ORLY MERCADO: Hi Secretary Harry, good morning. Good morning, Secretary Harry Roque.
SEC. ROQUE: Hello, magandang umaga po.
ORLY: Alam mo Harry, tumawag kami. Unang pag-usapan nga natin itong nangyayari sa South China Sea. Ano po ang reaksiyon ng Malacañang dito sa mga balitang mayroong mga bomber ang China na nag land dito sa Woody Island, ano po ba ang posisyon ng Malacañang dito?
SEC. ROQUE: Well siyempre po nababahala tayo. Hindi naman tayo pupuwedeng magkunwari na hindi tayo nababahala, bagama’t ang Woody Island po ay hindi po iyan isang isla na ating inaangkin ‘no, iyan po ay disputed sa panig lamang ng Vietnam at saka ng mga Tsina ‘no. Gayon pa man iyong militarisasyon po ay nakakabahala sa atin at itong bagay pong ito ay dadalhin natin doon sa bilateral mechanism na binuo natin para maresolba lahat noong ating mga concerns pagdating sa West Philippine Sea ‘no. At dalawang beses sa isang taon po nagpupulong itong bilateral mechanism na ito at—
ORLY: Kailan ang susunod na—
SEC. ROQUE: Well mayroon pong second half meeting ngayon ‘no. Hindi ko lang po alam kung kailan, pero dapat po iyan Hunyo. Hindi ko lang alam kung matutuloy ng Hunyo o ipo-postpone po nila. Kasi alam ko iyong kanilang bilateral meeting nitong first half of the year ay naantala rin ‘no, natuloy po pero hindi natuloy nitong Enero, natuloy po siya later.
ORLY: Isa sa mga siyempre tinututukan ng mga security personnel o issues experts would be the range na kayang ma-cover noong mga bombers na iyan and obviously doon sa mga nakita kong unang mga report eh iyan ay sakop ang Pilipinas dito ng range na kayang maabot ng mga bombers na iyan.
SEC. ROQUE: Well tama po iyan ka-Orly, pero alam mo maski wala po iyong mga bombers na iyan ay mayroon naman pong intercontinental ballistic missiles ang Tsina na kaya rin tayong maaabot ‘no. So ang sa akin po in the realm of possibilities talagang banta po iyan, talagang nakakabahala pero ang sabi ko nga dahil hindi naman tayo kaaway ng Tsina bakit naman tayo mababahalang tuluyan. So nakaka—we are concerned doon sa militarisasyon but we do not feel threatened kasi hindi naman parang ang kaaway natin ngayon ang Tsina nonetheless eh pinaalalahanan natin ang Tsina iyong panawagan ng ASEAN na sana nga eh itigil na ang militarisasyon ng West Philippine Sea at resolbahin itong pinag-aawayang teritoryo sa pamamagitan ng mga mapayapang pamamaraan.
ORLY: Pero mukhang nag-a-up ng ante ang Tsina, ano ba ang pananaw ninyo, kayo po ay eksperto sa international law, eh ano po ba? Papaano ba natin babalansehin dito iyong ating mga economic gains at mga economic interest?
SEC. ROQUE: Tatapatin ko kayo ka-Orly, dahil ikaw naman ay hindi rin dayuhan—hindi ka dayuhan dito sa larangan na ito. Hindi po sila nag-a-up ng ante, noong sila po ay nag-reclaim alam natin gagamitin nilang base militar iyan. So sa akin nga po eh para bagang talagang mayroong hysteria na pino-promote iyong ilang mga oposisyon diyan dahil sa akin sa mula’t mula alam natin base militar ang gamit diyan so kapag may base militar mayroong Airport, kapag may Airport may eroplano, kapag may eroplano mayroong sandata.
So sa akin ang problema is gumawa talaga sila ng mga artipisyal na isla dito sa pinag-aagawan natin na ginawang base militar at iyon ang nakakabahala. Pero ang nangyayari nga kada-diskubre na mayroong eroplano, kada-diskubre na may ganiyang armas ang eroplano ginagawang balita, eh hindi na po balita iyan. Ang katotohanan ay nariyan na iyong presensiyang militar ng Tsina sa karagatan ng kabahagi natin ng ating Exclusive Economic Zone, anong gagawin natin.
So ang istilo nga ng Presidente, wala naman tayong magagawa dahil wala naman tayong lakas para palayasin sila diyan at hindi naman natin kaya na makipagdigmaan sa Tsina dahil sa ating Exclusive Economic Zone. So ang gagawin natin hindi natin isu-surrender ang teritoryo, susubukan natin ngayon ang pagkakaibigan dahil dating panahon naman ni Presidente Noynoy inaway niya ng inaway, wala naman siyang nahita.
ORLY: Pero hindi ba—mayroon bang nagsasabi naman na false dichotomy naman iyong pagpipilian mo iyong giyera o surrender na lang natin, pabayaan mo na lang dahil napakarami pa ring mga intervening mga pacific means of resolving conflicts diyan sa lugar na iyan hindi ho ba?
SEC. ROQUE: Nandoon po tayo ngayon, kaya po kapag sinasabi nating ginagamit nating lahat ang diplomatic initiatives, iyon po ang ginagamit natin. Pero ang gusto po ng oposisyon ay talagang komprontasyon na sa tingin namin ay walang kahihinatnan. Kaya nga sinasabi nga lang ni Presidente, ‘pangako ko wala tayong teritoryong ipamimigay, paninindigan natin ang atin pero at the same time wala pong mahihita kung tayo po ay makikipagkomprontasyon sa Tsina.’
ORLY: So maiba naman ako ng usapan, Secretary Harry. Mapunta naman ako dito sa walang puknat na kampanya ng Malacañang laban sa katiwalian at walang—sabi nga eh walang sasantuhin. The latest is the DOTr Assistant Secretary Mark Tolentino, mayroon daw ano—ano ba ang warning ng Pangulo tungkol sa paglapit sa kaniyang mga kamag-anak?
SEC. ROQUE: Well ang sabi lang po ni Presidente dapat nga walang kinalaman ang kaniyang mga kamag-anak sa mga kontrata ng gobyerno at hindi niya naintindihan kung bakit itong si Mark Tolentino ay nilapitan iyong kaniyang kapatid na babae. So kung mayroon kang kinakailangan sa gobyerno eh bakit ka makikialam in the first place? Bakit mo idadamay ang mga kamag-anak, eh sabi nga si Presidente hinding hindi puwedeng manghimasok sa ganyang kontrata ang kaniyang mga kamag-anak, eh ‘di ipararating mo doon sa Kalihim. At ito namang si Mark Tolentino eh siya naman ay Assistant Secretary eh ‘di i-discuss niya doon sa kaniyang Kalihim na si Secretary Tugade.
ORLY: Doon naman sa Department of Tourism nagkaroon ng mga—well, nag-resign ngayon si—the actor—Assistant Secretary, ano po ba ang—si Montano, so ano po ba ang—
SEC. ROQUE: Iyan naman po ay boluntaryong bagay, bagama’t mayroon ding kontrobersiya na nadawit itong si Cesar Montano tungkol nga po doon sa isang programa na P80 million na Carinderya Program ‘no. So sa tingin ko po eh mabuti na ring na nag-resign dahil kinakailangan po ng bagong kalihim ng Tourism kumbaga ng fresh slate ‘no. Hayaan naman nating bumuo siya ng kaniyang team para magtagumpay sa kaniyang proyekto.
ORLY: The new Secretary has asked for—eh iyong hinihingi niya COA to do a full scale audit of the previous projects, suportado ng Malacañang po iyan?
SEC. ROQUE: Suportado po iyan dahil iyan naman ang mandato ng Presidente sa lahat ng Kalihim: labanan po ang korapsyon.
ORLY: Okay, maraming salamat, Secretary Harry. Maraming salamat sa pagsagot mo sa aming tawag.
SEC. ROQUE: Maraming salamat ka-Orly. Magandang umaga po.
###
SOURCE: PCOO – NIB (News and Information Bureau)