Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Erwin Tulfo (Erwin Tulfo Live-Radyo Pilipinas)


 

TULFO: Magandang umaga po, Secretary Roque, sir.

SEC. ROQUE: Ka Erwin, magandang umaga at long time no hear dahil late itong bago mong time slot,  medyo halos kasabayan ng ating press briefing sa Malacañang.

TULFO: Naku, alam mo, inaabangan ko, sir, iyong press briefing mo lagi. Pagkatapos ko kasi ay press briefing na. Kahapon nga ako’y naghintay, na-delay lang iyong briefing mo. But anyway, kasi I find it exciting at talagang nababanatan iyong mga dapat banatan. Wala kang pakialam kung sinuman sila diyan, ke media sila diyan. Kaya saludo po ako sa’yo, Secretary Roque. Tama iyang kinalalagyan mo diyan, sakto ho kayo diyan, Sec.

SEC. ROQUE: Maraming salamat, Erwin, at tayo naman po ay gumaganap lang ng ating katungkulan na iparating talaga ang impormasyon na kinakailangan ng taumbayan.

TULFO: All right. Sec., unang tanong po, tungkol po dito sa OFW, itong sa Kuwait. Mayroon na po bang agreement kasi mukhang okay na ho yata, na nakipagkasundo na po yata ang Kuwait or something sa agreement, isang agreement, Sec? Can you further explain this?

SEC. ROQUE: Ang alam ko po ay talagang may mga opisyales na Kuwait na narito ngayon sa ating bansa at nakipag-usap sa ating Department of Foreign Affairs at sa ating Department of Labor. Pero wala pa pong natatanggap na report ang ating Presidente dito sa mga pinag-usapan. So siguro po, ipa-follow up ko po kay Secretary Bello at kay Secretary Cayetano kung ano na ang nangyari. Pero sa ngayon po, the deployment ban remains.

Ang nais lang po natin ay isang kasunduan na kung saan kikilalanin ng Kuwait ang kanilang obligasyon  na protektahan ang karapatan ng ating mga migrant workers.

TULFO: All right. Sir, isa pa hong problema, ito pong sa Saudi Arabia. Isa rin ho ito, araw-araw ho dumarating sa tanggapan ni Tol Raffy, tanggapan ni Tol Ben, sa akin, na humihingi… na laging nagpapa-rescue dahil hindi pinapasuweldo o binubugbog ng amo o ginagahasa. Sa Saudi naman, sir, ito po ba ay may pagkakataon na ma-review din ng Department of Labor kaya, Secretary, sir?

SEC. ROQUE: Well, dahil nga po sa nangyari dito kay Joanna Demafelis, nagdeklara ang Presidente na rerepasuhin din niya ang posibleng deployment ban sa iba’t iba pang mga  bansa. At kung hindi po ako nagkakamali, isang bansa po na rerebyuhin natin ay ang bansa na Saudi Arabia dahil napakadami nga pong pang-aabuso na naire-report sa ating mga kinakaukulan.

TULFO: Oho. So pati ibang bansa na rin siguro, sir, sisilipin na rin?

SEC. ROQUE: Opo, parang apat na bansa pa ang pinag-aaralan kung magkakaroon tayo ng ban.

TULFO: All right. Sir, isa pa ho, another topic. Itong kay UN Rights Chief Zeid Ra’ad Al Hussein, sinagot na ho ninyo. Talagang palakpakan po iyong mga kababayan natin, iyong mga sinabi ninyo in defense of the President which is tama naman po, Secretary. Pero mayroon po ba tayong gagawing hakbang para magprotesta at maghain ng reklamo sa United Nations dito sa pinagsasabi ng loko-lokong ito laban sa ating Pangulo, Sec?

SEC. ROQUE: Naniniwala po ako na gagawa ng hakbang ang Department of Foreign Affairs dahil hindi naman dapat na ang United Nations, isang organisasyon ng mga estado, ay isang opisyales ay lalapastanganin na lang at isang halal ng taumbayan. Gaya ng aking sinabi, palibhasa hindi halal ang kanilang liderato doon sa kaniyang bansa ay hindi niya bibigyan ng respeto iyong binigyan ng mandato ng napakadaming mga Pilipino. Hindi po iyan katanggap-tanggap.

TULFO: Oho. Tapos may nabanggit pa ho siya—papaano naman po itong sa Department of Justice, sir, na nagsumite ng listahan na iyong isa sa sinasabi nila sa UN na ang kanilang special rapporteur ay napasama sa isang listahan ngayon na tagged as supporter or miyembro ng NPA, Sec?

SEC. ROQUE: Well, kung talagang hindi po siya miyembro ng NPA, di pumunta siya sa hukuman at sabihin niya na walang kuwenta iyong ebidensiya na binibigay ng ating gobyerno. Ito naman po ay sang-ayon sa batas. Iyong pagbabansag na ikaw ay terorista ay dumadaan po sa proseso at binibigyan po ng due process ang kahit sino na nais (unclear) ganyan, at mayroon po siyang pagkakataon doon sa regional trial court kung saan po nakabinbin iyong petisyon ng Department of Justice.

TULFO: Sir, last two topics. Iyong dito naman po sa Supreme Court. Maging ang Palasyo po ay nagsabi na pakinggan na lang ni Justice Sereno iyong mga hinaing, iyong mga sigaw ng mga kasamahan niya diyan sa Kataas-taasang Hukuman. Ano po iyong reaksiyon ninyo ho rito, Sec?

SEC. ROQUE: Well, kagaya ng aking sinasabi po, hindi naman tayo nanghihimasok sa mga gawain pang-araw araw diyan sa ating Hudikatura dahil ito po ay co-equal branch. Pero hindi naman po puwedeng balewalain na halos lahat ng mga mahistradong kasama ni Chief Justice, at ngayon po, ang mga huwes (unclear) ay nagsasabi na rin na dapat na siyang umalis.

So sa akin po, parang dapat naman ay kinukunsidera na iyan ni Chief Justice dahil wala yata halos sa institusyon ng Hudikatura na (unclear) siya ay magpatuloy bilang isang Chief Justice. Pero iyan po ay isang desisyon ng ating Chief Justice.

TULFO: Let me ask you, sir, as a lawyer. Kayo po ay isang kilalang abugado. Ano po ang reaksiyon ninyo rito, sinasabi niya na kapag pumayag daw siyang mag-resign, parang sinasabi na ang Hudikatura ay puwede nang utus-utusan at pakialaman ng kung sinu-sino. Ano po ang reaksiyon ninyo rito as a lawyer, Sec?

SEC. ROQUE: Ang problema po kasi, ang mga humihingi na siya ay bumaba na ay hindi naman nanggagaling sa kung sinu-sino. Unang-una, nanggagaling po sa sarili niyang kasamahan sa Kataas-taasang Hukuman; at pangalawa, doon sa mga huwes na ini-exercise ang supervision ng ating Supreme Court.

So sa tingin ko po, ang mga fellow justices, ang mga judges ng RTC ay hindi naman po sila kung sinu-sino lamang.

TULFO: All right, sir, panghuli na lamang: Barangay at SK elections, sir. Ano po ang stand ng Malacañang? I know, ang gusto ng Malacañang sana ay ma-cancel muna para maisabay na… mukhang aprubado naman po sa Mababang Kapulungan ito, for now, na i-cancel ho at isuspinde muna itong barangay at SK elections.

SEC. ROQUE: Dahil ang Presidente po ay talagang ang… hinahayaan na niya ang magdesisyon diyan ay Kongreso. At tingnan po natin kung magkakaroon ng suporta sa Senado kasi noong minsan na tinanong ako sa bagay na ito ay sinabi ko lang naman kung ano ang sinabi ni Senate President Koko Pimentel na parang walang suporta sa Senado ang pagpapaliban pa ng eleksyon. So ginagalang po natin ang desisyon ng Kongreso. Pero sana po ay magkaisa at magkasundo iyong dalawang kapulungan ng ating Kongreso.

TULFO:  Sir, ito ho, may itatanong ako pero personal ho ito, Sec., huwag po kayong magagalit. Marami pong nagtatanong sa akin, sinasabi tatakbo ba si Secretary Roque. Sabi ko, hindi naman ako… sabi ko, alam ko tumatakbo iyan. Sabi ko, nag-e-exercise. Pero sabi para sa, ika nga, sa Senado or political office. Sabi ko, hindi ko alam pero tatanungin ko kapag kami ay nagkasalubong. Ano raw ho ba talaga, Sec? Ikaw ba ay tatakbo o tatakbo?

SEC. ROQUE: Well, sa ngayon po talaga, ako po ay nakatutok dito sa bago nating katungkulan. Napakahirap po nitong ating katungkulang ito. At ako naman—

TULFO: Sinabi mo pa, Sec. Talagang napakahirap diyan, iyang iyong pinasok na trabaho.

SEC. ROQUE: Oo nga po. Every time po dadaan ako sa aking opisina, sa hagdan, napakadaming larawan ang aking mga sinundan. Talaga pong walang tumatagal dito sa posisyon na ito. Talagang average life span po dito ay isang taon. Pero hayaan ninyo muna po akong mag-survive dito sa kakaunting panahong pinagkaloob sa atin. Bahala na po ang Panginoon, thy will be done.

TULFO: Pero you are doing a good job, sir, and doing a good service for the President. Kasi po lahat po ng batikos ay nasasalag ninyo, pati mantakin mo pati media ay binangga mo na, Secretary. Natutuwa po iyong mga supporters po ng Pangulong Duterte.

SEC. ROQUE: Maraming salamat naman po. Basta tayo po, tinanggap natin itong katungkulan nating ito at gagawin natin ang lahat ng ating makakaya para gampanan ang ating katungkulan.

TULFO: All right. Maraming salamat po, Secretary Harry Roque, Presidential Spokesperson. Magandang umaga po. Mabuhay po kayo, Sec.

SEC. ROQUE: Magandang umaga po at salamat po.

##

Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)

Resource