Interview

Interview with Presidential Spokesperson Attorney Harry Roque by Mike Abe, SMNI

ABE:  Secretary, si Mike Abe po ito. Magandang umaga po!

SEC. ROQUE:  Magandang umaga at magandang umaga po, Pilipinas!

ABE:  Thank you, sir, sa inyong oras pagtanggap ng aming tawag. Sir, paki linaw muna, unahin ko lang sandali itong localized lockdown. So, ibig sabihin nito by barangay, by kalye, purok or baryo. Paano ba ang proseso dito na kung talagang may problema, Secretary?

SEC. ROQUE:  Well, hindi lang po iyan by barangay, pupuwedeng by zona, iyong barangay at iyong mga karatig lugar niya ‘no; pupuwede ring per building, pupuwede ring per kalye gaya ng sinabi mo; pupuwede ring per compound ‘no.

Basta ang importante po, dahil nga importante na magbukas na ang ating ekonomiya, kapag mayroon pa ring maraming mga kaso eh, i-ECQ pa rin natin localized basis. At ang kapangyarihan para mag-identify po ng mga lugar na ila-lockout ay ibinibigay na po natin sa mga alkalde bagamat ito po ay dapat gawin in consultation with the local IATF.

ABE:  Ayun, maganda, iyan ang itatanong ko sana. So, at least ay iyong mga mayor or governor, basta local government unit sila po iyong personal na magmo-monitor, sila ang mag-a-assess at kung ano ang dapat gawin sa mga partikular na lugar kung sakaling mayroong case ng mga nagpopositibo para hindi magawa iyong iba, ano po, Secretary?

SEC. ROQUE:  Opo. Sa kaso po ng mga highly urbanized city, mga mayor iyan; sa kaso po ng mga probinsiya, kasama na iyong mga component city, ang mga governors po ang may ganiyang kapangyarihan.

ABE:  Okay. Secretary, ito pong sa Cebu City na ibinalik sa Enhanced Community Quarantine, kung hindi ako nagkakamali alam ko nakarating yata din sa Malacañang ito, parang mayroong apela iyong mayor doon na nagulat din sila na biglang Enhanced Community Quarantine iyong nangyari. Alam mo naman, may malaking epekto iyon sa kabuhayan, ekonomiya, lahat-lahat eh. So, pero talagang justified ba na talagang kailangang gawin po ito sa Cebu City, Secretary?

SEC. ROQUE:  Justified po. Six days na po ngayon ang kanilang doubling rate, ibig sabihin ang kanilang mga COVID cases ay dumodoble sa loob ng anim na araw lamang; tapos exhausted na po iyong kanilang ICU bed capacity at saka iyong kanilang mga ICU isolation capacity ay nasa 90% na rin; pero iyong kanilang ICU bed capacity po ay 100%. Ibig sabihin po, talagang malala iyong doubling rate at kulang na po iyong critical care capacity nila dahilan para mag-MECQ po muli.

ABE:  Ano ba ang—

SEC. ROQUE:  Alam ninyo po—

ABE:  Okay.

SEC. ROQUE:  Noong bago kami mag-press briefing eh, babanggitin ko sana iyong mga barangay, napakdami pong barangay na apektado diyan. Mayorya, almost all barangays pero 13 po iyong pinakamalalang mga kaso eh mantakin ninyo po sa isang barangay lamang, 77 cases po ano.

Pero ang sinabi nga namin huwag na naming banggitin kasi ang dapat gawin diyan bukod ECQ, dapat tutukan pa rin iyong mga barangay na napakatataas pero diyan lang po iyong isang barangay mayroong 77 cases sa nakalipas na dalawang linggo lamang.

ABE:  Pero Secretary, ganito, ano ang dahilan bakit nagkaganoon? Hindi ba ang tindi ng ating mga panawagan, kahit kami rito halos oras-oras binabanggit natin ‘sumunod tayo sa mga policy, protocols ano ho; gamit ng face mask; social distancing; maglinis ng kamay; maglinis ng opisina, bahay, lahat-lahat.’ Ano pong nangyari, bakit po kumalat muli?

SEC. ROQUE:  Hindi ko po alam, dahil nandito naman tayo sa Maynila. Eh, tayo naman po datos lang ano. Pero alam naman po natin ang anyo ng sakit, ibig sabihin, talagang nagdikit-dikit pa rin po ang mga ilang ating mga kababayan diyan sa Cebu bagamat sinasabi nating social distancing ano.

Noong minsan po nakarating ako diyan para i-inaugurate iyong Project Noah, isang isolation facility, pero napansin ko nga po na bagamat mayroong quarantine ano, matindi rin iyong traffic pa.

ABE:  Oo, maraming tao.

SEC. ROQUE:  Kasi tayo naman po sa Manila kahit anong sabihin natin, may mga pagkakataon na biglang nag-traffic; pero noong mga panahon na ECQ at saka MECQ tayo, talaga namang masasabi natin na walang traffic maliban na lang iyong mga ilang lugar, iyong for example sa Balintawak Market, diyan sa Divisoria minsan ma-traffic talaga iyan ano.

Pero all over Metro Manila talagang kapag ikaw ay nag-drive sa EDSA, talagang walang tao. Pero noong minsan na nakarating po ako sa Cebu na MECQ pa ay napansin ko nga po na from the airport bagamat walang mga flights eh medyo ma-traffic pa rin.

ABE:  Maraming tao, maraming sasakyan.

SEC. ROQUE:  Oo, maraming sasakyan. So, kinakailangan po talaga—eh ngayon po ay pagkakataon na ito na labanan natin ang COVID at pagsamantalahan na po natin itong deklarasyon ng ECQ para once and for all eh maunahan po natin ang sakit.

ABE:  Okay. Well, maganda naman iyong plano ng gobyerno dahil proteksyon ng ating mga kababayan sa Cebu. Pero matanong ko lang ito dahil—Secretary, kapag ho ganiyan ba ang direktiba ng Malacanang, ito eh—hindi ba dapat nakokonsulta iyong mga mayor? Kasi kaya ko naitatanong ito, parang iyong mayor mayroong statement na nabigla rin sila sa desisyon, parang hindi siya aware na magde-declare ng Enhanced Community Quarantine ang Inter-Agency Task Force. Bakit ganoon po ang nangyari?

SEC. ROQUE:  Ang alam ko po, lahat po ng mga probinsiya bago po namin inanunsyo, bago po ibinigay ang rekomendasyon kay Presidente ay pinagsabihan ng DILG para nga kung gusto nilang umapela ano. So, hindi po talagang totoo sa tingin ko na nagulat dahil isa-isa po iyan na talagang nilalapitan kung hindi po si Secretary mismo at kaniyang mga USec., eh ang iyong mga regional officers ng DILG.

Kasi ang ginawa na po namin bago desisyunan ni Presidente, natapos na iyong period to appeal. So, alam na po nila iyan, binigyan sila ng pagkakataon na mag-appeal at tapos na po iyong period bago naanunsyo ng ating Presidente.

ABE:  Doon ba sa Balik Probinsiya—huwag namang bigyan ng ibang anggulo, pero itatanong ko lang – doon kaya sa Balik Probinsiya hindi kaya nakaapekto ito na baka iyong mga nagbalik ng probinsiya ay may mga ganoong problema na ng sakit. Anong tingin po ninyo, Secretary, nakita ba iyan sa anggulong ganoon ang istorya?

SEC. ROQUE:  Dalawa po iyan eh, Balik Probinsiya, Hatid Probinsiya. Iyong Balik Probinsiya, iyong programa po ng national government—

ABE:  Yes.

SEC. ROQUE:  —iminungkahi po ni Sen. Bong Go. Lahat po ng pinauuwi tine-test naman po bago pauwiin at ganoon din po iyong Hatid Probinsiya. Ang Hatid Probinsiya ay ang mga umuuwing OFW pero alam ninyo naman po, walang ipinalalabas o pinauuwing OFW na hindi subjected to PCR testing. So, tingin ko po hindi naman po iyon—

ABE:  Okay, okay. Well, naitanong ko lang iyon dahil alam mo naman… ang alam ko rin sa ibang mga probinsiya, ang daming nagbalik-probinsiya wala namang ganiyang balita sa Cebu lang talaga at nakakalungkot kasi ang Cebu ay napakaya—alam naman natin napakalaki ng Cebu, mayaman na ang Cebu, biglang nagkaganito sila. Aba’y bababa iyong ekonomiya lalo ang Cebu City. Doon sa Talisay mukhang katabi lang na bayan na city iyon eh mananatili naman iyong Modified Enhanced Community Quarantine, Secretary ano po?

SEC. ROQUE:  Alam ninyo naman po iyan na dumaan din tayo diyan. Iyan iyong step after ECQ pero halos wala pa rin pong bukas na ekonomiya iyan.

ABE:  Yes.

SEC. ROQUE:  So, kinakailangan stay home pa rin ang mga tao ‘no at sa tingin ko naman spillover iyan. Pero maganda naman po dito sa Cebu, ating mga kakabayan, na para ma-contain sa Cebu and Talisay, iyong Mandaue, medyo mataas po pero kasi nandoon iyong jail na nagkaroon ng outbreak, so hindi naman po iyan kumakalat ano.

Eh, kung pupuwede nga lang po ilagay pa MGCQ sana iyong the rest of Cebu kaya lang sinabi po ng IATF kapag pupunta ka sa norte, sa south at saka sa west eh wala ka namang choice kung hindi dadaan at dadaan ka pa rin sa Cebu City.

ABE:  Correct, correct.

SEC. ROQUE:  So, parang naka-ECQ ang Cebu City, paano naman ang mangyayari kung MGCQ iyong karatig na lugar lamang dahil isang isla lang iyan.

ABE:  Hindi at saka ang—alam mo naman iyang Region VII, ang Cebu City, ang Cebu Province, ang pinakasentro kaya nandiyan ang marami – tourism, business, lahat-lahat, kaya talagang may epekto sa kanila iyan.

Secretary, maiba naman ako. Dito po sa—alam mo naman ito’y inaabangan ito eh at mayroon ngang nagproprotesta, mayroong naman pumapabor doon sa Anti-Terrorism Bill ano po. Ito’y nasa Office of the President na at hindi ba tumatakbo na iyong one month. Alam naman natin itong one month na ito nandiyan ang pagkakataon ng Pangulo kung pipirmahan or kung anong gagawin at kapag hindi napirmahan after one month magiging ganap na batas na po iyon. Ano ang status doon, nire-review na ho ba ito, Secretary?

SEC. ROQUE:  Sa ngayon po nire-review dahil noong nagkaroon po ng mensahe ang Presidente sa taumbayan, ang sabi niya hinihintay lang niya ang pagpinal ng period at comma. Ibig sabihin po, wala pa sa lamesa niya bagamat nasa Malacañang na.

Ang aking tantiya po ay tinitingnan po iyan ng Deputy Executive Secretary for Legal Affairs kasi siya naman po iyong nagre-recommend ng veto o hindi pagdating doon sa mga ibang panukalang batas. Iyan lang po ang nakita ko noong ako’y nasa Palasyo na noong unang panahon at ngayon.

So, gaya ng aking sinabi, pag-aaralan po talaga iyan bagamat iyan po ay certified urgent pero talaga namang wala pong nakakalusot naman na panukalang batas na hindi dumadaan sa mga mata ng mga abogado sa Palasyo.

At siyempre po ang maganda ay ang Presidente abogado mismo, siya mismo po babasahin niya at titingnan niya kung mayroon talagang salungat sa ating Saligang Batas.

ABE:  At saka ang importante naman dito at iyan naman ang proseso, iyong pagre-review. Hindi naman basta inaprubahan ng Kongreso at Senado pipirmahan kaagad iyan, mayroong power ang Executive Department na rebyuhin talaga kung ang lahat ng probisyong ito ay naaayon sa Saligang Batas at naaayon sa majority ng Pilipino, iyon ang importante.

At inaabangan ito, Secretary. Alam kong alam ng Malacañang ito na talagang inaabangan dahil sabi ko nga, mayroong pro mayroong anti, kung sino-sino. Alam mo naman buhay na buhay ang demokrasya dito sa isyung ito, Secretary.

SEC. ROQUE:  Opo pero ang huling balita po halos lahat po ng mga lokal na opisyales ay sumusuporta po sa Anti-Terror Bill.

ABE:  Ayun na nga. Anyway, Secretary, salamat po sa inyong oras at good morning po sa inyo at sa pagkakataon ng pagtanggap ng aming tawag sa umagang ito. Salamat po!

SEC. ROQUE:  Maraming salamat, Mike! Sa uulitin.

ABE:  Thank you, sir. Walang problema, welcome po kayo rito.

 

####

Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)