ORLY: …si Presidential Spokesperson, Secretary Harry Roque. Secretary Roque, sir magandang gabi po sa inyo. Si Orly po ‘to saka si Fernan sa DZBB, Secretary.
SEC. ROQUE: Oo, magandang gabi Orly at Fernan at sa mga kapuso natin.
ORLY: Una muna, kumusta naman po kayo at kumusta naman po ang Palasyo ng Malacañang dito sa mga—sa kabila po ng mga nangyayaring development ngayon; unang-una iyong impeachment kay Chief Justice Sereno at doon sa pagtatagpo kahapon na napagitnaan pa pati si Vilma Santos… Secretary Roque, sir?
SEC. ROQUE: Okay naman po, wala naman pong problema doon kay Chief Justice Sereno. Nakikita naman po natin ang problema ni Chief Justice, iyong sarili niyang mga kasama sa Kataas-taasang Hukuman. Sa akin po, tingin ko ho ay dapat pag-aralang mabuti ni Chief Justice kung anong dapat niyang gawin na susunod.
ORLY: Sir narinig ko lang iyong salitang, parang judicial independence, pero noong nagsalita si Justice Teresita de Castro, mukhang parang…parang walang outside force ano po Secretary?
SEC. ROQUE: Kaya nga po, mayroon po talagang judicial independence dahil nakikita naman natin na walang kakampi diyan si Chief Justice Sereno – kaya independent po talaga.
ORLY: Okay. Actually pagtawag po namin sa inyo Secretary, patungkol po dito sa development sa MRT. Noong nakita namin iyong headlines na ang Pangulo na mismo ang nag-uutos na kasuhan na ‘yang mga opisyal, pati Malacañang at saka sa Department of Transportation and Communications dati o DOTC dahil dito sa development, iyong mga kapalpakan sa MRT. Matagal na hong may mga nagsampa ng kaso, bakit ang Pangulo o bakit po ang Malacañang ay nakapagdesisyon? Ano ho ba iyong mga nakita ninyong posible o ano iyong mga kadahilanan, Secretary Roque?
SEC. ROQUE: Well unang-una po, ngayon lang po natapos noong Sumitomo na kinuha po uli ng gobyerno para maging maintenance contractor. Iyong kanilang pag-aaral kung ano na nangyari sa MRT, at ang sabi nila mas malala pa sa kanilang inaasahan. So talagang nababoy po iyong MRT na ‘yan dahil po sa, maalala ninyo ay nagsimula naman ng problema ang pahirap sa ating mga mananakay noong pinalitan ng MRT ng mga kumpanya nang wala namang kinalaman—
ORLY: O iyong BURI ang ibigay…
SEC. ROQUE: Hindi lang BURI po, mayroon pang isa, iyong VH Cable[?] ‘ata iyon. Marami pong mga kumpanya ‘yan bago pa napunta sa BURI – pero lahat po ‘yan walang kakayahan, walang sapat na kapital, at talaga namang nakapagtataka na talagang pilit na tinanggal iyong mga napakatagal na mabuti naman ang pagpapatakbo sa MRT. So siguro po talagang… bagama’t gumagawa ngayon ng hakbang ang ating gobyerno para ma-rehabilitate na iyong MRT nang matapos na ang paghihirap/kalbaryo sa ating mga kababayan; importante naman iyong pananagutan dahil nga po binaboy talaga iyong MRT, nilustay ang pera ng taumbayan na nagreresulta ngayon sa hinagpis at paghihirap sa ating mga mananakay.
ORLY: Mayroon bang idea kung anong halaga ang pinag-uusapan dito; kung papaano at kung sinong mga nakinabang? Dahil sa inyong binabanggit, Sumitomo pa mismo nagsabi—actually Sumitomo parang ayaw nang bumalik dito niyan ha, tama po ba Secretary? Parang natauhan na raw sila. Parang noong kinausap yata ‘yan ng DOTr parang, “Ayaw naming makipag-usap sa inyo mga walanghiya kayo.” [laughs] Parang ganoon yata narinig ni Secretary Tugade.
SEC. ROQUE: Ang nangyari po ay kinailangan pa tayong magkaroon ng kasunduan sa parte ng bansa ng Pilipinas—
ORLY: Government-to-government.
SEC. ROQUE: Oo, para po mapabalik natin itong Sumitomo dahil talagang wala nang tiwala ‘ata iyong Sumitomo doon sa mga kababalaghang nangyari doon sa nakalipas na administrasyon. Pero huwag naman po tayong mag-alala, hindi po tayo tumitigil doon sa paghahanap ng katarungan. Gaya ng sinabi ko po doon sa isang press briefing ko, tatlo po ‘yang stages ng ating pagre-rehabilitate sa MRT: Una ay bilhin lahat ng spare parts. Alam mo Orly at Fernan – ‘yan ang tingnan ninyo… binayaran natin ang spare parts doon sa mga fly-by-night ng previous contractors, na ang tawag nila ‘Pangasinan Group’ pero wala namang spare parts na nabili – and yet nagastos natin, nabayaran natin iyong spare parts;
ORLY: Oo, totoo po iyon.
SEC. ROQUE: Saan napunta iyong mga spare parts na binayaran ng ating mga mananakay? So—but bukod diyan, pangalawa nga iyong pagbabalik sa isang matinong maintenance supervisor, hindi lang iyong—na mura na maintenance supervisor; Pangatlo nga, ay iyong pagpapalit doon sa mga nagmamay-ari ng MRT 3 na kasama rin sa problema.
FERNAN: Paano ba gagawin doong pagpapalit, bibilhin natin ang MRT?
SEC. ROQUE: Well ang sabi po diyan, ay mayroon naman daw unsolicited proposal na nanggaling diyan sa pribadong sektor, at ito naman po isa-subject to Swiss challenge dahil kailangan na po uli na i-rehabilitate iyong mga riles, iyong mga bagon, iyong mga signaling system. Hindi lang dahil nababoy nga dahil po sa mga fly-by-night service contractors, kundi talagang kinakailangan na rin na palawakin din. Mayroon din dapat na magkaroon ng inter connection dahil mayroon tatlo ngayong linya diyan. Tingnan n’yo naman, doon sa tatlong ‘yan, bababa’t bababa ka para makasakay doon sa isa, samantalang dapat connected.
ORLY: Yung binabanggit n‘yong ‘Pangasinan Group’ na ‘yan, iyan yata iyong dahilan kung bakit may mga binayaran tayong mga gamit o mga spare parts, pero noong pinuntahan yata warehouse noong finally umalis ang BURI, wala palang laman.
SEC. ROQUE: Wala po, iyon nga po nakakataka diyan… [choppy line]… pati mga biniling mga train ng [unclear] hindi naman natin nagagamit.
ORLY: Iyan, isa pa ‘yan… oho.
SEC. ROQUE: Oo, nakakapagtaka nga po ito pero siyempre po, sige umusad na tayo, gumagawa tayo ng hakbang pero nakapikon po iyan na hindi naman pala dapat mangyari ito dahil ginastos naman nila iyong pera ng taong bayan. Kung ginastos lang nila sa tama iyan ay dapat hindi nagkaganito.
ORLY: Ibig sabihin talagang harap-harapan, garapalang kinuha o nawala o pinakinabangan ng pansirili iyong pera ng MRT? Ganoon po ba iyong nangyari? Ganoon ba iyong natuklasan batay po sa report na binabanggit ninyo, Secretary?
(LINE CUT)
ORLY: Secretary Roque, may hawak daw po kayong whistle blower? Kailan ninyo ba ilalantad iyan?
SEC. ROQUE: Malapit na po pero hayaan nating umusad muli ang sitwasyon ng magawa lahat ng mga affidavits na kinakailangan at maging matibay itong kaso na ito. Kasi—pero bagama’t nasabi ko po sa Malacañang, iyong mga dokumento ay unti-unti ko namang ire-release po. Siguro po sa susunod na Linggo iyong dokumentong ire-release ko ay nagpapakita na iyong pinagbigyan nila ng kontrata para sa service maintenance ay nagsumite ng kanilang proposal on the same day noong sila ay na-incorporate sa SEC. At bagama’t ang hinihingi lang nila ay 1.6 billion dollars buwan-buwan, ang kapital ng kumpanya ay 600,000 pesos lamang, ‘di ba dapat po [unclear].
ORLY: So doon pa lang ay dapat hindi na binili sa kanila.
SEC. ROQUE: Doon pa lang po ay ping na iyan at saka bakit ka magbibigay ng kontrata sa walang kahit na anong track record na iyong araw nga na nagsumite ay mukhang iyong araw lang na sila ay na-incorporate pero nililinaw ko po ito, may possibility pa po na nag-submit sila ng proposal na hindi pa sila legally incorporated.
ORLY: Talaga bang napamura ng malutong ang Pangulo noong makita iyong mga ebidensiyang iyan?
SEC. ROQUE: Ay naku talagang nagngingitngit ho siya at talagang inaatasan niya si Solicitor General na talagang sampahan na ng mga kaso iyan.
ORLY: So iyong binabanggit ho ng Pangulo na sampahan si dating Pangulong Aquino, si Abad at itong si Secretary—dating Secretary Mar Roxas doon—
SEC. ROQUE: Wala naman pong binanggit na pangalan si Pangulo pero siyempre po hindi maiwasan at sila naman ang pumasok dito sa kontratang ganito, sila ang nagbaboy diyan sa MRT na iyan, so dapat sila ang mapanagot.
ORLY: And so OSG na po ang magsasampa nito?
SEC. ROQUE: Well OSG po ang nakatalaga pero siyempre – ako’y nagsalita rin nga po dahil mga criminal din iyan – iyong DOJ din po. At ako naman at iyong nakakalap at nakakausap ay lahat po iyan ang punta po niyan ay sa NBI.
ORLY: So iba pa po ito doon sa naunang sinampa ng DOTr?
SEC. ROQUE: Iba pa po iyan kasi marami pa kasing mga issue na… ang sinampa lang nila doon sa BURI na ay iyon nga, unang-una hindi naman tanging BURI lang ang kumpanya na nagbigay maintenance supervisor na palpak. Iyon na lang iyong pinakahuling kumpanya, mayroon pang mga iba doon sa—
ORLY: Okay napag-usapan namin ni Kaka iyong Dalian, mayroong third party yata na nag-iimbestiga dito. So hinihintay lang din ho ba iyong report nito para mai-summary po itong biniling mga train na ito o mga bagon na hindi mapakinabangan?
SEC. ROQUE: Well, abangan po natin iyan pero ang punto diyan is, ang isyu naman diyan is iyong suma-total ay talagang pinagpiyestahan ang MRT, at kaya nga po ang nagbabayad ngayon, tayong mga taongbayan.
ORLY: Pinagpiyestahan—ano ito parang pinag—
SEC. ROQUE: Nilapa po… Nilapa, pinagpiyestahan—
ORLY: Oo parang pinagsamantalahan ng napakaraming mga tao at pinagpilahan yung babae, ganoon ang dating, parang lapastangan.
SEC. ROQUE: Ganoon nga po ang nangyari diyan nilapastangan po talaga tayo diyan.
ORLY: Ano ba iyong binabanggit ninyo doon sa press con ninyo na ginamit noong partido iyong pera na ito para sa kanila?
SEC. ROQUE: Iyan naman po iyong sinabi ng isang whistleblower na dahil sa ginawang fund raising din iyan. Well anyway ang sabi ko nga naman po ay hayaan natin na mapunta muna sa NBI lahat noong mga testigo, iyong mga dokumento puwede namang i-release kasi dokumento iyan. So wala naman silang magagawa diyan talagang nariyan iyan! So hayaan ninyo po at ang pangako natin ay magkakaroon ng katarungan para sa mga mananakay ng MRT.
ORLY: Alright, Secretary maiba lang ako kasi—ano ba iyong mga development dito sa Houses na parang—‘di ba hindi maiiwasan may mga pangyayari dati sa Davao with the—isa sa mga pinuno ng Kamara si Speaker Bebot Alvarez at iyong sa anak ng Pangulo na parang nagkaroon sila ng hindi pagkakaintindihan. Ano ho ba ang nababanggit ng Pangulo pagdating po diyan sa relasyon – dahil po diyan – ang Malacañang at ng House?
SEC. ROQUE: Well ang nabanggit lang po sa akin ng Pangulo ay masyadong maaga para pakiwari ng hindi pagkakasundo at naintindihan ko naman, tumahimik naman po ang parehong party. So ang tingin ko po ay—
ORLY: The confidence stays, may kumpiyansa pa rin ang Pangulo sa mga—partido.
SEC. ROQUE: Basta ang importante po naisulong iyong ating mga importanteng mga panukalang batas: Doon sa BBL at siyempre iyong charter change patungo sa pederalismo.
ORLY: So wala po iyong umuugong na balita na may Coup d’etat, papalit sa dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kay Speaker Alvarez?
SEC. ROQUE: Ay ako po ay nanggaling din sa Kamara at kinausap ko ito pong malapit na mga kaibigan sa Kamara at sabi niya ay minsan ay nagkaroon lang ng kainan pero wala namang usapin ng pagpapalit. So siyempre mga intriga lang iyan. Ang katotohanan niyan dati kasi siyempre Speaker lahat, sumusunod, gumagalang pero ngayong [unclear], may mga nagsasalita at ito naman ay dahil na rin doon sa PDP lang na parang—lahat natatanggap sa PDP-Laban pati iyong mga magkakalaban. Pero sa akin puro intriga lang po iyan, ang importante talaga sa Pangulo, nasaan iyong mga panukalang batas na ipinangako natin sa taong bayan at itong BBL po talaga, ilang beses na sinasabi ni Pangulo, importante ito kung nais nating maiwasan ang pagdadanak ng dugo doonn sa Mindanao.
ORLY: Nandodoon pa rin ang tiwala ng Pangulo sa mga pinuno ng Kamara, headed by Speaker Alvarez.
SEC. ROQUE: Opo, wala naman pong pagkakaiba diyan, nandoon pa po tayo.
ORLY: Alright. Speaker—ano ba iyan [laughs]. Secretary, maraming-maraming salamat po. Makikibalita ulit kami sa inyo, Secretary Roque. Thank you po sir.
SEC. ROQUE: Salamat po, magandang gabi po.