Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Ali Sotto (DZBB – Dobol A sa Dobol B)



SOTTO:  Secretary, magandang umaga po. Thank you for joining us this morning.

SEC. ROQUE:  Yes, magandang umaga, Ali. At magandang umaga, Pilipinas.

SOTTO:  Iyong sinasabi nga ninyo iyong pagkakasambit ng Pangulo, kasi lumabas ‘di ba, hindi naman siya qualified na mag-participate dito sa clinical trial because he is parang over the age, ‘di ba  from 18 to 59 iyong unang tuturukan, na ang Pangulo naman is in his 70. Sabi nga ninyo, it’s like to drive point home lang ‘no. Anu-ano po iyong ano—iyong kumpiyansa po ba ng Pangulo iyan, iyong willingness niya na mauna?

SEC. ROQUE:  Well, dalawang bagay po iyan. Unang-una nagpasalamat po talaga siya sa ating mga kaibigang mga Russians, dahil ngayon lang naman talaga tayo naging malapit sa kanila at ang tingin niya nagbunga nga iyong kanyang polisiya na independent foreign policy kung saan tayo po ay kaibigan ng lahat at kaaway ng wala, wala po tayong kaaway ‘no.

At ang iniisip nga niya, kung hindi tayo nakipagkaibigan sa Russia ay walang ganitong offer na maibibigay sa atin. So, ngayon alam naman ng Presidente na kapag iyong mga bansa ay – lahat, para maka-develop ng vaccine, pero ang nasa looban niya at talaga namang nagkaroon siya ng utang ng loob dahil dito sa pagkakaibigan na pinakita ng Russia na isa tayo sa pinakauna na inoperan ng vaccine.

At pangalawa, nais din naman niyang talagang sabihin sa taumbayan na bagama’t napakahirap nang lagay natin dito sa pandemyang ito, kaunting antay na lang po iyan at nandiyan na talaga ang vaccine. Sigurado po ang Presidente na bagama’t walang certainty kung kailan talaga magagamit ang mga vaccine na iyan, hindi po naman natutulog sa pansitan ang mga iba’t-ibang bansa at talagang nag-uunahan na gumawa ng vaccine dahil ang sinumang maunang makagawa ng vaccine, napakalaking kita rin po iyan.

Ang Russia, bagama’t ito po ay isang komunistang bansa, ang gumagawa po niyan ay isang venture capital na firm sa Russia at alam naman nila kung nanguna sila at sila talaga ang makaka-supply ng bakuna sa halos limang bilyong populasyon ng mundong ito, eh makikita mo naman na titiba-tiba sila.

At bukod pa diyan, importante kasi na bigyan ng pag-asa ng Pangulo iyong ating mga taumbayan. Alam naman natin na talagang hindi natin matatalo itong COVID-19 na ito habang wala tayong bakuna, habang wala tayong gamot laban sa COVID. Ang sinasabi lang ng ating Pangulo, huwag kayong mawalan ng pag-asa, kaunting hintay lang. Ito nga po mayroon nang nag-o-offer sa atin, at kung kinakailangan para mapabilis iyong proseso na ma-assure na safe nga itong vaccine na ito ay nagbo-volunteer po siya.

SOTTO:  Ito nga sa balita ngayon eh, binabasa natin, ang Estados Unidos at least 10.9 billion dollars na ang allocated ano, para sa development at manufacturing, tapos nag-pre-order, iyong pre-order nilang—may kontrata sila with iyong US company Moderna for 100 million dosage. Ito ang sabi ng Russia, mayroon na daw pre-order ang 20 bansa for 1 billion doses of Sputnik 5. Tayo po, Secretary, mayroon ba tayong itutoka kapag ganito nang naririnig natin in the tens of billions of dollars ang pre-order ng millions of doses ng ibang bansa, nasaan ang Pilipinas po doon?

SEC. ROQUE: Ay, nagkaroon na po ng pulong sa panig ni Presidente at ni Secretary Dominguez, at handa po tayong bumili ng 40 million doses. At 10 dollars each parang—bahala na po kayong mag-math, hindi ko po alam iyan. Pero ang bibilhin po natin ay – two doses kasi iyan – sabi ni Presidente, bibilhan muna niya iyong 20 million na pinakamahihirap, ito po iyong mga 4Ps recipients natin  at dahil kinakailangan ng dalawang dosage diyan ay at least 40 million dose ang bibilhin natin at sa average of 10 dollars per dose. Hindi ko lang po alam kung 4 billion o 40 billion iyan – bahala na kayo, kasi kaya ako nag-abogado, hindi ako magaling sa math.

SOTTO:  Pareho tayo.

SEC. ROQUE:  Pero handa na po tayo diyan at nagkaroon na tayo ng financing scheme. Sinigurado na ni Finance Secretary Dominguez na ang magpupondo po niyan ay ang Landbank at ang mag-aangkat naman po iyong PITC, iyong Philippine International Trading Corporation.

SOTTO:  Nabanggit ninyo iyong foreign policy pivot natin, hindi lamang Russia kasi pati China,  apat na phase 3 iyong clinical trial ng China, apat  iyong phase 3 na nila, so tayo din po nakaabang din tayo doon ano.

SEC. ROQUE:  Nakaabang din po.

SOTTO:  And I think the President personally calls sina Xi Jinping at Vladimir Putin.

SEC. ROQUE:  Opo, busy po siya sa pakikipagkaibigan at pakikipag-usap sa iba’t ibang mga Presidente at Prime Minister ng mga bansa, lalung-lalo na iyong mayroong posibleng bakuna. Kasi nga po inilalagay talaga ni Presidente iyong pananampalataya niya na talagang magkaroon na ng vaccine at ang nais niya hindi tayo mahuhuli kapag nagkaroon na nga ng vaccine dahil napakarami naman nating populasyon.

Now, itong 20 million po na nakalaan para sa mga pinakamahihirap, siyempre po panimula pa lang iyan. Ang inaasahan naman niya iyong mga mayayaman at saka iyong mga korporasyon dito sa Pilipinas ay pupuwede namang bumili ng vaccine para sa kanilang gamit ‘no. Ang sinisiguro lang niya iyong mga walang pambili ay magkaroon at hindi naman niya binabalewala ang mga mayayaman o ang mga middle class, pero sigurado lang siya na mayroon nang sapat na kakayahan iyong mga pribadong mga korporasyon na mag-angkat ng bakuna na iyan dahil mayroon naman talagang merkado para sa kanilang paggamit.

SOTTO:  At ang sabi ninyo, Secretary, mga adik wala kayong bakuna.

SEC. ROQUE:  At ang mga NPA, kapag hindi binaba ang mga baril, wala silang mga bakuna.

SOTTO: Doon na tayo sa favorite topic natin. Mayroon  tayong – kayo bilang isa sa principal sponsor ng Universal Healthcare, malapit sa puso ninyo – may nangyayari ngayon na kontrobersiya sa PhilHealth, na sa awa naman ng Diyos ay may pagkakataon na naman na mareporma ang sistema ng kalusugan sa atin.  Ang tanong ko lang sa iyo, nag-anunsiyo yata si PhilHealth President Morales that he will go on medical leave, to undergo iyong kaniyang chemo therapy for his lymphoma. In his absence, ano po ang mangyayari? Magtatalaga po ba ng OIC?

SEC. ROQUE:  Well, ang Presidente po ay inaantay ang rekomendasyon o kung ano ang gagawin ng task force kasi may sariling kapangyarihan na iyong Task Force na mag-impose ng preventive suspension. Hindi po niya pinapangunahan iyong Task Force. Ang maibabalita ko lang po sa inyo  eh dahil mayroon pang mga nakabinbing kaso na diyan sa Ombudsman, at ang Ombudsman naman po ay kasama dito sa task force na iyon, siguro manggagaling sa Ombudsman kung sino talaga iyong pupuwedeng ma-preventive suspension.  Intindihin po natin na bilang isang abogado eh kaya nga siya bumuo ng task force para hindi na siya mismo ang magdedesisyon dahil kinakailangan tingnan ang ebidensiya ano.

Pero binigyan lamang po sila ng isang buwan para gumalaw, magsampa ng kaso, mag-impose ng preventive suspension at gumawa ng mga lifestyle checks diyan sa mga empleyado at opisyal ng PhilHealth.

SOTTO:  One thing that was brought up ay iyong panawagan dito sa mga opisyales na pinangalanan, mag-leave of absence muna kayo to prevent access to the documents, which is a valid point. Ano po iyong mekanismo o protocol para ma-safe keep natin itong mga dokumento na magpapatunay ng innocence or guilt nitong mga pinangalanan na ito?

SEC. ROQUE:  Ali, puwede bang magsalita ako as Harry Roque, hindi as Spokesperson?

SOTTO:  Alam mo, isa sa ano ko iyon, sabi ko papaano kaya magsasalita si Secretary?

SEC. ROQUE:  Oo nga eh, okay lilinawin ko po.

SOTTO:  As an advocate of iyong health insurance natin or Presidential Spokesperson, go ahead.

SEC. ROQUE:  Okay, hindi po ako magsasalita as Presidential Spokesperson, pero bagama’t hindi rin natin maaalis na talagang tayo ay nagsulong sa mababang kapulungan noong 17th Congress ng Universal Healthcare kung saan, sabay kasi noong isinulong natin iyong Universal Healthcare ay nag-imbestiga na tayo sa mga anomalya diyan sa PhilHealth. At ang naging conclusion ko nga doon sa aking isinulong na Universal Healthcare, buwagin na lang iyang PhilHealth, palitan ng bago, ang tawag is National Health Service, dahil nga kinakailangang tanggalin iyong mga bulok diyan.

Ngayon, paano na itong preventive suspension? Unang-una, WellMed, tutukan natin iyong WellMed dahil ako naman ang nagsampa ng kaso diyan. Hanggang ngayon, hindi pa nasasampa iyong tamang kaso. Kasi iyong isinampa ni Jojo Del Rosario, maling kaso na na-dismiss ng Regional Trial Court.

SOTTO:  Lack of jurisdiction – technicality.

SEC. ROQUE:  Oo, lack of jurisdiction. At saka sinabi pa niya ang kaso daw ay estafa, eh paano maging estafa iyan eh ang pondo naman ng PhilHealth ay galing sa kaban ng bayan, hindi lang naman premiums iyan. Dahil nagkaroon na ng Universal Healthcare, alam natin hindi sapat ang pondo ng premiums lamang, kinakailangan talaga iyong sin taxes, ginagamit na diyan. So kapag mayroon nang sin taxes, ibig sabihin pampublikong salapi, hindi dapat estafa.  Eh hanggang ngayon, Ali, hindi naibibigay sa akin iyong dokumento para magsampa ng tamang kaso laban sa mga kawatan diyan sa WellMed dahil ang sabi ng legal department, ang pinamumununan ni Jojo Del Rosario, iyan daw po ay sakop ng privacy act.

So una, dinelay nila iyong release ng document, bagama’t ako na iyong in-authorize ni Prosecutor General ng DOJ na gumawa ng tamang complaint laban sa PhilHealth, dinelay nila iyon dahil privacy commission daw, iyong privacy law.

SOTTO:  Kausap ko po si Mon Liboro kahapon sa National Privacy Commission, sabi niya hindi iyan sakop ng Data Privacy Act.

SEC. ROQUE:  Hindi sakop, kaya nga po. So noong dumating na iyong desisyon, hanggang ngayon wala pa po iyong dokumento, talagang hindi po nila bino-volunteer.

SOTTO:  Pati COA po nagrereklamo ng difficulty dahil nahihirapan daw sila kapag humihingi sila ng dokumento sa PhilHealth.

SEC. ROQUE:  Pati po NBI, iyong dati na na tinalaga. Kaya nga po nakikiusap po ako sa task Force ni  Secretary Meynard, naku po, sa tagal na po na nandiyan iyang mga kawatan diyan at sa dami ng mga ebidensiya na dapat pangalagaan, kinakailangan po bukas i-preventive suspension na iyan sila dahil talaga namang ang tentacion kapag ikaw ay nadidiin na ay talagang sirain at ipagtatago ang mga ebidensiya.

Eh diyan pa naman sa PhilHealh, alam ninyo, pag-usapan na naman natin iyong legal department ‘no. Eh mayroon na ngang board resolution para itong Jojo Del Rosario ay magsampa ng mga kaso laban sa kawatan diyan sa Region l kung saan siya dati naka-assign. Mantakin mo, walang kasong naisampa at nakita iyong mga case folders nakatago. So usung-uso ang mga taguan ng records para huwag masampahan ng kaso.

SOTTO:  So walang mekanismo o protocol to protect the documents right now?

SEC. ROQUE:  Wala po. Kaya nga po ako, I would bar everyone na mga senior executives from entering the building ‘no at put them on preventive suspension right away kasi baka wala na tayong ebidensiyang magamit niyan. Ang WellMed nga hanggang ngayon ay wala sa akin iyong tamang dokumento eh para talagang ma-convict sila for malversation of public funds eh. Eh isang kaso lang iyan, paano pa iyong mga malalaking kaso na hindi ko pa nga nasasampahan ng kaso? Mayroon diyan kaso, Ali, hundreds of millions, mayroong pruweba diumano na natanggap ng PhilHealth, kaya lang hindi pumasok sa bank account ng PhilHealth. So nagpapakita na talagang mayroong kutsabahan sa IT department ng PhilHealth. Hundreds of millions iyon at dalawang kumpanya nagbayad ng PhilHealth premiums na hundreds of millions, mayroong record na natanggap pero hindi pumasok sa bank account ng PhilHealth. Hindi ba nakakatakot iyan?

SOTTO:  Bakit ba kapag kausap kita, tumataas ang blood pressure ko, Secretary?

SEC. ROQUE:  Ako naman, siguro bago tayo umalis dahil magpaalam ka na nga ‘no. Alam mo dinaanan ko na iyong dinadaanan ni General Morales. Gusto ko lang linawin, isang taon lang naman umupo diyan si General Morales, noong umupo siya diyan talagang nabuhay ang aking pag-asa na malilinis ang PhilHealth dahil kakosa ko itong si Morales, kapwa rebelde ko ito, alam ko ang paninindigan nito at ganiyan din ang tiwala sa kanya ng Presidente.

Kaya lang medyo nasira ang paningin ko sa kaniya dahil matapos ang isang taon, iyong sinasabi ko na sa kaniya sa aking mga briefing ng sindikato ay hindi naman niya inimbestigahan. Sila pa iyong talagang … pinalakas pa niya ang kanilang mga posisyon na para bagang ni-reward pa niya imbes na imbestigahan. So, parang tingin ko doon lang nagkulang siguro si General Morales, mali iyong tiwalang inilagay niya doon sa mga tao na sinasabi ngayon ng mga senador at mga whistleblowers na sila ay mga sindikato.

SOTTO:  Hindi ba iyong pinangalanan ni General Morales na mafia, sabi naman ni Board Member Cabading ba ang nagsabi na, ‘Hindi, they are the good guys,’ o si Laborte?

SEC. ROQUE:  Oo nga po.

SOTTO:  Iyong pinangalanan mo, hindi sila iyong mafia, sila iyong good guys—Ay naku, may he said, he said na.

SEC. ROQUE:  Oo nga po, dahil noong una namang nag-imbestigasyon talaga ang senado diyan, iba naman ang sinasabi ng isang director na mafia ano. Pero ako iyong sinasabi nilang mafia na sinasabi nga ni Cabading na good guys, ito naman iyong mga impormante ko rin. Inaamin ko naman na talagang iyan pumupunta sila sa Malacañang, nagbibigay sila ng records, eh hindi naman talaga masama iyon. Nagagalit nga is General Morales bakit nagbibigay ng record sa akin. Bakit masama ba na magbigay ng record sa Malacañang na ako naman pino-forward ko lang naman lahat kay Usec. Quitain dahil alam kong dati na siyang nag-iimbestiga diyan sa PhilHealth.

In other words, hindi na ako nakikialam sa imbestigasyon kasi nga nagsampa ako ng kaso eh, so hindi tama na makikialam pa ako. Binigay ko na ang tiwala ko doon sa itinalaga ni Presidente na si Usec. Quitain na mag-imbestiga diyan. Sa lahat ng records na binibigay sa akin, diretso lang iyan lahat kay Usec. Quitain.  At hindi ko na nga binabasa dahil umiinit din ang ulo ko.

Pero babalik po ako doon sa advise ko kay General Morales. Alam mo po halos pareho ang pinagdaanan natin. Hindi ko po talaga akalain na hindi matutuloy iyong aking pagtakbo sa senado dahil ako nga ay nagkaroon ng karamdaman, nagkaroon po ako ng heart attack. At anim na buwan po bago ako naka-recover sa aking depression na iniisip ko ano ngayon ang gagawin ko, hindi ko alam ang gagawin ko. Wala sa plano ko na hindi magiging senador, pero talagang hindi ko naman ginusto at nagkaroon tayo ng ganiyang karamdaman.

So, ang aking advise po kay General Morales, bagama’t hindi naman po siya sinasabihan ng Presidente kung ano ang dapat gawin, talagang health should come first. Sa akin, tutukan na muna niya ang kaniyang kalusugan. Lahat naman iyang kontrobersiya na iyan sa PhilHealth, lahat po iyan ay malalabas ang katotohanan, but health should come first. Iyan po ang natutunan ko sa aking sariling karanasan.

SOTTO:  Secretary, maraming, maraming salamat ha. As always, it’s a pleasure to talk to you. God bless you.

SEC. ROQUE:  Okay, maraming salamat. God bless po. Magandang umaga po.

 

###

 

SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)