
ORLY: Hi, Secretary Harry, good morning.
SEC. ROQUE: Magandang umaga, Ka Orly. At magandang umaga sa mga nakikinig sa atin ngayon.
ORLY: I am not going to talk to you about a kiss or peck or anything like that. Parang relax lang muna. Itong pagbisita ng Pangulo, this is in return for a previous—kelan ba inimbitahan si Presidente Duterte?
SEC. ROQUE: Well, actually ang nag-imbita pa po eh, bago po itong si President Moon ‘no. Pero nagkataon na eleksyon na noong panahon na iyon, so parang hindi tama ang timing. Pero ito po ay pangalawang pagkikita na nga ng ating Presidente at si President Moon. Iyong una pong pagkikita nila ay doon sa ASEAN Summit nagpunta po sa Pilipinas itong si President Moon.
ORLY: Kumusta ang rapport nila, iyong kanilang pakikitungo?
SEC. ROQUE: Mabuting-mabuti po. Sa katunayan po parang matalik silang magkaibigan. Ang mga nakuha naman natin dito sa trip na ito, isang bilyon na Overseas Development Assistance para sa ating mga infrastructure projects para po sa ating build, build at 4.9 billion in dollars na mga investment. Iyong isang bilyon po, puro dolyares din po iyon at ito po ay para sa mga proyekto ng imprastraktura.
At bukod pa po diyan ay naririyan iyong pangako na hahanapan ng paraan para mas makapasok pa iyong mga produkto natin sa South Korea sa mas mababang taripa. Alam mo iyong ating mga saging, halos lahat ng saging natin at saka halos lahat ng kanilang pinya dito sa South Korea ay galing sa Pilipinas pero napakataas ng taripa ano, 30 to 40% ’no. Pero hahanapan nga daw ng paraan para maipababa pa iyan.
At ang South Korea po ngayon ang pinakamaraming turista na bumibisita sa ating bayan at meron po silang mahigit-kumulang 100,000 na mga mamamayan na nakatira sa Pilipinas.
ORLY: At marami rin tayong mga Pilipino na nandoon, hindi ba?
SEC. ROQUE: At marami rin po tayong Pilipino, mga halos 60,000 tayong mga Pilipino rito. Pero siyempre, ang talagang pinag-uugatan ng ating samahan, eh meron tayong 7,500 na mga Pilipino na noong panahon ng digmaan noong dekada ‘50 ay pumunta dito sa Korea at inalay ang kanilang mga buhay para sa demokrasya.
ORLY: Iyong isyu ba ng seguridad ng mga South Korean sa Pilipinas eh lumabas at—you know, hindi naman siguro nabanggit iyong kay Ji Ick Joo.
SEC. ROQUE: Wala pong actual na pangalan na sinabi, pero siyempre po, humihingi si President Moon ng tulong para pangalagaan iyong napakadaming mga Koreanong naninirahan sa Pilipinas, sa ating bayan.
At meron nga din pong isang Pilipino na OFW na napatay rin dito, pero binibigyan naman daw po nila ng katarungan; Angelo po iyong first name, hindi ko po maalala iyong family name, kasi po hindi ko hawak iyong notes ko.
Pero napakabuti naman po ng kanilang usapan, magkakaroon po ng kooperasyon sa larangan ng science and technology, sa larangan ng teknolohiya at interesado rin po ang mga South Koreans doon sa third telecoms players natin.
ORLY: Ah, I see. So wala pang decision iyong third player sa telecoms dito sa ating bansa?
SEC. ROQUE: Wala pa po. Ang sabi po ni General Rio, last quarter na ano. At nandiyan din po iyong kooperasyon ng Pilipinas pagdating sa ating national defense at iyong dalawa nga pong frigate na inorder ng Navy na kauna-unahang magkakaroon ng mga missiles ay gawa dito sa South Korea at ngayong araw po ito ay pupunta tayo sa isang expo kung saan titingnan pa natin kung ano ang pupuwede nating makuha by way of military hardware dito sa South Korea. Doon sa talumpati po ni Presidente sa Filipino community, sinabi na niya na dahil ayaw tayong pagbentahan ng Canada ng helicopters—
ORLY: Yeah, may kondisyon pa eh.
SEC. ROQUE: Oo, baka dito na lang siya sa Korea kumuha ng mga helicopters.
ORLY: Maiba naman ako ng usapan, Secretary Roque. Itong firing ni Celestina Dela Serna, iyong OIC ng PhilHealth, ano po ba itong ano—totoo bang ito ay dahil sa sobra-sobrang travel expenses?
SEC. ROQUE: Well, kasama na po diyan iyan. Siguro iyong 3,800 a day na hotel niya na habang siya ay OIC ay pinabayaan niyang nagbayad ang PhilHealth at saka iyong lugi na nakamit ng PhilHealth. Importante po kasi ang PhilHealth pagdating doon sa layunin ni Presidente na magkaroon ng universal health care.
Noong Congressman po ako, bago ako pumunta sa Malacañang, ipinasa ko po iyan sa Mababang Kapulungan at iyan po ngayon nakabinbin sa Senado ano. Pero kung hindi tayo magkakaroon ng malakas at malinis na PhilHealth, hindi po magkakaroon ng katuparan ang libreng paggamot at gamot sa lahat ng Pilipino. So ito po ay sa konteksto na naninindigan si Presidente na kinakailangan bukod pa sa libreng tuition, sa libreng patubig, eh magkaroon din tayo ng libreng paggamot at gamot at kinakailangan na manatiling malinis ang mga naninilbihan diyan sa PhilHealth.
ORLY: Meron na ba siyang ina-appoint o ia-appoint, ang Presidente?
SEC. ROQUE: May OIC pong na-appoint ngayon diyan, isang Board Member din ng PhilHealth, pero iyan naman po ay OIC.
ORLY: So, ano ang maasahan ng taumbayan dito sa PhilHealth? Well, of course nagkakaroon ng ano eh, medyo mabilis ang turn over eh.
SEC. ROQUE: Well, ako po talaga meron akong ilang concern sa PhilHealth. Dahil iyong ating panukalang batas na universal health bill, hindi po iyan magtatagumpay kung ang PhilHealth ay nalulugi, kung PhilHealth ay maraming binabayaran na mga anomalous scheme. Kinakailangan po talaga ay isa sa pinakamalinis na ahensiya ng gobyerno iyan, dahil kung hindi po ay mapupunta sa bulsa ng mga kurakot iyong dapat nga pong para sa kalusugan ng taumbayan.
So, asahan n’yo po na ako mismo po tututok diyan sa PhilHealth at ang Presidente rin po, dahil iyong aking panukalang batas naman po ay administration bill ay maninindigan din doon sa karapatan ng kalusugan ng mga mamamayan at talagang tututukan ng PhilHealth.
ORLY: And the recent decision of the President to fire the head of PhilHealth eh parang ano, it’s another warning para sa mga…nasasabing nang-aabuso sa kanilang puwesto.
SEC. ROQUE: Well, ganyan po talaga ang mensahe ng ating Presidente at kung tatanungin n’yo po ang mga taga-Davao, napakalakas po niyang OIC na iyan, kaya naman siguro umabuso ‘no. So, pero—gaya ng sinasabi ng Presidente, kung sino pa ang malapit sa kanya, kung sino pa ang tunay na malakas, sila pa ang umaabuso sa kapangyarihan at kaya naman siya ay sinibak ni Presidente.
ORLY: Maraming salamat, Secretary. Thank you very much for answering your call.
SEC. ROQUE: Maraming salamat po at magandang umaga po galing dito sa Seoul, South Korea.
###
SOURCE: PCOO – NIB (News and Information Bureau)