Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Willie Delgado and Jorge Bandola (RMN – Straight to the Point)


Q:  Good morning, Sec. Harry.

SEC. ROQUE:  Good morning, mga kapwa magagandang lalaki.

Q:  Sandali po, usapan po ito ng magagandang lalaki muna ito, kaya iyong iba diyan ay tumabi-tabi po muna.

SEC. ROQUE:  Buksan po natin ang ating programa, Straight to the Point, ito ay isa pang magandang lalaki.

Q:  Papaano po iyong dalawa nandiyan sa Quezon City?

Q:  Teka-teka, malalagay po iyan sa Official Gazette. Tina-transcribe iyan, partner.

Q:  Naka-monitor ngayon ang PIA.

SEC. ROQUE:  Totoo po, totoo po. Iyong Presidential Communications Group po, dahil minomo-monitor nila lahat ang interview natin.

Q:  Iyan po nakalagay po iyan ha, sinabi mismo ah, confirmed po iyan ni Secretary mismo… nagsabi ha, magandang lalaki.

Q:  Sec. Roque. Bago po ang lahat, medyo marami-rami tayong pag-uusapan ngayon. Bago po ang lahat ay congratulations po siguro sa administrasyon, dahil sabi po sa survey ng SWS isa sa bawat tatlong pamilya, nakaalis na raw sa kahirapan. Ano po ba ang ginawa ninyo?

SEC. ROQUE:  Ay naku, iyan po talagang mabuting balita. Dahil ang talagang pangako ng ating Pangulo – kakaunti lang naman iyan – ay mas komportableng buhay para sa lahat. At itong survey po na nagpapakita na isa sa tatlo ay nakatakas na sa kahirapan ay isa talagang patunay na naririto na po ang pagbabago.

Marami pong ginawa ang Presidente para makamit ito. Unang-una, iyong political will po ‘no, na talagang lababan ang korapsyon. Dahil kapag nawawala po ang korapsyon, ibig sabihin naibibigay ang biyaya sa taumbayan. Kaya nga po ngayon meron na tayong libreng tuition sa state universities and colleges, meron tayong libreng Wi-Fi, magkakaroon pa tayo ng libreng tanghalian ‘no. At ito po iyong naging resulta ng pag-ibsan ng kahirapan ‘no.

At pangalawa po, nandiyan din iyong ginawa nating TRAIN, na tinanggal po natin sa tax doon sa mga 250,000… iyong kumikita ng 250,000 lamang sa isang taon, wala na po silang binabayaran na buwis. At bukod pa po diyan eh iyong Build, Build, Build program ng ating Presidente na ngayon pa lang po – ito ay Abril pa lamang, mga apat na buwan ng taon – ay napakadami na pong mga trabahong nagagawa, dahil napakadami po talagang proyekto. I’m sure napapasin n’yo naman po iyan sa inyong mga kapaligiran.

Q:  Secretary, bago po itong magandang balita na ito. Recently lang, merong survey din di ba na tumaas iyong unemployment rate. Meron po bang intertwining facts itong dalawang isyu na ito?

SEC. ROQUE:  Hindi po. Kasi alam ninyo iyong SWS po iba iyong kanilang definition ng underemployment at saka ng unemployment. So—in fact, iyong NEDA po hindi nagkomento diyan sa findings ng SWS, kasi iba iyong kanilang definition ng unemployment. Pero kaya naman po tumaas iyon, dahil ginawa po iyong survey Marso. Alam po natin marami ang nagtapos sa mga pamantasan ano, noong Marso, siyempre po naghahanap pa nang trabaho at iyong mga bagong graduate, eh classified as unemployed ‘no.

Pero kampante po kami, hindi magtatagal eh marami sa ating mga graduates eh makakakuha po ng mga trabaho.

Q:  Actually, maganda nga iyong assessment nung isang dating Congressman na sabi niya, noong nakaraang administrasyon ine-stretch iyong school year, doon pumasok iyong K to 12. So, iyong ga-graduate K to 12 na-buhos dito, papasok ngayon dito sa administrasyon. Kaya malaki ang naging ambag nito.

SEC. ROQUE:  Opo, tama po iyon.

Q:  Meron pa po bang mga gagawin ang administrasyon para tuluyang mapa-angat ang buhay ng mga kababayan natin? Kanina may na-receive na kaming text dito. Ang sinasabi nga po ng texter namin, Sec. Roque, eh, ‘totoo iyan, wala nang halos naghihirap, kasi wala na raw makuhang kasambahay ngayon.’ Hindi ho kaya nagliparan na sa ibang bansa. May mga iba pa bang factors na pupuwedeng gawin ng administrasyon?

SEC. ROQUE:  Well, marami pa po tayong ginagawa, alam po natin na talagang maraming nagsasamantala po, ginagawang dahilan ang TRAIN para pataasin ang mga presyo. Huhulihin po natin iyong mga taong iyan, sasampolan po natin iyan at sasabihin natin, hindi naman pupuwedeng pagsamantalahan iyong isang programa na talagang binuo para pakinabangang ng marami.

At bukod pa po diyan, tama po iyan, ine-engganyo ng Pangulo na ilan sa ating mga OFW umuwi na, kasi nagkukulang po tayo ng trabaho lalung-lalo sa construction agency para dito sa Build, Build, Build. Ang balita nga daw ay baka daw tayo pa ang kumuha ngayon ng mga foreign workers para mag-suporta ng Build, Build, Build.

So, importante po, na manawagan din tayo sa iba nating mga kababayan na kung pupuwede unahin muna ang ating bansa na umuwi at magtrabaho para sa Build. Build. Build.

Q: Sa kabilang banda, Sec. Harry. Sabi din po ng Pangulo na gusto niyang maging economic dragon o makasama bilang economic dragons ang Pilipinas sa buong Asia? Papano ninyo gagawin ito?

SEC. ROQUE:  Eh kaya naman po, ang sabi nga po nila, baka tayo ay maging economic dragon bago pa matapos ang termino ni Presidente. Dahil nakikita po natin, taon-taon po tayo’y palaging sinasabi pinakamabilis sa Asia lumaki ang ekonomiya, pangalawang pinakambilis sa buong mundo. So, wala pong tigil ang paglago ng ating ekonomiya, tuloy-tuloy po tayo.

Q:  Sa administrasyon, ano ba iyong sarili ninyong barometro diyan, para sabihin nating may mga pagbabago na talaga, especially sa kabuhayan ng ating mga kababayan?

SEC. ROQUE:  Well, maganda po iyong pagtaas ng mga economic figures. Pero importante din po iyong mga survey na gaya nito, na kung saan ang taumbayan mismo ang nagsasabi na less gutom sila, mas kumportable sila ‘no at hindi lang iyong mga GNP figures. Kasi iyong mga GNP, GNP walang ibig sabihin iyan kung wala namang nararamdamang pag-unlad sa mga buhay ng mga ordinaryong mamamayan.

Q:  Hindi rin po ba naka-apekto dito iyong sinasabing biglaang pagtaas ng inflation dahil nga doon sa TRAIN Law.

SEC. ROQUE:  Ang sinasabi po namin, ang TRAIN law po talaga dapat one percent lang po ang itataas doon sa bigas. So marami po ang nagsasamantala din diyan at saka ang katotohanan po diyan ang tumaas din ang todo talaga ay iyong presyo ng mga sigarilyo at saka iyong ilang alcohol and beverages. At sa akin naman, siguro para sa kalusugan puwede rin iyan.

Pero pangako po ng Pangulo, pagdating po doon sa pagtaas ng presyo sa pagkain, lalung-lalo na ang bigas, eh gagawa po tayo ng hakbang. Unang-una po, naniniwala kami na artipisyal po itong napakataas na presyo ng ating bigas dahil sa mga traders at hoarders ‘no. So gagamitin po natin ang batas para habulin iyang mga traders at hoarders na iyan at maparating ang mensahe na tama na sila lang ang palagi ang nakikinabang. Ang bigas ay para sa taumbayan, hindi po ginagamit dapat iyan para paraan yumaman ang mga traders at mga hoarders.

Q:  May mga nagpaplano na i-review ulit iyong TRAIN law na iyan. Ano ba ang take ng Pangulo ngayon? Ano bang nakikita niya ngayon na—well, napagtibay kasi ng Pangulo iyang TRAIN law na iyan. So, ano bang pakiramdam niya ngayon?

SEC. ROQUE:  Well, ang sabi po ay importante po ang TRAIN law para sa Build, Build, Build. So sa ngayon po hayaan muna natin ang TRAIN law. Hayaan muna natin ang Build, Build, Build. Tingnan natin pagdating ng matapos ang taon na ito, bago natin ire-evaluate ulit ‘no. Bigyan muna natin ng panahon, dahil mabuti naman po ang ninanais natin diyan sa TRAIN law na iyan.

Q:  Eh ganun naman pala, may malasakit naman, hindi ba, katulad iyong pangako, may malasakit, tapang at malasakit. Bakit naman po sa TIME Magazine, parang tapang ang pinalulutang, walang malasakit?

SEC. ROQUE:  Siguro po nagkamali lang ang TIME Magazine. Ang kanilang konsepto ng strong man ay—parang na-confuse sila dahil malakas ang political will ng Presidente. Iba po iyong political will na gagawin ang sinasabing gagawin, doon sa pagiging diktador. Napalaki po nang pagkakaiba niyan.

Q:  Baka naman lead story lang iyang strong man, pero iba iyong nilalaman doon—pero tinagurian din nilang Marcos eh.

SEC. ROQUE:  Alam n’yo naman po malayang pamamahayag, pero wala naman pong—

Q:  Hindi  ho kaya nasama lang sa bandwagon itong TIME Magazine, dahil kamakailan lang nagbigay ang Pulitzer ng prize para doon sa mga nag-report doon sa kampanya ng administrasyon sa anti-illegal drugs, hindi ho kaya, sumama lang sa bandwagon ito?

SEC. ROQUE:  Ay, hindi ko po alam sa kanila; basta sila ang nagsulat niyan. Sa mga Pilipino patuloy po ang suporta ng Pilipino sa Presidente—

Q:  May pa there’s ba ang Pangulo dito sa report ng TIME Magazine na ito, plano niyang sulatan o papano po?

SEC. ROQUE:  Wala naman po.

Q:  Bakit po parang nanawagan ang Pangulo na tanggapin n’yo na kung anong ugaling meron ako o kung anong personality meron ako?

SEC. ROQUE:  Eh, kasi talagang… matatapos na po ng halos dalawang taon, eh talaga namang ganyan talaga si Presidente, talagang hindi kayo tatanggap kay Presidente, baka kayo ang mabuwang, hindi si Presidente. So mas mabuti pa, eh tanggapin na nga ang Presidente for what he is.

Q:  Parang if you cannot beat me, you join me.

SEC. ROQUE:  Hindi naman, ganoon lang talaga ang Presidente.

Q:  Nga pala, Sec. Roque. Bakit napapagod ka na bang magsalita, bakit mag-a-appoint daw kayo ng Presidential Spokesperson?

SEC. ROQUE:  Hindi po mag-a-appoint ng Presidential Spokesperson, mayroon po talagang Deputy Spokesperson. [unclear] kung wala ako Deputy Spokesperson, ang tingin ko po hindi ako makapag-absent. [Laughs]

Q:  Sino po ang napili ninyo? Peter So ba iyon?

SEC. ROQUE:  Wala pa naman po, but… nagpi-pinal pa po kami at marami pa pong inaayos.

Q:  May inilabas na kasi iyong isang pinakapaborito ninyong Rappler.

SEC. ROQUE:  Ah.

Q:  28 anyos daw eh, iyong magiging Deputy Spokesman.

Q:  Hindi ba si Pia Ranada iyan?  [Laughs]

Q:  Wala bang Jorge Bandola diyan sa listahan, Secretary?

Q:  Sec., panghuli na lang po. Anong bago sa Kuwait? Wala bang bago?

SEC. ROQUE:  Wala pa pong bago, pero ang assurance po natin ay tuloy-tuloy naman po ang mga pag-uusap at kampante po kami na may pupuntahan ang mga pag-uusap natin.

Q:  Secretary, maraming salamat ha sa pagkakataon.

SEC. ROQUE:  Maraming salamat po. Magandang umaga po.

###

SOURCE: PCOO – NIB (News and Information Bureau)

Resource