Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Deo Macalma – Damdaming Bayan/DZRH


MACALMA: Una po, Secretary, nabanggit ng Pangulong Duterte na August 24, tuloy na po ba talaga ang klase, Secretary?

SEC. ROQUE: Well, tuloy po ang klase pero ngayon po, ang plano ay wala ngang face-to-face – ang tawag natin blended: Gagamitin po natin mga modules, radyo, telebisyon at computer, dahil ang paninindigan naman po natin, COVID or not ay kinakailangang tuloy ang edukasyon ng ating mga kabataan.

MACALMA: May mga mungkahi, Secretary, ‘di ba napag-usapan sa Presidente na iyong mga COVID-free na mga liblib na mga barangay, aba ay baka puwede raw pong … tutal wala naman daw silang mga computer, walang kuryente, baka puwede raw pong ibalik iyong dati, iyong face-to-face classes, Secretary?

SEC. ROQUE: Sa totoo lang po, iyan ang orihinal na rekomendasyon ng IATF kay Presidente na mag-face-to-face classes na sa mga lugar na nasa new normal. Pero sabi nga ng Presidente, hindi niya isasapalaran ang kalusugan ng mga kabataan kaya nga sabi niya, habang walang bakuna ay wala munang face-to-face classes.

MACALMA: Ayan, so tuloy po ha. Pero paano makakapagklase ng mga bata na nasa probinsiya na walang kuryente, Secretary, walang computer? Paano mo maipapatupad iyong blended o distance learning sa mga estudyante?

SEC. ROQUE: Oo, iyong mga walang computer po, mayroong radyo. Kaya nga po ang plano ay bibigyan ng transistor radio ang lahat ng mga mahihirap at iyong mga nasa liblib na lugar. At kung wala pa ring radyo, mayroon naman po tayong printed modules na ginagawa para sa modules na lang sila mag-aaral. Iyong mga printed modules po na iyan, siguro imi-mimeograph, isi-xerox, tapos iyong self-learning na gagawin na guided na po ng ating printed materials.

MACALMA: Ayun po, ipapadala sa mga bata sa kanilang mga bahay, Secretary?

SEC. ROQUE: Opo, iyong mga liblib na lugar.

MACALMA: Ayan, okay. So, dito naman sa Metro Manila, Secretary, sa mga urban areas, alam po natin may mga computer na kaya lang ang problema ay iyong signal ba, iyong internet – paano magagawan ng paraan ito, Secretary?

SEC. ROQUE: Well, makipag-ugnayan po tayo sa DICT at saka sa mga nagbibigay po sa atin ng internet service para talagang lalo pang palawakin ang kanilang bandwidth na tinatawag.

Pero bukod pa nga po doon ay mayroon din tayong gagamiting radyo at saka telebisyon dahil alam natin hindi pa rin sapat-sapat po iyang internet.

MACALMA: Sa mga susunod na taon kaya, Secretary, kung ganito ang sitwasyon, posible bang bigyan ng computer/laptop ang bawat estudyante? Katulad sa ibang bansa, Secretary iyong mga public schools ng mga mayayaman, ang mga estudyante ay hindi na po libro ang dala-dala kung hindi mga laptop na po na binibigay ng gobyerno sa kanila.

SEC. ROQUE: Ang alam ko po ay may mga ilang mga lokal na pamahalaan na nagbibigay na nga po ng budget para bilhan ang kanilang kabataan ng … kung hindi po computer, iyong tinatawag na iPad. At maraming mga pribadong eskuwelahan ngayon ay talagang iPad na po ang kanilang ginagamit at hindi na po nagdadala ng mga libro.

MACALMA: Sabagay, in fairness, ang nanguna yata rito, Secretary, si Mayor Vico Sotto ng Pasig, namigay na po ng iPad sa mga bata.

SEC. ROQUE: Opo, opo, tama po iyan.

MACALMA: Isa pa, Secretary, totoo ba ito, may sinabi si Pangulong Duterte na mayroon pong gamot although ewan ko lang kung vaccine na ba ito laban sa COVID? Mayroon na po sa China, UK, Japan at America, sir. Ano ang alam ninyo rito sa sinabi ng report ng Pangulo kagabi?

SEC. ROQUE: Well, ang alam ko po ay kapareho rin ng alam niya. Nakabase po iyan sa mga mass media reports bagama’t mayroong special intelligence briefing po ang Pangulo ‘no na siguro siya lang ang nakakaalam din. Pero ang alam ko po, marami nang nasa second at saka third phase of critical trials although lima po iyang mga clinical trials na dapat matapos bago maibigay sa publiko itong mga vaccines na ito.

MACALMA: Kasi ang sabi ng Presidente, bibili na tayo noon para magamit natin dito kung iyon ay proven na talaga na nakakagaling doon sa mga biktima ng COVID-19, Secretary?

SEC. ROQUE: Ang ginagawa po ng Presidente ngayon, nakikipagkaibigan nang tapat sa lahat, kung sinuman ang maka-develop ng vaccine ay makakuha po tayo. Bagama’t ang sarili nating DOST ay abalang-abala rin sa kanilang mga clinical trials din.

MACALMA: Secretary, sir, talagang marami ang nagulat kagabi, inatasan si Secretary Roy Cimatu na ipadala doon sa Cebu para pangasiwaan daw po iyong paglaki ng mga pasyente ng COVID-19 sa Cebu at Talisay – so ano ang marching order ng Presidente kay Secretary Roy Cimatu, Secretary Harry Roque?

SEC. ROQUE:  Well, gawin po ang lahat ng dapat gawin, hindi na kinakailangan humingi ng permiso pero pupuwede po niyang gampanan ang lahat ng kapangyarihan ng IATF at siya ang magiging mata at tainga ng Presidente sa Cebu City at sa Talisay.

MACALMA:  Ano ang tiyansa, Secretary, na ipatupad ang mas mahigpit o iyong ECQ doon sa lungsod ng Cebu at Talisay?

SEC. ROQUE:  Well, naka-ECQ na po ang Cebu City ngayon at ang Talisay po inilagay sa MGCQ bagamat nag-apela po sila. So, sa tingin ko po magpapatuloy ang ECQ hanggang hindi natin mapababa ang numero at hanggang hindi ma-improve iyong tinatawag na critical care capacity kasi nagkaubusan na po ng ICU beds diyan sa Cebu.

MACALMA:  At talagang pinanindigan din ng Presidente ang kumpiyansa kay Sec. Duque at sabi po ay nanatili ang kaniyang kumpiyansa, pagtitiwala kay Sec. Duque, sa kabila po ng imbestigasyon ng Ombudsman sa mga sinasabing mga iregularidad sa pagbili po ng mga PPEs?

SEC. ROQUE:  Well, iyan po ang sinabi talaga ng Presidente kagabi na sa lahat naman po ng kaniyang mga tao, mga Kalihim ay may kumpiyansa po ang ating Presidente.

MACALMA:  Isa pa, Secretary, ang Pangulo daw po ay dadalaw sa mga kampo military sa bansa sa kabila po ng banta ng pandemic. Aba’y hindi ba delikado sa kalusugan ng Presidente, Secretary, sir?

SEC. ROQUE:  Talagang pagod na pagod na si Presidente dahil kinukulong ng PSG. Siya na ang nagpilit na dadalawin niya ang mga sundalo niya lalung-lalo na doon sa lugar na kung saan matindi ang labanan. So, hindi na po talaga mapigil ang sarili ni Presidente at talagang in-override na niya ang PSG, pupunta at pupunta po siya.

MACALMA:  Sec. Roque, isa pang inaabangan namin kagabi sa report ng Pangulo kung bababaan ba, gagawin bang Modified GCQ ang National Capital Region – wala po yata siyang nabanggit tungkol dito, Secretary, sir?

SEC. ROQUE:  Wala pa po. Maaga pa, a-veinte dos pa lang po at magtatapos naman ang ating GCQ rito, a-treinta pa. So, mayroon pong mga preliminary data pero napakaaga pa po at siguro po sa susundo na linggo pa iyan babalikan ng IATF.

MACALMA:  Pero lumalabas na po iyong mga pampasaherong mga bus at transportation natin, Secretary. Aba’y ito ba ay senyales na luluwag na po ang quarantine o baka alisin na ang quarantine dito sa Metro Manila?

SEC. ROQUE:  Well, tatlo lang naman po iyan: Manatili ang GCQ, maging Modified GCQ o bumalik sa Modified ECQ. Pero ang tingin ko naman kahit saan tayo pumunta kinakailangan din natin talaga ang transportasyon.

MACALMA:  Secretary, nakakarating ba sa Pangulong Duterte ang sitwasyon ng ating mga kababayang mga OFWs, lalo sa Middle East, Secretary. Ang dami pong mga stranded doon na umaapela po sa gobyerno na sila po ay maibalik na dito sa Pilipinas, Secretary – ano ang aksiyon natin diyan?

SEC. ROQUE:  Ang problema po talaga natin sa Gitnang Silangan eh nakatali ang mga kamay natin dahil naka-lockdown pa ang kanilang mga airport, so, iyan po talaga ang problema natin. Pero as soon as magbukas po sila, lahat ng Pilipino na gustong umuwi gagawan po natin ng paraan para makauwi sila.

MACALMA:  Hindi pa ba nagkakaroon ng special sweeper flight, Secretary, sa Saudi Arabia, Middle East?

SEC. ROQUE:  Ang alam ko sa Saudi Arabia, wala. Mayroon lang tayo, nagkaroon ng sweeper flight sa United Arab Emirates pero iba talaga ang mga polisiya nila. Ang problema, hindi sila nagpapapasok ng eroplano. Pero tingin ko po, ang isa ng pinag-aaralan nila eh kumuha na lang ng local airline doon at mag-charter.

MACALMA:  Opo.

SEC. ROQUE:  At iyan nga po yata ang ginawa nila pagdating doon sa mga labi ng ating mga kababayan na kinakailangang maiuwi dito.

MACALMA:  Ang dami palang mga namatay doon sa mga OFWs natin at two hundred plus at fifty iyong tinamaan po ng COVID.

SEC. ROQUE:  Opo. Doon nga po ililibing na ang mga tinamaan ng COVID at ang iba po ay—

MACALMA:  Ah, ganoon po ba?

SEC. ROQUE:  Oo, iyong iba naman po ay iuuwi natin pero hindi lang po siguro posible na iuwi pa sa Pilipinas iyong mga labi ng mga namatay sa COVID.

MACALMA:  So, ano ang masasabi natin, Secretary, sa ating mga—alam ninyo po maraming mga OFWs na nakikinig sa atin na nandoon mismo sa Middle East? Iyong iba nga po doon, sir, iyong nag-viral sa social media na namumulot na ng basura para may pagkain po sila? Ano ang mensahe natin sa kanila, Secretary, sir?

SEC. ROQUE:  Fifty-four thousand na po ang mga OFWs na naiuwi natin; binigyan po natin ng libreng PCR test at pa-hotel habang sila ay naghihintay. Huwag po kayong mag-alala gagastusin po ng Presidente ang kaban ng bayan para sa inyo dahil kayo iyong mga bagong bayani. Ang problema lang, alam ninyo naman ang problema, talagang iyong ibang mga lugar sa Gitnang Silangan, complete lockdown pa rin ang kanilang transportasyon.

MACALMA:  Secretary, sir, may ano po—puwede bang iparinig po namin sa inyo nang kaunti, mga one minute lang ito, Secretary, sir? May apela po itong mga OFWs sa ating Pangulong Duterte kaugnay sa kanilang kalagayan, Secretary? Please bear with us, paki pakinggan po nang kaunti, Sec. Roque, sir.

[SOT]

MACALMA:  Ayan, Secretary, si Louie Perez, isa po sa mga 400 OFWs na nawalan po ng trabaho matapos magsara iyong kanilang kumpaniya. Ano, sir, ang maaari nating mensahe po sa kanila, Sec. Roque, sir?

SEC. ROQUE:  Louie, ginagawa natin ang lahat ng hakbang para kayo ay mapauwi. Talaga pong limitado ang opsyon natin dahil sarado pa rin ang kaharian pero asahan ninyo po na gumagawa pa rin tayo ng mga paraan at makikipag-usap po tayo kung papayagan ang mga sweeper flights. Pero matindi po talaga ang lockdown diyan sa Saudi Arabia, hindi gaya ng UAE na pumayag na doon sa isang beses na magkaroon tayo ng sweeper flights. Pero hindi pa rin po tayo titigil, gagawan pa rin ng hakbang iyan dahil ang nais ng Pangulo lahat ng gustong umuwing OFWs ay makauwi.

MACALMA:  Ayan… Secretary, sir, isa na lang po. Sino po ang in charge sa mga repatriation, sir, DOLE o DFA?

SEC. ROQUE:  DOLE po iyan…. DOLE po iyan—

MACALMA:  Ah, Department of Labor.

SEC. ROQUE:  Bagamat nakikipag-ugnayan po sila para nga dito sa mga sweeper flights, at iyong mga ­­­­desisyon nga na pauwiin.

MACALMA:  Sec. Roque, sir, maraming salamat po sa mga paliwanag. Thank you very much, sir

SEC. ROQUE:  Magandang umaga po. Maraming salamat kasamang Deo.

####

Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau)