Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Erwin Tulfo–Tutok Tulfo Reload


TULFO:  Nasa linya ng aming telepono si Secretary Harry Roque, ang Presidential Spokesperson at the same time Tagapagsalita rin po ng Inter-Agency Task Force on COVID-19. Magandang umaga Secretary Roque, sir.

SEC. ROQUE:  Hi, magandang umaga Pareng Erwin. Magandang umaga Pilipinas.

TULFO:  Opo. Sir, bilisan ko na lang dahil alam ko talagang left and right ang inyong mga meeting, appointment, mga speaking engagements. Sir, is Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ), kailan ito mag-uumpisa; at alam ko ang Metro Manila, Laguna and Cebu City ang naunang inilagay dito or will remain dito sa MECQ, sir?

SEC. ROQUE:  12:01 po mamayang madaling araw, ang buong Metro Manila, Laguna at Cebu City ay nasa MECQ. Wala naman pong masyadong pagbabago iyan sa ECQ, ibig sabihin lang po niyan mas maraming industriya na bubuksan, wala pa rin pong public transportation at kinakailangan po mag-ingat pa rin dahil matindi pa rin po ang banta ng COVID-19 sa mga lugar na nasa MECQ.

TULFO:  All right. Bilang Tagapagsalita po ng IATF, ito po ang maraming katanungan sa akin ngayon sir. ‘Pag sila ba ay nasa GCQ na, wala na silang aasahang ayuda na matatanggap na SAC, Secretary?

SEC. ROQUE:  Ang kontrobersiyal po ngayon ay iyong second tranche ng ayuda na SAP. Ang nangyari po kasi diyan ay binigyan lang tayo ng 205 billion ng Kongreso na nilalaan sana sa 18 million. Eh ang nangyari po, maraming nagreklamo doon sa unang tranche na dapat mabigyan daw sila at inaamin naman natin na iyong datos na 18 million ay nakabase sa 2015 census pa ‘no. So binigyan ng Pangulo ang 5 million other families, sumatotal 23 million. Pero ‘pag ikaw ay nagbigay ng 23 instead sa 18 lang, siyempre mauubos iyong pondo na 205.

At kaya nga po ngayon ang pupuwede lang mabigyan doon sa budget na binigay ng Kongreso ay iyong mga nasa ECQ area ng pangalawang buwan. Pero inatasan na po ng Presidente ang ating Kalihim Wendel Avisado, tingnan… ang ginamit niyang salita ay ‘tuliin’ iyong mga budget ng mga line agencies, tingnan kung ano iyong pupuwedeng ma-realign at kung hindi ito sapat para mabigyan iyong lahat ng 23 million ng pangalawang ayuda eh hihingi tayo ng tulong sa Kongreso ‘no kung paano natin mabibigyan.

Pero sa ngayon po talaga, eh ubos iyong 205 billion at naghahanap pa tayo ng pondo para mabigyan ang lahat na 23 million ng pangalawang ayuda. Pero sa ngayon po ang aprubado, ang ipapatupad kaagad ay iyong para sa mahigit kumulang mga 16 million families nananatili sa ECQ ng pangalawang buwan.

TULFO:  So linawin ko lang Sec. ha, tama ba iyong pagkadinig ko na ubos na po iyong 205 billion sa first wave pa lang iyon. Iyong second wave, wala na pong pang-second wave?

SEC. ROQUE:  Hindi po, mayroon pa pong pag-second wave pero ang—mas maliit na po iyong halagang available kasi po—ito po ang datos ‘no. Ang datos po diyan sa—ay naku, nabura po iyong aking datos. Pero iyong natitira pong pondo sa 205 ay sapat lang po iyan para magbigay ng second tranche ayuda sa mga nakatira sa ECQ. So may pondo pa po para doon sa mga nakatira sa ECQ sa pangalawang buwan ng Mayo.

TULFO:  So ‘pag ang lugar mo ay nasa GCQ na, wala na Secretary.

SEC. ROQUE:  Sa ngayon po wala, bagama’t hinahanapan ng pondo kung saan makakakuha ng pondo.

TULFO:  All right. Sir ayoko man, pero marami pong nagtatanong. I don’t know kung puwede mong sagutin ito. Iyong kay General Sinas ng NCRPO, mukhang hindi ho yata nagustuhan ng Pangulo nang makarating sa kaniya na nagpa-birthday po iyong isa sa mga heneral niya sa PNP kaya nga inatasan yata si Executive Secretary na tutukan ito, ang pagsasampa ng kaso. Tama po ba, sasampahan ng kaso ang General Sinas at iba pang matataas na opisyal ng PNP na naroon sa birthday party ni General Sinas, sir?

SEC. ROQUE:  Ang impormasyon ko po, ito po ay desisyon mismo ni PNP Chief Gamboa, na magsampa ng kasong kriminal laban kay General Sinas at 43 pang mga katao na sumama doon sa birthday na iyon.

Now kahapon po, hiningi ng Executive Secretary iyong ebidensiya na nakalap na ng Internal Affairs Service ng PNP dahil siya po ay isang heneral/presidential appointee, hindi po pupuwedeng masampahan ng kasong administratibo na walang approval ng Malacañang.

So hindi na rin po inantay ng Palasyo na boluntaryo na magbigay ng request para magsampa ng administrative case laban kay General Sinas, kinukuha na po natin ang ebidensiya at titingnan na natin kung masasampahan siyang kasong administratibo. At siyempre po, iyan ang magde-decide sa [garbled] ni General Sinas kung siya po ay masisibak, masu-suspend o mapapatawan ng kung anumang parusa.

TULFO:  Papasok pa rin po ba ang NBI diyan, kasi mukhang nag-utos na rin si Secretary Guevarra ng DOJ na mag-imbestiga, Secretary?

SEC. ROQUE:  As a matter of course po eh, kaya nga binuo po iyong NBI, kung titingnan ninyo iyong legislative history ‘no at intent, kapag pulis ang akusado, siyempre para patas ang imbestigasyon, dapat pumasok din po ang NBI.

TULFO:  Panghuli na lamang, Secretary. Marami pong nagtatanong but I don’t know kung nasa lebel mo ito, because you’re not with the PNP. Malilipat po ba, mata-transfer or ano pong disciplinary action aside from itong alam natin na sinampa na kriminal, administrative. Pero iyong pagre-relieve at malilipat po si General Sinas, kasama po ba iyan sa tinitingnan ngayon ng pamunuan ng PNP, Secretary?

SEC. ROQUE:  Ipinapaubaya na po natin iyan sa PNP ‘no, at sa ngayon wala po tayong impormasyon.

TULFO:  Maraming salamat, Secretary Harry Roque. Sir, mag-ingat po kayo, may bagyo ano po Sec.

SEC. ROQUE:  Okay. Maraming salamat po at magandang umaga po.

###

Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)