACIO: Magandang umaga Pilipinas. Hindi po tiyak kung kailan matatapos ang ating laban kontra COVID-19, kaya naman tuluy-tuloy ang aming pagbibigay ng mahahalagang impormasyon na dapat pong malaman ng bawat Pilipino.

BENDIJO: Sa ating pagharap sa ika nga’y ‘new normal’, mahalagang makiisa sa mga tugon ng pamahalaan. Ngayong araw po ng Biyernes, muli nating makakasama ang iba’t ibang kawani ng pamahalaan para sa isa na namang oras na makabuluhang talakayan. Ako po si Aljo Bendijo.

USEC. IGNACIO: Good morning, Aljo. Sa ngalan po ni Secretary Martin Andanar, mula po sa PCOO ako naman po si Usec. Rocky Ignacio at ito ang Public Briefing #LagingHandaPH.

At upang sumagot sa mga tanong ng bayan maya-maya lamang makakasama natin sa programa sina Senator Francis Tolentino, Palawan Governor Jose Chaves Alvarez at Department of Labor and Employment Assistant Secretary Dominique Tutay.

BENDIJO: Good morning, Usec. Rocky. Makakasama rin natin sa paghahatid ng mga balita ang mga PTV correspondents mula sa iba’t ibang probinsya at ang Philippine Broadcasting Service. Samantala, para naman sa inyong mga katanungan, maari po kayong mag-comment sa livestreaming ng ating programa sa PTV Facebook page.

At una po sa ating mga balita: Sa naging pahayag ni Senador Christopher ‘Bong’ Go, hindi aniya kakayanin na magkaroon ng reenacted budget para sa susunod na taon. Huwag aniya ibigay sa tao ang pasanin ukol sa pagpasa nang nararapat na budget para sa taong 2021. Sinabi rin ng Senador na kung walang angkop na budget, walang mapagkukunan ang pamahalaan ng pondo para sa COVID-19 recovery measures gaya ng pambili ng bakuna, testing equipment, karagdagang PPEs para sa mga frontliners at iba pang mga kagamitang pangkalusugan.

Dagdag pa niya papaano na ang mga programa para sa mga nawalan ng trabaho, ang budget na nakalaan sa edukasyon lalo na’t nangangapa pa ang mga estudyante sa blended learning, ang tulong para sa mga negosyo at OFWs, kasama din ang iba pang mga Pilipino na nagnanais na makabalik ng kani-kanilang mga probinsya. Binigyang-diin naman ng Senador na malaki ang maitutulong nang angkop na budget para makabalik sa normal na pamumuhay ang bansa. [VTR of Sen. Go]

Sa iba pang mga balita, hinikayat naman ni Senator Bong Go ang Governance Commission for Government Owned or Controlled Corporations na review-hin ang mga ginagawa ng GOCCs bilang pagsuporta sa kampanya kontra korapsiyon upang masiguro na maayos ang pagbibigay serbisyo sa publiko. Aniya ang GCG ang responsable sa pangangasiwa at pamamahala sa GOCCs at may kapangyarihan itong magpatupad at mag-coordinate ng mga polisiya ng GOCCs. Matatandaang una nang hinikayat ni Senator Go ang GCC na review-hin ang performance ng PhilHealth at tingnan ang posibleng reorganization ng ahensiya upang ma-address ang nabalitang systemic corruption at inefficiency sa ahensiya.

Samantala, sa gitna ng COVID-19 pandemic nagpaabot ng tulong si Senator Go kasama ang DTI para sa mga kababayan natin sa Batangas na patuloy pa ring bumabangon mula sa epekto ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal. Nito lamang Miyerkules, October 7, kasama ang Department of Trade and Industry nagpamahagi ng livelihood packages sa halos pitumpu’t dalawang mga benepisyaryo mula sa bayan ng Agoncillo sa Batangas. Sa ilalim ng Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa Program ng DTI, nagkaroon ng bagong mapagkakakitaang sari-sari store ang mga benepisyaryo. Bukod pa riyan namigay ang Senador ng masks, face shield, food packs, ilang bisikleta at tablets para sa mga kabataan na makatutulong sa kanilang distance learning.

USEC. IGNACIO: At upang pag-usapan ang tugon ng pamahalaan pagdating po sa mga panukala kaugnay sa COVID-19, makakausap po natin sa puntong ito si Senator Francis Tolentino. Magandang araw po, Senator.

SENATOR TOLENTINO: Magandang umaga po sa inyo at magandang umaga po sa ating mga tagasubaybay.

USEC. IGNACIO: Welcome po sa Laging Handa Public Briefing, Senator. Senator, bigyang-daan po muna natin ang tanong ng ating kasamahan sa media. Mula po kay Evelyn Quiroz ng Pilipino Mirror, ito po iyong tanong niya sa inyo: In early July of this year, you said you would file a bill to the effect that the additional electricity cost paid for by employees working from home amid the restrictions triggered by the pandemic should be deducted from their tax payments. Nakapag-file na po ba daw kayo tungkol dito, Senator?

SENATOR TOLENTINO: Ay opo, na-file na po natin iyan. Naka-pending lang po sa committee, pero iyong isa po nating naging panukala noong kung natatandaan ninyo iyong 3-gives law, nai-file na rin po natin iyan at ang ginawa po natin ay isinama na lang po natin iyan doon sa Bayanihan Law II. So ngayon for implementation na po iyan, iyong ating mga kababayang nasa GCQ, MGCQ, iyong pagbabayad ninyo ng kuryente hulugan ng tatlong buwan, may one-month grace period ganoon din sa telepono at ganoon din po sa tubig. Hindi lang po sa Metro Manila kung hindi sa buong Pilipinas po at for implementation na po iyan at palagay ko nauna nang nag-implement iyong iba ditong utilities sa Metro Manila.

Good morning nga pala kay Governor Tito Alvarez, kaibigan ko po iyan, nakita ko siya kanina. Good morning, Gov.

USEC. IGNACIO: Opo. Senator may kaugnayan pa rin po ito dito sa nararanasan nating pandemya. Ano daw po ang masasabi ninyo sa naging pagbubukas ng klase nitong Lunes?

SENATOR TOLENTINO: Alam ninyo hayaan na natin dito ngayon ang mag-assess iyong DepEd. Pero kung matatandaan ninyo rin, tayo rin po iyong isa sa mga nagpanukala noong batas na baguhin iyong existing law na mas maaga iyong bukas kung kaya nga po tayo iyong nagsulong na ma-postpone ng October 5. Kung natatandaan ninyo mahabang usapin iyan at iyan naman po ay natupad so hindi na po naging panukala na lang iyan at ginagawa na po iyan.

Itong mga glitches po siguro, hayaan nating mag-usap dito ang DepEd, ang DICT at kasama na rin siguro ang PTV-4 kasi sinabi ko noon as early as June kasama dapat ang PTV-4 at IBC-13 dahil kayo iyong government networks na puwedeng makatulong dito.

So I withhold my comment, hayaan muna natin si Secretary Briones na mag-fine tune kasi ngayon lang naman gagawin ito kaya normal lang po may glitches talaga.

USEC. IGNACIO: Opo. Senator, sa ngayon po, kukumustahin rin po natin iyong mga floating quarantine ships sa bansa. Kumusta na daw po ito?

SENATOR TOLENTINO: Hindi rin po sa pagbubuhat ng sariling bangko, ito iyong mga naunang panukala ko noong… kung hindi ako nagkakamali Abril pa ho ito eh, nilabas na natin ito and mabuti naman si Secretary Tugade ay pumayag. So hindi lang po iyong floating quarantine ships na ginagamit, iyong sa 2GO; maging iyong docking area dito sa Port Area ay ginagamit na rin. Tuluy-tuloy pa rin po—ang alam ko tuluy-tuloy pa rin ho sila pero ang talagang pakay dito eh wala nang mag-quarantine dito na mga parating nating mga kababayan galing sa ibang bansa at nakauwi na sila sa kanilang mga mahal sa buhay nang walang COVID, negative po sila. So ginagamit na po iyan at iyon po iyong mga naunang panukala ko noong simula pa lang ng COVID, ng pandemya at naipatupad naman, salamat sa DOTr.

USEC. IGNACIO: Opo. Senator, sa inyo pong privilege speech nitong nakaraang buwan, binuksan ninyo po iyong usapin kaugnay sa issue po ng Implementing Rules and Regulations o iyong IRR sa mga ipinatutupad na batas. Para lamang po sa kaalaman ng ating manunood, ano po ba itong IRR at sino po ang dapat gumagawa nito, Senator?

SENATOR TOLENTINO: Alam ninyo po ang IRR, ginagawa po ito ng mga ahensiya ng pamahalaan na binigyan ng mandato na ipatupad iyong batas. Subalit noong mga naunang panahon, siguro bata pa kayo, bata pa tayo eh wala naman po talagang IRR.

Ang natatandaan ko unang naglabas ng IRR ay iyong Department of Labor noong araw dahil medyo masalimuot iyong pagpapatupad ng batas. Pero may mga batas tayong walang implementing rules, naipatupad naman nang maayos. Kagaya po ng Revised Penal Code, tungkol sa mga krimen, iyong New Civil Code – wala pong mga implementing rules iyan.

Noong nauso po itong IRR, napag-aralan ko po na mayroong konting abuse. Minsan po, iyong IRR ay salungat po doon sa ginawang batas ng Kongreso. Minsan naman po, walang ginawang IRR kaya hindi po mapatupad iyong batas dahil nakalagay po eh, nakalagay po minsan doon sa last line ay subject to the issuance of implementing rules and regulations. So, ang sinabi ko po doon sa privilege speech ko ay panahon na po para tuldukan itong nagiging abuso ng gumagawa ng IRR dahil salungat po sa batas na nilalabas ng Kongreso. Ang Kongreso lang po, ang Senado, ang may karapatan sa ating Saligang Batas na gumawa ng batas, at iyong IRR ay hindi po ginawa iyan noong elected representatives ninyo. Kaya sumang-ayon po sa akin iyong mga kasama ko sa Senado na busisiin po ito, lahat po ng salungat sa batas na implementing rules, at kung maaari ay iakyat sa Korte Suprema para maisaayos.

Halimbawa po, mayroon po halimbawang isang batas na nagbibigay ng karapatan, halimbawa, sa Palawan, sabihin natin, mayroong isang batas na ginawa na gawin na international airport iyong San Vicente sa Palawan. So pagdating naman po sa IRR ay baka ang gawin ay mas maiksi ang runway, eh papaano pa magiging international airport iyon.
So, ito po iyong mga kumplikasyon na sinasabi ko na sa paggagawa ng IRR, kung kailangan iyong IRR, ay dapat pinapakita rin po sa Kongreso para wala pong maging hadlang o balakid.

USEC. IGNACIO: Opo. Senator, pero sang-ayon din nga iyong ibang mga kasamahang senador ukol dito, sa naging pahayag ninyo. Ano po iyong nakikita ninyong maaaring solusyon para dito, Senator? Nabanggit ninyo na nga po na ilan pa rin sa mga kasamahan ninyong senador ay sumang-ayon po sa inyo?

SENATOR TOLENTINO: Alam ninyo po, masalimuot iyong paggagawa ng batas eh. Tama iyong sinabi ng mga ibang kasamahan ko na kapag gumawa ng batas, gawin nang kumpleto; wala nang loopholes para hindi maging dahilan iyong IRR. Ganoon din iyong naging problema natin sa GCTA, ganoon din iyong naging problema natin sa PhilHealth.

So ang nakikita ko pong solusyon: Una, paggawa/pagbalangkas ng batas, gawin komprehensibo. Pangalawa, sabihan iyong agency in-charge na kapag ginawa niya iyong IRR, kung binigyan din kayo ng direktibang gumawa ng IRR ay ipakita ninyo muna doon sa komite sa Senado na ito ang IRR namin para makita namin kung talagang parehas. Maaaring sabihin ng iba, unconstitutional iyon, pero mas unconstitutional naman po iyong burukrasya ng pamahalaan, executive, ang gagawa ng batas. Dahil sa Saligang Batas, ang gagawa ng batas ay Kongreso. Hindi po namin dini-delegate iyong paggagawa ng batas sa iba’t ibang departamento o sa executive; ito po ay ibinigay ng Saligang Batas, ng Constitution ng Pilipinas sa Senado at sa Kongreso, at iyon lamang pong mga halal na mambabatas ang dapat gumawa ng batas.

USEC. IGNACIO: Opo. Senator, tinawag ninyo rin po ang pansin ng DOST, DOH at FDA kaugnay po doon sa gagawing clinical trials sa bansa. Saan po at ano po ba sa tingin ninyo iyong naging problema? At sa palagay ninyo po ba ay may gap o may kakulangan pagdating sa coordination efforts sa pagitan po ng mga ahensiya?

SENATOR TOLENTINO: Balikan ko iyong unang tanong ninyo sa akin. Kahit tingnan ninyo po iyong batas ng pagki-create ng DOST o maging iyong kanilang IRR, maging ang FDA. Hindi naman po nakalagay doon sa batas na ang DOST ay kasali sa mga clinical trials dahil ang clinical trials po ay tungkol po ito sa medisina. Ginagalang ko po ang DOST, kaibigan ko po iyan, sina Director Solidum, tungkol sa bulkan, sa mga lindol. Pero iyong clinical trials po ay tungkol sa human anatomy, tungkol po ito sa medicines and a medical devices na ang kailangan po ay iyong mga doktor – doktor sa kalusugan.

So kaya ko po tinanong iyon kasi maraming lumalabas na balita at ito ay inamin din ng DOST na sila ay involved sa clinical trials at lumagda na sa ibang CDA at ibang kasunduan para dito – CDA ang tawag nila. So tinatanong ko po, bakit napunta sa DOST? Ginagalang ko ang mga iyan, mga scientists po iyan, pero dapat po ito ay purely Department of Health mandate, to include the Food and Drug Administration na bahagi ng DOH family.

So napakadelikado po ito eh, kasi papunta na po sa phase 3 sa ibang bansa, sa Europa at sa Amerika, iyong vaccine; iyong sa Tsina at sa Russia, phase 2 pa yata iyon, iyong clinical trials. So ang sistema po nito kasi, iyong controlled trials at iyong maging randomized controlled trials na dapat health authorities ang may hawak kasi maselan po itong tungkol sa bakuna – hindi po ito isang pagsusukat lang ng sapatos, pagsusukat ng damit na kapag nasukat ay okay na – dahil pumapasok po ito sa katawan. Ang tawag po diyan ay in vivo testings. So maraming mga lugar na nagkaroon na ng mga human guinea pigs. So ito po iyong gusto kong malaman na maging transparent. Hindi po dapat ito lihim at kung sino talaga iyong tamang ahensiya na gumawa nito kasi may pondo rin pong ibibigay sa kanila at ito po ay magiging bahagi ng pag-aaral ng World Health Organization Solidarity Trial na tama po iyong proseso natin.

Ayaw po nating mapunta sa hindi tamang proseso iyong kalusugan ng ating mga kababayan, lalung-lalo na kung ang pinag-uusapan ay COVID-19. Napakasensitibo po itong usapin. At sabi ko nga, dapat isang ahensiya lang po ang humahawak nito. At mamaya, budget hearing ng Department of Health, siguro notice ko na sa kanila ito. Iyon iyong mga itatanong ko sa kanila eh kasi minsan iba iyong sagot ng isang ahensiya, minsan iba iyong sagot ng ibang ahensiya. Lahat naman po nito ay sang-ayon po para sa kabutihang ng ating mga kababayan.

USEC. IGNACIO: Opo. Senator, sa pagsisimula naman po kasi ng clinical trial sa bansa, hinimok ninyo rin po iyong mga LGUs na magkaroon ng malinaw na communication plan, katulad nga po ng sinasabi ninyo. At sa inyong palagay, ano po ba ang dapat na maging strategy para dito upang maging mas epektibo po ang gagawing trials sa mga LGUs?

SENATOR TOLENTINO: Alam ninyo po kasi medyo scientific ito eh. Iyong phase one kasi, hindi naman lahat buong Pilipinas, alam ni Governor Alvarez sa Palawan, hindi po lahat ng Pilipino ay masa-subject sa clinical trials. Ang phase one po ay binubuo ng less than 100. At ang dapat ang phase one ay iyong mga healthy participants.

Iyong phase two, puwede na pong more than 100, 300, pero puwede na hong may kasama dito na may mga infected ng COVID-19. Iyong phase 3, ito na iyong libu-libo. So hindi po lahat ng sector sa buong Pilipinas ay magiging bahagi nito. Pipiliin lang iyan, depende nga sa usapan kung sino po iyong developer/manufacturer ng vaccine, kung ito man ay galing sa Estados Unidos or sa Tsina or ibang bansa, at kung sino po iyong ahensiya na nararapat. Kaya sabi ko, maging transparent dito.

Iyong LGUs, siguro sa pagpili ng ilang mga participants na dapat voluntary din at dapat may consent, iyon po ang magiging role ng mga LGUs. At kapag na-develop na po iyong vaccine, dito na po sa pamamahagi ng bakuna ay malaki po ang papel ng LGU lalung-lalo na sinabi ng Pangulo na uunahin po iyong mga mahihirap nating mga kababayan. At ang sinasabi ko naman, maging doon sa DILG budget hearing, dapat nakahanda na po ang DILG para nang sa ganoon iyong mga LGUs ay mayroong mga refrigerators, may mga freezers kasi iyong temperature po ng paglalagyan ng bakuna ay napakasensitibo po noon, kapag nagkamali po tayo ay mapapawalang bisa po iyong bakuna.

So ito po iyong isang mahaba-habang usapin pa, ano iyong dapat na freezer na gagamitin, so bahagi po diyan ang LGU. At kung iyong mga LGU naman ay mayroong mga sariling cold storage plants kagaya po sa Palawan, maaari po sigurong gamitin na rin iyon. At mahaba pa ho ito, kaya nga dapat talaga ay mayroong isang ahensiya na talagang nakatutok dito.

USEC. IGNACIO: Alam mo, Senator, napakalinaw po, at least napapaintindi ninyo po sa amin ang mga dapat na proseso pagdating sa pagkakaroon ng ating bakuna. At bilang chair naman po sa ginaganap na Senate Committee on Urban Planning, Housing and Resettlement kamakailan, gaano po ba kahalaga iyong agarang pagtugon ng pamahalaan sa housing sector lalo na ngayon po na may COVID-19? Paano po nakakaapekto itong pandemyang ito sa sinasabi nating backlog or iyong kakulangan po ng house sa housing sector?

SEN. TOLENTINO: Naku, napakalaking epekto po niyan, dito po natin makikita na una pala talagang matibay na quarantine facility ay ang tahanan, iyong bahay. So paano ka magkakaroon ng isang tamang quarantine facility kung wala kang sariling bahay?

So, ito po iyong mga napapag-usapan sa housing sector at napakalaki nga noong backlog, tama iyong sinabi mo, kaya long range po ito. Kagagawa lang po ng ating Department of Human Settlement and Housing at ang primary resource na kailangan dito talaga ay pera, panggastos sa pabahay.

So, mahaba-haba po ito at naging bahagi rin po tayo sa pag-uusap dito habang dinirinig din iyong confirmation ng bagong Secretary of Housing. So babalikan po iyon, napakahalaga po ng tahanan dahil iyon talaga ang tamang quarantine facility para maging ligtas po iyong—kasi stay at home, paano ka mag-i-stay at home kung wala kang home.

USEC. IGNACIO: Opo, tama ng po, Senator. Ngayong pirmado na po ni Pangulong Duterte itong Bayanihan to Recover as One Act o iyong tinatawag nating Bayanihan 2, Senator. Kabilang po dito iyong ihinain na three gives payment; ano po ang masasabi ninyo dito, Senator?

SEN. TOLENTINO: Kanina, nabanggit ko iyon, nagpapasalamat ako at bahagi po iyan. Talagang sinulong po natin iyan na mabiyayaan po iyong ating mga kababayan na sa iba’t ibang lugar na walang pambayad ng kuryente at tubig at maging telepono.

So, pagbibigay lang po iyan ng ano… pagbibigay lang po ng lifeline para sa recovery. Mahaba-haba po ito ay mayroon silang paraan na makapagbayad ng tatlong hulugan, three gives doon sa kanilang mga utilities. Kasi sabay-sabay na ngayon pagpasok ng mga anak nila, naghahanap ng pambili ng tablet, ganoon din iyong pagpasok ng mga… kung may anak na sa kolehiyo, iyong pangmatrikula. So, napakahirap talaga ng usapin sa gastusin ngayon.

USEC. IGNACIO: Senator, kunin ko na lang po ang inyong mensahe sa ating mga nakikinig sa inyo ngayon at nanunood.

SEN. TOLENTINO: Siguro po tulungan po tulungan natin itong mga initiatives ng pamahalaan. Nakita naman natin na maging sa mga survey 92% yata iyong pagbigay ng approval doon sa pag-response ng ating Pangulo. Tulungan po natin ng sa ganoon ay makabawi kaagad tayo, napakahirap po nitong ganitong sitwasyon, iyong ekonomiya, iyong pangkabuhayan, maging iyong normal na ginagawa natin pang-araw-araw dati ay na-disrupt at wala pa tayong—hindi lang naman tayo ito, maging sa ibang bansa ay ganundin ang nangyayari.

So ang papel po na maitutulong ng ating mga kababayan ay iyong pakikipagkaisa at pakikipagtulungan sa ating mga awtoridad nang sa ganoon ay malagpasan na natin ito na napakahabang sitwasyon ng pandemya.

USEC. IGNACIO: Okay, Maraming salamat po sa inyong panahon, Senator Francis Tolentino. Stay safe, Senator.

SEN. TOLENTINO: Maraming salamat din po.

BENDIJO: At upang alamin ang tugon naman ng lokal na pamahalaan ng Palawan sa gitna ng COVID-19 pandemic, makakausap natin ngayon si Palawan Governor Jose Chavez Alvarez. Magandang araw po, Governor.

GOV. ALVAREZ: Good morning sa inyo.

BENDIJO: Governor Alvarez, this is Aljo Bendijo, welcome po sa Public Briefing #LagingHandaPH. Kasama din po si Usec. Rocky Ignacio.

Kumusta po ang COVID-19 cases ngayon sa probinsiya ng Palawan? So far ilan po ang mga nagpositibo at person under investigation (PUIs) sa probinsiya po, Gov?

GOV. ALVAREZ: Aljo, medyo mild lang iyong ating COVID dito sa Palawan; siguro dahil sa nakadistansiya tayo sa Metro Manila.

Magmula noong Marso ang total cases natin dito, nasa 200 plus lang, eh, 207 na iyong naka-recover sa amin, mayroon pa kaming total active cases ngayon na naiwan na mga 59. Pero kalat-kalat eh, minsan isang munisipyo, isa lang. Ang pinakamarami po namin ngayon iyong Isla ng Cuyo dahil mapakalapit po iyon sa Iloilo at saka Negros. Kaya noong pumunta sila sa Puerto Princesa, medyo natigil iyon.

Iyong pinakamarami natin ngayon, sa Cuyo lang may 38 tayo; sa Coron 40 na lang; sa Busuanga wala na, from less than ten to zero; Culion, ganoon din. So sa buong lalawigan ng Palawan ay very mild iyong epekto ng COVID.

BENDIJO: Nice to hear about that, Gov. Mayroon bang mga lugar diyan na nakasailalim na sa localized lockdown sa probinsya po ng Palawan, Gov?

GOV. ALVAREZ: Dati-rati iyong Coron; ngunit iyong Coron ngayon 14 na lang na medyo positive sa COVID, isang barangay lang iyon. Iyong Cuyo naman ngayon nandoon iyong team umalis kahapon para mai-suppress iyong pagdami ng COVID. Hindi namin pinapayagan na basta na lang pabayaan iyong local transmission, kailangan talaga masugpo kaagad.

BENDIJO: Iyong sitwasyon naman, Gov., ngayon ng mga quarantine facilities natin diyan at maging sa medikal na pangangailangan ng ating mga kababayan po diyan sa Palawan, kumusta po, Gov.?

GOV. ALVAREZ: Masuwerte lang tayo dito, dahil sa panahon po napagkaisahan namin na gagawa ng 15 hospital. Ang operational na ngayon sa 15, including iyong… October 20, ma-inaugurate natin diyan sa bayan ng Quezon, magiging sampung ospital na. Eh napakalawak po ng Palawan, so every 100 kilometers mayroon tayong isang hospital.

Before my terms end in 2022, iyong lima magiging operational uli, kaya 15. At saka mayroon tayong unit na pag-prepare dito sa mga hospital na aside sa isolation room para sa tuberculosis sa loob ng hospital ay gumawa tayo ng isolation building sa labas ng hospital. Kaya kung may COVID tayo, sila sa isang building na malayo sa hospital. So, iyong services ng hospital, hindi po apektado kung mayroong COVID case sa isang munisipyo, iyon po ang pinakamagandang nagawa natin.

BENDIJO: How about iyong pagpapatupad natin ng mga safety protocols po diyan sa Palawan, Gov., para sa mga kababayan natin para makaiwas po sa sakit ito pong COVID-19?

GOV. ALVAREZ: Noong isang araw, noong Tuesday nandoon po ako kay Secretary Galvez sa IATF, eh pinadalhan niya ako ng maraming PPEs. Before that, pagpasok pa lang ng March 13, marami na po kaming nabiling mga protective equipment and para sa mga kababayan natin siyempre iyong… since March po ay mayroon na kaming face mask, mayroon na kaming face shield at saka iyong wash your hands and distansiya, iyan ang medyo napairal talaga namin dito ng maganda.

BENDIJO: Gov, tumatanggap na ba ng turista mula sa mga GCQ areas—napakaganda po ng El Nido. Kumusta po so far ang turismo sa lugar at gaano po karaming turista ang bumisita ngayon sa Palawan?

GOV. ALVAREZ: Dahan-dahan ng pumapasok sa El Nido. In fact, iyong El Nido, effective October 1 nagsimula na po iyong pagtanggap nila ng mga bisita. Ngunit of course, galing sa Kamaynilaan, hindi pa masyado. Sa ibang GCQ areas, iyon nire-require natin sila ng RT-PCR pagdating, iyong simpleng face mask, wash your hand at distancing, then kung mayroon pang face shield, mas mabuti at kung wala po silang dalang face shield, mayroon po kaming face shield.

BENDIJO: Maliban po diyan sa El Nido sa tingin po ba ninyo kailangang buksan pa ang iba pang mga tourist destination at attraction sa Palawan?

GOV. ALVAREZ: Dahan-dahan na po ito, Itong TIEZA, iyong Department of Tourism nagbigay na po ng go ahead doon sa San Vicente Bay. Mayroon ng mga establishment doon na binigyan ng license to operate. Then iyong Coron kapag zero COVID na sa Coron, iyong maiwan na lang na ilang asymptomatic na naka-quarantine na eh buksan na rin natin iyong Coron.

Dito naman sa mainland continuous naman iyong ating inter-municipality travel, hindi naman natin hinihigpitan kasi alam natin na very mild lang ang effect ng COVID dito sa lalawigan ng Palawan. Dito lang ngayon sa Lungsod ng Puerto Princesa, medyo nag-spike ng kaunti, may mga localized lockdown sila dito sa Puerto Princesa ngunit natugunan namin ito in the hope na before the end of the year controlled na controlled na iyong COVID sa Puerto Princesa at saka sa buong probinsya ng Palawan.

BENDIJO: Opo. Paano po ninyo sinisiguro sa mga mamamayan ng Palawan maging mga turista po, Gov. ang kanilang safety, kaligtasan at ang kanilang kalusugan sa pagbubukas po ng turismo diyan, hindi lang sa Puerto Princesa kung hindi sa mga naggagandahang tourists destinations po diyan sa probinsiya ng Palawan?

GOV. ALVAREZ: Iyon nga, Aljo, at least before arrival, within 72 hours sila ay subjected to RT-PCR. At masuwerte ang Palawan dahil sabi ko na nga, mas malayo kami sa Metro Manila, matagal makarating dito iyong transmission. Nai-stop naman namin iyong flights noon ngunit ngayon binuksan na namin ngunit iyong mga airlines mismo ay maingat na maingat sila, hindi sila magdadala ng COVID dito.

Ngunit may mga barko na hindi talaga natin maiwasan na gusto ring maghanapbuhay galing sa ibang mga isla sa Visayas, pupunta ng Cuyo at saka sa ibang lugar pa dito sa aming eastern side kaya medyo may transmission pa kaming nangyayari. Ganoon ang nangyayari dito sa amin. Ngunit masuwerte ang Palawan overall, very mild lang iyong effect ng COVID dito, Aljo.

BENDIJO: Opo. Gov., may tanong lang si Usec. Rocky. Usec. Rocky, go ahead.

USEC. IGNACIO: Opo. Governor, may katanungan po ang ating kasamahan sa media na si Evelyn Quiroz ng Pilipino Mirror. Ito po ang tanong niya sa inyo: Tourism in Palawan has been badly affected by the pandemic. What measures are being done to help the people who have lost their livelihood because of COVID-19?

GOV. ALVAREZ: Kasama ho sila doon sa ating, hindi lang national recovery plan kung hindi mayroon din po kami dito sa probinsiya na mga hakbangin upang matulungan iyong ating mga tourism establishments na talagang apektado. Hindi lang iyong provincial government, iyong city government, iyong mga nasa Puerto Princesa, gumagawa din sila ng mga hakbangin upang matugunan.

Inuna na nga namin iyong mga tourist in between north, south and central Palawan para makadating po sila doon sa mga destination nila nang ligtas, pina-facilitate po natin iyon. Then of course, iyong mga establisyementong hirap na hirap talaga, hindi lang po tulong pinansiyal kung hindi kasama po doon iyong kung papaano natin sila matulungan sa kanilang mga employees and then iyong mga naipon nila, hindi nabayarang mga babayarin [garbled] sa mga service providers para po medyo (choppy audio) at talagang mag-slowdown na itong COVID.

Ngunit hindi natin pinababayaan na makapasok dito iyong talagang maraming magdadala ng local transmission, so, ingat na ingat kami. Sa ating mga kababayan, huwag po kayong mag-alala dahil palagi kaming… we are on the watch para lahat ng mga Palaweño ay ligtas po dito sa COVID-19. Katunayan, magmula nang March, tatlo lang po ang fatalities namin dito, iyong may dati nang mga comorbidities, matatanda at saka dati ng may sakit. Pero iyong mga asymptomatic, halos lahat ho sila nag-recover. Ganoon po kaganda ang Palawan.

Salamat.

USEC. IGNACIO: Okay. Maraming salamat po sa inyong panahon, Governor Jose Alvarez. Stay safe po, Governor.

GOV. ALVAREZ: Salamat din. Thank you!

USEC. IGNACIO: Samantala, sa kabila po ng epekto ng COVID-19 sa kabuhayan ng mga Filipino, may iba’t-ibang programa ang DOLE upang tulungan muling makabangon ang ating mga kababayan. Makakausap po natin si Assistant Secretary Dominique Tutay ng Bureau of Local Employment ng DOLE. Ma’am, good morning po.

ASEC. TUTAY: Good morning, Usec. Rocky at kay sir Aljo.

USEC. IGNACIO: Opo. Ma’am, ngayon pong napirmahan na ang Bayanihan To Recover As One Act, ano po ang maaasahan ng ating mga manggagawa mula po sa formal sector sa pagpapatuloy nga po nitong COVID-19 Adjustment Measures Program o iyong ating tinatawag na CAMP?

ASEC. TUTAY: Opo. Usec. Rocky, under po doon sa ating Bayanihan to Recover as One or Bayanihan II, patuloy po iyong pagbibigay po natin ng financial support sa atin pong mga manggagawa, hindi lamang po sa formal sector kung hindi pati na rin po sa informal sector at iyong mga apektado po natin na mga OFWs.

So, doon po sa COVID Adjustment Measures Program (CAMP) para sa formal sector, there will be a five thousand financial assistance. It’s one-time po na maibibigay po natin sa ating mga apektadong kababayan lalung-lalo na po iyong nawalan po ng trabaho. Doon naman po sa informal sector, ito po ay bibigyan po natin ang ating informal sector workers ng pagkakataon na magkaroon po ng emergency employment under po sa TUPAD Program po natin kung saan mag-e-earn po sila ng minimum wage equivalent doon po sa regional wage po natin kung saan po sila nandudoon and iyong sa AKAP natin, magpapatuloy rin po iyong financial assistance po para sa mga returning OFWs affected by COVID-19.

USEC. IGNACIO: Opo. Maaari ninyo rin po bang idetalye ang pagkakaiba ngayon ng CAMP sa Bayanihan II mula po sa implementasyon nito noong Bayanihan 1?

ASEC. TUTAY: Opo. Noong Bayanihan 1 po, ang pondo po na ginamit po natin sa CAMP ay nagmula po doon sa regular budget po ng Department of Labor and Employment na ni-realign lamang po natin para makapagbigay po tayo ng financial assistance. Under the Bayanihan 2, ito po ay may inilaan po na 13 billion para po sa Department of Labor and Employment para po ma-implement po natin ang CAMP, TUPAD at saka AKAP.

Ganoon din po, dahil medyo malaki po iyong naibigay po sa ating pondo, ang ibig sabihin po, mas marami po tayong manggagawa at mga OFWs na puwede pong matulungan. And then ang ginawa rin po natin for Bayanihan 2, we will be using the digital wallets o payments para po sa pagbibigay po natin ng ayuda sa ating mga kababayan.

USEC. IGNACIO: Opo. Nabanggit ninyo rin po na gusto ng DOLE na gawing cashless iyong pamamahagi po ng inyong tulong sa mga manggagawa na magiging benepisyaryo ng inyong programa. So, paano naman po ito mapapakinabangan ng ilan nating mga kababayan na katulad po lamang ng mga arawan ang kita at wala pong mga tinatawag na smart phones para makuha iyong tulong mula po sa tinatawag na mobile wallets?

ASEC. TUTAY: Opo. Iyon pong prospective service provider po natin, Usec. Rocky, mayroon po silang mga serbisyo na hindi lamang po through banking system, PayMaya or GCash ang pupuwedeng tumugon sa pangangailangan po ng ating mga kababayan. We acknowledge po na marami tayong mga manggagawa sa liblib na pook na mahirap po na maabot ng teknolohiya kaya po ang serbisyo po ay ang gagawin po nila, doon po mismo sa lugar nila pupuntahan po sila at manually po maibibigay po sa kanila or maipapaabot po iyong ayuda po ng ating pamahalaan.

USEC. IGNACIO: Opo. ASec., alam po naman natin na marami sa ating mga kababayan ang nawalan ng trabaho dahil dito sa pandemya. So, ano-ano po iyong mga sektor at trabaho ang in demand ngayon na maaari pong aplayan ng mga nawalan po ng trabaho dahil nga po sa COVID-19?

ASEC. TUTAY: Opo. Magandang oportunidad po ngayon, Usec. Rocky habang unti-unti po na bumabangon po ang ating ekonomiya, iyon pong sa BPO sector or business process outsourcing, ganoon din po nagbo-boom na rin po unti-unti ang ating construction sector dahil hindi lamang po public infrastructure kung hindi pati na rin po ang mga private projects po ay gumagana na rin po. In fact, iyon pong mga job opportunities po natin na naitala, marami na po iyong mula po sa construction sector.

And then, mayroon din po tayo sa manufacturing. Unti-unti na rin po dahil iyong iba nag-repurpose na ng kanilang mga products, so gumagana rin po iyong ating manufacturing sector ngayon. Pati wholesale and retail po, dahil mayroon ng mga about a 100% doon sa iba na nagbubukas, iyong iba naman po ay allowed na sila up to 75%. And siyempre po, ang pangangailangan pa rin po natin sa health and wellness.

USEC. IGNACIO: Opo. Ngayon po na ang pangunahing pamamaraan na ginagamit ng mga naghahanap ng trabaho ay online. So paano po ito nama-maximize ng DOLE at ng Bureau of Local Employment para po mas maiparating sa ating mga kababayan iyon pong mga kinakailangang impormasyon katulad po ng announcement ng vacancies at iyong mga competencies na kinakailangan po?

ASEC. TUTAY: Maraming salamat po, Usec. Rocky. Ang bagay po na ito iyong public briefing halimbawa, iyong mga job vacancies available in the market. Bukod po diyan nagbigay po tayo ng trabaho, negosyo, kabuhayan webpage doon po sa ating ble.dole.gov.ph. kung saan hindi lamang po job opportunities ang impormasyon na binibigay po natin kung hindi pati na rin po doon sa mga gustong magnegosyo o kaya po magkaroon po ng skills development through training sa pamamagitan din naman po ng TESDA.

Mayroon din po tayong mga kino-conduct na mga webinars featuring the different sectors po na pupuwede pong mag-offer po ng mga trabaho sa ating mga kababayan and ginagamit rin po natin iyong social media para po magbigay po ng impormasyon sa ating mga kababayan tungkol sa mga job vacancies available in the market.

USEC. IGNACIO: Opo. Kabilang din po sa mga naghahanap ng trabaho ngayon ay ang mga kabataan partikular po iyong mga newly graduates. So anu-ano po iyong programa ng DOLE na dapat po ay maaari nilang ma-avail?

ASEC. TUTAY: Opo. Sa panahon po ngayon, ang atin pong mga kabataan ay puwedeng mag-avail ng tinatawag po natin na government internship program kung saan sila po ay magkakaroon ng pagkakataon na ma-develop ang kanilang skills sa mga public institutions at the local and national level at ito ang payment po nito ay minimum wage po prevailing in the region kung saan po sila naka-assign.

Patuloy rin po iyong ating special program for employment of students, ito naman po doon sa mga estudyante na gustong part time work pupuwede po ito in both public and private establishments at kanina nga po nakita ko doon sa grupo po ng ating public employment service offices na sila po ay nagpapasalamat dahil iyon pong kanilang mga SPES [Special Program for Employment of Students] beneficiaries ay nakatanggap na daw po ng sahod.

USEC. IGNACIO: Opo. Kung sakali po na mangangailangan ng assistance iyong ating mga kababayan mula po sa inyong mga programa ay saan at paano po nila makukontak ang DOLE o ang BLE?

ASEC. TUTAY: Opo, mayroon po tayong DOLE call center hotline, maaari po silang tumawag sa DOLE 1349 at mayroon din po tayong itinayo na DOLE Command Center, kung saan lahat po ng uri ng tanong ay puwede rin po nilang tawagan ang command center po natin at sa DOLE Bureau of local Employment po, maaari din po silang tumawag sa 85270087 para po sa mga katanungan.

USEC. IGNACIO: Ma’am, bigyang-daan po natin iyong tanong naman ng ating mga kasamahan sa media. Mula po kay Evelyn Quiroz ng Filipino Mirror: During the senate hearing on the package 2 of the proposed tax reform Finance Secretary Karl Chua, said the removal of certain under the proposed tax reform measure will not result in job losses. In that hearing po, you were quoted to have said that we are looking at some job losses. Paki-expound po on different stands of the Department of Finance at ang DOLE?

ASEC. TUTAY: Opo. Bago po iyong CREATE iyong version po ng CITIRA. Ito po ay nagkaroon po ng joint study ang DOF at ang DOLE at tiningnan po natin iyong iba’t ibang simulations or iba’t iba pong mga assumptions na ginamit. Totoo po na may mga jobs to be created, given the tax reduction or iyon pong mga reforms na gagawin po natin. Subalit may mga ilang sektor po na kinakitaan din po tayo na nagni-negative po talaga. But if you look at the overall picture, while it would create employment, not employment gains, kailangan lang po na saluhin po natin iyong mga sektor na maapektuhan po ng tax reforms po natin.

USEC. IGNACIO: Opo. Asec., kunin ko na lang po iyong inyong mensahe sa publiko partikular po sa ating mga manggagawang Pilipino.

ASEC. TUTAY: Opo, kami po ay nagpapasalamat kay Usec. Rocky at kay Sir Aljo Bendijo sa pagkakataon po na ibinigay para maibahagi po natin ang mga update with regard to local employment opportunities po sa ating labor market. Inaasahan po natin ang pagbibigay din po ng maayos na ayuda under the Bayanihan II ng Department of Labor and Employment and I just like to say maraming salamat and stay safe everyone.

USEC. IGNACIO: Okay, maraming salamat po sa inyong panahon, Assistant Secretary Dominique Tutay ng DOLE. Stay safe, Ma’am.

Samantala, upang bigyang daan ang Hatid Tulong Program na layong mapauwi ang mga na-stranded sa Maynila dahil sa umiiral na community quarantine ay pansamantala munang sinuspinde ang Balik Probinsiya Bagong Pag-asa Program. Para sa ibang detalye panoorin po natin ito.

[VTR]

BENDIJO: Sa puntong ito, dumako naman tayo sa pinakahuling mga balita mula sa iba’t-ibang lalawigan sa bansa, makakasama natin si Czarinah Lusuegro mula sa Philippine Broadcasting Service. Czarina?

[NEWS REPORTING]

BENDIJO: Maraming salamat Czarinah Lusuegro mula sa Philippine Broadcasting Services.

USEC. IGNACIO: Mula naman po sa PTV-Cordillera, may ulat si Danielle Grace De Guzman. Danielle?

[NEWS REPORTING]

BENDIJO: Mula naman sa PTV-Cebu, may report si John Aroa. John, maayong udto.

[NEWS REPORTING]

BENDIJO: Daghang salamat, John Aroa.

USEC. IGNACIO: Mula sa PTV-Davao, may ulat ang ating kasamang si Jay Lagang.

[NEWS REPORTING]

USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo, Jay Lagang.

Samantala, dumako naman tayo sa update kaugnay sa COVID-19 cases sa buong bansa. Base sa tala ng Department of Health as of October 8, 2020, umabot na sa 331,869 ang total number of confirmed cases. Naitala ang 2,363 new COVID-19 cases. Naitala rin kahapon ang 144 katao na nasawi kaya umabot na sa 6,069 cases ang kabuuang bilang COVID-19 deaths sa bansa. Subalit rin naman ang pagdami ng mga nakaka-recover mula sa COVD-19. Umakyat na sa 274,318 with 697 new recoveries recorded as of yesterday. Ang kabuuang bilang ng ating active cases sa bansa ay 51,482.

BENDIJO: Para po sa inyong mga katanungan at concerns tungkol sa COVID-19, maaari po ninyong i-dial ang mga numerong 02-894 COVID o kaya ay 02-894-26843. Para naman sa PLDT, Smart, Sun at TNT subscribers, i-dial ang numerong 1555. Patuloy rin kayong makibalita sa mga pinagkakatiwalaang sources ng impormasyon tungkol pa rin sa COVID-19. Maaari ninyong bisitahin ang covid19.gov.ph.

USEC. IGNACIO: Samantala, nagbigay naman ng pahayag si Secretary Harry Roque kaugnay sa naging IATF Resolution #78. Aniya, ang Inter Agency Task Force with the management of Emerging Infection Diseases or IATF-EID ay inaprubahan ang health and safety protocols para sa pagsasagawa ng plebiscite sa unang quarter ng taong 2021 na gagawin sa dibisyon ng probinsiya ng Palawan sa ilalim ng Republic Act 11259 at iba pang probisyon sa Constitution kabilang na ang pagboto. Kaugnay diyan ang mga may edad 18 to 21 years old, senior citizens, mga buntis at mga may health risk ay hindi muna papayagan na bumoto.

Samantala, pinapayagan ang face to face training and assessment sa Technical-Vocational institutions at TESDA Technology institution para sa outbound Overseas Filipino Workers na nasa ilalim ng GCQ o mas mababa pa ngunit kinakailangan pa ring sundin ang minimum health standards at TESDA guidelines.
Ang dive establishments naman sa mga particular na lugar na nasa ilalim ng GCQ at MCGQ tulad ng Batangas at iba pang lugar na identified ng DOT ay maaaring tumanggap ng recreational divers bilang guest. Ang Department of Tourism ay dapat aniya magbigay ng nararapat na alituntunin sa pakikipag-ugnayan at konsultasyon sa DILG, PNP at iba pang LGU.

Ang IATF naman po ay nagbigay ng direktiba sa kanilang sub-technical working groups sa data analytics at anticipatory and forward na magkaroon ng pagpupulong para makapag-formulate ng unified recommendations kaugnay sa mga guidelines na applicable sa mga lugar na maaaring sumailalim sa new normal.

At iyan nga po ang mga balitang aming nakalap ngayong araw. Maraming salamat sa mga naglaan ng kani-kanilang oras sa pagbibigay-linaw sa mga impormasyon na mahalagang malaman ng ating mga kababayan.

BENDIJO: Ang public briefing ay hatid sa inyo ng iba’t ibang sangay ng PCOO, Presidential Communications Operations Office, sa pakikipagtulungan ng Department of Health at kaisa ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas o KBP.

USEC. IGNACIO: Asahan ninyo ang aming patuloy na pagbibigay impormasyon kaugnay sa mga updates sa ating paglaban sa COVID-19 pandemic. Maraming salamat din sa Filipino Sign Access Team for COVID-19.

BENDIJO: Samantala, 77 days na lang Pasko na. Bagama’t patuloy pa rin ang pagharap natin sa krisis na dulot ng COVID-19, lagi nating tandaan na ang pagmamahal at pagtutulungan sa kapwa ay ang tunay na diwa ng Pasko. Ako po si Aljo Bendijo. Thank you, Usec. Rocky.

USEC. IGNACIO: Thank you, Aljo. Sa ngalan po ni Secretary Martin Andanar, mula po sa PCOO, ako po si Usec. Rocky Ignacio at magkita-kita po tayong muli bukas dito lamang sa Public Briefing #LagingHandaPH.

###

 

 


SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)