Interview

Cabinet Report sa Teleradyo – COVID-19 Special hosted by Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar with Senator Sherwin Gatchalian and Department of Education Secretary Leonor Briones

SEC. ANDANAR: Mga kababayan, mainit na usapin ngayon ang pagbubukas ng klase sa darating na Agosto 24, 2020. Ito’y matapos na ihayag ng Department of Education na kailangang ipatupad ang Republic Act 7977 o the Act of Lengthening of School Calendar. Nakasaad kasi sa batas na kailangan magsimula ang pasukan sa Pilipinas sa pagitan ng unang linggo ng Hunyo hanggang sa huling araw ng Agosto.

Dahil dito, doble kayod ngayon ang DepEd sa paglalatag ng mga panuntunan at programa para hindi makumpromiso ang kalusugan ng mga mag-aaral. Natatandaan natin na noong magsunud-sunod ang kaso ng COVID-19 sa bansa sinuspinde ang mga klase para maiwasan ang mabilis na pagkalat ng sakit. Apektado ang fourth quarter schedule ng mga estudyante kaya inirekomenda ang alternative plan para makumpleto ang kanilang grado lalo na ang mga graduating class.

Binigyang-diin kasi ni Secretary Briones na wala sa polisiya ng Duterte administration ang automatic mass promotion o mass passing. Kasunod nito, kinansela na rin ang graduation rites at iba pang mass gathering activities. Sa halip, ipinanukala ang e-graduation depende sa magiging pasya ng mga eskuwelahan.

Dahil kanselado ang pasok, noong March 26 naglabas ang ahensya ng memorandum para sa conversion ng public schools na maging quarantine facilities pero ang regulasyon nito ay kung punung-puno na ang mga pagamutan sa isang LGU. Nagsusumikap din ang DepEd na mabigyan ng financial assistance ang mga guro at empleyado na apektado ng public health emergency.

Una rito, inaprubahan ng DepEd ang isang board resolution kaugnay ng provident fund loan ng mga faculty members para mabigyan sila ng 3-month moratorium sa kanilang loan payment. Isinulong din ng ahensya na makasama ang nasa mahigit tatlong daang libong guro at staff sa mga pribadong eskuwelahan sa Social Amelioration Program ng DSWD.

May 8, inaprubahan naman ng IATF ang Basic Education Learning Continuity Plan ng DepEd na nais nilang sundan sana ng private schools. Hindi muna kasi papayagan ang traditional face-to-face learning, sa halip ay i-offer muna ang distance learning, blended learning, home schooling at iba pa.

At dahil nakatakda na ang petsa ng opening of classes, malaking bagay ang paglusot sa final reading ng Senate Bill 1365 o ang Institutionalization of Alternative Learning System and Establishing an ALS Community Learning Center na pinangunahan ni Senator Sherwin Gatchalian. Kasabay nito, suportado rin ng Kongreso na gamitin ang government networks para maging learning platform ang TV at radyo lalo na sa mga lugar na walang internet access.

Ang People’s Television, Philippine Broadcasting Service at IBC-13 na nasa ilalim ng PCOO ay naghahanda na rin para maging epektibo ang paggamit sa government facilities. [VTR]

Ang new normal na ito sa larangan ng edukasyon ay malaki ang pagkakaiba sa nakasanayan natin, pero ito ang paraan para maipagpatuloy natin ang pag-aaral ng mga kabataan habang hinaharap natin ang problema sa COVID-19.

Isa sa labis na naapektuhan ng COVID-19 pandemic ay ang sektor ng edukasyon. Halos patapos na ang school year nang ideklara ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na isasailalim ang buong bansa sa community quarantine simula March 16. At dahil dumami ang kaso ng COVID-19, naantala ang pagbubukas ng klase.

Tuwing Hunyo ang nakagawiang opening of classes sa public schools pero may ibang eskuwelahan na July o August ang simula ng klase. Gayun pa man, ngayong taon ay sa Agosto na nga ang opening of classes.

Ang concern ng mga magulang ay ang seguridad ng kanilang mga anak, kung papasok sila sa eskuwela.

Malawak po ang ating diskusyon ngayong gabi kaya kausapin natin ang mga opisyal na makakapagbigay linaw sa usaping ito. Makakausap natin via Zoom ang Senador na hasang-hasa sa legislation at public service dahil matagal na siyang nagsilbi bilang mayor at 1st District Congressman ng Valenzuela City. Nagtapos siya ng Finance and Operations Management degree sa Boston University sa United States at humawak siya ng executive position sa Wellex Group of Companies, Air Philippines Corporation, Waterfront Philippines at Plastic City Corporation.

Nang pasukin niya ang politika, 3 terms siya naging alkalde ng Valenzuela City kung saan ipinatupad niya ang maraming education programs. At nang muli siyang mailuklok bilang kongresista noong 2013, isinulong niya ang ginagawa nila sa Valenzuela na Education Reform Initiatives kung saan isinilang ang House Bill No. 5905 o ang Free Higher Education Act. Kalaunan, ito ay naging Republic Act No. 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong August 2017. Ang senador na ito ay ang kasalukuyang Chairman ng Senate Committee on Energy at ng Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Let’s welcome Senator Sherwin Gatchalian. Good evening Senator and welcome to the Cabinet Report.

SENATOR GATCHALIAN: Good evening, Martin. Good evening to our tele-viewers. Magandang gabi po.

SEC. ANDANAR: Simulan natin ang isa sa pinakamainit na usapin ngayon, ang pagbabalik eskuwela ng ating 27 million students. Unahin natin ang basic education. Senator last week, you led a hearing with education officials, experts and stakeholders on the impact of COVID-19 pandemic to the Philippine education sector as well as the measures that could be taken to ensure learning continuity. Your assessment was, DepEd is not yet ready for August opening of classes, and why do you think so and what do you think are the necessary steps that the agency needs to do?

SENATOR GATCHALIAN: First of all Martin, itong tumama sa atin ay talagang malawak at malalim, at nakikita ko in the short term and medium term, hindi na magiging normal iyong magiging aktibidad natin sa mga eskuwelahan. Ang pinakamahalaga ngayon ay masigurado natin iyong kaligtasan ‘no, ligtas ang ating mga estudyante, ligtas ang ating mga magulang at higit sa lahat ligtas din ang atin mga guro dahil itong mga guro natin, sila iyong araw-araw na pumapasok.

So itong mga bagay na dapat nating gawin para mag-transition tayo sa new normal, malawak ito ‘no at kakailanganin nang maraming pondo. At napag-usapan namin doon sa hearing na ang DepEd mayroon silang plano, mayroon silang mga aktibidad na gustong gawin pero hindi pa nila nako-compute kung magkano ang budget na kakailanganin nila at hindi pa ho sila nagkakaroon ng rollout plan kung paano gagawin ito.

So ang aking nakikita dito, dahil ang nakatakdang araw ay August 24 at hindi simple na mag-deliver ng kagamitan sa 27 million students, 5 million doon ay nasa private school at pinag-uusapan natin dito ay close to 70,000 schools ‘no na bubuksan natin. So importanteng ngayon pa lang ay pinaplano na natin ito, alam na natin kung magkano at mayroon na tayong paraan para abutin ang bawat eskuwelahan dahil hindi puwedeng isang eskuwela ang magkakaroon ng pagkukulang. Ito ay responsibilidad natin sa ating mga magulang.

SEC. ANDANAR: Sinabi ninyo rin Senator Gatchalian na base sa Asia Foundation Survey, 15% lang ng mga guro ang na-train sa alternative modes of learning gamit ang television, radio at internet. Sa tingin ninyo ba hindi sapat ang tatlong buwan para ma-train din ang natitirang 85% ng mga guro?

SENATOR GATCHALIAN: Mayroon tayong close to 800,000 na mga guro nationwide at dahil nga ito ay bago na pangyayari sa atin, talagang marami sa ating mga guro ay hindi pa nakagamit noong tinatawag nating online learning, hybrid learning, blended learning, learning from home. Ito ay mga konsepto na alam nila pero hindi pa nagagamit. At nagkaroon ng survey iyong Asia Foundation, ito’y isang independent survey, lumalabas na 15% lang ang ating mga guro na nakapag-practice ng ganito.

So in the next 3 months, malaking challenge ito para sa Department of Education dahil kasama sa kanilang learning continuity plan na gumamit ng hybrid learning. So ito iyong gagamit ng telebisyon, gagamit ng radio at kung kaya ‘no, gagamit ng internet. At ito kailangan pa rin ng partisipasyon ng ating mga guro ‘no dahil sila rin po ang gagawa ng lesson plan pero paano ito ituturo dito sa tinatawag nating hybrid learning. Malaking challenge ito ‘no at ito nga iyong hinihingi natin sa DepEd kung paano rin magkaroon ng istratehiya na ma-train ang ating mga guro.

SEC. ANDANAR: Mayroong mga eskuwelahan na nag-aalok ng home-based learning method at sa tingin ninyo ba ay uubra kaya ito sa public schools, both in basic and high education or higher education knowing na hindi lahat ay may access sa internet o telebisyon lalo na sa mga region, sa mga probinsya?

SENATOR GATCHALIAN: Correct. Pagdating sa telebisyon, halos 90% ‘no may access sa television. Ang radio mas maliit, almost mga 40%. Ang internet ay halos kapantay na ngayon ng radyo. Pero ang dapat mapag-aralan mabuti ng DepEd ‘no dahil hindi lahat ng lugar ay pare-pareho, kung ano ang pinakaangkop na teknolohiya na gagamitin nila doon.

Kung ako, ang nakikita ko radio and television pa rin ang pinakamalawak. In fact, iyan talaga ang nakasanayan ng ating mga magulang. Pero kung paano gawing kasama ito sa curriculum ay isang hamon rin ‘no dahil in the next 3 months dapat ma-imbed ito sa ating curriculum.

In learning from home at iyong home-based learning ay ginagawa na rin iyan ng ibang bansa. In fact, may mga konsepto na iyan, pero ngayon nasa execution at sa training din ng ating guro at participation ng ating mga parents dahil malaking papel rin ang gagampanan ng ating mga magulang.

SEC. ANDANAR: Ngayon ay mayroon tayong mga lugar na nasa ilalim ng GCQ or iyong Modified GCQ at Modified ECQ at inyong itinutulak na maiurong nga ang pagbubukas ng klase dahil na rin hindi natin masabi na baka lang ay magkaroon pa ng second wave or third wave. Sa tingin ninyo, when is the best time to open classes?

SENATOR GATCHALIAN: In fact, magandang tanong iyan Martin, dahil kahapon sa aming committee of the whole, nasabi ni Secretary Duque na nasa second wave na tayo at posible pang magkaroon ng third wave ‘no. So ibig sabihin ang sitwasyon ngayon ay talagang napakahirap sabihin ‘no at dahil nga itong virus ay bago ‘no, hindi pa natin napapag-aralan mabuti, ang sitwasyon ay mabilis magbago.

Isang batas na tinutulak ng ating Senate President Tito Sotto ay bigyan na lang nga kapangyarihan ang ating Pangulo na magdikta kung kailan bubuksan ang eskuwelahan kung mayroon tayong ganitong pandemya. So ito ay pinag-uusapan namin at ipa-file na ho namin at para mas flexible ‘no sa ating Pangulo kung kailan niya nakikitang nararapat buksan ang ating mga eskuwelahan.

SEC. ANDANAR: At pumunta naman tayo doon sa mga lugar na quarantine free or zero case sila ng COVID. Sa tingin ninyo ba ay okay lang na maging normal or face-to-face learning method pa rin, iyong nakagawian natin, or dapat ba pare-pareho tayong lahat na humaharap sa new normal?

SENATOR GATCHALIAN: I think lahat tayo dapat ay pumasok na sa tinatawag nating ‘new normal’. Ano ba ito? Ito iyong pagsusuot ng mask, paghuhugas ng kamay nang madalas, paggamit ng alcohol at iyong tinatawag nating social distancing, hindi magsisiksikan. In fact, nakausap ko iyong mga local government officials ng Region I, at ang Region I isa sa pinakamaagang tinanggal sa community quarantine.

Pero kinakabahan sila dahil ang sabi nila ‘pag nagbukas ang Metro Manila, iyong mga negosyante dito, iyong mga ibang nagnenegosyo ay pupunta sa Region I para magnegosyo rin. At kahit wala silang tala ng COVID doon, dahil bukas na iyong Metro Manila, baka magkaroon din ho sila ng COVID doon. So dapat patuloy pa rin iyong pag-implement natin ng new normal kahit wala tayong COVID doon sa lugar na iyon.

SEC. ANDANAR: Maganda rin siguro Senator Sherwin na naipaliwanag natin sa publiko iyong kahalagahan ng 20 years old pababa kaya hindi natin sila pinapalabas dahil we want to preserve this generation and it is the generation from 21 to perhaps 50, to our age Senator. Tayo rin iyong…

SENATOR GATCHALIAN: [Laughs]

SEC. ANDANAR: ‘Di ba tayo iyong nandoon sa—tayo iyong pinaka-productive ‘di ba sa ngayon.

SENATOR GATCHALIAN: Parang inaamin mo na matanda na tayo Martin ha [laughs].

SEC. ANDANAR: [Laughs] Well, kumbaga tayo iyong nasa giyera ngayon ‘di ba. Hindi lahat ay ipapasali mo sa—isusubo mo sa giyera. You need to preserve certain segments or generations ‘no.

SENATOR GATCHALIAN: Working age tayo, working.

SEC. ANDANAR: Yes, working age.

SENATOR GATCHALIAN: At talagang nakita natin, proven na pagdating sa mga senior citizens lalo na iyong may mga karamdaman, iyong immunocompromised, very vulnerable sila ‘no at malaki ang posibilidad na magkasakit sila, mahawaan at mamatay pa. Kaya ito iyong edad na dapat nating alagaan mabuti at masabi natin na iwasan muna iyong mga matataong lugar.

SEC. ANDANAR: Iyon. Actually ang paliwanag ko rin sa mga nagtatanong sa akin, sabi ko na we need to preserve the generation, 21 years old pababa kasi sila iyong papalit sa atin and we also need to preserve the generation 60 years old pataas because they have already done their sacrifice in serving our country.

My last question Senator is that, papaano natin babalansehin, kasi of course kung mag-distance learning tayo, TV man o internet, eh iba pa rin iyong face-to-face ‘di ba? So papaano natin—

SENATOR GATCHALIAN: Iba pa rin, tama.

SEC. ANDANAR: Yes. So, ano iyong nakikita ninyong solusyon sa inyong pag-aaral?

SENATOR GATCHALIAN: Isa sa mga pinag-uusapan natin ‘no, dahil importante iyong social distance at alam natin dito sa urban areas siksikan talaga. Isa sa mga pinag-aaralan ngayon ng komite natin kasama ang DepEd, kung puwedeng hindi araw-araw ang klase. For example, may isang batch, 3 times a week or 2 times a week para hindi sabay-sabay sila pumapasok. Dito sa urban areas, admittedly kulang ng silid-aralan at mayroong ibang mga lugar na 50/60 at mahirap talagang hatiin.

So, kaya importante dito na magkaroon tayo ng itong tinatawag nating hybrid learning dahil nga kung 3 times a week lang papasok, iyong ibang araw na nasa bahay sila, nag-aaral pa rin sila at tuluy-tuloy pa rin iyong pag-aaral.

SEC. ANDANAR: Maraming salamat po sa inyong panahon, Senator Sherwin Gatchalian. Mabuhay po kayo at good luck po sa inyong isinusulong na hybrid or itong blended education para sa ating mga kabataan.

SENATOR GATCHALIAN: Thank you, Martin. Thank you sa napakagandang interview natin. Thank you.

[COMMERCIAL BREAK]

SEC. ANDANAR: Mula sa Senado, tumungo naman tayo sa mga opisyal na mismong bumabalikat sa pag-aaral ng ating 27 million learners. Makakausap natin via Zoom ang Kalihim ng Department of Education, si Secretary Leonor Briones.

Ang Kalihim na ito ay nagmula sa Guihulngan, Negros Oriental kung saan nagtapos siya ng Business Management Degree Major in Accounting sa Silliman University. She later pursued her Master’s Degree in Public Administration sa UP Diliman. Graduated with honors siya sa kaniyang post graduate diploma sa Leeds University sa England at may certificate din siya ng Policy for Public Enterprise sa Harvard University.

Bukod sa pagtuturo, tumayo rin siya bilang consultant ng Senate of the Philippines, Asian Development Bank, United Nations Development Program at marami pang organisasyon. Bago siya naupo bilang Kalihim ng Department of Education, siya ay Director ng AgriNurture Incorporated at Megawide Construction Corporation. Well-awarded din sa public administration at sa iba’t ibang larangan ang ating guest.

I-welcome na po natin si Secretary Leonor ‘Liling’ Briones. Good evening ma’am and welcome to the Cabinet Report.

Secretary Briones, bago pa natapos ang school year noong Marso ay biglang nagdeklara ng community quarantine sa buong bansa effective March 16. Maraming school activities ang naapektuhan at alam naman natin na noong normal pa ang ating pamumuhay, sa ganitong panahon ay abalang-abala na ang DepEd para sa pagbubukas ng eskuwela sa Hunyo. Pero ngayon obviously ay walang balik-eskuwela na magaganap sa susunod na buwan dahil sa August 24 na ang opening of classes.

Ang tanong ko po: gaano na po kahanda ang DepEd down to the schools in the most remote areas dito sa bagong mode of education na ibibigay natin sa mga estudyante, itong blended education?

SEC. BRIONES: Yes. Kung sabihin mo as of this date, ngayon, masasabi ko I will look at you straight in the eye and say na hindi handa tayo para sa bagong pamamaraan ng pag-aaral/pagtuturo ng ating mga kabataan at this time which is May. Kaya ang nag-survey kami, mga more than 789,960 respondents all over the country tapos tinanong namin hindi lamang ang learners kundi ang teachers, mga school personnel, ang ating mga partners sa edukasyon, mga opisyal.

Tapos ang lumabas sa survey na mas gusto nila na close as possible to what the law prescribes. Kasi lahat alam na alam na hindi makayanan kung June ang official opening. So karamihan, talagang August ang kanilang pino-propose. At saka bakit August 24, kasi Sec. Martin, ito iyong last week ng August, talagang sinagad namin na masunod na batas pero at the same time medyo may dagdag na panahon para maghanda naman tayo.

Dahil ibang-iba na ngayon, iyong sinasabi nga nila ‘new normal’ na daw ngayon ang ating pananaw at paggalaw at pagkilos sa lahat ng bagay sa buhay natin hindi lamang sa edukasyon. Kaya iyon, ini-stretch natin na talagang magkaroon tayo ng time para makapaghanda. Pero ngayon, today, hindi tayo handa.

SEC. ANDANAR: And speaking of handa, paano po natin inihahanda iyong ating mga guro, ating mga estudyante at mismong mga eskuwelahan sa ating new normal?

SEC. BRIONES: Napakaimportante, mahalaga iyong tanong ninyo. Una, iyong ating mga guro, kaya June 1 pa lang magre-report na sila pero ibig sabihin, sa kung anumang paraan. Hindi sila required to report physically lalo na sa mga lugar na medyo na-declare na peligroso pa. Puwede silang mag-report online, sasabihin lang nila na: “Heto na ako, June 1 na, handa na akong mag-prepare, handa na akong mag-aral ng mga lesson plans, etc., na mag upscale, magdagdag ng kaalaman para sa pag-umpisa ng school in August.

Kasi alam mo Sec. Martin, dalawang buwan ang bakasyon ng teacher ‘di ba, April and May, iyan ang nasa batas. Kung hindi namin sila—magpakita sila o magbigay sila ng report na pumasok na sila ay magkagulo-gulo iyong ating ano, kasi ang lalabas niyan susuwelduhan natin sila na wala pa naman sila supposedly. Kaya puwede silang mag-report whether physically o iyong sinasabi nga natin online mag-report sila na magtatrabaho na sila. Hindi physical presence ang required, June 1 iyon. So may ilang buwan tayo para lalong mapahanda ang mga bata, mapahanda ang teacher.

Iyong pangalawa mong tanong equally important, iyong sabi mo iyong facilities. Kasi last year, napakalaking damage ang nangyari, sunud-sunod iyong earthquake. Maalala mo Sec. Martin may sa Zambales, may sa ibang bahagi ng Luzon, mayroon sa Mindanao; tapos ang Batangas sa Taal, may explosion ang volcano. So maraming sira sa ating mga buildings, kailangan ayusin din iyong physical infrastructure kung sakali mang magkaroon tayo ng face-to-face na classes.

So iyong combination na iyan, iyong readiness sa pagtuturo sa bagong mga methods, bagong pamamaraan at ang physical infrastructure, hopefully sa loob ng 3 months, maano naman siguro, maaayos pero hindi natin masasabing completely, completely ready na dahil ito ay malaking shift sa ating pamamaraan sa pagtuturo sa edukasyon.

SEC. ANDANAR: Yes, iyon nga. Sabi nga ni Senator Gatchalian na 15% lang ng teachers ang handa sa hybrid learning. So paano ninyo po hinaharap ang challenge na ito, iyong ihanda ang ating mga teachers, iyong ating mga guro dito sa hybrid learning gamit ang internet, gamit ang telebisyon, ang radyo dito po sa distance learning na tinatawag natin?

SEC. BRIONES: Again, ‘di ba nagkaroon tayong survey na sinurvey natin kung kailan nila gustong magbukas ang klase. Ngayon mayroon din tayong separate survey para lamang sa teacher, para ma-determine kung gaano ba sila kahanda. This time 788,066 teachers ang sumagot. Now out of the 788,000 teachers Sec. Martin, it is 87% o 687,911 sa teachers, nagsabi sila na may computer sila, may laptop sila, may desktop sila sa bahay nila, so puwede natin itong magagamit.

Pero mayroong 13% na natitira, 13%, iyon ang walang computer sa mga bahay nila. So ating tiningnan din kung ilan sa kanila ang may internet connection, ilan sa mga Pilipino ang mayroong cellphone. Ating nalaman/natuklasan na mas marami palang cellphone kaysa tao dito sa Pilipinas, mas malaki pa sa enrollment. So—at saka maraming mayroong smart phones na mga teachers, sa kung anong paraan nila iyon, nabili siguro, nanalo or na-donate or on an installment basis pero marami sa kanila din may mga smart phones.

Tapos sa ibang lugar din, ang available TV lamang. Pero mayroon talagang mga lugar na sasabihin natin na walang internet signal, wala silang cellphones at saka walang TV, at alam naman natin na ilang henerasyon na, radyo ang inaasahan nila. Kaya ang sabi namin, itong mga lugar na ito, kailangan gamitan noong tinatawag namin—noong bata pa ako Sec. Martin ang tawag nito, mga schools na ito ay schools of the air dahil sa radyo mo lang tinuturuan ang peasants, tinuturuan ang mga wives kung paano magluto, paano magbasa and so on and so forth.

So gusto nating gamitin ang radio sa mga lugar na talagang hindi maabot-abot ng cellphone, ng desktop, ng computer na talagang medyo isolated sila. Ang radyo ang talagang has been there all the time for how many generations and we look back to radio at this time to reach out to as many learners as possible. So ‘ayun…

SEC. ANDANAR: You have your public radio here ma’am at your disposal.

SEC. BRIONES: Yes. I’m very happy and we’re really delighted na you have offered the PCOO radio stations dahil malaking proseso iyan kung halimbawa mag-put up ng radio station ang Department of Education, maraming dadaanang mga proseso. Pero nandiyan na ang PCOO, nandiyan na ang IBC-13, nandiyan na ang mga programa ninyo na puwede kaming makahingi ng slot na para sa schools of the air. Salamat ha, salamat. Naku, malaking bagay ito.

SEC. ANDANAR: Yes ma’am, public service lang po ito ma’am at kung saan po kami puwedeng makatulong sa inyo po. Mayroong mga private schools na dati nang nag-aalok ng home-based learning. Ito po ba ay uubra sa ating mga public school students?

SEC. BRIONES: Mula pa nang, I think mga late 90’s pa, mayroon na tayo—pinapayagan na natin iyong tinatawag na home-based schooling. May mga bata kasi Sec. Martin na medyo mas effective sa kanila na ang kanilang parents ang nagtuturo sa kanila o hindi pa sila handa na makikihalubilo sa ibang mga bata so ina-allow ito. Pero ngayon, gusto nating i-review ang ating mga patakaran dito na kailangang may permit sila. Hindi naman siguro puwede na lahat na gustong magturo ng anak nila sa bahay nila ay puwedeng magturo kasi mayroon tayong curriculum, then afterwards mag-take pa ng exam ang mga bata.

So kailangan din silang ma-regulate, kailangan ding mabigyan ng permit ng ating regional director para iyong home-based schooling nila ay talagang ma-recognize at ang mga bata ay makakuha din ng exam. Kasi it’s not just studying and learning at home, it’s also taking the assessment exam so they can move on to high school or move on to college in spite of the separate or the unusual method of learning that they have undergone. Pinapayagan iyan, Sec. Martin, pero hindi naman lahat.

SEC. ANDANAR: Yes. Gaano po kayo ka-optimistic Secretary Liling na hindi bababa iyong kalidad ng edukasyon na ibibigay natin sa mga kabataan ngayong nasa new normal na tayo?

SEC. BRIONES: Kasi bago dumating si COVID, bago tayo ginulo ni COVID, nag-decide na ang Department of Education na mag-pivot na, mag-move na sila kasi iyong atin mga objectives ng quantity, na ma-reach natin ang mga kabataan, ma-reach natin ang malalayong lugar, na-achieve na natin iyan. So ang iniisip natin na mag-pivot na tayo, mag-move towards quality dahil iyon ang mandato ng Konstitusyon. Sabi ng Konstitusyon, libreng education pero quality education.

So dahil nandiyan na iyong tinatawag naming EduKalidad, iyong quality education, noong dumating si COVID, noong nag-adjust tayo, ginawa natin iyang framework na kailangan hindi mawala ang quality ng education na i-offer natin sa ating mga learners in spite of all the travails, all the difficulties and all the challenges that we are facing.

Ang tanong ninyo Sec. Martin, gaano ako ka-optimistic. Sa tingin ko at my very tender age, marami na akong nakitang mga krisis na dinaanan ng ating bansa at tayo naman ay naka-survive. Naniniwala ako na tayo ay maka-survive as long as we are just, hindi iyong business as usual, hindi iyong mga dati. Mahirap, mahirap itong gawin dahil halimbawa maraming mga mature people, older people or even young people, ayaw nilang may pagbabago sa mga pamamaraan ng buhay nila. Pero to make changes, that’s very difficult but sa tingin naman natin, ‘wa’ choice tayo.

If we want to survive, if we want education and learn to continue, we have to shift and adjust our ways of teaching and learning and handling our teachers to what is required at this time. So iyon, harapin natin ang challenge.

SEC. ANDANAR: On that note, maraming salamat po sa inyong panahon Secretary Liling Briones. Mabuhay po kayo, ma’am.

SEC. BRIONES: Mabuhay din ang PCOO, ang aming pinaka-faithful, loyal at matulungin na partner. We will be seeing more of you dahil iyong programs ninyo, ang inyong facilities ay talagang magiging instrument sa pagpatuloy ng edukasyon. Maraming salamat, Sec. Martin.

SEC. ANDANAR: Mabuhay po kayo.

Mabigat ang pasanin ng sektor ng edukasyon sa gitna ng health crisis na ating hinaharap. Nakasalalay kasi dito ang pag-aaral at kinabukasan ng mga kabataan. Paano sila magiging pag-asa ng ating bayan kung kulang ang kanilang kaalaman at kasanayan? Gayun pa man, matatapos din ang krisis na ito at makakabalik din tayo sa dati nating normal na buhay. Kailan kaya? Iyan ang hindi natin alam. Kaya suportahan at gamitin na lang natin kung ano ang mayroon tayo ngayon at pagyamanin natin ito.

Patuloy tayong magdasal at sumunod sa mga panuntunan ng pamahalaan anuman ang quarantine classification ng inyong lugar. Lahat naman tayo ay gusto nang matapos ang COVID-19 pandemic na ito nang tayo ay maka-move forward na.

Ako po si Secretary Martin Andanar ng Presidential Communications Operations Office at ito po ang Cabinet Report sa Teleradyo, a COVID-19 Special.

###

Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)