Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Fernan Gulapa & Orly Trinidad (Natural-DZBB)


Q: Nasa ating linya at makakausap natin si Presidential Spokesperson, Atty. Harry Roque. Atty. Roque, magandang gabi po sa inyo. Si Orly po ‘to saka si Fernan, Sec.

SEC. ROQUE: Hi, Orly at Fernan. Magandang gabi sa lahat ng nakikinig at nanonood…

Q: Oho… Itanong lang po namin siguro ang… siguro reaction po ng Malacañang sa pamamagitan po ninyo dito sa—mahirap man banggitin pero Secretary, the US intelligence community, kaya sabi na mahirap banggitin di ba, kasi ang US namomroblema sila sa mga reklamong paglabag nitong… sa legal statement ni Tom.

FERNAN: Oo nga, ang daming mga reklamo sa kanilang mga mamamayan.

Q: Alam mo, Pangulong Duterte raw po ay banta sa seguridad at karapatang pantao sa Asya. Siguro nakarating na ho sa inyo itong balitang ito, Attorney.

SEC. ROQUE: Ay siyempre ay nababahala, dahil ako naman po ay nagturo ng international law nang labinlimang taon, at isa sa kaso na talagang required sa aking mga estudyante ay iyong Nicaragua vs US na desisyon po ng international court of justice. Kung saan iyong court ay nagkaroon ng desisyon na talagang… sa kaso ng Nicaragua ay talagang pilit na pinatatalsik ng mga Amerikano, lalong-lalo na ng intelligence division ng Amerika iyong hinalal ng taumbayan ng Nicaragua noong mga panahong noon, na tanggalin sa government.

So ganiyan na po ang reputasyon ng intelligence community ng Amerika, at napadaloy din po natin iyong mga ganiyang mga conclusion laban kay Presidente Digong. Siyempre po, sinong hindi mababahala? Ang mga nakakabahala naman po dito, nagsalita naman ang State Department, ang State Department ay pinuri pa nga tayo na bumababa na daw yung extra-legal killings natin, at natuwa naman tayo sa ganiyang statement, dahil nagpapakita na talagang nananatiling malakas ang pagkakaibigan ng mga bansang Pilipinas at Amerika.

Pero para sa mga intelligence department, alam mo naman ‘pag sinabing intelligence nandiyan ang CIA, at alam mo naman na sa kasaysayan, tingnan mo, Nicaragua. Nicaragua naging desisyon na talagang nagpapatunay na pinatalsik o tinangkang patalsikin ng mga Amerikano yung Nicaraguan sa government. Pero marami pang ibang mga gobyerno na napatalsik na ng CIA, so ano ibig sabihin nito, gagalaw ba sila patalsikin si Presidente Duterte, ganun ba iyan?

Sa akin po, ay sa panahon din na ang akala ko ay—na nais natin ng mas malakas na samahan ng Amerika at ng Pilipinas, ay hindi yata ganito ang salita ng isang Amerikano ‘no, ng isang bansa na nagnanais maging kaibigan ng Pilipinas. Nakakabahala ho talaga ‘yan.

Q: Sabagay, bukod doon sa kaso po ni Daniel Ortega na ‘yan, na si Daniel Ortega ng Nicaragua na kinukuwento ninyo Atty. Roque, ay iyon na ring mga reklamo ‘di ba sa mga statement ng Pangulong Trump ng Estados Unidos na nagiging divisive o nagiging dahilan kung bakit magkahati ang tensiyon. Siguro dapat iyon ang una nilang tingnan kung sinasabing threat to democracy and human rights ang kanilang dapat ipaliwanag, ganoon po ba iyon?

SEC. ROQUE: Alam mo po, kasi sa parte na ‘yan ni Presidente Trump, wala namang problema si Presidente Duterte – mukhang magkasundung-magkasundo sila. Pero alam natin na hindi rin nagkakasundo iyong intelligence community at saka si Trump, so parang may sariling galaw ang mga intelligence community diyan sa Estados Unidos na dahilan kung bakit nakakabahala.

Q: Oo, didikit pa, masaklap nito Kaka Attorney, didikit pa kay Cambodian Prime Minister Hun Sen.

SEC. ROQUE: Naku, wala pong katuturan talaga ‘yan dahil tayo naman po, si Presidente, halal ng taumbayan, si Hun Sen hindi po ‘yan nahalal. Pangalawa, mayroon tayong gumagana na mga institusyon, mayroon tayong malayang Hudikatura, mayroon tayong Kongreso, Senado at Mababang Kapulungan. So sa akin po talaga, hindi katanggap-tanggap ‘yan. at ano naman ang—kumbaga ‘K’, anong karapatan ng intelligence community na magkaroon ng ganitong bansag, hiwalay sa State Department. Ang State Department, uulitin ko po, talagang nakita nila na bumababa ang mga patayan at pinupuri tayo. So nakakatakot lang iyon nga, dahil iyong mga nagpapatalsik sa gobyerno hindi naman State Department – intelligence community.

Q: Oo. Attorney, do you think may mga pagkukulang tayo sa pagpapadala ng mga communiqué o the information when it comes to human rights, when it comes to, ito, iyong paglaban, pagkilala sa karapatan, pagtataguyod ng demokrasya sa bansa? Kasi parang… parang kulang lagi or baka iyong impression—sa akin lang kasi, baka naman iyong impression dito ay— ‘pag may ganitong balita, pinalalaki kasi dito sa atin at laman agad ng mga pahayagan.

SEC. ROQUE: Wala naman po sigurong ganoon, kasi nakarating naman sa State Department kung ano iyong mga hakbang na ginawa na natin para mapababa iyong mga collateral damage dito sa giyera laban sa droga. So kung nakarating naman ‘yan sa State Department, ay hindi ko po maintindihan kung saan nanggaling itong ganitong mga konklusyon ng intelligence community sa Amerika. Ito talaga… ito talaga ang kanilang balakin na isinapubliko nila itong ganitong konklusyon.

Q: Mayroon ba kayong nakikitang plano na ipatawag iyong Ambassador ng Amerika at para sa kanila mismo ipadala kung anuman iyong mga nami-miss siguro nila na mga information or details?

SEC. ROQUE: Well ako naman po ay hindi Secretary of Foreign Affairs. Hahayaan ko na po ‘yan kay Secretary Alan Cayetano. Pero ang sa akin lang po ay hindi maaalis sa Palasyo na mabahala sa ganitong konklusyon.

Q: Sec., iyong binabanggit na regional threat daw po iyong pronouncement ng Pangulo tungkol sa revolutionary government, martial law saka iyong sa drug war. Ano ang reaksiyon po ninyo doon?

SEC. ROQUE: Well nakakagulat nga iyong conclusion nila sa revolutionary government. Paulit-ulit na ngang inulit ‘yan na… nilinaw ng President na magkakaroon lang ng revolutionary government kung talagang naghihingalo na iyong gobyerno. At hindi mo naman matatanggal talaga ‘yan sa kahit anong gobyerno kapag may mga taong nagtatangka na tanggalin siya. So sa akin po malinaw na… ang sabi ng Pangulo hindi siya magtatagal sa puwesto beyond 2022, at kung magkakaroon ng charter change by 2020 ay kusa na nga siyang bababa sa puwesto. So hindi ko alam talaga kung saan ang hugot nitong konklusyon na ito.

Q: May bigat ba ‘to o may kaugnayan doon sa sinampang kaso sa Pangulo sa International Criminal Court, Secretary?

SEC. ROQUE: Sa tingin ko, wala naman po dahil hindi naman miyembro ng ICC ang Estados Unidos. Ayaw na ayaw nilang maging miyembro ng ICC, at sinasabi nga nila na hindi nila hahayaan ang kanilang kasundaluhan na maimbestigahan ang isang prosecutor na wala—sa tingin nila, walang pananagutan.

Q: Oo, si Daniel Ray Coats pala iyong ating pinag-uusapang Intelligence Director ano po, at si Harry Harris naman iyong US Pacific Command Commander, mukhang… itong dalawang ito mukhang kinakailangan sa tingin ninyo na… o pabayaan na lang kung iyon talaga impression nila o kailangan pang imbitahan dito para ipaliwanag at sa kanila mismo iharap ang lahat ng mga makatotohanan o puwede ninyong ipakita sigurong mga patunay o ebidensiya, Attorney?

SEC. ROQUE: Well sa akin po, talagang naaabala tayo. Ang Presidente po, halal ng taumbayan sa isang demokratikong lipunan, at iyong mga pinagsasabi po nila ay siguro po ay may mga konting kahinaan tayo sa laban sa droga, pero hindi po tayo authoritarian, hindi po tayo banta sa seguridad ng region. Ang banta po ay iyong mga terorista at iyong mga drug lord, at saka iyong mga naniniwala sa violence extremism, pero hindi po ang Presidente. Ang Presidente nga nagmamadali nang bumaba, kaya pinupukpok na matapos ang charter change sa lalong mabilis na panahon.

Q: Oo nga. Atty. Roque, Secretary… kumusta ho ba ang Malacañang Press Corps ngayong araw na ito? Nakabisita ho ba kayo sa opisina sa New Executive Building, sa NEB?

SEC. ROQUE: Wala po kasi akong press briefing ‘pag Wednesday. Ang Wednesday ko po, ito iyong araw na inuukol ko naman doon sa mga imbitasyon ng mga istasyon, mayroon po tayong interview. Pero nagsalita na po ang Presidente, so tanggapin na lang po natin ‘yan. I’m sure magrereklamo na naman sila ng panunupil ng kalayaan, pero alam naman natin na sa mula’t mula ano, pupuwede namang i-cover ang Malacañang nang hindi nakakapasok ng Palasyo dahil lahat po ng ating press briefing, nasa PTV4 at nasa Facebook. Ang lahat po ng mga okasyon na pinapayagan ang media ay nandiyan po sa PTV4 at sa Facebook din. So wala pong panunupil, puwede pa rin silang mag-report – ayaw lang sa kanila ng Presidente.

Q: May nakikita ba kayo na may kaugnayan dito sa inilabas na intel report na ‘to, iyong mga political opposition at iyong sa CPP-NPA?

SEC. ROQUE: Well ang sa akin lang po ay, maibabalik natin sa usaping Rappler, kasi pag-aari sila at kontrolado sila ng mga Amerikano, itong mga ganitong konklusyon ng intelligence community sa Amerika. Ito’y…[choppy line]

Q: Naputol na si Secretary…

SEC. ROQUE: [Choppy line]… palpak itong mga telcos natin…

Q: Naku yari kayo… Secretary Roque, maraming, maraming salamat. Kaya ho naman namin natanong iyong tungkol sa mga media, kasi alam naman ng lahat na ang inyong maybahay ay dati ring media—dati ring reporter ‘di po ba?

SEC. ROQUE: Opo…

Q: At alam ninyo naman po siguro kung gaano kahirap, kung halimbawa may mga ganiyang pangyayari na hindi makakapagtrabaho ang isang miyembro ng media, ‘yan ay kung talaga namang lehitimo ang dahilan, ay okay lang. Pero kung magiging personalan, unfair naman po siguro dahil may obligasyon po sila na maghatid ng balita sa mga mamamayan sa trabaho at aktibidad ng isang pangulo ng bansa.

SEC. ROQUE: Ay, wala pong personalan dito. Ang problema nga lang, ay pinagpipilitan ang fake news. So para que pa ang coverage kung hindi naman katotohanan ang ibabalita ng ilang mga tao sa media. Sa akin po, mayroon din talagang responsibilidad ang mga mamamahayag hindi lang na magsabi ng katotohanan, kung hindi magkaroon ng mabuting relasyon sa inyong subject dahil tao rin naman ‘yan. ‘Pag nabuwisit dahil puro fake news ka, ay talagang mawawalan ka ng access, bagama’t hindi ibig sabihin na mawawala ang kalayaan mo ‘no dahil gaya ng sinabi ko, manood na lang sila ng PTV4.

Q: Secretary maraming salamat, sa uulitin po. Thank you po sa inyo, sir.

SEC. ROQUE: Maraming salamat po. Magandang gabi.

Q: Okay. Si Presidential Spokesperson, Atty. Harry Roque.

###

Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)

Resource